CHAPTER FIFTEEN (FINALE CHAPTER)

NAPANGITI na lamang si Michael nang nakakuha siya ng isang magandang compliment mula kay Juris. Alam niyang matutuwa si Carmie kung sakaling maririnig nito ang positive feedback sa nobelang ginawa nito. Hindi nasayang ang pagod nilang dalawa ng girlfriend niya sa mga nakalipas na buwan para lang mabuo ang latest novel nito.

“Sigurado akong pagkakaguluhang muli ng mga tao ang nobela niya,” sambit ni Juris. “Mas makatotohanan ang gawa niya ngayon kaysa sa mga naunang akda niya. It seems like mas inilapit niya ang kanyang sarili sa mga readers niya.”

“Well, hindi naman niya magagawa ang bagay na iyan kung hindi malawak ang imahinasyon niya,” sagot naman ni Michael.

“Hindi lang lawak ng imahinasyon ang nakikita ko,” mabilis na sabi ni Juris sa binata. “Ikaw ang naging inspirasyon niya kaya nagawa niyang ilabas ang nararamdaman ng mga karakter niya.”

Namula na lamang si Michael sa sinabi ni Juris. Alam naman niyang may katotohanan ang sinabi ng lalaki sa kanya. Iyon nga lang, ayaw na niyang ipagyabang pa ang katotohanang iyon dahil alam na niya kung gaano kagaling si Carmie sa larangan ng pagsusulat. At dahil sa kilala na rin naman ng mga readers ang charisma ng dalaga sa pagsusulat ay hindi na rin nagdalawang-isip pa ang nasa sales department na ibigay kay Michael ang hinihingi nitong number of copies.

“Mukhang mapapaaga ang release niya ng libro dahil naipasa na sa printing office sa paglimbag ng hiningi mong number of copies,” sambit ni Juris sa binata.

“Hindi naman na natin kailangang madaliin ang pagrelease sa libro niya lalo na at may iba pang nakapila,” sambit ni Michael. “Ang mahalaga lang ay nakapagsubmit na ako bago ang deadline. Kokontakin ko na lang sila kapag malapit na ang release ng libro ng girlfriend ko.”

Napatango na lamang si Juris nang sandaling iyon. Kunsabagay, hindi naman talaga kailangang mangarag si Michael sa release ng mga librong nasa pangangalaga nito lalo na at lagi naman itong early bird basta nagbigay na siya ng schedule sa mga editors.

“Good job, Michael, wala ka naman na ring mamadaliing editing ngayon kaya pwede kang umuwi nang maaga mamaya,” sambit ni Juris sa binata. “Isipin mo na lang na reward ko na sa iyo ang pagpapauwi sa iyo nang maaga.”

Isang mahinang tawa na lamang ang pinakawalan ni Michael bago pa man siya nagpaalam para bumalik sa desk niya. Sa tingin niya ay hindi naman niya magagamit ang reward na ibinigay sa kanya ni Juris dahil inuumpisahan na rin niya ang iba pang mga nobela na nakapila na sa desk niya.

Bago pa man makabalik sa pwesto niya ay nagring na ang phone niya. Napangiti pa siya nang nakita niya ang pangalan ng girlfriend niya. Hindi na siya nagdalawang-isip pang sagutin iyon kahit na sabihin pang bawal ang mga personal calls sa oras ng kanyang trabaho.

“Michael…”

Nagulat na lamang si Michael nang narinig niya ang pahikbing tono sa boses ni Carmie nang oras na iyon. Hindi niya alam kung ano ang dahilan ng biglaang pag-iyak nito dahil sa pagkakatanda niya ay hindi naman sila nag-away kaninang umaga bago niya ito iniwanan. In fact, kasal na lang ang kulang sa kanila dahil legal naman ang relasyon nila, both sides of the family. Ni wala ngang pakialam si Arman kung hindi sila nabibilang sa mayamang angkan dahil ang katwiran naman nito ay si Carmie ang makikisama, hindi si Arman.

“Pwede mo ba akong puntahan dito sa ospital?” umiiyak na tanong ni Carmie na ikinakunot ng noo ni Michael.

“Oh, ano ang nangyari sa iyo? Bakit napunta ka riyan?” tanong agad ni Michael sa dalaga.

