Chapter 5

"ESTELLA! ESTELLA!"

Nagising si Estella ng maramdaman na may kung sinong yumuyugyug ng kanyang balikat at tumatawag ng kanyang pangalan. Si Aling Chona.

" Magbihis ka na at sasamahan mo si Senyora sa bayan, " sabi nito.

Tama ba ang narinig niya? Isasama siya ni Senyora Celeste sa bayan? O baka nanaghinip pa rin siya? Parang napakaimposible naman. Sigurado siyang dahil sa ginawa niya kahapon ay papaalisin na siya nito. Nagpabiling-biling siya sa banig at mas lalong niyakap ang kanyang unan. Kahit man lang sa huling araw niya sa mansyon nais niyang magkaroon ng masarap na tulog.

" Si Aling Concha talaga nagbibiro. Eh babalik na ako sa amin mamaya," naantok na sagot niya rito.

Nagpalinga-linga siya sa labas. Makapal pa ang dilim sa labas at nagsisimulang pa lang magising ang mga manok. Sa tantya niya ay alas tres pa lang ng madaling araw. Ipinikit niya muli ang kanyang mga mata. Marami pa naman siyang oras. Hindi na din naman kailangan pang mag-impake dahil tanging ang kanyang bayong lang ang kanyang dala. Ang tanging inihanda niya sa kanyang pag-alis ay kung ano ang sasabihin niya sa kanyang ina kapag nagtanong ito kung bakit siya umuwi kaagad. Kailangan niyang maghabi ng kasinungalin na kapani-paniwala at maiintindihan ng kanyang ina. Mamaya na niya iyon iisipan. Babalik na muna siya sa kanyang tulog subalit, sadyang makulit si Aling Concha sa pagpapabangon sa kanya at hinila pa talaga nito ang kanyang binti.

" Basta bumangon ka na lang diyan. Iyan ang ipinag-uutos ni Manang Elsa. Sasamahan mo nga daw si Senyora upang magsimba. Dali na baka mahuli ka."

" Gusto ko pa pong matulog eh. Tsaka bakit ako? Sigurado naman na papaalisin na niya ako."

Kinurot nito sa ang balikat niya dahilan upang mapabangon siya sa sakit. Hinimas-himas niya ang parte ng kanyang balikat na pinisil nito.

"Aling Concha naman eh! Problemado na nga po ako kung anong pagsisinungaling ang sasabihin ko kay Inay pag-uwi ko tapos pinipilit niyo pa akong samahan si Senyora Celeste na magsimba."

" Hindi kita pinipilit. Si Senyora mismo ang nagbilin kay Manang na gisingan ka ng maaga dahil Linggo ngayon at mamayang alas-sais ang misa," kwento nito sa kanya. Napakunot-noo naman si Estella, naguguluhan talaga siya sa inaasta ng Senyora. Kahapon lang ay halos ipagtabuyan na siya nito palabas ng mansyon at ngayon isasama pa talaga siya sa personal nitong lakad.

" Estella, isipin mo, bakit ka isasama ni Senyora magsimba kung sisisantehan ka niya?"

Iyon din ang katanungang gumugulo sa isipan niya. Bakit nga ba?

" Baka gusto niya ho akong pagkumpisalin sa kasalan ko sa kanya kahapon. Kahit na wala naman akong kasalanan."

" Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Wala namang sinabi si Senyora Celeste kagabi na sisisantehan ka niya di ba? Ibig sabihin, magtatrabaho ka pa dito sa mansyon."

Napaisip-isip si Estella. May punto naman si Aling Chona. Pinarusahan man siya ni Senyora Celeste ay wala naman itong nasabi na sisisantehen siya nito. Medyo nakahinga siya ng maluwag dahil sa sinabi nito. Hindi na niya kailangan pang magsinungaling sa kanyang ina at higit sa lahat makakapag-ipon na siya upang maipagamot ang kanyang ama.

" Sige. Naniniwala na ako sa inyo," pagsuko niya.

" Dalian mo ha? Ayaw pa naman ni Senyora na pinaghihintay siya," anito at lumabas na ng kwarto.

