Kabanata 39
"Itigil mo na ito Alyana. Kakalimutan ko lahat nang nagawa mo, magbago ka lang," pakiusap ko.
Kahit paano'y kapatid ko siya.
"Bakit Yana? Maibibigay mo ba sa akin si Mattheaus!?" Diretsong nailing ang aking ulo.
"Kahit ano, Alyana huwag lang siya." Lumuhod na ako sa harapan niya. 'Di ko kakayaning mawala si Mattheaus sa akin. Kailangan ko siya, lalo na ang anak namin.
"Hindi! Ugh!" Akmang susugod sa akin ang kapatid ko ngunit maagap si Zsakae sa paghila sa kanya.
"Sinabing tama na!" Talagang galit na galit na ang anyo ni Zsakae dahil halos pilipitin na niya ang braso ng kapatid ko.
"Sige na Yana! Puntahan mo na ang kapatid ko." Napakurap pa ako at agad din namang tumalima. Patawarin mo ako Alyana pero babawiin ko na ang matagal na ay sa akin.
"Yana!" malakas na tawag ni Alyana sa akin ngunit 'di ko na siya nilingon pa.
Halos paika-ika ko nang nilakad papasok ang bahay ni Mattheaus.
"Mattheaus!" tawag ko kahit sumasakit na itong lalamunan ko.
Panay ang pahid ko ng aking mga luha. Napapahawak din ako sa aking tiyan na may kalakihan na. Sa tantsa ko'y parang nasa walong buwan na itong tiyan ko.
"Mattheaus!" muling tawag ko hanggang sa nahinto ako sa isang malaking bulwagan.
May altar sa gitna at may malaking salamin sa gilid. Kumunot ang noo ko at napalunok. Ito ang lugar kung saan ko nakikita ang sarili ko na isinasayaw ng isang lalaking nakasuot ng tuksedo.
"Si Mattheaus ang kasayaw ko sa larawang nakapinta?" gulat ko pang bulong sa aking sarili.
Buong buhay kong hinanap ang sagot kung sino ang pintor ng larawan. Iyon pala'y siya lang, lahat nang nasa museo ay siya rin ang nagpinta. Napalinga-linga ako sa paligid ko.
"Matt—" Bago pa man ako makapagsalita ay bigla na lamang akong nakahiga na sa altar at kapwa nakatali ang dalawang kamay at paa ko sa solidong bakal.
Lumitaw si Mattheaus sa harapan ko at halos matibag ang sementong hinihigaan ko dahil sa malakas na paghampas niya rito.
"Dapat noon pa'y pinaslang na kita Alyana dahil sa panlilinlang mo sa akin. Lubos talaga akong nagpapasalamat at 'di natuloy ang kasal natin." Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil 'di talaga sila nakasal ng kakambal kong si Alyana sa kanya o maiiyak ako lalo dahil hindi na niya ako makilala bilang si Yana.
"Mattheaus, ako 'to, si Yana..." humihikbi kong wika.
"Magpapanggap ka pa ring ikaw si Yana? Napakaistupida mo talaga!" bulyaw nito at muling napahampas sa semento. Konting hampas pa nito'y mawawasak na itong altar na hinihigaan ko.
"Mattheaus..." umiiyak kong usal.
"Tama na Alyana!" Namilog ang mga mata ko nang humugot ito ng matulis na punyal.
Napapikit ako ng mariin. Diyos ko! Kayo na po ang bahala sa akin.
Muli nitong hinampas ang sementong altar dahilan para mabasag ito ng tuluyan. Nakawala ang kanang kamay ko sa pagkakaposas dahil nabuwal ang bakal na nakakabit sa akin.
"Mamatay ka na!" Walang pag-alinlangan nitong itinarak sa akin ang punyal ngunit sinalag ko ito gamit ang aking kanang kamay.
Bumaon ito sa palad ko at tumama sa aking dibdib ang matulis na dulo nito. Hindi pa ito tuluyang nakabaon. Konting tulak na lang nito'y talagang babawian na ako ng buhay.
"Mattheaus... Ayos lang... Mahal... Na mahal kita..." mahinang usal ko sa pagitan ng aking paghikbi.
'Di na ako pumalag pa at niluwagan ang puwersa sa aking kamay. Ngunit bigla itong natigilan at hinaplos ang tiyan ko.
"Yana..." aniya at nagsimula nang tumulo ang mga luha niya sa mata. Nakikilala na niya ako.
Dali-dali niyang hinugot ang punyal sa aking kamay at halata sa mukha ang matinding pagkabahala.
