Chapter 6
Kanina pa kinukulit ni Robert si Renz mula pa nang makita nito si Huimy sa may basketball court. Mukhang tinamaan talaga ang kaibigan niya sa bagong saltang bakasyunista. Tanong nang tanong ito tungkol kay Huimy at niyayaya siyang puntahan ito sa bahay ng tiyahin nito. Gumawa pa ito ng bulaklak na papel para sa dalaga at nais nitong si Renz ang magbigay.
“Sige na pare, mas guwapo ka sa akin kaya mas papansinin ka noon kapag ikaw ang unang lumapit.”
“Loko talaga ito, ginamit pa ang karisma ko para sa panliligaw niya. Wala talaga itong sariling diskarte. Tsk!” sabi niya sa sarili.
Matagal na niyang kaibigan itong si Robert. Magkaklase sila mula elementary hanggang highschool at magkapitbahay lang sa baryong iyon. At sa tuwing may natitipuhan ito ay lagi na lang hinihingi ang kanyang tulong. May pagkatorpe kasi ito pagdating sa mga babae.
“Ikaw itong nakaisip manligaw tapos ako ang magbibigay ng bulaklak? Baka sa akin mainlove 'yun, sige ka!” pagbibiro ko.
“Yun lang! Walang ganyanan pare!” Bahagyang napikon ito sa biro niya base sa pagkalukot ng mukha nito.
“Joke lang. Akin na nga!” aniya sabay kuha ng bulaklak na kanina pa nito ipinipilit na ipabigay sa kanya.
“Salamat pare!” Masiglang sabi nito saka mabilis na tumayo at tinungo ang pinto palabas.
“Oy teka! Akala ko ba sasamahan kitang manligaw, bakit aalis ka na?” Nagtatakang pinigilan niya ito sa may braso.
Napakamot naman ito sa ulo. “Inuutusan pa kasi ako ni Papa eh, kaya ikaw na muna magbigay, susunod na lang ako sa'yo sa court kapag nabigay mo na,” paalam nito sabay karipas ng takbo. Hindi na niya napigilan ito kaya napailing na lamang siya.
Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi nang maalala ang mukha ng dalagang nakangiti sa kanya kanina. Hindi niya maipaliwanag ngunit unang kita pa lamang niya rito ay magaan na ang pakiramdam niya. Para bang matagal na niya itong kilala.
Malapit lang ang bahay nina Renz sa bahay na pansamantalang tinutuluyan ni Huimy. Sapa lang ang pagitan niyon. Napagpasyahan niyang magtungo na sa bahay ng tiyahin ni Huimy para ibigay ang bulaklak na pinapabigay ni Robert. Ngunit bago pa man siya nakarating sa bahay na iyon ay nakasalubong na niya si Carol.
“Hi, Carol!” masiglang bati niya sa dalaga nang magkalapit sila.
“Oh, Renz, ikaw pala. Anong sa atin?" ganting bati nito.
“Ah, pakibigay naman ito kay Huimy,” sabi niya sabay abot ng bulaklak. Kinuha naman nito iyon at matamis na napangiti.
“Wow! Ang sweet naman,” sabi pa nito na parang kinikilig pa.
“Ah, hindi—”
“Ah, sige, mauna na ako. Nagmamadali kasi ako," paalam nito sa kanya kaya naman hindi na niya nasabing kay Robert galing ang bulaklak. Napakamot na lang siya sa kanyang ulo habang nakatanaw sa papalayong pigura nito. Nagpunta na lamang siya sa basketball court at doon hinintay si Robert.
Habang abala si Renz sa panonood ng mga naglalaro ay dumating naman si Huimy. Nag-usap sila patungkol sa ibinigay na bulaklak ni Robert. At dahil sa gulat sa tanong nito kung may gusto siya sa kapatid nito ay kung ano na lamang ang lumabas sa kanyang bibig na hindi niya sinasadya.
Nalungkot siya nang makita ang pagkadismaya sa maganda nitong mukha pero hindi niya magawang bawiin ang kanyang sinabi kaya't pinanindigan na lamang niya.
Niyaya rin siya nitong mag-outing kasama ang mga pinsan at sumang-ayon naman siya. Gusto rin niya itong makasama at makausap. Masayahing babae si Huimy kaya masaya itong kasama.
Pero napansin niyang parang hindi yata naging maganda ang mood ni Huimy. Sa buong oras na nasa dagat sila ay panay ang iwas nito sa kanya. Hindi naman niya alam kung bakit hindi man lang siya nginingitian nito.
