Chapter 23: Leandro Made Another Promise

Masayang sinimulan ni Leandro ang araw niya na parang nanalo sa lotto. Sa maraming pagkakataon, tamad na tamad siya kapag darating ang Lunes dahil panigurado ay tambak na naman ang dapat niyang basahin at pag-aralan. Pero kakatwang para siyang uminom ng isang litrong red bull dahil sa hindi maipaliwanag na sigla. Maliban sa pagiging mayor at engineer, pakiramdam niya dati ay walang malinaw na direksiyon ang kanyang karera. Wala siyang maayos na goal, kaya nga siguro ipinagkasundo siya ng daddy niya sa anak ng isa sa mga business partners nito na hindi rin naman natuloy.

Pagkalipas ng halos apat na taon para siyang nagising sa isang mahabang panaginip. Pakiramdam niya tuloy ay rejuvenated siya at walang makakagulo ng kanyang magandang mood. Tiffany was his again and he would not lose her again this time. Sometimes he wondered how he survived those years without her. Minsan na siyang nagkamali at hindi na niya iyon uulitin.

Nang makarating sa opisina ay sinalubong agad siya ni Belle at sinabi ang mga dokumentong kailangan niyang pag-aralan at mga taong dapat tawagan.

“Mayor?”

“Huh?”

Nakakunot ang noo nito. “Mayor, kanina pa po ako nagsasalita nakangiti ka lang diyan. Gusto ko sana mang-intriga pero office hours pa.” Bigla itong napangiti.

“I’m happy, Belle.”

“Obviously,” natatawang sabi nito. Kilalang-kilala na siya nito kung tutuusin. “So who’s the unlucky girl?”

“No, Belle. She’s different. I will never hurt her.”

“Goodness! Totoo na ba iyan?”

“Yes.”

“Sino?”

“Tiffany”

“Tiffany? Gosh, Tiffany, your martial artist ex who kicked your ass at the engagement party with your bitchy ex-fiance?”

“Yes,” nakangiwi pa niyang sabi rito.

“Now you’re talking. How?”

“Next time. We’re busy.”

“Ang arte!” Pero bigla na naman itong ngumiti. “Keep her, mayor. I saw how she loved you. If you only knew what I thought of you when you broke her heart,” naiinis na namang sabi nito. “Mag-sorry ka dapat!”

“Oo na po, ma’am, nagsorry na nga ako eh."

“Great! I’ll bring you a cup of coffee.” Iyon lang at parang may pakpak ang mga paa nito. Nang magbalik ito ay patuloy siyang inusisa nito na tipid niyang sinasagot. Ayaw nitong umalis kahit itinataboy na niya. Natawa na siya nang umupo ito sa upuan na para itong showbiz reporter na kumukuha ng interview.

“Ang kulit mo, Belle. Wala ka bang boyfriend?”

“Wala po, Mayor.”

“Iyong pinsan ko single din.”

Natutop nito ang bibig. Alam niya naman kung bakit kaya napangisi siya. “Si Isaac na naman? Oh please! Kung may papantay sa pagiging babaero mo, siya iyon. Ikaw, in denial, siya proud na proud pa. Nabubuwisit na talaga ako doon. Kapag siya nakatapat ng kung sino, makikita niya hinahanap niya. He’s thirty-three, yet he’s still single. Dapat kasi kung maghahanap siya, hindi iyong puro sex lang ang basehan. How about love?”

“Well?”

“That’s all.”

“Ayaw mo ba talaga kay Isaac?” Noon ito biglang natauhan at namula ang mukha.

“Goodbye, Mayor. Doon na ako sa labas bago pa masira ang araw ko.”

