Chapter 9
Nakabalik na si Huimy sa Cavite. Ngunit ang komunikasyon nila ni Renz ay nagpatuloy. Magka-text at magkatawagan sila araw-araw na para bang walang katapusan ang kanilang pinag-uusapan. Nagsusulatan din sila kung minsan.
Hindi maitago ang kanyang saya sa tuwing may text message at tawag siyang natatanggap mula sa binata. Literal na napapatalon siya sa sobrang tuwa at napapasayaw sa sobrang kilig. Kahit na nga simpleng pangungumusta lamang iyon ay halos lumutang na siya ulap sa sobrang saya.
Lagi rin niyang suot ang bigay nitong kwintas at lagi rin niyang hawak ang keychain locket na bigay nito. Napakahalaga niyon para sa kanya.
Kahit pa nga abala siya sa kanyang ginagawa ay hindi niya maiwasang mapangiti kapag naiisip ang binata. Katulad ngayon na kahit kaharap niya ang computer ay ito pa rin ang nasa isip niya.
Pagkatapos niyang gawin ang kanyang homework ay sinimulan na niyang gawin ang istoryang naisip niyang isulat. Second year high school siya nang mahilig siya sa pagsusulat ng mga kuwento at tula. Naging idolo niya sina Helen Meriz at Gilda Olvidado nang makabasa siya ng mga akda ng mga ito. Pangarap din niyang maging writer tulad nila. Marami na rin siyang koleksiyon ng mga pocketbooks ng iba't ibang mga author na hinahangaan niya.
Biglang tumunog ang kanyang cell phone kaya't excited niyang binuksan iyon. Ganoon ang laging senaryo kapag tumutunog ang kanyang cell phone dahil laging niyang inaasahan ang mensahe ni Renz.
Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang makita kung kanino nanggaling ang mensahe. Agad niyang binasa iyon.
Renz: Kumusta ka na? Ito na ang huling message na mare-rereceive mo mula sa akin. Ingat ka palagi. Goodbye best.
Paulit-ulit niyang binasa ang mensahe maging ang numerong ginamit nito. Unti-unting nanginig ang kanyang mga kamay. Agad namasa ang kanyang mga mata. Parang binuhusan siya ng malamig na tubig at nawala ang kanina lamang ay ngiti sa kanyang labi. Ang saya ay agad napalitan ng labis na lungkot. Nakapanghihina.
“Anong nagawa ko? Bakit ganoon ang text niya?”
Nanginginig ang mga kamay niyang pinindot ang keypad ng kanyang celphone. Pabigat nang pabigat ang kanyang pakiramdam. Wari'y may nakadagan sa kanyang puso.
Huimy: Bakit best? Anung nangyayari? Galit ka ba sa akin? Bakit 'di ka na magtetext?
Ipinadala niya ang mensahe at naghintay ng sagot ngunit dumaan ang isang minuto ay walang reply mula rito.
Muli siyang nagpadala ng mensahe rito.
Huimy: Best?
Ngunit dumaan ang lima pang minuto ay wala pa ring reply. Muli niyang pinadalhan ng message ito kasabay ang masaganang luha sa kanyang mga mata.
Huimy: Reply ka naman oh. Please... ano bang nangyari? Paliwanag mo naman oh.
Habang tumatagal ang paghihintay niya sa reply nito ay lalo lamang sumisikip ang kanyang dibdib. Parang pinipiga nang husto ang kanyang puso. Para bang napunit ito sa sobrang pagpiga.
Nang wala pa ring reply ay naisipan niyang tawagan na ito. Dinayal niya ang numero nito ngunit tanging operator service lang ang nasagot sa kanyang tawag.
The number you have dial is unattended. Please try again later.
Paulit-ulit niya iyong dinayal ngunit ganoon pa rin ang kanyang naririnig sa kabilang linya. Kaya naman ang kaninang mahinang pag-iyak ay naging hagulgol na. Ang sakit! Pakiramdam niya ay naiwan siya sa ere. Lutang at maraming katanungan. Para bang ang mga saya na pinagsamahan nila noon ay bigla na lang itinapon nang basta-basta. Nang walang malinaw na rason.
Sa lahat pa naman ng pinakaayaw niyang salita ay GOODBYE. Lalo na kung ang goodbye na iyon ay hindi niya alam ang dahilan.
