Chapter 6
“Ang sabi dyan ay dapat maganda ka, pasok ka don. Malaki ang hinaharap, nevermind. Pwede na siguro ang dibdib mo.” Dagdag ni Anne na nakatuon ang paningin sa hindi ganoong kalakihang bundok.
“Bakit ba kasama pati sa qualification yan?!” Gulat na tanong ni Phoebe saka mabilis tinakpan ang kanyang dibdib.
Ito lang yata ang unang beses na makaririnig sya ng ganoong qualification sa trabaho. Sa palagay nya kasi ay tungkol sa kakayahan ang isang trabaho at hindi sa pisikal na anyo ng tao.
“Duh? Evan Johnson? Doesn’t ring a bell girl?” Inosenteng umiling si Phoebe sa kaibigan. Sa totoo lang ay hindi nya talaga alam ang lahat sa taong iyon. Ang tangi nya lang alam ay sikat iyon dahil parati itong kinukwento ng nakatatandang kapatid. Isa pa masyado syang abala sa pagtatrabaho para atupagin pa ang buhay ng iba.
“Wala ka talagang alam sa isyu ng mundo. Taga-saan ka ba? Saturn?” Sarkastikong tanong nya saka kusang binitawan ang braso ng kaibigan. Inilagay nya ang hintuturo sa kanyang labi saka iyon paulit-ulit na hinimas. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan. Maingat, senyales na sya’y nag-iisip. Naniningkit ang mga matang tumingin sya sa kawalan saka paulit-ulit na ipinilig ang kanyang ulo. “Evan Johnson is a certified womanizer. Hindi ko nga alam kung bakit nalulusutan ng kompanya nila ang isyu nya parati.” Dagdag nya gamit ang pinakamalalim na boses.
Sa unang tingin ay aakalain mong isa syang imbestigador na nakadiskubre ng pinakamalaking daan para malutas ang kasong kanyang hinahawakan.
“Ah okay.” Walang ganang tugon nya saka muling iniwan ang kaibigan.
Agad na humabol si Anne sa kanya, “Mukhang hindi ka interesado?”
“Hindi naman talaga.”
“Gaga ka!”
“Kailangan ba interesado ako sa kanya? Nasaan ang anunsyo na kailangan interesado ako sa taong nanakit sa ate ko?” Blanko ang mukhang tanong nya.
“Ewan ko sa’yo. Sinabi ko na sa’yo may posibilidad na—”
“Manahimik ka baka paalmusalin kita ng bato.” Hindi nya hiyaan na ituloy pa ang sasabihin ni Anne. Nasisigurado kasi sya na ang sasabihin lang nito ay ang tungkol sa pagde-daydream ni ate na niloko talaga sya ni Evan.
“Ililibre mo ba ako?” Lumaki ang ngiti ni Anne matapos isabit ang kanyang kamay sa braso ng kaibigan. Kunwaring inis naman na tumango si Phoebe pero sa totoo lang ay matindi ang pasasalamat nya kay Anne dahil hindi na ito mahihirapan pa na umisip ng paraan.
Kagabi pa talaga nya iniisip ang bagay na iyon pero heto’t tila ba sinagot kaagad ng langit ang kanyang mga isipin.
“Tapsi?” Suhestyon ni Anne na agad namang sinang-ayunan ni Phoebe. Sa pinakamalapit na tapsilugan sila nagpunta, iyong bagong bukas sa kanto ng lugar nila at may pangalang petra tapsi.
“So anong plano mo kapag nakapasok ka bilang assistant?” Tanong ni Anne matapos ilapag ng babae ang order nila.
“Nagresearch na ako kahapon kung ano ang mga gagawin ko,” tugon ni Phoebe saka inilabas ang notebook na pinagsulatan nya ng mga dapat gawin para makuha ang loob ng isang tao. Bubuklatin nya pa lamang iyon nang agawin ni Anne ang kwaderno saka binasa.
Hinayaan nyang basahin iyon ni Anne. Nang akalain nyang maganda ang mga naisulat nya doon ay nagkakamali sya dahil nang muli nyang tignan ang kaibigan ay salubong na ang mga kilay nito habang nililipat-lipat ang bawat pahina ng kanyang kwaderno.
“Ngitian, patawanin, bigyan ng bulaklak. Ano ba ‘tong mga nahanap mo? Manliligaw ka ba?” Nanunuyang tanong ni Anne. Kahit kailan talaga ay walang alam ang kaibigan nya. “Tingin mo maaakit sya sa’yo ng ganito?”