Dali-dali siyang naghilamos sa banyo at bumalik sa ulit sa kwarto upang magbhis. Isinuot niya ang kanyang uniporme at tinirintasa ang kulot na buhok upang hindi ito magulong tingnan. Nang masiguradong niyang kaaya-aya na ang kanyang itsura ay lumabas na siya ng kubo. Bitbit ang isang maliit na lampara ay tinuntun niya ang daan papunta sa mansyon. Muntik na siyang matapilok sa isang nakausling bato subalit pinaalalahanan niya ang sarili na dapat ay presentable siyang haharap kay Senyora Celeste. May isang parte pa naman sa kanya na nagpapasalamat dahil hindi siya nito sinesante kaagad. Madilim pa ang buong mansyon at walang tao sa paligid. Nakakabingi ang katahimikan namamayani sa madaling araw na iyon.

Kumatok siya ng makailang beses ngunit walang sumasagot. Kaya naman wala siyang ibang magagawa kundi gamitin ang kanyang bibig.

" Senyora! Senyora!" nilakasan niya ang pagtawag dito.

Sa kanyang palagay ay wala pang gising sa mga oras na iyon kundi siya at ang mga manok sa may kulungan sa likod-bahay. Nagsimula na silang tumilaok, tanda na malapit ng mag-umaga. Halos maubos na ang kanyang tinig ngunit ni kaluluwa ay wala pa rig nagbubukas ng pintuan. Nagsisimula na ring bumigat ang kanyang mga talukap. Halos limang oras lang ang tulog niya dahil kinailangan niya pang patulugin muna si Clara. Tila ba hindi ito napagod sa mga nangyari ngayong araw at pinilit pa siya nitong magkwento. Tanging sa pamamagitan lang ng senyas sila nagkakaintindihan. Nababasa rin niya sa mukha nito ang emosyon ng bata. Saka sanay siyang mag-alaga ng mga maliit niyang kapatid.

Dahil sa pagod at pagkamanas ng kanyang lalamunan ay napaupo si Estella sa isang may kalakihang bato na nasa tabi ng pinto. Ilang minuto pa nga ay nakatulog muli siya sa ganoong posisyon.

" Bakit ka natutulog riyan, Estella?!"

Marahas siyang napamulat at natagpuan ang sarili sa presensya ng Senyora. Magara ang suot nitong baro at saya. Hitik na hitik din ito sa lahas. Napaamang siya.

" Sagutin mo ang tanong ko," matigas na utos nito sa kanya at pinukol siya ng marahas na titig.

Ilang oras siyang nakatulog doon? Malamlam ang liwanag na nanggagaling sa araw at presko pa ang hangin galing sa nagdaang gabi. Alas singko na siguro. May isang oras din siyang nakatulog. Hindi na nakakapagtaka na nangangalay ang kanyang balikat. Nakatulog ba naman siyang nakaupo.

" Po?"

" Bingi ka ba? Hindi mo ba narinig ang tanong ko?" kapansin-pansin ang iritasyon sa boses nito. Doon na siya natauhan. Inipit niya ang ilang hibla ng buhok na nagkalat sa kanyang mukha sa likod ng kanyang tenga.

" Ah... eh.. sabi po kasi ni Aling Chona, maaga daw po tayong aalis ngayon papunta sa bayan," dahilan niya.

Napataas-kilay si Senyora Celeste at saka isang pilyang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.

" Naalala ko na. Sinabi ko nga iyon kay Manang Elsa kagabi. Nakalimutang sabihin na alas otso pa ang misa ngayon. "

Doon na niya napagtantong sinadya ni Senyora Celeste na ipa-gising siya ng maaga kay Aling Chona at paghintayin ng ilang oras. Napatiim-baga siya. Gusto niyang sagutin ito na alam niya ang motibo nito upang gawin iyon. Gusto siya nitong parusahan sa ginawa niyang pagsagot dito at pagtatanggol kay Clara. Nanggigil man siya a loob-loob niya ay pinigilan niya ang sarili. Kailangan niya ng trabaho at hindi niya hahayaan ang Senyora na sirain iyon. Pilit niya itong nginitian kahit na gustong-gusto niyang ipakita ang kanyang inis sa ginawa nito.