At dahil sa mensaheng natanggap ni Huimy ay hindi niya magawang makatulog ng gabing iyon. Halos buong araw na mugto ang kanyang mga mata at nagkulong lamang siya sa kanyang kuwarto.
Six months pa lang mula nang una silang magkita at magkakilala ni Renz. At sa dalas ng pagte-text at tawagan nila ay lalo lamang siyang nahuhulog sa binata. Lalo na kapag extra sweet ito sa kanya. Madalas silang mag-goodnight sa isa't isa, mag-good morning at nagsasabihan na rin sila ng "I miss you" at "I love you, best".
Tanggap naman niyang ang I love you na iyon ay para lang sa matalik na kaibigan ngunit hindi pa rin niya maiwasang umasa na may iba ng kahulugan iyon.
Sobrang umasa siya kaya naman sobrang nasasaktan siya ngayon. Hindi rin naman niya maipaliwanag kung bakit ganoon na lang ang epekto sa kanya ng binata samantalang hindi naman niya ito nakikita.
Kapag nagkaka-crush siya noon ay panandalian lang dahil kapag hindi na niya nakikita, nawawala na ang pagkagusto niya. May isa lamang siyang naging long time crush noong high school pa siya. Si Mark na heartthrob sa kanilang school dahil sa taglay nitong kaguwapuhan. Tall, dark and handsome kung maituturing. Hindi naman sa masyadong dark, tipong mala-Jericho Rosales ang kulay, moreno. Ngunit nang maka-graduate na siya at hindi na nagkita, naglaho na ring parang bula ang feelings niya para rito. At ang isa pang dahilan ay dahil nakilala niya si Renz. Para bang biglang nag-switch ang feelings niya rito papunta kay Renz.
Mula nang makilala niya si Renz ay wala ng laman ang isip niya kundi ito. Wala rin siyang bukang-bibig kundi ito na lang palagi. Kapag hindi ito nagte-text ay nalulungkot na siya, lalo na ngayong nagpaalam na ito sa kanya. Iniisip pa rin niya kung bakit ito nagpaalam nang walang dahilan.
“May nagawa ba ako? Hindi ko matanggap ito? Ang saya lang namin eh, tapos maggu-goodbye siya?” Paulit-ulit na katanungang gumugulo sa kanya.
Dahil sa mga katanungang iyon, nagpasya siyang bumalik ng Bicol para alamin ang dahilan nito. Wala na siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Iyon lang ang tanging pumasok sa isip niya. Marahil ay iisipin ng ibang nababaliw na siya ngunit ginagawa lamang niya ang kahit anong maisip niya alang-alang sa kanyang nararamdaman.
Mabuti na lamang at malapit na ang kanilang sembreak, magpapaalam na lamang siya sa kanyang ina na magbabakasyon sa Bicol.
Ngunit dumating ang araw ng kanyang sembreak ay hindi siya pinayagan ng kanyang ina. Lupaypay siyang dumapa sa kanyang kama at nagpatuloy sa pag-iyak. Isang linggo na mula ng matanggap niya ang mensaheng iyon galing kay Renz at isang linggo na ring mugto ang mga mata niya. Hindi na siya makakatiis pa ng ilan pang araw para makausap ito at alamin ang dahilan ng biglang pagpapaalam nito.
Kinabukasan ay nag-iwan na lamang siya ng sulat kanyang mga magulang. Para siyang nakipagtanan ng walang nobyo. Bahala na si Batman! Basta walang makakapigil sa kanyang binabalak. Mas lalo lamang niyang papahirapan ang kanyang sarili kung hindi niya susundin ang sinisigaw ng kanyang puso. Ang tanging alam lang niya ng mga sandaling iyon ay natagpuan na niya ang lalaking magtatagal sa kanyang buhay at hindi niya hahayaang mawala ito nang ganoon-ganoon lang ng walang dahilan.
Nasa terminal na siya nang makatanggap siya ng text mula kay Marikit.
Kit: Ate, nasisiraan ka na ba? Umuwi ka na! Huwag kang tanga!