“May nagawa kaya ako na hindi niya nagustuhan?” tanong niya sa sarili habang nakatingin pa rin kay Huimy na nasa unahan nilang naglalakad pauwi sa kanilang baryo.
Nahuli niya itong tumingin sa kanya kaya't nginitian niya ito pero umiwas lang ulit ito ng tingin sa kanya at nagpatuloy sa paglalakad.
Humakbang siya ng mabilis para habulin ito at sabayang maglakad pero nakita niya si Robert na palapit rito at sinabayan itong maglakad.
“Hi, Huimy! Okay ka lang ba?” narinig niyang tanong ni Robert kay Huimy.
“Napagod lang,” tugon nito saka tipid na ngumiti.
“Ah, natanggap mo ba ang bulaklak na binigay ko?”
Tango lang ang itinugon ni Huimy. Bakas sa mukha nito ang kawalang gana sa kausap.
“Nagustuhan mo ba?”
“Oo, salamat,” tipid pa ring sagot nito.
Hindi na niya naintindihan ang iba pang usapan nina Huimy at Robert dahil mabilis na naglakad na ang mga ito palayo. Napabuntong hininga na lamang siya habang tinatanaw ang mga ito.
“Huy, okay ka lang? Bakit bigla kang nalungkot diyan?” tanong sa kanya ni Marikit.
“Ha? Wala.” Nginitian niya ito para itago ang biglang lungkot na naramdaman niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit ganoon ang naramdaman niya sa pag-iwas sa kanya ni Huimy.
Matapos ang mahaba-habang lakaran ay nakarating din sila sa baryo.
“Bye, Huimy. Kita-kita na lang ulit bukas,” sabi ni Renz sa dalaga nang nasa tapat na sila ng bahay ng tiyahin nito. Hindi naman sumagot si Huimy at nagtuloy-tuloy lang na pumasok sa loob ng bahay.
Nakaramdam siya ng lungkot sa inaktong iyon ni Huimy sa kanya kaya't nakayuko siyang humakbang palayo sa bahay na iyon.
“Ayos lang ba kayo ni Huimy? Bakit parang hindi kayo masaya sa naging outing natin?” tanong sa kanya ni Robert habang sabay sila sa paglalakad.
“Ayos lang kami,” labas sa ilong na sabi niya dahil kahit siya ay hindi sigurado sa naging sagot. Hanggang ngayon ay naglalaro pa rin sa isipan niya ang kalungkutang nasa mukha ni Huimy. Hindi siya sanay na makita itong malungkot, nasasaktan siya sa hindi niya malamang dahilan.
“Anong ayos? Kanina pa kaya kayong hindi nag-iimikan. Kahapon lang, halos hindi na kayo mapaghiwalay sa pagkukuwentuhan. Selos nga ako dahil parang wala ako sa harap ninyo kahapon.”
Naabutan kasi nitong nagkukuwentuhan sila sa may court ni Huimy kahapon. Enjoy na enjoy siyang kausap ito dahil sa dami ng kuwento nitong nakakaaliw. Ang sarap pa ng tawa nitong nakakadala kaya pati siya ay walang tigil rin sa katatawa.
“Baka wala lang sa mood si Huimy ngayon, hayaan na lang natin.”
Kibit-balikat naman ang itinugon ni Robert saka nagpatuloy sa paglalakad. Samantalang okupado pa rin ni Huimy ang isip niya hanggang sa makauwi siya sa kanilang bahay.
“Anong nangyari, Hermano? Bakit ang lungkot mo?” tanong sa kanya ni Rico nang mapansin nito na hindi siya nakangiti man lang. Nagtataka ito sapagkat mula pa man nang dumating siya galing siya sa outing ay para na siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Ilang araw na siyang malungkot. Ilang araw na rin kasi siyang hindi pinapansin ni Huimy. Tuwing magkikita sila ay para bang sadya siyang iniiwasan nito.
Bumuntong hininga siya bago sumagot. “Si Huimy kasi.”
“Bakit? Ano bang ginawa sa’yo ni Huimy?” Umupo ito sa tabi niya. Isa ito sa nakatutuwa sa kanyang nakababatang kapatid, concern ito sa kung anomang nararamdaman niya kaya nga close sila sa isa’t isa.
“Hindi niya ako pinapansin. Hindi ko alam kung may nagawa ba ako sa kanya na hindi niya nagustuhan.”
