Prologue
Pasado alas-kuwatro pa lang nang madaling-araw ay nakahanda na si Leandro. Mag-ka-camping kasi siya kasama ang mga pinsan niyang sina Isaac at Lucas. Kasama rin nila ang iba pang kaibigan nila. Ilang taong na kasi silang magkakakilala at magkakaibigan kaya parang totoong magkakapatid na sila kung magturingan. Marahil ay dahil wala siyang kapatid na lalaki. Malapit na malapit siya sa dalawang pinsan pero mas masaya siya kapag kumpleto silang magbabarkada. Santiago Brothers ang pangalan ng grupo nila dahil lahat sila ay mula sa bayan ng Santiago, ang kapital ng kanilang lalawigan.
Gusto din nilang magkakaibigan na sulitin ang bakasyon dahil sa susunod na linggo na ang pasukan. Nasa ikaapat na taon na sila sa nag-iisang pribadong kolehiyo sa kanilang bayan. Si Vladimir naman na pinsan ng isa pa niyang kaibigan na si Alessandro ay sa ibang bansa nag-aaral. Isa itong Ukrainian na may lahing Pinoy. Umuuwi ang pamilya nito sa kanilang bayan tuwing tag-init pero bihira iyon. Ngayong bakasyon lang nila ito nakilala at naging kasundo na agad nila.
Natigil siya sa pagmumuni-muni nang magsalita si Yaya Meling, ang kanyang yaya na parang ikalawa na niyang ina. “Oh Lean, ito na ang sandwich, pagkain niyo iyang magkakaibigan, para hindi kayo magutom sa paglalakad nang matagal.”
“Salamat, Yaya Meling,” aniya at kinuha na ang baon. Isang malaking overnight bag lang ang dala niya. Isiniksik niya na roon ang plastic na naglalaman ng chicken sandwich. Puro damit at ilang mga gamit lang naman ang dala niya. Muli muna siyang humarap sa salamin sa sala at inayos ang buhok. Mabuti na lang at pinayagan siya ng kanyang mga magulang. Istrikto ang kanyang daddy pero may tiwala naman ito sa kanilang magpipinsan. Bukod doon ay kakilala nito ang mga magulang ng kanilang mga kaibigan.
“Oh hijo, ito ang tubig, baka makalimutan mo,” anito at iniabot ang kanyang malaking water jug. Kasya na iyon sa kanya. Isa pa ay si Isaac naman ang magdadala ng tubig. Sandwich lang ang nakatoka sa kanya. “Oh tama na ang pag-aayos. Poging-pogi ka na. Baka ikaw ay may mga nobya na ha.”
“Yaya talaga,” natatawang sabi niya bagaman may halong katotohanan ang sinabi niya. Sa edad na labing-anim ay masasabi niyang bukas na ang kamalayan niya sa maraming makamundong bagay. He had his first experience when he was twelve. From there, he had dated and bedded many girls at their campus. What could he do? Girls were practically throwing themselves at him. He was just a male species who was too willing to grant their desires.
Nang makarinig ng pagbusina ng kotse ay lumabas na siya. Nandoon na ang kanyang dalawang pinsan at isa pang kaibigan na si Jaime. Kaklase rin nila ito at kasama nila sa campus varsity. Ito ang masasabi niyang pinakasikat dahil ito ang kanilang captain ball. Nasisiguro niyang mas maloko ito sa mga babae kumpara sa kanya. “Mga ‘tol,” bungad niya at sumakay na sa passenger seat sa tabi ni Jaime na siyang nagmamaneho. Nakaupo sa likod sina Isaac at Lucas na abala sa paglalaro ng gameboy. “Paano mo pala nailabas ang kotse? Pinayagan ka ba?”
“Nailabas? Naitakas kamo,” nakangising sagot ng kaibigan niya at sinilip sa rear view mirror ang mga pinsan niya. “Oyy kayong dalawa diyan, tigilan niyo muna iyang game boy na iyan. Para kayong mga bata?”
“Shut up, asshole,” masungit na sagot ni Isaac, ang binansagang Mr. Sungit ng mga babae sa kanilang paaralan. Natawa lang silang tatlo dito. Si Lucas naman ang masasabi niyang pinakamabait sa kanilang tatlo pero sabi naman ng mga babae ay Mr. Mysterious. Sa kanya kasi napunta ang titulong Mr. Nice Guy.