"Yana... Hindi ko sinasadya..." Nanginginig ang boses nito.
Agad niya akong kinarga at kinulong sa mga bisig niya. Pinilit kong iniangat ang kaliwang kamay ko sa kabila ng panlalanta ng aking katawan.
"Ayos lang sabi..." nakangiti kong sagot.
"Hindi. Nasaktan kita, hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa iyo." Pinunasan ko ang luha niya.
"Mattheaus, buhay naman ako 'di ba? Maayos ako..." Niyakap naman niya ako at pinugpog ng halik.
"Mahal na mahal kita Yana," aniya at ayaw pa rin huminto ng mga mata nito sa pagluha.
"Ikaw ang buhay ko Yana, simula't sapul ay ikaw lamang ang inibig ko. Kailanman ay 'di 'yon magbabago." Ginawaran niya ako ng matamis na halik. Lahat ng sakit dito sa puso ko'y lahat naglaho.
"Hindi!" Pareho kaming napabaling ni Mattheaus kay Alyana.
"Mattheaus..." pigil ko sa akmang pagbabago ng anyo nito.
"Ano ba Alyana!? Itigil mo na ito!" awat ni Zsakae.
"Zsakae, ipatapon siya sa isla Herodes!" wika ni Mattheaus. Isla Herodes?
"Hindi! Ayoko ro'n! Gagawin lang nila akong utusan doon!" pagmamakaawa ng kapatid ko.
"Mattheaus, h'wag na, pakiusap!" pigil ko.
"Ibilin mo na lamang siya kay inay Nely, pakiusap!" segunda ko.
"Zsakae, ikulong siya sa bartolina." muling utos ni Mattheaus. Napangiti ako. Salamat naman at nagbago ang isip niya.
"Kuya, dalian mo. May dalawang araw ka na lang para ilayo ang anak mo. Malapit na raw sila sa ilusyong tulay," ani Zsakae.
"Umalis ka na Zsakae. Sabihin mo kay kuya Steffano na ihanda niya ang barkong gagamitin ko," ani Mattheaus.
"Bitawan mo ako Zsakae!" pagpupumiglas ng kapatid ko.
"Magtigil ka Alyana! Pasalamat ka at may awa pa sa iyo si Yana! Kung bakit pa ba kasi hinayaan pa kitang pakawalan!" galit din na bulyaw ni Zsakae sa kapatid ko.
Agad din silang naglahong dalawa at naiwan kaming dalawa ni Mattheaus.
"Ano bang nangyayari?" takang tanong ko kay Mattheaus.
"Ayos ang lahat Yana," aniya at lumakad na kami.
Nangangalahati na kami sa paglalakad ay sa isang kisap ng aking mga mata'y narating naming ang bahay ng ginang Zoldic. Diretso kaagad niya akong dinala sa kuwarto ng ate Catherine.
"Mattheaus ano ang gagawin mo?" kinakabahan kong tanong nang mailapag niya ako sa kama.
"Dapat kahapon pa siya lumabas." Bakas din sa mukha niya ang pagkabahala. Napahawak ako sa aking tiyan.
"Mattheaus ang anak ko! Hindi!" Nagsimula na naman akong maiyak. Una si Egoy, ngayon ang anak ko na naman ang nasa panganib. Iniluwa naman ng pintuan ang ate Catherine.
"Mattheaus ano ang nangyayari!?" ani ate Catherine.
"Hindi pa lumalabas ang anak ko ate," sagot ko at napalunok.
Panay pa rin ang pagtulo ng luha ko. Ayaw din mawala itong matinding kaba sa dibdib ko.
"Kailan nahinto ang pagsakit ng tiyan mo Yana?" ani ate Catherine.
"Kahapon no'ng umaga..." sagot ko.
Aligagang bigla naman si Mattheaus at may kung anu-anong pinagkukuhang mga bagay. Nakakahilo itong panoorin dahil masiyadong mabilis ang mga kilos nito.
"Lumabas ka na Catherine," utos ni Mattheaus.
"Pero..." angal ko.
Malungkot na napabaling ang ate Catherine sa akin. Hindi ito kumibo kanina at mukhang may alam ito sa nangyayari sa akin.
"Magiging maayos ang lahat, Yana," ani ate Catherine at hinalikan ang aking noo.
Kumawala ang mga luha nito sa kanyang mga mata ngunit agad din naman niya itong pinahiran. Agad itong lumayo at lumabas ng silid. Naiwan kaming dalawa ni Mattheaus. Lumapit ito sa akin at hinagkan ang aking noo.
