“Ano! Sandali nga ibig mong sabihin sa iisang k’warto lang tayo matutulog? You mean magsasama tayo sa iisang silid?” pulit-ulit at naguguluhan pa rin niyang tanong sa asawa niya.
Ang buong akala niya kasi ay hindi siya nito gustong makasama manlang dahil alam niyang wala naman itong pagtingin sa kanya. Tapos ngayon ay malalaman niyang ganon pala ang set up nila.
“Ano bang akala mo? Matapos ang kasal parang wala lang?” tanong nito habang lumalakad ng dahandahan at palapit ng palapit sa kanya. Hanggang sa mapaupo na siya sa kama.
Mas lalo pa nitong inilapit ang mukha nito sa mukha niya, kaya naman halos malanghap na niya ang amoy ng mabangong hininga nito. Bigla na lang niyang naalala na hindi pa man lang siya nakakapag mumog manlang. Kaya napatayo siya at napatakbo sa banyo. Mabilis niya iyong ini-lock.
Narinig naman niya ang napakalakas na tawa ng lalaki mula sa labas ng CR. “Sige na asawa kong NBSB, aalis na ako, kita na lang tayo mamaya.” sigaw pa nito na narinig naman niya.
ISANG linggo lang ang pinalipas niya bago siya pumasok sa opisina nila, lahat ng mga kasamahan niya ay sinalubong siya, at ang iba ay niyakap pa siya dahil sa sobrang tuwa nila sa kanya. “Congratulation Miss Dela Cruz, dahil sa iyo, nakakuha ng napakalaking investors ang kumpanya natin,” sabi ng manager nila.
Ngunit ngiti lang ang itinugon niya sa sinabi nito. “Nako naman po, Mrs. Villa Cruz na po siya,” samabit naman ng kaibigang si Nhelia.
“Ay oo nga pala, kumusta naman ang unang gabi niyo noong halimaw?”
Napatingala naman siya sa isa sa mga kasamahan nila, at tiningnan ito ng tingin na may pagtatanong. “Sabi kasi doon sa resto bar na pinunthan natin, kung saan kayo nagkakilala, nako, halimaw raw sa alak iyong CEO na iyon, at wala raw gabing walang babaeng naikakama iyon, kaya ihanda mo na lang ang sarili mo kung gabi-gabi kang maghihintay sa lalaking iyon, baka mamaya uuwi iyon umaga na dahil sa kandungan ng ibang babae natulog,” sabi pa ni Benji.
“Ano ba, huwag niyo nga siyang takutin, tingin naman namin stismis lang ang mga iyon,” sabi naman ni Felly na kaibigan niya.
Naisip niya ngang sana ganon na lang ang nangyari kaysa kanina na ginulat pa siya nito, at parang nakakapanibago ang mga kilos nito. Mas gusto na lang niyang hindi ito umuwi kaysa naman uuwing laging nakainom, at kung ano-ano ang ikinukwento sa kanya.
GABI na naman, hindi na niya inaasahan ang pag-uwi ng lalaki, kaya naman nag-isip na siyang kumain ng hapunan mag-isa. Iyong ang unang gabi sana na kakain silang magkasama, pero malungkot siyang napatingin sa isang pares ng pinggan na nakataob pa rin, at sandali niyang na-imagine na masaya silang naghahapunan, pero sa isang kisap mata ay nawala ang imahinasyong iyon.
Hindi niya namalayang pumapatak na pala ang mga luha niya, sa harap ng mahabang lamesa na ‘yon unang beses niyang naramdaman ang kalungkutan. Nagbalik sa kanyang alaala ang saya na may kasabay kumain sa hapag, iyong pamilya niya na kahit na puno ng ingay at bangayan, masaya pa rin sila. Hindi tulad ng sandaling iyon, isang bagay yata ang gusto na niyang pagsisihan, ang nagpakasal siya sa isang mayamang lalake, na hindi yata alam ang kahulugan ng salitang pamilya at kaligayahan.
Tumayo siya at nagpunta na lang sa kanyang kwarto, doon ay naupo sa kanyang kama, yakap niya ang mga nakayuping binti, at umiiyak ng mahina, malungkot pala ang mag-isa. Mas malungkot pa yata kaysa sa mga panahong iniisip niyang hindi na siya makakapag-asawa pa.