Alam ni Kit ang kanyang plano. Pinipigilan siya nito pero hindi siya nagpaawat. Sabi nito ay baliw daw siya. Ngayon lang kasi nakita ni Marikit kung gaano siya kadesperada para lamang malaman ang katotohanan.
Hindi niya pinansin ang text ni Kit. Ang katuwiran niya ay nagpaalam naman siya sa mga magulang sa pamamagitan ng sulat kaya alam niyang hindi mag-aalala ang mga ito.
Mahaba rin ang naging biyahe niya. Dose oras ang naging biyahe niya mula Cavite hanggang Bicol. Napagod siya kaya naman nagpahinga muna siya sa bahay ng tiyahin. Naisip niyang siguro ay nag-usap na ang mga ito kaya hindi na ito nagulat nang dumating siya.
Matapos magpahinga, si Renz ang unang hinanap niya. Natagpuan niya naman ito sa bahay ng isang kaibigan nila at nakikipanood ng telebisyon.
Pinatawag niya si Renz kay Gab pero hindi man lang ito pinansin ng huli. Naisip niyang umiiwas talaga ito sa kanya. Napagpasyahan niyang lumapit na sa kinaroroonan ni Renz. Kinalabit niya ito sa balikat.
“Puwede ba tayong mag-usap?” agad na tanong niya.
“Sandali lang. Tatapusin ko lang itong pinapanood ko,” simpleng sagot nito na hindi man lang siya nagawang lingunin nito.
Nakaramdam siya ng lungkot kaya't nakayuko niyang tinalikuran ito. Iniisip niyang balewala na talaga siya sa binate. Nagtungo na lamang siya sa may basketball court malapit sa bahay na iyon. Umupo siya sa bench at pinunasan ang luhang nagbabadyang pumatak mula sa kanyang mga mata.
“Huimy.” Narinig niya ang pamilyar na boses na iyon kaya naman agad siyang lumingon. Bahagya pa siyang nagulat nang makita si Renz na nakatayo sa tabi niya. Hindi na niya namalayan ang paglapit nito.
“Renz?” sambit lamang niya.
“Kumusta? Napasugod ka yata ah. Biglang-bigla ang pagbalik mo. Hindi mo man lang ako sinabihang babalik ka,” masiglang sambit nito na para bang hindi nito alam ang dahilan ng biglaang pagbabalik niya roon.
“Bakit ka nag-goodbye sa akin?” diretsahang tanong niya na ikinakunot naman ng noo ni Renz.
“Ha? Anong goodbye?”
“Hindi mo alam na nag-text ka sa akin at sinabi mo na iyon na ang huling message mo sa akin? Nag-goodbye ka pa nga,” masama ang loob na sabi niya.
Para namang wala itong kaalam-alam dahil lalong kumunot ang noo nito.
“Paanong nangyari iyon? Hindi nga ako nakakapag-text sa'yo kasi sobrang busy ko nitong mga nagdaang araw. Nag-aaral kasi ako, alam mo naman iyon.”
“Busy ka lang, kailangan mag-goodbye agad?” sarkastiko niyang tanong.
“Ano bang sinasabi mong goodbye? Bakit ko gagawin 'yon sa matalik kong kaibigan?”
“Hindi ko alam sa'yo, kaya nga ako nandito para alamin sa iyo ang dahilan mo. Alam mo bang nasaktan ako dahil sa sinabi mo? Nag-goodbye ka dahil lang busy ka sa pag-aaral? Ano bang klaseng dahilan iyon?” Hindi niya maiwasang ilabas ang sama ng loob kasabay ang pagpatak ng kanyang luha.
“Pero hindi nga ako nagte-text sa'yo ng kahit ano dahil wala naman akong cell phone. Kay Mama ang ginagamit ko at pinagbawalan niya akong gamitin iyon habang nag-aaral ako. Sorry kung hindi ko man lang sinabi sa'yo. Makikihiram nga sana ako ng cell phone kahit sa kaklase ko pero laging walang load kaya hindi kita magawang kumustahin man lang. Sorry na.”
Inabot nito ang mukha niya at pinunasan ang mga luha sa kanyang pisngi.
“Kung hindi ikaw ang nagtext, sino?” Siya naman ngayon ang nagtataka. Sino ba ang taong gusto silang paghiwalayin?
“Ewan ko,” anito sabay kibit-balikat.