Chapter 10
Matapos ang usapan nilang dalawa ni Renz ay naging okay na ang lahat at lalo pa silang naging malapit sa isa't isa. Walang araw na hindi sila magkasama maliban na lang kapag umaalis si Renz para magtungo sa bayan para mag-aral. May pasok pa kasi ito at hindi pa sembreak.
Tuwing gabi naman ay may liga ng basketball sa may court kaya magkasama silang nanonood. Paborito nilang tambayan ang puno ng mangga na malapit sa maliit na kubo. Buhat doon pinapanood nila ang mga naglalaro.
Magkahawak-kamay sila habang nanonood ng basketball. Mahigpit ang pagkakahawak ni Renz sa kamay niya na para bang ayaw nitong umalis siya sa tabi nito. Lihim niyang sinusulyapan ang kanilang mga kamay na magkahawak sabay tingin sa binatang abala sa panonood. Tila gustong tumalon ng kanyang puso at napakalakas din ng kabog niyon. Tila may nagpi-piyesta rin na mga paru-paro sa loob ng kanyang tiyan. Hindi maipaliwanag na saya ang kanyang nararamdaman.
Masaya na siya kahit alam niyang walang namamagitang relasyon sa kanilang dalawa at purong mag-bestfriend lang ang turingan sa isa't isa. Masaya na siya sa special na trato ni Renz sa kanya. Gusto man niyang umasa na mutual ang feelings nila sa isa't isa ay nililimitahan niya ang pagiging asyumera. Alam niyang masasaktan lang siya.
Tinitigan niya ang mukha ng binata. Mine-memorize niya sa kanyang isip ang bawat parte ng mukha nito. Ang matangos na ilong, ang mahaba nitong pilikmata, ang medyo singkit nitong mga mata at ang dalawang biloy sa magkabila nitong pisngi kapag ngumingiti. Kahit naka-sideview lang si Renz, napakaguwapo nito sa paningin niya.
Ganoon siguro talaga kapag inlove ka sa isang tao, lahat ng magagandang katangian, nakikita mo sa kanya. Kahit hindi naman talaga siya ganoon kaguwapo, guwapo pa rin sa paningin mo. Iyong para bang siya lang ang paborito mong artista. Siya ang leading man at ikaw ang heroine niya. Siya ang prinsepe at ikaw ang prinsesa. Kayo ang bida sa lovestory ninyong dalawa na sa imagination mo lang nakikita.
Napaiwas siya nang tingin nang bigla itong lumingon sa kanya. Bigla siyang nahiya at nag-init ang kanyang mukha.
“Nahuli kaya niya akong nakatingin sa kanya?” tanong niya sa sarili na hindi malaman ang gagawin.
Naramdaman niya ang unti-unting paglapit ng mukha ni Renz palapit sa kanyang mukha. Automatikong bumilis ang tibok ng puso niya. Masyadong malapit ang mukha nito na konti na lang ay didikit na sa kanyang pisngi ang labi nito. Pigil ang kanyang hininga habang hinihintay ang sunod na gagawin ni Renz.
Inilapit nito ang bibig sa kanyang tenga at bumulong. Sa ingay kasi ng mga nanonood ay hindi sila magkarinigan.
“Panoorin mo ako mamaya ha? Second game kami.”
“O-oo naman. Ikaw pa. Cheer pa kita.” Ngumiti siya ng pagkatamis-tamis para ‘di mahalata nitong kinakabahan siya. Ibinalik na rin niya ang atensyon sa mga naglalaro kahit pa nga hindi pa rin maka-recover ang puso niya sa sobrang kaba.
Nabaling ang tingin niya sa isang manlalaro na napakagaling magpa-shoot ng bola. Bihira ang pagsablay ng bola kapag hinahagis nito sa basket. Bigla siyang napatili nang maka-shoot na naman ito.
“Woooohhhh! Galing mo talaga, Rukawa!” Binansagan niya ang lalaking naglalaro dahil hindi niya alam ang pangalan nito.
Naramdaman naman niya ang pagpisil ni Renz sa kanyang kamay kaya’t nilingon niya ito. Seryoso ang mukha nitong nakatingin sa kanya.
“H’wag ka nga masyadong sumigaw baka mapaos ka.”
“H’wag kang mag-alala, may reserba pa ako para sa'yo,” sabi niya sabay tawa nang malakas. Napatingin naman ang mga katabi. Bigla siyang nakaramdam ng hiya. Nginitian niya ang mga taong nakatingin sa sa kanya sabay peace sign.
“Ikaw talaga.”
“Sorry.” Nag-peace sign din siya kay Renz.
Nang sumigaw ng last two minutes ang MC, nagpaalam si Renz na magbibihis ng uniform para sa susunod na game. Tinanguan lang niya ito at pinagpatuloy ang panonood ng laro. Hindi naman nagtagal at bumalik na rin ito suot ang uniform. Napangiti siya nang makita na number 11 ang nakatatak sa uniform nito. Tumanggi kasi si Renz noon nang i-suggest niya ang number na iyon.