Ilang taon na nilang asaran ni Belle iyon at hanggang ngayon ay napipikon pa rin ito. The two used to date in secret. But for some reason, they stopped going out. Pero mukhang may tensyon na naman sa dalawa. Paano ay may nakakita sa mga itong naghahalikan sa labas mismo ng opisina ng pinsan niya sa Santuario. Nahuli niya pa itong ini-stalk sa Facebook si Isaac. Hindi pa talaga ito umaamin pero balang araw, matatanggap din nito ang nararamdaman para sa pinsan niya. Nakikita niya minsan si Tiffany rito at dahil pareho sila ng likaw ng bituka ng pinsan, alam niyang magtitino ito kay Belle. Ahh enough of them. Tatapusin na muna niya ang trabaho at buong araw na iisipin ang kanyang girlfriend. Girlfriend. Ang sarap sa pandinig. Parang akmang-akma ito kay Tiffany.

Naalala niya noong idine-date niya pa lang ito hanggang sa unang beses na may mangyari sa kanila. Ito pa ang nagpilit na girlfriend na raw niya ito. Hindi naman niya ito kinontra at parang natuwa pa siya. Parang natural na natural sa kanya ang maging malambing at maasikaso rito, walang halong kaplastikan at pagpapaimpress. Hindi niya nga alam dahil mula noon hanggang ngayon tuwing maririnig niya ang boses nito kapag tinatawagan niya, parang gusto niyang dumiretso na sa Rosario para makita ito. Napangiti siya nang maalala ang naging usapan nila nang umaga matapos ang kanilang pagniniig nang dalhin niya ito sa cabin niya sa Santuario ilang araw pa lang ang nakakalipas.

Tiffany was showering his face with butterfly kisses. Ayaw niya munang dumilat dahil gusto niya ang pakiramdam kapag ginagawa nito iyon. Nang magsawa ay tumigil ito kaya akala niya ay babangon na ito pero hindi niya ito naramdamang kumilos. Alam niyang nakatitig lang ito sa kanya kaya ginalingan niya ang pag-arte. Maya-maya’y nagsalita ito nang mahina. Halos bulong iyon pero sapat na para marinig niya nang malinaw.

“If only you knew how much I used to love you. You broke my heart, and maybe I fell out of love. But I fell in love with you deeper when I saw you again wounded one night.”

Hindi pa rin siya kumilos. Hinintay niya ang gusto pang sabihin nito. Parang may cheering squad sa dibdib niya dahil bumilis ang pagkabog nito. Kahit ilang beses nang sinabi nito iyon ay parang may mainit na kamay ang humahaplos sa puso niya. Ang hirap paniwalaan na nasa mga bisig na ulit niya ang babaeng pinapangarap niyang magdala ng mga supling nila.

“For many nights, I did not know where I was going. Would I go out of the convent or receive my temporary vows? The night before I saw you, I knew I had to leave the convent hanggang sa makita na ulit kita. Parang iyon pala ang sagot sa mga tanong ko. But I was so scared that I might get hurt again.”

Doon na siya dumilat at pinakatitigan ito. Nagulat pa ito nang makitang gising na siya. “Baby, I will never get tired of saying sorry, and I will do anything to make up for all the pain I’ve caused you. Wala akong maibibigay na kung anu-anong mga pangako. Pero gagawin ko lahat huwag ka lang muling umiyak so please believe me.”

Noon ito ngumiti at niyakap siya ng mahigpit. “Boyfriend na kita ngayon, Leandro ha, hindi ka pwedeng tumanggi saka hindi mo ako pwedeng paiyakin.”

“Oo naman, baka mabugbog na naman ako eh,” pang-aasar niya na ikinatawa lang nito. “Pero pwede naman kung ibang bugbog. Mas maganda kung ngayon na mismo,” pilyong sabi niya na ikinangiti nito. Kumalas ito sa kanya at muli siyang pinaliguan nang halik hanggang sa naging maalab iyon at muli ay ipinaramdam niya ritong ito lamang ang magandang babae para sa kanya. They didn’t stop until they were both spent.

“She’s mine again. Thank You po,” masayang sabi pa niya at ipinagsalikop ang mga kamay habang nakatingala. Kung makikita siya ng mga kaibigan ay lalo siyang pag-ti-trip-an ng mga ito. Pero kahit anong pang-aasar pa ang gawin ng mga ito ay parang hindi magugulo ang magandang disposisyon niya.