Chapter 8

Naging masaya ang mahigit tatlong linggong bakasyon ni Huimy kasama ang kapatid niyang si Kit sa Bicol. At s'yempre pa, dahil may inspirasyon siya sa lugar na iyon. Palagi silang magkasama tuwing hapon hanggang sa maggabi at walang sawang kuwentuhan at biruan lang naman. Minsan nga lang ay hindi pa rin niya maiwasang malungkot kapag may pagkakataong sumusulpot sa eksena si Robert at nawawalan sila ng panahong mag-usap. Kapag ume-eksena na ito ay kusa nang lumalayo si Renz at nakikipag-usap kay Marikit. Hindi naman niya maiwasang hindi makaramdam ng selos.

At ngayong huling gabi na ng bakasyon nila ay lalo siyang nakaramdam ng lungkot. Ito na rin kasi ang huling araw na makakasama niya si Renz. Higit pang nagpalungkot sa kanya ay ang katotohanang ngayon na malalaman ang sagot ng kapatid niya panliligaw nito.

Iniwan ni Huimy sina Renz at Marikit sa balkonahe para makapag-usap ang mga ito nang masinsinan. Walang gana siyang nagtungo sa kinaroroonan ni Robert. Panay ang salita nito pero hindi naman niya maintindihan ang mga sinasabi nito. Lutang ang kanyang isip sa katanungan kung anong desisyon ang gagawin ng kapatid.

Kahit na malapit kasi sila sa isa't isa ay hindi pa rin niya alam ang maraming sikreto ng kapatid kahit ang nararamdaman nito. Hindi ito nagsasabi ng kahit ano tungkol sa kanya lalo na pagdating sa nararamdaman. Ayaw naman niyang pilitin itong magsabi sa kanya. Hinahayaan na lamang niya ito na unang magbukas ng usapan patungkol sa personal na damdamin nito.

Pasimpleng sumulyap si Huimy kina Renz at Marikit. Ngayon lamang niya naramdaman ang insecurity sa kapatid. Marahil ay dahil alam niyang ito ang gusto ng taong gusto niya.

I wish I was her, bulong niya sa sarili habang nakatingin pa rin sa dalawang nag-uusap.

“Huimy,” tawag ni Robert sa kanya.

“Huh?” Nilingon niya ito na wala pa rin sa sarili.

“Nakikinig ka ba sa sinasabi ko?” medyo iritable ang boses ni Robert dahil na rin sa pambabalewala niya.

“S-sorry,” nasambit na lang niya. She felt guilty. Hindi naman niya gustong balewalain ito.

“Siya ba?” tanong nito na ipinagtaka niya. Hindi niya malaman o wala lang talaga siya sa sarili kaya hindi niya maintindihan ang tinutukoy nito.

“Ha?”

“Huimy, kanina ka pa patingin-tingin sa kanila. Hindi ka rin nakikinig sa akin. May gusto ka ba kay Renz?”

Ikinagulat niya ang tanong na iyon kaya't hindi agad siya nakasagot.

“Halata naman sa'yo noon pa na siya talaga ang gusto mo.”

“Sorry,” ulit na paumanhin niya saka yumuko.

“Huwag kang mag-sorry sa akin. Dahil sa pagso-sorry mo, alam kong wala na akong pag-asa sa'yo.”

Dahil sa guilty na nararamdaman at sa kirot na dulot ng kanyang pagseselos sa kapatid ay tumulo ang kanyang luha.

“Ayaw kong makasakit ng kahit sino, pero tama ka. Gusto ko siya, matagal na... pero si Kit ang gusto niya. Sorry talaga, Robert. Hindi kita gusto.” Mabilis siyang tumayo at iniwan ang manliligaw.

Pumasok siya sa loob ng kuwarto at doon ibinuhos ang kanina pang pinipigilang mga luha. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa unan.

“Ano ka ba? Bakit ka ba iyak ng iyak d'yan? Daig mo pa ang namatayan! Ano bang iniiyak mo d'yan? Inlove ka na agad? Tatlong linggo mo lang nakasama? Para kang tanga!” Paulit-ulit na pinapagalitan niya ang kanyang sarili.

“Ate,” tawag sa kanya ni Marikit kasabay ang pagkatok sa pinto. Dali-dali niyang pinunasan ang kanyang mga luha at binuksan ang pinto.

"Umiiyak ka ate?" bungad na tanong sa kanya ng kapatid.

“H-hindi ah. Sumakit lang ang mata ko, magkaka-sore eyes yata ako,” pagdadahilan niya. Kinusot pa niya ang mata para mas kapani-paniwala.