“Akala ko ba ayaw mo ng number 11 dahil ayaw mo kay Rukawa? Bakit number 11 ang damit mo?” nakataas ang kilay na tanong niya. Pero lihim siyang natutuwa dahil sinunod nito ang suggestion niya kahit tumanggi ito noon.
Napakamot si Renz sa kanyang ulo at natawa. “Naunahan kasi ako ni Robert sa number 10 eh kaya 11 na lang.”
Pumito na ang referee hudyat na natapos na ang 1st game at magsisimula na ang 2nd game. Nanalo ang kaninang grupo ng manlalarong sinusuportahan niya kanina. Kinausap naman ni Renz ang kapatid nitong si Richell at kaibigang si Dennis.
“Kayo muna bahala kay Huimy ha? Maglalaro lang ako,” bilin nito sa dalawa sabay baling sa kanya.
“Best, pakitanggal nga itong kwintas at bracelet ko,” utos naman nito sa kanya. Tumalikod ito para matanggal niya ang kwintas. Tinanggal din niya ang bracelet sa braso nito.
“Thank you. Itago mo muna, kunin ko na lang sa'yo mamaya,” anito. Ngiti lang at tango ang sinagot niya sa sinabi nito.
“Oh! Wala bang goodluck kiss d’yan?” biro naman ni Dennis. Nagkatinginan tuloy silang dalawa ni Renz at nagkahiyaan sa pagngiti. Umiwas na ito nang tingin at nagtungo sa mga ka-team nito.
Sumulyap pa ito sa kanya at ngumiti bago itinuon ang atensiyon sa sinasabi sa kanila ng kanilang coach. Nang muling pumito ang referee ay hudyat na para umpisahan ang second game. Sa bawat pagtakbo nang pabalik-balik ni Renz sa loob ng court ay sa dito lamang nakatuon ang kanyang buong atensiyon. Ni wala siyang pakialam sa ibang ka-team nito kung nakaka-shoot ba o ano. Basta kapag na kay Renz na ang bola ay todo na siya sa pagsigaw para lang i-cheer ito. Mukha namang ganadong-ganado rin si Renz sa paglalaro. Halos ilan lang ang sumablay sa mga tira nito at karamihan ay pumasok sa basket.
Natapos ang laro at nanalo ang team nila. Pawis na pawis siya at humihingal pa nang lumapit sa kanilang tatlo. Tuwang-tuwa naman niyang iniabot kay Renz ang k’wintas at bracelet nito.
“Congrats ha?! Galing mo!” masiglang sabi niya kahit halatang paos na dahil sa sobrang pagsigaw.
“Salamat sa pag-cheer ha!” tugon nitong nakangiti kahit pagod na pagod at hinihingal pa.
“Sabi ko sa'yo, iba talaga kapag may inspirasyon,” muling kantiyaw ni Dennis. Hindi niya tuloy alam kung alam nitong may gusto siya kay Renz kaya panay ang pagnunukso nito sa kanila.
Nagkatinginan lang sila ni Renz na para bang nagkakaintindihan na kahit hindi pa man magsalita.
“Oh, baka langgamin na kami dito sa mga titig n'yo,” kantiyaw naman ni Richell na todo ang pagkakangiti at makahulugan ang tingin sa kanila. Siya na lang ang unang umiwas ng tingin kay Renz. Nakita naman niyang pasimple rin nitong tinanguan ang kapatid na para bang may isinesenyas na kung ano.
“Oh siya sige, mauna na kami ni Dennis at mukhang marami kayong dapat pag-usapan." Hindi pa man siya nakakasagot ay mabilis nang naglakad palayo ang dalawa. Naiwan silang tahimik na nagpapakiramdaman.
Hinawakan naman ni Renz ang kanyang kamay kaya’t napatingin siya sa mga mata nito. Ngumiti naman ito sa kanya at pinisil pa nang bahagya ang kanyang palad. Kapag ganitong mahigpit ang pagkakahawak ng mga kamay nila, ramdam niya ang seguridad na hindi siya bibitiwan nito kahit kailan. Ramdam niya ang special na turing nito sa kanya pero hanggang special nga lang ba? Hindi na ba hihigit pa?
“Sabi ko naman sa'yo, huwag kang masyadong sumigaw. Napaos ka tuloy,” panenermon ni Renz sa kanya sa maninahon na paraan.
“Worth it naman ang paos ko, nanalo naman kayo,” depensa niya.
“Paano kung hindi, e ‘di useless lang ang sigaw mo?”
“Imposible namang matalo kayo, ang galing mo kaya. Laging three points tapos rebound pa. Magaling ka pa kay Rukawa. Pang-MVP ka na.”
“Taas ng bilib mo sa akin a.”
“Naman! Best friends tayo e. Support all the way!” Itinaas niya pa ang mga kamay nilang magkahawak.
