Chapter 7

Matapos ang outing na iyon, hindi na pinansin ni Huimy si Renz. Hindi na niya binabati ito kapag nagkakasalubong sila tulad noong una silang magkakilala. Ni hindi na niya ito nginingitian. Iniiwasan niya ito kahit sa loob-loob niya ay hirap siyang iwasan ito. Kahit kasi isang araw lang silang nagkausap noong araw na dumating siya ay napakagaan na ng pakiramdam niya rito. Ang pakiramdam na komportable na siya kahit iyon pa lang ang unang araw na nagkakilala sila.

Sa totoo lang ay hindi naman siya ang tipo ng tao na madaling magkagusto lalo na at sa loob lang ng isang araw. At hindi rin siya ang taong madaling magtiwala lalo na at unang kita pa lang niya rito. Pero iba ang kaso niya kay Renz. She almost tell her everything kahit noong una pa lang silang magkausap. Halos hindi nga niya nakilala ang sarili niya sa sobrang kadaldalan niya. Madalas siyang tahimik noon at nakikiramdam lang sa paligid niya at sa mga taong nakakahalubilo niya pero paanong sa isang araw lang ay nabago nito ang takbo ng buhay niya, iyon din ang hindi niya maintindihan sa kanyang sarili.

Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga habang naglalakad pabalik sa bahay ng kanyang tiyahin. Ilang araw na niyang ginagawa ang pag-iwas dito pero hindi pa rin siya mapalagay. Parang kulang ang araw kapag hindi niya nakikita ang ngiti nito.

“Tama lang na umiwas na ako sa kanya dahil lalo ko lang pahihirapan ang sarili ko. Alam ko namang hindi niya ako gusto. Mas mabuti na itong maaga pa lang, patayin ko na ang nararamdaman ko,” aniya sa sarili.

“Huimy, galit ka ba kay Hermano?” Nagulat siya sa biglang pagsulpot ni Rico sa kanyang harapan. Sa lalim ng kanyang iniisip ay hindi na niya namalayan ang paglapit nito. Si Rico ay kababatang kapatid ni Renz na kaedad lamang ni Marikit. Tulad ni Renz ay guwapo rin ito. Maputi at singkit ang mga mata, matangkad ngunit may kapayatan nga lamang ang pangangatawan nito.

“Ha?” Nakaawang ang kanyang labi na nakatingin dito. Bigla rin ang pagkunot ng kanyang noo dahil hindi niya alam kung sino ang tinutukoy nitong Hermano. “Sinong Hermano?”

“Iyong Hermano ko. ‘Yong nakakatandang kapatid,” paliwanag nito na halatang nahihirapang magtagalog.

Napatango-tango siya at biglang natawa. Ngayon lang kasi niya napagtanto na ang Hermano ay kuya pala sa salitang Bicol. Ang akala niya ay pangalan lamang iyon ng kung sinong tao.

“Akala ko kung sinong Hermano, kuya mo pala.”

“Oo. Kuya ko nga. Kuya pala ang tagalog sa hermano.” Napakamot pa ito sa ulo dahil sa pagkapahiya. “Galit ka ba sa kuya ko?” ulit na tanong pa nito.

Hindi agad siya nakasagot. Hindi kasi niya alam kung dapat ba niyang sabihin dito na umiiwas lang siya dahil may gusto siya sa kuya nito at ayaw lang niyang masaktan kapag tuluyan na siyang nahulog dito.

“Hindi,” tipid na sagot niya. Totoo naman iyon, hindi naman talaga siya galit, hindi rin masama ang loob niya. Siguro hindi lang talaga niya kayang isiksik pa ang kanyang sarili sa taong hindi naman siya gusto.

“Bakit 'di mo pinapansin si kuya?”

Lalo siyang natahimik at hindi malaman kung ano ang eksaktong isasagot. Matagal siyang nag-isip kung ano ang dapat sabihin.

“Hindi ah. Busy lang siguro ako kaya hindi ko siya napapansin. Pasensya na kamo,” pagdadahilan niya.