Tumango naman ito kahit tila hindi ito naniniwala sa kanyang sinabi.

“Pinapatawag ka pala ni Renz.”

“Ha? Ako? Bakit daw?”

Kumibit balikat lang ito saka umupo sa kama. “Sa tingin ko, may mahalaga siyang sasabihin sa'yo,” makahulugang sabi nito saka kumindat.

Inayos naman niya ang kanyang buhok na nagulo dahil sa kanyang paghiga bago nagpasyang lumabas ng kuwarto at harapin si Renz. Agad niya namang nakita si Renz na nakaupo sa may upuang kawayan na inupuan nila kanina ni Robert. Kahit abot-abot ang kaba sa dibdib ay nilapitan niya ito.

“Pinapatawag mo raw ako. Bakit?” agad niyang tanong saka umupo sa tabi nito.

“Bakit ganoon ang kapatid mo? Akala ko pa naman may pag-asa ako,” malungkot na sabi nito. Tila lalong tinusok ang kanyang puso nang makita ang lungkot sa mga mata nito.

“Talagang gusto niya si Kit,” bulong niya sa sarili.

“Sorry.” Yumuko siya dahil sa guilt na nararamdaman. Parang siya ang nasasaktan para kay Renz at pakiramdam niya ay kasalanan niya kung bakit ito binusted ng kanyang kapatid.

“Bakit ka nagso-sorry? Hindi mo naman kasalanan. Baka hindi lang talaga ako gusto ng kapatid mo.” Ngumiti ito para panatagin ang kanyang kalooban.

“Magagalit ka ba kung sabihin ko na baka ako ang dahilan kung bakit hindi ka n'ya sinagot?”

“Anong ibig mong sabihin na ikaw ang dahilan?” nagtatakang tanong nito.

Hindi agad siya nakasagot. Hindi niya alam kung dapat pa nga ba niyang sabihin o ilihim na lang kanyang nararamdaman? O kung tama bang siya ang unang magtapat sa lalaking nagugustuhan? At kung anong maaari nitong maging reaksiyon kung sakaling magtapat siya?

Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang magtama ang kanilang mga mata.

“Bahala na. Ang mahalaga ay masabi ko,” aniya sa sarili.

Humugot muna siya ng malalim na hininga bago nagsalita, “May gusto ako sa'yo.”

“Diyos ko naman, Mayumi! Putulin ko kaya iyang dila mo sa sobrang kaprangkahan mo. Tama ba naman itong ginawa mo?” sermon niya sa sarili.

Bakas sa mukha ni Renz ang pagkagulat dahil sa narinig. Sino ba namang hindi magugulat kung ang babae ang nagtapat sa isang lalaki? Ngunit agad ring nawala ang reaksiyon na iyon at napalitan ng ngiti sa labi.

“Bakit ka napapangiti d'yan? Hindi ka ba magagalit?” Kahit abot-abot ang kaba ay nagawa pa rin niyang itanong ang bagay na iyon nang hindi nauutal.

“Bakit ako magagalit?”

“Kasi ako ang dahilan kung bakit 'di ka sinagot ng kapatid ko. Alam ko na, alam ng kapatid ko ang feelings ko sa'yo kaya hindi ka niya sinagot.” Yumuko siya dahil sa kahihiyan.

Dumaan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Tila nagpapakiramdaman. At dahil sa sobrang tahimik, rinig na rinig ni Huimy ang lakas ng tibok ng puso niya. Unti-unti na ring nanginginig ang mga kamay niya dahil sa takot sa maaaaring sabihin ni Renz.

Sinulyapan niya ang binata. Nakatingala ito sa langit at parang may malalim na iniisip.

“Anong iniisip mo? Na-offend ka ba? Sorry ha? Hindi ko na dapat sinabi pa. Okay lang kahit iwasan mo na ako.” Hindi niya maiwasang malungkot nang sabihin iyon. Isipin pa lang na iiwasan siya nito o hindi na sila magkakausap pa ay parang hirap na siyang huminga. Tumingala na lamang din siya sa langit bago nagpakawala ng hangin.

“Bakit naman kita iiwasan?”

“Bakit hindi? Ang alam ko, kapag nalaman ng lalaki na gusto sila ng isang babae, umiiwas na sila o kung hindi naman nagte-take advantage at nililigawan nila.”

“Hindi ako ganoon. Huwag ka mag alala, hindi ko gagawin sa'yo 'yon.” Nagtama ang paningin nila nang sulyapan niya ito. Nakita niya ang genuine na ngiti sa mga labi nito.

“Gagawin ang ano? Ang hindi liligawan o ang hindi iiwasan?” pabirong tanong niya na may kasamang pag-asang ang huli ang isasagot nito sa kanya.