" Ah... ganoon po ba? Mabuti na lang at maaga akong nagising. Hindi na kayo mahuhuli sa misa," magalang na sagot niya.

Ngumisi ang Senyora, animoy nasisiyahan ito sa nahihirapang ekspresyon sa kanyang mukha. Nilampasan siya nito at dere-deretsong tinungo ang zaguan kung nasaan ang carruaje. Nauna itong pumasok doon.

Huminga siya ng malalim at tahimik naihiling na sana ay magkaroon siya ng mahabang pasensya habang nasa puder siya ng mga Valiente. Doon na lumabas si Clara kasama si Manang Elsa.

Nilapitan siya nito at ibinigay sa kanya si Clara na dali-dali namang nagpabuhat sa kanya.

" Ako na muna ang nag-ayos kay Senyorita Clara. Sensitibo si Senyora Celeste pagdating sakung susuotin ngbata para magsimba. Sigurado akong mapupuno lang ang tenga mo ng mga bagay na gusto niya at hindi niya gusto. Dapat sa susunod ay alam mo na kung paano bihisan si Clara ng naayon sa kagustuhan niya."

" Sige po."

" Isa pa pala, huwag ka sanang magalit kay Chona."

" Hindi ko po naman masisi si Aling Chona eh. Napag-utusan lang naman siya ni Senyora Celeste."

" Mabuti kung ganoon. Sige, mauna na ako at maglilinis pa kami ng mansyon. Huwag mong paghintayin ng matagal si Senyora. "

Nauna siyang tumalikod at sumunod sa carruaje.

~*~

MAGKAHARAP sila ni Senyora Celeste ngunit buong biyahe ay hindi siya nito tinapunan ng tingin. Sa halip ay nakadungaw lang ito sa bintana at tila ba nasa ilalim ng malalim na pag-iisip. Medyo nanibago siya dahil nasasanay pa lang naman siyang pukulin ng matatalas na mga titig at salita nito. Sa kabilang banda ay mabuti din naman iyon kaysa bungangaan siya nito. Inayos niya ang magulong buhok ni Clara na nakadapa sa kanyang gilid. Nakatulog ang bata dahil sa mahaba-habang biyahe.

Napahawak siya sa kinauupuan ng biglang huminto ang carruaje. Mabuti na lang at nakabalanse siya agad bago pa man niya mahulog si Clara.

" Anong problema, Crispin? Bakit ka huminto?"

Tanong kaagad ni Senyora Celeste sa kutsero.

" May inspeksyon po ang mga gwardiya sibil sa unahan at pinapahinto tayo."

" Para saan? Maguumpisa na ang misa. Ayokong mahuli."

" Lahat po ng dumadaan sa bahaging ito ay iniinspeksyon. "

" Kailan pa?"

" Noong isang araw lang po."

Dumungaw si Estella sa may bintana. Nasa gitna sila ng kaparangan at may ilang carruaje ang naroon. Tama si Crispin. Iniisa-isa ng mga gwardiya sibil ang bawat dumaraan. Pinapababa ang mga sakay upang kausapin. Sa isang banda ay dumako ang kanyang paningin sa isang parte ng kaparangan. Sunog ang isang bahagi ng kubo at ilang piraso na lang ang natitira. Habang may parte pa naman ito na nakatayo pa.

" May kung sinong sumunog sa kubong paupahan ng mga Sanchez. isang dalagita ang nadamay sa sunog . inaalam nila kung sino ang nag-umpisa ng sunog noon."

Napaismid si Senyora Celeste, " No me importa. ( Wala akong pakialam.). "

" Patay na daw po yung babae bago pa man magsimula ang sunog, Senyora . Hindi naman po masyadong nasunog ang bangkay niya dahil may napadaan na grupo ng mga magsasaka. Malapit lang naman ang batis kaya naapula nila agad ang apoy bago tuluyang maabo ang lahat."