“So, okay naman kayo ni kuya?” ngiting-ngiting sabi nito sabay thumbs up.

Napangiti naman siya sa reaksiyon nito na waring may ibig ipahiwatig ang ngiting iyon o may ibig pang ipakahulugan ang sinasabi nitong okay.

“Okay naman talaga kami eh.”

“Yes!” tuwang-tuwa pang sabi nito saka nagpaalam sa akin. Napailing na lang siya habang pinagmamasdan itong papalayo.

Pagsapit ng gabi, abala sila ni Kit sa pagtitiklop ng mga damit na nilabhan nila kaninang umaga.

“Ate, umamin ka nga sa akin. May gusto ka ba kay Renz?” Ikinagulat niya ang tanong na iyon ni Marikit. Itinigil niya ang kanyang ginagawa at tiningnan ito.

“Bakit mo naman naitanong iyan?”

“Halata ka kasi.”

Biglang nag-init ang kanyang mukha at bumilis ang tibok ng kanyang puso.

“Ganoon na ba talaga ako ka-obvious?” tanong niya sa sarili.

“Wala 'no?” tanggi niya kahit iba naman ang sinisigaw ng kanyang puso. “Saka ikaw itong nililigawan niya 'di ba?”

“Nililigawan? Ligaw na ba ang tawag kapag kinakausap ka lang ng isang tao?”

“Bakit? Hindi ba siya nagtapat ng feelings sa'yo?”

“Feelings? Hmmm... sabi lang naman niya masaya raw akong kausap kasi parang ang matured ko raw sa edad ko. Sinabi niya ring mas maganda ako sa'yo,” nakangising biro nito.

“I know, right,” natatawang sang-ayon niya.

Aminado naman siyang mas maganda talaga si Marikit kaysa sa kanya. Mas matangkad rin kasi ito kahit pa nga mas matanda siya rito. Minsan nga ay napagkakamalan pang panganay si Marikit sa kanilang dalawa. At mas malakas din talaga ang karisma nitong taglay dahil na rin siguro sa dimples nito sa kaliwang pisngi. Iyon ang nagpadagdag sa kagandahan nito. Maputi rin ito kumpara sa kanya na may pagkamorena.

“Pero sapat na ba iyon para sabihing gusto niya ako?”tila inosenteng tanong ni Marikit.

“Kung nagagandahan siya sa'yo, siguro nga gusto ka niyang talaga. Pero may pag-asa ba siya? Sasagutin mo ba siya?” curious niyang tanong. Sa kabilang banda ng kanyang isip ay umaasa rin siyang hindi ito gusto ng kanyang kapatid.

“Hmmm... sa totoo lang, guwapo naman si Renz kaya lang—”

“Huimy!” Naputol ang dapat sanang sasabihin ni Marikit nang marinig nila ang tawag ng kanilang tiyahin.

“Bakit po, Tita?” tanong niya nang makita ang mukha nitong nakasilip sa siwang ng pinto.

“Nasa labas si Renz, hinahanap ka.”

“Ako?” Sabay turo sa kanyang sarili. Nagkatinginan pa sila ni Marikit. Parehas na nagtataka ang reaksiyon ng kanilang mukha.

“Hindi naman ako ang nililigawan niya, bakit kaya ako at hindi si Kit ang hinahanap niya?” naitanong niya sa sarili.

“Labasin mo na at baka lamukin pa iyon sa balkonahe,” pahabol pang sabi ng kanyang tiyahin bago umalis.

Lumabas ng naman siya ng kuwarto at mabilis na tinungo ang balkonahe. Agad na dinagsa ng kaba ang kanyang dibdib kahit pa nga likod pa lamang ang nakikita niya sa binata. Bumuntong hininga muna siya bago lumapit dito.

“Pinapatawag mo raw ako?”

Nilingon siya nito at tipid na ngumiti. Bakas ang kalungkutan sa mga mata nito kahit pa sabihing nakangiti ito. Ibang-iba sa mga pagkakataong ngumingiti ito na kasama ang mga mata sa pagngiti.