“S'yempre, hindi kita iiwasan.”

“Talaga?”

“Oo naman.”

“Siguro naturn-off ka na sa akin 'no?”

“Ha? Hindi ah! Masaya nga ako dahil gusto mo pala ako.” Tumaas pa ang ngiti sa sulok ng labi nito.

“Hoy! Baka lumaki 'yang ulo mo ha?” Inirapan niya ito saka bahagyang hinampas sa braso.

“Grabe ka! S'yempre, natutuwa lang ako kasi may humahanga sa akin. Pero tanong lang ha? Bakit ako ang nagustuhan mo?”

“Ewan ko.” Kibit-balikat niyang sagot. “Basta naramdaman ko na lang. Unang kita ko pa lang sa'yo parang magaan na ang loob ko sa'yo. 'Yong pakiramdam na parang matagal na kitang kilala.”

“Ganoon din ako sa'yo. Hindi ko nga alam kung bakit parang nakita na kita noon.”

Ikinagulat niya ang sinabi nito kaya't hindi agad siya nakasagot. Ang daming tanong na biglang naglaro sa isip niya.

Posible bang parehas sila ng nararamdaman? Pero imposible, hindi naman siya ang gusto nito. May soulmate bang hindi naman mutual ang feelings sa isa't isa pero magkasundo? Gusto niya ito pero hindi siya nito gusto. Magkaparehas sila ng nararamdaman pero hindi higit sa kaibigan ang turing nito sa kanya. Magkasundo lang sila dahil parang matagal na nilang kilala ang isa't isa. Naguguluhan na siya sa nangyayari at sa nararamdaman. Gusto niyang umasang parehas lang sila, na soulmate sila pero... ang labo.

Ibinaling na lamang niya ang tingin sa langit at nakita niya ang pagkislap ni Venus na animo ay kinikindatan siya. Naisip tuloy niyang kausapin ito sa pamamagitan ng isip.

“Kung ganito kagulo ang lovelife na papasukin ko, dapat ba kong umasa?”

Tiningnan niya si Renz na ngayon ay nakatingin na rin sa langit.

“Huwag na huwag mo akong liligawan ha?” bigla niyang nasambit na hindi sinasadya kaya't tumingin ito sa kanya na nagtataka.

“Oh, bakit naman? Akala ko ba gusto mo ako? Bakit ayaw mong ligawan kita?”

“Ayoko nga! Kahit gusto pa kita ayokong maging tayo dahil lang nalaman mong gusto kita.”

Biglang tumawa si Renz na ipinagtaka naman niya.

“May nakakatawa ba sa sinabi ko?”

“The best ka talaga. Ikaw lang ang babaeng nagpasaya sa akin ng ganito. Ang prangka mo. Wala kang kimi. Sinasabi mo talaga ang nararamdaman mo.”

Nag-init ang kanyang mukha dahil sa sinabi nito kaya agad siyang yumuko. “Gusto ko lang maging totoo sa sarili ko.”

“Yan nga ang gusto ko sa'yo.” Inakbayan pa siya ni Renz kaya naman mabilis na nanlaki ang kanyang mga mata. Dumaloy ang ilang boltaheng kuryente sa pagkakadikit lang ng mga balat nila. Tila nag-piyesta ang mga paru-paro sa kanyang sikmura dahil sa ayos nilang iyon. At kung hindi lamang niya alam na si Marikit talaga ang gusto nito ay baka isipin niyang sa kanya talaga may gusto ito. Sobrang lambing kasi nito sa kanya.

“Totoong tao ka. Kaya nga unang kita ko pa lang sa'yo ang gaan na ng loob ko sa'yo. Ikaw lang ang babaeng nakasundo ko ng ganito.”

“Bakit? Wala ka bang best friend na babae?” Kahig gusto niyang sulyapan ito ay hindi niya magawa dahil masyadong malapit ang mukha nito sa kanyang mukha.

“Wala. Ikaw pa lang.”

“Ako? B-bestfriend mo?”

“Oo. Ayaw mo bang maging best friend ko?”

Best friend? Iyon na lang talaga siguro ang role niya sa lalaking mahal niya. Kahit dismayado ay pinilit niyang ngumiti. Kahit paano ay masaya siyang itinuring siyang best friend nito. Isa lang ang ibig sabihin niyon, mas mapapalapit pa sila sa isa't isa at mas makikilala pa niya ito nang lubusan.