“Hindi ko naman sya aakitin,” tugon nya. Halos malaglag ang panga ni Anne habang nakatingin sa kaibigan. Seryoso ba sya? Hinihintay nya na magsalita pa ulit ito pero nanatili si Phoebe na abala sa pagkaing nasa kanyang harapan.
“Gaga! Ganoon na rin yon! Paano ka makakapaghigante kung hindi mo sya aakitin?”
“Ah ganon ba yon?” Inosenteng tanong nya. Nasapo ni Anne ang kanyang noo. Bakit kasi pumayag pa sya? Hindi makapaniwalang tinignan ni Anne ang kaibigan nang makita nitong lumungkot ang kanyang mukha.
“Hindi ba maganda ang mga nahanap ko? Sabi nila nakakainlove daw ako ngumiti.” Nagtatakang saad nya. Ipinilig nito ang kanyang ulo upang alalahanin ang mga katagang paulit-ulit na pumupuri kung gaano kaganda ang mga ngiti nya. “Parati nilang sina—”
“Hindi!” Malakas na inihampas ni Anne ang kaliwang kamay sa lamesa dahilan para maituon ng iilang taong naroon ang paningin sa kanila. “Sumasakit ang ulo ko sa’ yo!” Bulalas nya. Ipinikit nya ang kanyang mata ng ilang segundo para mapigilan ang sarili na batukan ang kaibigan. “Be more aggressive, sis!” Inosente syang tinignan ni Phoebe. Wala kasi syang maintindihan sa sinasabi ng kaibigan.
Paanong aggressive ba ang gusto nya? Ngitian ito ng todo? O kailangan nya bang sapakin ang Evan na iyon? Pero kung ganoon ang gagawin nya, paniguradong matatanggal kaagad sya sa trabaho at hindi nya maisasagawa ang paghihiganti na syang pakay nya. Ano bang aggressive ang gusto ng mga lalaki?
“Kiss mo agad ganon!” Dagdag na suhestyon ni Anne.
Literal na nanlaki ang mga mata ni Phoebe dahil sa narinig, “Edi nakasuhan ako ng sexual harrasment!” Kahit naman hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay alam naman ni Phoebe ang ganoong bagay.
“Atleast naka-kiss ka ng isang sikat na artista, hindi ba?” Tumatawang tanong ni Anne na akala mo isa iyon sa napakagandang gawin. Nang makita ang seryosong mukha ng kaibigan ay agad nya itong nginitian. “Akala mo lugi ka pa don.” Mahinang tugon nya pero sapat ang lakas non para marinig ni Phoebe. Nanatiling nakatitig sa kanya si Phoebe hanggang sa mapagdesisyunan nitong tumayo at lisanin ang lugar.
“Hoy hindi ka pa…. bayad.” Papahinang saad nya saka inis na naglabas ng isang daan at iniabot iyon sa tindera.
Mabilis na tumayo si Anne para habulin ang kaibigan. Nagdiretso sa bahay si Phoebe na gulong-gulo ang isip. Nang makapasok sa sariling silid ay ibinagsak nya ang kanyang katawan saka kinuha ang kanyang notebook at paulit-ulit na binasa ang mga nakasulat doon.
Mga hakbang para magustuhan ka ng isang tao.
1. Ngitian sya parati.
2. Gumawa ng bagay na ikasasaya nya.
3. Bigyan sya ng bulaklak at tsokolate.
4. Sabihin kung gaano ka kaswerte na nakilala mo ang isang tulad nya.
“Wala naman problema dito ah?” Aniya sa kanyang sarili. Sa palagay nya nga ay magiging epektibo ang mga iyon at mabilis nyang makukuha ang loob ng lalaki eh.
“Pero kung bibilhan ko sya ng bulaklak ay saan ako kukuha ng pera pambili?” Tanong nya sa sarili. Inilabas nya ang kanyang wallet saka tinignan ang natitirang laman non. Fifty pesos. Eh maski yata isang piraso ng rosas ay hindi na sya makakabili pa.
Gustong maiyak ni Phoebe dahil sa kakaisip. Hindi nya na malaman kung ano pa ang gagawin nya kung gayong ang unang plano pa lang na bilhan ang lalaking iyon ng bulaklak ay hindi nya na magawa.