“Galit ka ba sa akin? Ilang araw mo akong 'di pinapansin ah,” malungkot rin ang boses nito nang sabihin iyon.

“Hindi mo na naman kasi kailangan ng tulay. Mukhang okay na naman kayo ng kapatid ko,” may pagkasarkastikong sagot niya. Ang totoo, mabigat sa kanyang dibdib ang katotohanang sa kapatid niya may gusto ang lalaking gusto niya. At isipin palang niyang baka hindi rin malabong may gusto si Kit dito ay nasasaktan na siya.

“Grabe ka naman. S'yempre kailangan pa rin kita. Miss ko na kaya ang k'wentuhan natin.”

Bahagyang nakiliti ang kanyang puso sa narinig at nakaramdam siya ng kaunting kasiyahan.

“Miss ka d'yan! Nambola ka pa. Tagal ng bilog ulo ko 'no?” aniya sabay irap.

“Basketball player lang ako pero hindi ako marunong mambola,” pabiro ring sabi nito.

“Basketball player na hindi marunong mambola, ewan ko sa'yo.” Lihim siyang napangiti. Kahit pigilan niya ang sarili ay hindi niya maiwasang kiligin sa simpleng pagkausap lang sa kanya ng binata at pagbibiro nito. At natutuwa siyang makita na ang kaninang lungkot sa mata nito ay unti-unti ng nabubura. Sa bawat tingin niya sa binata ay hindi niya maiwasang humanga sa itsura nito. Para bang lalo lang itong gumaguwapo sa paningin niya lalo na kapag tinatawanan nito ang mga simpleng biro niya.

“Ikaw talaga. 'Yan ang gusto ko sa'yo eh, napapatawa mo ako.”

“Ang babaw naman kasi ng kaligayahan mo,” biro pa niya rito.

“Tama ka, makita lang kitang nakangiti, masaya na ako.” Nagtama ang kanilang mga mata nang lingunin niya ito. Tila tumalon nang bahagya sa kinalalagyan nito ang kanyang puso dahil sa mga salitang lumabas sa bibig nito. Hindi maikakailang ikinatuwa rin niya iyon ng lihim.

"Alam mo bang weird itong pakiramdam ko sa'yo. Hindi ko pa ito naranasan dati at aaminin ko, sa'yo lang kaya magaan ang loob ko. Una pa lang kita nakita at nakausap parang matagal na tayong magkakilala."

Lalong tumalon ang kanyang puso sa sinabi nito. Hindi siya makapaniwalang sinabi iyon ng binata. Hindi maalis ang pagkakatitig niya sa mga mata nito. Inaarok niya ang sinseridad sa sinasabi nito. At sa pagtitig niya sa mga mata nito ay lalo lamang siyang nahuhulog dito. Pakiramdam niya ay nasa mga mata nito ang kasagutang magpapasaya sa kanya.

“Parehas kami ng nararamdaman pero bakit hindi ako ang niligawan niya?” biglang bulong ng puso niya na bahagya ring kumirot. Napalitan ang saya ng lungkot sa katotohanang hindi naman siya ang gusto ng binata. Umiwas siya nang tingin at ibinaling sa pagtingala sa langit.

“Ang dami mo na sigurong nabolang babae ano?”

“Hindi nga sabi ako marunong mambola,” depensa niya.

“Itsura mong 'yan hindi bolero at babaero, maniwala ako sa'yo.”

“Tingnan mo ito, babaero agad? Kapatid mo pa nga lang niligawan ko.”

“Ibig sabihin wala ka pa naging girlfriend?” Muli niya itong nilingon at nahuli niyang nakatitig ito sa kanya ngunit umiwas din agad ng tingin. Yumuko ito at ibinaling ang tingin sa mga paa.

“Hmmm... hindi naman kasi ako ang nanliligaw. Sila ang nanliligaw. Pinagbibigyan ko lang,” biro nito sabay tawa nang malakas.

“Grabe ka, ikaw na! Ang haba ng hair mo!” Sinabayan niya ito sa pagtawa saka itinulak ito ng mahina sa braso.