“S'yempre gusto ko. Bestfriend?” Itinaas niya ang kanang kamay at itinaas ang hinliliit na daliri bilang tanda ng isang sumpa. Ginaya naman ni Renz ang kanyang ginawa. Pinagdikit nila ang kanilang mga daliri at sabay na sinabing, “forever.”

Kumalas si Renz sa pagkakaakbay kay Huimy. Tumalikod ito saka hinawakan ang batok nito na tila may kinakapa.

“Best, pakitanggal nga itong kuwintas ko,” anito. Tumalima naman siya at agad na tinanggal ang kuwintas at ibinigay sa binata.

“Talikod ka,” malumanay na utos pa nito sa kanya.

Nagtataka man ay sinunod niya ang utos nito. Tinalikuran niya ito at halos manigas ang kanyang buong katawan nang isuot ni Renz sa kanyang leeg ang kuwintas na suot nito kanina. Hinawakan pa siya nito sa magkabilang balikat matapos isuot sa kanya ang kuwintas. Hinawakan niya ang pendat niyon at tiningnan sa harap sa likod. Scorpion ito at sa likod niyon ay may nakaukit na mga bituin.

Humarap si Huimy sa binata. May dinukot naman si Renz mula sa bulsa nito at inilahad sa kanyang kamay. Isang keychain na parisukat na may disenyong simbolo ng zodiac sign na scorpion at hugis M iyon. Isa rin itong locket na kapag binuksan ay naroon sa loob ang picture nito. May space din para lagyan ng isa pang picture.

“Ingatan mo 'yan ha? Ilagay mo rin d'yan ang picture mo. Pag nagkita ulit tayo, isoli mo sa akin at ako naman ang magtatago.”

“Oo, iingatan ko ito,” nakangiting sabi niya. Hindi siya makapaniwalang binigyan siya ng remembrance na katulad niyon.

Binigyan rin naman niya ang binata ng keychain na may nakaukit na pangalan niya. “Ingatan mo din 'yan para maalala mo ako.”

“Iingatan ko rin ito para sa'yo.”

Ngiti lang ang itinugon niya saka muling ibinaling ang tingin sa langit nang may matamis na ngiti sa mga labi.

“Mahilig ka bang tumingin sa bituin?” tanong nito sa kanya na nakatingala rin sa langit.

“Oo naman. Paborito kong tingnan ang star na iyon!” aniya sabay turo sa pinakamalaking bituin. “Pinapakilala ko nga pala siya sa'yo. Renz, siya si Venus. Venus, siya si Renz ang bago kong bestfriend.”

“May pangalan talaga ha?”

“Oo, pinangalanan ko siya. Baliw lang 'no?”

“Hindi naman masyado, konti lang,” biro nito sabay tawa. Sumimangot naman siya at hinampas ito sa braso.

“Grabe ka sa akin.”

“Joke lang,” biglang bawi nito bago muling tumingin sa bituin. “Mahilig ka bang mag-wish sa kanya?”

“Oo. Hindi lang ako nagwi-wish, kinakausap ko talaga siya.”

“Talaga? Ano namang sinasabi mo sa kanya?”

“Hmmm... nag-wish ako ng isang prince charming.”

“Prince charming?”

“Oo. Mahilig kasi ko sa fairytale at nangangarap din akong balang araw makikilala ko ang forever prince charming ko. Ikaw? Nagwi-wish ka rin ba sa stars?”

“Oo. Minsan kapag nakakakita ako ng bulalakaw, nagwi-wish din ako.”

“Anong wini-wish mo?”

Ngumiti si Renz ng pagkatamis-tamis habang nakatitig sa kanyang mga mata. “Secret.”

“Uhm!” Muli niyang hinampas ang braso nito nang mahina.

“Aray! Bakit ka naghahampas?” nagrereklamong daing nito kahit hindi naman gaanong kalakas ang hampas niya.

“May pa-secret-secret ka pa! Daya mo! Akala ko ba best friend na tayo?”

Tumawa lang si Renz kaya inulit niya ang paghampas nang marahan sa braso nito. Pakiramdam kasi niya ay pinagti-tripan lang siya nito. Panay pa rin ang tawa nito habang iniilagan ang mga hampas niya.

“Wait best, shooting star!” sabi ni Renz sabay turo sa langit. Mabilis naman siyang tumingin at bago pa man nawala sa paningin nila ang shooting star ay nag-wish na rin siya. Nang sulyapan naman niya ito ay nakapikit ito at waring bumubulong sa hangin pero hindi niya maunawaan.

Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi habang pinagmamasdan ito. Bigla niyang naalala ang sign na hiniling kay Venus.

“Ang lalaking makakasama ko sa pagtingin sa mga bituin... ang lalaking magtatagal sa buhay ko... forever!”