Nakapagpakasal nga siya, pero wala namang pinagkaiba ang kahihinatnan niya, ganong pa rin mag-iisa pa rin pala siya sa dulo, muli siyang napahagulhol, at umiyak ng malakas.
Nagulat siya ng bigla na lang bumukas ang pintuan, iniluwa noon ang humahangos na si Geof, agad itong lumapit sa kanya at naupo sa gilid ng kama, matagal na nakatitig lang sa nakayukong ulo niya. Kahit na naramdaman niya ang pagpasok nito sa kwarto nila, hindi siya nag-angat ng mukha .
“I’m sorry, na-nalate ako,” mahinang salita nito sa kanya.
Bagamat naririnig niya ito ay nagpatuloy siya sa pag-iyak. “Claire, sorry na-late ako ng uwi, sorry rin kasi hindi man lang ako nakatawag o nakapag-text man lang sa iyo na pauwi na ako, pero totoong nagso-sorry ako sa ngayon.” Kinuha pa ni Geof ang isang kamay niya at bahagya iyong pinisil.
“Sorry! Bakit ka nagso- sorry, may aasahan ba ako mula sa iyo? Dapat ba maghintay ako na may asawa akong uuwi, para makasabay ko sa pagkain? Dapat ba hintayin ko ang tawag o text mula sa iyo?” tanong niyang umiiyak pa rin.
“Kaya nga nagso-sorry diba? Kaya nga ako nagmadali, kasi gusto kong makasabay ka sa hapunan, bakit hindi mo ako hinintay? Bakit kasi ang dami mong negative na iniisip?”
“Ano bang dapat isipin ng isang tulad kong nagpakasal dahil lang tinakot ako? Ano bang dapat isipin ng isang tulad kong alam kong ang dahilan lang naman ng kasal natin ay dahil iyon ang hiniling ng lolo mo?”
“Tama na iyan, kumain na tayo gutom na ako.” Tumalikod ito at umakmang lalabas nang kwarto, pero nang makita nitong hindi manlang siya tumayo para sundin ang sinasabi nito, bumalik ito at hinila ang kamay niya para lang tumayo na siya.
“Ayoko! Ayoko ko nang kumain, busog na ako,” hila niya rin sa mga kamay niya. Hindi niya alam kung bakit siya nakakaramdan ng ganon sa puso niya, puno na siya ng galit at pagdududa hindi niya maunawaan ang kanyang sarili.
“Anong bang gusto mong marinig mula sa akin Claire?” nakapamaywang na tanong ni Geof sa kanya. Nakaarko ang mga kilay nitong nakatitig sa kanya, at alam niyang hindi nito gusto ang mga inaasal niya.
“Diba sabi mo kagabi, may babae kang gusto, kaya lang hindi ka niya nakilala, bakit hindi na lang siya ang inaya mong magpakasal? Bakit ako pa? Bakit ako iyong ginulo mo ang buhay? Ang gulo at ang lungkot na ng buhay ko, masaya naman ako dati, kahit walang magkagusto sa akin, kahit na walang mag-aya sa akin na magpakasal, pakiramdam ko ngayon, punong-puno ng insecurity ang puso’t isipan ko! Hindi ko kayang mabuhay ng ganito!” naiiyak pa ring sambit niya sa lalaki.
“Gusto mong malaman? Gusto mong malaman kung sino iyong babaeng iyon?” tanong nito sa kanya.
Tumingin siya ng masama sa lalake, “Hindi ko gusto! Wala akong pake! Naiinis lang ako sa kanya, kasi hindi ka niya nakilala, hindi man lang niya naalala na may lalake palang naghihintay sa kanya? Hindi man lang niya alam na may iniligtas siya, tapos ano? Nagpangakuan ba kayo? Kasi nagiging miserable ang buhay ko ng dahil sa kanya!” sigaw na niya. Hindi na niya napigilan ang damdamin niya. Hindi niya rin alam kung bakit ganon ang nararamdaman niya. Siguro dahil sa ilang linggo pa lang nilang pagkakakilala, tila natutuhan na niya itong mahalin. Kaya lang may iba pala itong minamahal
“Edi mainis ka sa sarili mo!” makahulugang sambit ni Geof sa kanya, sabay talikod at tuluyan na siyang iniwan. Naiwan naman siyang natutulala, hindi na niya malaman sa sarili niya kung bakit ganon na lang ang sikip ng dibdib niya. Tuluyan na naman siyang napaiyak.