Napansin niya naman na parang natahimik ito at nakatitig sa kanya. Nakita niya rin ang lungkot sa mga mata nito sa kabila ng ngiti sa labi.
“Oh, bakit natahimik ka?” nag-aalalang tanong niya.
“Wala. Pagod lang siguro ako. Tara na! Hatid na kita sa inyo, best.” Tumango na lang siya saka magkasabay na naglakad pauwi sa bahay ng kanyang tiyahin.
Tahimik lang silang naglalakad hanggang sa makarating. Hindi niya alam kung anong nangyari ngunit parang nagbago bigla ang takbo nang hangin at ang mood ni Renz. Hindi na lamang niya pinansin o tinanong pa ito ulit hanggang sa makaalis.
Papasok na siya sa loob ng bahay nang tumunog ang kanyang celphone. Tiningnan at binasa niya ang message na naroon.
Renz: Kaway ka muna dito.
Tumingin naman siya sa gawi kung saan naroon ang bahay ni Renz. Nakatayo pa ito sa may pinto ng kanilang bahay at nakatingin din sa lugar kung saan siya nakatayo. Kumakaway ito sa kanya. Gumanti naman siya ng kaway.
“Good night best!” malakas na sabi nito.
“Good night!” malakas ding tugon niya kahit alam niyang hindi nakakarating ang boses niya roon dahil sa sobrang hina. Naubos na talaga ang boses niya at halos pabulong na lang ang sigaw niya. Yumuko siya at nag-type ng message sa kanyang cell phone.
Huimy: Goodnight. Sweetdreams.
Tiningnan niya ito at mula roon ay nakita niyang binabasa nito ang message. Matagal rin bago ito tumunghay at ngumiti sa kanya kasabay ang pagtunog rin ng kanyang cell phone.
Renz: Goodnight. Sweetdreams. Love you.
Ilang beses pa siyang kumurap matapos basahin ang message na iyon. Parang tumalon din ang puso niya dahil doon. Kahit lagi silang nagsasabihan ng ganoon, pakiramdam niya ay iba na ang kahulugan nito sa kanya ngayon. Lalo pa at hindi iyon nilagyan ni Renz ng best sa dulo ng love you.
Huimy: Love you too.
“And I mean it. Mahal kita, Renz... sana ganoon ka rin,” mahinang bulong niya sa sarili bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay.
Dalawang linggo na si Huimy sa Bicol. S’yempre pa ang saya ng bakasyon niya dahil lagi silang magkasama. Parang hindi na nga yata matatapos ang kaligayahan niya.
“Hoy, kayo na ba ni Renz?” minsang tanong sa kanya ni Carol.
Hindi lang naman ito ang nakakapansin ng sobrang sweetness nila ni Renz. Halos lahat ng mga kamag-anak at kaibigan niya ay nagtatanong kung may relasyon ba sila ngunit tinatanggi niya. Sapagkat hindi naman talaga niya alam kung ano ba talaga ang estado ng relasyon mayroon silang dalawa. Ang alam lang niya ay masaya siya sa espesyal na trato nito sa kanya.
“Hindi a!” muling tanggi niya pero ang totoo, parang may kumikiliti sa kaibuturan niya tuwing may nagtatanong sa kanya ng ganoon.
“Tinatanggi mo talaga ha? Obvious naman sa mga kilos ninyo na may kakaiba kayong pagtingin sa isa’t isa.
“Wala. Bestfriends lang talaga kami.”
“Oh, sige na nga. Bestfriend na kung bestfriend. May chika pala ako sa'yo, Huimy.”
“Anong chika naman iyan?”
“Narinig ko kasing nag-uusap sina Tita Mercy at ang Mama ni Renz.”
“Ikaw ha? Bakit nakikinig ka ng usapan ng mga matatanda?”
Lumabi naman ito. “Hindi ko naman sinasadyang marinig. Dumaan kasi ako sa tindahan. Pero alam mo ba, siguradong masasaktan ka sa sinabi ng Mama ni Renz.”
Bigla siyang nakaramdam ng kaba at kuryusidad.
“Bakit naman ako masasaktan?”
“Kasi alam kong ikaw ang tinutukoy ni Manay Claire. Sinabi niyang ayaw daw niya sa taga-siyudad dahil masyadong agresibo. Ayaw din daw niya na ang babae ang napunta sa bahay ng lalaki.”
“Pero isang beses lang naman akong nagpunta kina Renz. Noong nagyaya lang si Richell na magmiryenda sa kanila, kasama ka pa noon hindi ba?” depensa niya.
“Iyon kaya ang dahilan kung bakit kapag binabati ko siya ay hindi man lang ako nginingitian,” naisaloob niya.
Nalungkot siya sa katotohanang nalaman mula sa pinsan. Nalungkot siya dahil magkaibigan pa nga lang sila ni Renz ay ayaw na sa kanya ng ina nito, paano pa kaya kung maging sila? Naku, heto na naman siya at nangangarap ng gising. Alam naman niyang imposibleng maging sila ng binata.