“Basta, puntahan mo na lang ako rito,” sagot naman ni Carmie.

“Sige, itext mo na agad kung saang ospital ka nagpunta para masundo na kita,” sabi agad ni Michael sa dalaga. “Huwag kang aalis hangga’t wala ako.”

HINDI malaman ni Michael kung matutuwa ba siya o babatukan na niya ang girlfriend niya nang nalaman niyang okay naman pala ang kalagayan nito. Inakala pa naman niyang may masama nang nangyari sa girlfriend niya. Pinapunta lang siya nito sa ospital para lang ipaalam na magiging ama na siya sa anak nilang dalawa ni Carmie.

“Oh, bakit parang hindi ka masaya?” painosenteng tanong ni Carmie sa binata.

“Hindi sa hindi masaya, hindi ko lang alam kung ano ang gagawin ko sa iyo dahil pinakaba mo ako,” prangkang sagot ni Michael. “Hindi mo ba alam na halos sabihan ko na ang taxi driver na paliparin na ang sinasakyan ko tapos -”

Hindi na nagawa pang tapusin ni Michael ang sasabihin niya dahil niyakap na lamang siya ni Carmie nang sandaling iyon. Ramdam pa niya ang pagngisi ng dalaga dahil lang sa nataranta siya sa pag-iisip kung bakit nagpunta sa ospital ang nobya niya. Napangiti na lamang siya nang naisip niyang magiging ama na siya. Hindi naman na niya mapagdududahan pa ang pagkakilanlan ng buhay na sumisibol sa loob ni Carmie dahil siya lang talaga ang may gawa noon. Maloko lang si Carmie, pero loyal naman ito sa kanya.

“Subukan mo lang na takbuhan ang responsibilidad mo at sasabihan ko ang boss mo na ipublish ang nauna kong akda,” pagbabanta agad ni Carmie sa binata.

“Para namang magagawa ko pa iyon eh ako na nga ang una mong sinalo,” sambit ni Michael. “Pagbabawalan lang kita sa mga trip mong basahin at panoorin dahil baka makuha pa iyon kaagad ng bata.”

“Oo na po, hinding-hindi po muna ako magpapasaway sa iyo,” sagot naman ni Carmie.

Akmang hahalikan ni Carmie si Michael sa loob ng opisina ng doktor na kumonsulta sa dalaga nang nakarinig sila ng isang ehem. Pagtingin niya ay nakita niyang namumula na ang nurse na kasama nila nang sandaling iyon. It seems like hindi ito sanay makakita ng isang shameless couple na malapit nang magmake-out sa harapan nito.

“Sorry, nakalimutan kong nasa public place pala kami,” cheeky na sambit ni Carmie sa nurse.

TULAD nang inaasahan, nagulat si Arman nang ipinaalam ni Carmie ang tungkol sa pagbubuntis niya. Inakala pa nga niyang magagalit ang nasabing matanda dahil binigla na naman niya ito. Iyon lang, siya ang ginulat ng daddy niya dahil sa sinabi nito sa kanila.

“So, kailan ang kasal? May date na ba?” tanong ni Arman sa dalawa.

Bago pa man makasagot si Carmie ay inunahan na siya ni Michael, “Hindi pa po namin napag-uusapan ni Carmie ang tungkol sa kasal, pero kung ako ang masusunod ay gusto ko na pong magpakasal kami sa madaling panahon.”

Natawa na lamang si Arman sa sinabi ni Michael, “I admire you sa eagerness mo na pakasalan kaagad ang anak ko, but hindi rin naman kasi realistic na makakasal agad kayo dahil lang sa nagbuntis na siya. Pwede naman sigurong magpakasal na lang kayo kapag nanganak na si Carmie.”

“Paano kung takbuhan pa po ako ng anak ninyo?” tanong agad ni Michael.

“Hindi na ako makakatakbo, sabi ng doktor, maselan ang pabubuntis ko,” sambit ni Carmie. “At hindi mo na rin ako matatakbuhan pa.”