Nang makarating sila sa parke ng kanilang bayan ay naroon na ang iba pa nilang kaibigan. Agad na pumasok na rin ang mga ito sa kotse ni Jaime. Van naman iyon kaya kasya sila at ang mga gamit nila roon. Tinapik pa siya sa balikat ni Donatello, isa pa nilang kaibigan na komikero sa kanilang grupo. Tumango lang din ang magpinsang sina Alessandro at Vladimir bago sumakay. Naiwan sa labas si Apollo na masasabi niyang lider ng kanilang grupo. Kung sila ni Jaime ay masasabi niyang ladies men, ito ang notorious playboy sa kanila. Hindi lang halata dahil sa laging seryosong ekspresyon nito. Hindi naman din ito masungit katulad ni Isaac. Sa katunayan ay ito ang presidente ng kanilang student council. Mahusay ito sa pag-oorganisa ng school activities at ang mga officers at silang mga kabigan nito ang katulong nito sa paggawa.
“Ayos na ba ang lahat?” Isa-isa nitong tiningnan ang mga plastic na dala nila. “Lean, ‘tol, nasaan ang sandwich?”
“Nasa bag ko ‘tol. Kakain ka ba?” Umiling lang ito at umupo na bago pumikit. Mukhang puyat ito dahil sa meeting na pinuntahan nito kasama ang iba pang student council officers. Pagkalipas ng dalawang oras ay nakarating na sila sa San Jose, ang pinakadulong bayan ng kanilang lalawigan. “Dito na ba tayo mag-ka-camping?”
Tumango lang si Jaime bago sunud-sunod na pinindot ang busina. “Gising na, assholes,” nakangising sabi nito.
“What the fuck? Tigilan mo nga iyan? I’m gonna kick your ass,” iritableng sabi ni Isaac na halatang naalimpungatan sa pagkakaidlip. Sila lang kasi ni Jaime ang nanatiling gising at nagkukuwentuhan sa biyahe.
Lalo lang natawa si Jaime nang dukwangin ito ni Apollo at kutusan. “Gago ka talaga. Nakakabulahaw ka. Mamaya magalit ang mga tao rito.”
“Walang kabahayan dito, ‘tol. Kaya nga dito ko kayo niyaya eh. Takot pumasok ang mga tao dito dahil may mga usapang hindi na nakakalabas ang pumapasok sa gubat na ito,” kaswal na sabi nito na parang wala lang dito ang usapan.
“Towtoow beh iyen? Neketekowt,” sabi ni Vladimir. Natawa na siya dahil sa accent nito na halatang medyo hirap sa pagsasalita ng Tagalog kahit nakakaintindi naman ito. Isa pa ay malaking tao ito dahil sa lahi nito. Lahat naman sila ay nasa anim na talampakan ang taas pero ito ay higante kung ididikit sa kanila. Mas alaga ito sa kanila sa ehersisyo dahil nagsasanay ito para sa amateur boxing competition na sinasalihan nito.
Binatukan lang ito ni Alessandro. “Tukmol ka talaga, Baldo,” anito sa nakasanayang bansag sa pinsan. “Walang multo diyan,” dagdag pa nito kahit halatang kinakabahan.
“Wala na bang iba? May beach naman dito, wala pang isang oras ang biyahe. Doon na lang tayo magtayo ng tent,” sabi ni Donatello na sinang-ayunan ng magpinsan.
Saglit pang nagdebate at nag-asaran ang mga kaibigan niya na natigil lang sa pagsasalita ni Apollo. “Okay, okay, magbotohan na tayo. Kung sino ang magka-camping bumaba na at dalhin na ang mga gamit. Kung sino ang ayaw, maiwan dito sa kotse.” Una itong nagtaas ng kamay na sinundan nila ni Jaime at ng dalawa niyang pinsan. Napakamot na lang sa batok ang tatlo at bumaba na rin bitbit ang mga bag at plastic.
Ilang minuto pa lang silang naglalakad sa loob ng gubat ay namamangha na siya. Para silang nasa rainforest na puno ng mayayabong na puno, makukulay na bulaklak at paruparo, at mga huni ng ibon. “This is exquisite,” hindi niya mapigilang bulalas na sinang-ayunan ng mga kaibigan niya.
“Mabuti na lang pala walang gustong pumunta rito kaya magiging tambayan na natin ito kapag bakasyon natin. This will be our sanctuary, sanctuary of Santiago Brothers” tumatangong sabi ni Apollo na nagpangiti sa kanilang lahat.