"Kagatin mo 'to..." utos niya kasabay nang pagbusal sa aking bigbig.
'Di na ako nakapagprotesta man lang dahil bigla nitong itinali ang dalawang kamay ko sa haligi ng kama gamit ang puting tela. Natatakot man ngunit mas minabuti ko na lamang na pakalmahin ang aking sarili. Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya pero kailangan kong magtiwala.
Bigla nitong pinunit ang suot kong bestida hanggang sa mahinto ang punit nito sa aking tiyan.
"Kayanin mo, Yana. Pakiusap..." Bakas sa mukha ng nobyo ko ang matinding pag-aalala.
Isang mabigat na paghinga lang ang itinugon ko. Kumuha naman bigla ng punyal si Mattheaus at walang pag-alinlangang hiniwa ang tiyan ko. Namilog ang mga mata ko sa ginawa niya at napakapit sa telang nakatali sa akin. Sa sobrang sakit nang pagkakahiwa sa tiyan ko'y halos mapasigaw ako ngunit may busal ang aking bibig kaya't tanging malakas na ungol lang ang nailabas ko. Bumilis ang paghinga ko at 'di na naiwasan pang maiyak nang matindi.
"Ugh!" daing ko nang hiwain niya pa ito ulit.
Hindi ko alam kung saan ko na ibabaling ang ulo ko. Kirot, sakit at hapdi. Halo-halong pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Pawisan na rin ang buo kong katawan.
"Ugh!" muling daing ko nang maipasok ni Mattheaus ang kanang kamay nito sa loob ng aking sinapupunan.
Mas lalo pa yatang sumakit, tipong parang mamatay na ako sa sobrang sakit. Wala man lang anitisyang ginamit sa akin kaya hirap na hirap ako ngayon. Dahan-dahan namang hinugot ni Mattheaus ang anak namin. Laking tuwa ko nang makita ko ang anak ko. Agad itong binalot ni Mattheaus sa tela at bahagya itong napakunot ng noo. Lumapit siya sa akin at tinanggal ang pagkakatali ko sa kama. Tinanggal niya rin ang nakabusal sa aking bibig. Nanghihina man ngunit pinilit kong makasandal sa kama.
"Akin na..." sabi ko pa nang mahina.
Tumalikod bigla si Mattheaus habang karga ang anak namin.
"Akin na!" galit kong sabi muli at nagsimula na naman akong maiyak.
Humarap sa akin si Mattheaus at laking kaba ko dahil panay na ang pagtulo ng kanyang mga luha. Mas lalo akong naiyak. Lumapit siya sa akin at ibinigay ang anak ko.
"Bakit... Bakit 'di siya umiiyak!?" tanong ko agad kay Mattheaus. Hindi siya makatingin sa akin at panay pa rin ang pag-iyak niya.
"Mattheaus, hindi!? Anak gumising ka! Pakiusap! Nandito na si mama. Anak... Gising na!" Sa sobrang sikip ng dibdib ko'y halos habulin ko na ang aking hininga. Hinaplos ko ang pisngi ng anak ko at niyakap ito.
"Anak gising na o! Nandito na si mama..." Muli kong hinaplos ang pisngi niya.
Kumalat sa bibig nito ang dugo ko na galing sa sugat ng aking palad. Napatingala ako at napahagulhol muli.
"Diyos ko! Nagmamakaawa ako sa inyo! Huwag ang anak ko!" sambit ko sa kawalan.
Muli kong pinagmasdan ang anak ko. Hinalikan ko ang kanyang noo. Laking gulat ko nang biglang gumalaw ang kamay nito. Hindi ko siya nilubayan nang tingin. Ngunit baka'y namamalikmata lamang ako.
"Mattheaus..." tawag ko habang nakamasid pa rin sa anak namin. Ramdam ko naman ang paglapit nito sa akin.
"Yana..." aniya.
Ramdam ko ang sakit sa boses niya. Pareho kaming nawalan.
"Ayoko na..." daing ko.
Parang ang laki yata ng kasalanan ko sa Diyos at pinaparusahan niya ako ng ganito. Bigla kaming natigilan ni Mattheaus nang umiyak ng pagkalakas ang anak namin. Buhay siya! Sa sobrang tuwa ko'y pinugpog ko siya ng halik.
Agad siyang kinuha ni Mattheaus sa akin at 'di niya maiwasang mapangiti dahil buhay ang anak namin. Hindi ko alam kung paano ngunit isa lang ang alam ko, mahimala ang Diyos. Pinikit ko ang aking mga mata at tila yata para akong nawalan ng lakas bigla.