“Hindi ka nga ba makakatakbo kung sakaling tayong dalawa na lang talaga?” tanong agad ni Michael na nagpaputla sa mukha ni Carmie. “Baka naman -”

Isang ‘ehem’ na lamang ang pinakawalan ni Arman nang napagtanto niyang papunta na sa isang weird na usapan ang topic nila. Kailangan niyang ipaalala sa dalawang mapusok na kasama pa nila ang presensiya niya nang sandaling iyon.

“Since hindi naman tutol ang ama ng anak mo sa pagbubuntis mo ay mas mainam pa ngang magpakasal na kayong dalawa,” naiiling na sabi ni Arman sa dalawa. “Just make sure na magiging inosente ang apo ko pag lumabas na siya. Huwag na niya sanang taglayin pa ang pagiging weird ninyong dalawa.”

Napatunayan naman ni Carmie na maselan ang pagbubuntis niya dahil kahit na hindi pa sila naikakasal ni Michael ay ipinararanas na niya sa binata kung paano siya maglihi. May mga pagkakataong pinapaalis niya kaagad ang binata dahil nababahuan siya kay Michael kahit na alam pa niyang naligo ito. Minsan, gigisingin lang niya si Michael sa kalagitnaan ng gabi dahil pinapahanap niya ito ng wasabi paste. Ayaw niyang naka-stock sa bahay ang ibibigay nito sa kanya. Gusto niyang bago ang ibinibigay nito sa kanya. Pasalamat na nga lang siya dahil kahit aaning-aning siya sa pagbubuntis niya ay hindi naman nagagalit ang binata sa kanya.

“Sorry,” sambit ni Carmie nang nakita niyang pagod na pagod na si Michael sa paglilihi niya. “Hanggang pagbubuntis, weird pa rin ako,” dagdag pa niya bago pa man niya niyakap ang lover niya.

Natawa na lamang si Michael sa narinig. Hindi niya inaasahang aamin ang dalaga sa pagiging weird nito. He does not really mind naman kung weird ang paglilihi ng mapapangasawa niya. Matagal naman nang weird si Carmie so hindi na iyon bago sa kanya. Isa pa, alam din naman niyang nahihirapan si Carmie sa paglilihi nito.

“Wala ka nang dapat pang ihingi ng sorry sa akin dahil pareho naman natin siyang binuo,” sambit ni Michael sa dalaga. “Ang mahalaga lang naman sa akin ay ang naibibigay ko ang mga gusto ninyong mag-ina kahit na ayaw pa yata ng anak ko sa akin.”

“Hindi naman totoo iyon,” depensa agad ni Carmie. “Hindi ka niya kaaayawan kapag nagkita na kayo. Pramis, alam ko iyon. Ako ang asawa mo at nanay niya eh.”

Isang mahinang tawa na lamang ang pinakawalan ni Michael nang sandaling iyon, “I guess hindi na niya ako itatakwil pa kapag nalaman niyang magpapakasal na tayo.”

“Huh?!”

“Let’s get married kahit sa huwes lang muna para makilala agad ako ng weird nating anak,” sambit ni Michael. “Sigurado namang magugustuhan iyon ni Johnny.”

“Johnny?”

“Iyon ang magiging pangalan ng anak natin, maging babae man siya o lalaki.”

Napangiti na lamang si Carmie nang sandaling iyon. Hindi niya alam kung ano ang ginawa niyang mabuti sa nakaraan niyang buhay at sobrang blessed siya sa pagkakaroon ng isang matinong karelasyon. Dahil na rin sa labis na kasiyahan ay hindi na niya napigilan ang kanyang sarili nang sandaling iyon at dinamba na niya si Michael para lang halikan. Tuluyan nang nawala sa utak niya ang nagiging epekto noon sa utak ng lover niya. Bago pa man siya makaalis sa ibabaw ni Michael ay binaligtad na agad nito ang sitwasyon.

“I am deprived, hindi naman siguro magagalit ang anak natin kung susubukan natin siyang habulan kaagad siya ng nakababatang kapatid,” sambit ni Michael sa isang pilyong tinig.

Wala nang nagawa si Carmie nang sandaling iyon kundi tanggapin na lang ang labi ni Michael dahil sinakop na siya nito. In fairness, namiss niya ang pagiging mapusok ng lover niya.

“I love you…”

Iyon ang huling katagang sinambit ni Michael bago pa man niya sinakop muli ang labi ni Carmie.