“Talaga! Mas mahaba pa sa buhok mo!” Maarteng inilagay ni Renz sa gilid ng tainga ang buhok nitong hindi naman ganoon kahabaan at may pagkakulot ng kaunti. Umakto itong malanding bakla. Pabiro pa ngang umirap ito.

Hindi naman niya napigilan ang sarili sa katatawa. Ngayon lang niya nadiskubre na may pagkakenkoy din pala ito. Kung titingnan kasi, akala mo ay seryoso lang si Renz at kung hindi ito talaga kakilala ay baka sabihing suplado ito.

Ang saya ng gabing iyon para kay Huimy. Parang nasa ulap ang kanyang pakiramdam. Kung puwede lang ay ayaw na niyang matapos ang gabing iyon. Ang dami nilang napag-usapan tungkol sa kanilang personal na buhay.

Napag-usapan nila ang tungkol sa pangarap nila. Pangarap ni Renz ang maging engineer pero dahil sa kakapusan sa pera, ibang kurso ang kinuha nito. Nakapag-aral lang ito dahil napasuwerteng nakakuha ng scholarhip na bigay ng isang kompanya sa isang bayan sa Iriga City. Vocational course lang iyon na automotive mechanic. Okay naman na iyon sa kanya kaysa hindi makapag-aral.

Tulad naman ni Renz, hindi rin niya nakamit ang kursong gusto niya. Ayaw kasi siyang payagan ng Mama niya na mag-aral sa Maynila. Ayaw nilang mapalayo siya at sa iba manirahan. Pumayag na lang siya sa kursong pinapakuha ng mga ito na Computer Secretarial. Malapit lang kasi ang school na papasukan niya sa kanilang bahay. At tulad ni Renz, vocational lang din iyon. Ayos lang naman sa kanya dahil ang mahalaga naman ay matuto siya sa pag-operate ng computer. Umaasa na lamang siyang balang-araw ay matupad pa rin ang kanyang pangarap na maging writer kahit hindi siya nakapag-aral ng journalism.

Bukod sa pangarap nila, kung saan-saan na napunta ang kanilang usapan. Minsan ay pang-out of this world na. Hndi rin nakalagpas ang mga childhood memories nila pati na rin ang tungkol sa high school life ng bawat isa.

“Wala pa ba kayong balak matulog ha?” Natigil ang kanilang tawanan at mabilis na napalingon nang bigla na lamang sumulpot si Lola Marga sa likuran nila. Ito ang nanay ng kanyang ina at nakatira rin sa bahay ng tiyahin niya. Si Tita Mercy na ang kumupkop dito mula nang yumao ang kanilang lolo. Ayaw naman kasi nilang payagan ito na manirahan sa kubo ng mag-isa lalo na at malayo iyon sa bahay nito.

Mukhang narinig ni Lola Marga ang lakas ng tawanan nila ni Renz kaya lumabas ito ng bahay at nilapitan silang dalawa. Nakalimutan na rin nila ang oras dahil nawili na silang makipagkuwentuhan sa isa't isa.

“Ah sige, Huimy. Uuwi na rin ako. Lola, mauna na po ako,” nahihiyang paalam ni Renz saka tumayo. Makailang ulit pa itong lumingon at kumaway bago tuluyang lumakad palayo. Hinatid na lamang niya sa pamamagitan ng tingin ang binata. Hindi pa rin maalis ang ngiti sa kanyang mga labi.

“Pasok na sa loob!” sabi pa ng kanyang lola. Lihim pa rin siyang sumulyap sa papalayong si Renz bago natatawang pumasok sa loob ng bahay.

Hindi niya alam kung nakalimutan na ni Renz na kausapin ang kanyang kapatid dahil nawili na itong kausap siya. Nagtataka rin siya kung bakit hindi man lamang nito nabanggit ang tungkol sa pagpapalakad nito kay Marikit. Gayon pa man, walang pagsidlan ang kanyang tuwa nang gabing iyon. Hanggang sa pagpikit ng kanyang mata ay ang mukha ni Renz ang kanyang nakikita.