“Gusto mo ba siya, Kuya?” Ikinagulat niya ang tanong nito kaya hindi agad siya nakasagot. Magaan ang loob niya sa dalaga at hindi naman madaling magustuhan ito pero hindi pa siya sigurado sa bagay na iyon. Ang alam lang niya, malungkot siya dahil sa hindi nito pagpansin sa kanya.
“H-hindi,” tipid niyang sagot.
“Hindi pero masyado kang apektado sa hindi niya pagpansin sa’yo.”
“Hindi naman sa ganoon. Hindi lang ako sanay na para siyang galit. Gusto kong malaman kung bakit bigla na lang siyang nagkaganoon.”
“Gusto mo alamin ko para sa’yo?”
“Naku, huwag na. Siguro nga napagod lang siya sa outing namin kanina.”
Tumayo naman ito na ikinagulat niya.
“Saan ka pupunta?”
“Pupuntahan ko si Huimy.”
“Ha? Huwag na!”
“Hindi maso-solve ang problema kung hindi pinag-uusapan kaya dapat alamin mo kung bakit ayaw ka niyang pansinin o kung bakit siya nagagalit sa’yo.”
Hindi na niya napigilan ito nang lumabas ito ng pinto. Sinundan na lamang niya ito ng tingin at nakita niya nang lapitan nito si Huimy. Dahil malayo ay hindi niya marinig ang usapan ng mga ito. Hinintay na lamang niyang makabalik ang kapatid sa kanilang bahay at saka niya ito tinanong.
“Anong sabi sa’yo?” sabik naman niyang tanong nang makapasok na ito sa loob ng kanilang bahay.
Makahulugang ngiti naman ang isinagot nito sa kanya.
“Anong ngiti iyan? Ano ba kasing sinabi niya sa’yo?”
“Gusto mo talagang malaman?”
Sunod-sunod na tango naman ang itinugon niya.
“Wow ha? Interesado ka talaga ha? Halata ka na talaga, Hermano.”
“Halatang ano?” kunot ang noo ngunit kabado siya na baka may napansin itong kung ano sa kanya.
“Halatang crush mo si Huimy.”
Nag-init ang kanyang mukha kaya naman umiwas siya ng tingin. Hindi niya rin sigurado kung bakit nga ba naramdaman niya ang ganoong ka-weirdong damdamin.
“Sabihin mo na lang kasi kung anong sinabi niya sa’yo. Huwag ka nang mang-asar. Hindi daw siya galit sa’yo,” sabi naman nito.
Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi.
“Talaga ba? Sigurado ka?”
“Oo. Sabi niya busy lang daw siya kaya siguro hindi ka niya napapansin.”
“Busy?” sambit niya. Parang hindi siya makapaniwala na busy ito dahil parang sinasadya nitong hindi siya pansinin kanina. Kahit nga nang purihin niya ito sa pagkanta ay hindi siya pinansin nito. Ramdam niyang naiinis ito sa kanya pero hindi niya maunawaan ang dahilan.
“Oo, sabi naman niya okay naman daw kayo. Nanghingi pa nga siya ng pasensiya.”
“Talaga?”
“Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin? Mabuti pa, puntahan mo kaya para kausapin.”
“Paano kung hindi niya pa rin ako pansinin?”
“Ano ka ba naman, Hermano? Wala ka na bang bilib sa sarili mo? Ngayon lang kita nakitang namroblema sa isang babae a. Dati-rati naman, wala lang sa’yo kung pansinin ka o hindi ng mga babae. Ano bang nakita mo kay Huimy?”
Hindi naman siya nakasagot sa tanong ng kapatid.
“Siguro, crush mo talaga si Huimy ano?”
“Hindi nga! Ang kulit mo.”
“Naku, Hermano. Ako pa ba lokohin mo? Halata naman sa’yo kahit hindi mo aminin. Diyan ka na nga, at good luck sa inyong dalawa. Sana ay magkatuluyan kayo.”
“Siraulo!” natatawang sambit niya habang pailing-iling.
Ang totoo, nakaramdam siya ng kaunting saya sa sinabi ng kanyang kapatid. Kinakabahan nga lamang siya sa gagawing pakikipag-usap sa dalaga. Kinakabahan siya na baka sinabi lang iyon ni Huimy para di na magtanong pa si Rico pero ang totoo, masama pa rin ang loob nito sa kanya.