Chapter 5

“Pinapabigay ni Renz,” sabi ni Carol sabay abot ng bulaklak na papel kay Huimy. Napatigil siya sa pagbabasa ng pocketbook at kinuha ang inaabot nito.

“Uuuyyy!” tudyo pa nito na panay ang pagsiko sa kanyang braso.

“Talaga? Sa kanya galing ito?” paninigurong tanong niya.

Kumikislap ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang bulaklak. Inamoy-amoy pa niya iyon kahit wala naman talagang amoy dahil gawa lamang iyon sa kulay-pulang art paper. Tila may paru-paro sa kanyang tiyan at hindi niya mapigilang ngumiti. Masaya siya nang malamang galing iyon sa binatang nagugustuhan niya. Hindi siya makapaniwalang makakatanggap siya ng bulaklak galing sa binata.

“Nagkita kami sa labas. Inabot niya 'yan sa akin. Sabi niya ibigay ko raw sa'yo. Mukhang nanliligaw na ah.”

“Wow ha! Ang bilis! Kadarating pa lang namin dito ligaw agad?” Nilaro-laro ng kanyang kamay ang talulot ng bulaklak na papel na iyon. Bahagyang nag-init ang kanyang mukha habang tumatakbo sa kanyang isip ang sinabi ni Carol.

“Kilig ka naman. Halata namang crush mo eh.”

“Hindi a!” mabilis na tanggi niya. Umiwas siya ng tingin dahil sa palagay niya ay nahalata nito ang pamumula ng kanyang pisngi.

“Naku! Tatanggi ka pa, e halos matunaw na si Renz sa kakatitig mo kanina.”

“Huwag ka ngang maingay d'yan,” saway niya sabay pabirong inirapan ang pinsan. “Nasaan nga pala siya?”

“Bakit mo hinahanap?” kunot-noong tanong nito.

“Wala naman, gusto ko lang mag-thank you.”

“Ayon siya oh!” Itinuro nito si Renz. Nakita naman niyang nakaupo ito sa bench ng basketball court. Nanonood ito sa mga naglalaro.

“Ah sige, puntahan ko muna,” masiglang paalam niya kay Carol saka tinalikuran na ito. Mabilis siyang nagtungo sa kinaroroonan ng binata.

Matagal siyang nakatayo malapit dito. Ni hindi yata nito napansin ang paglapit niya kaya naman malalim siyang bumuntong hininga upang humugot ng lakas ng loob.

“Renz!” tawag niya rito. Lumingon naman ito at ngumiti.

Muli na naman siyang natulala habang nakatingin sa guwapong mukha ng binata. Tila naglalakbay ang kanyang isip sa kung saan mayroong magandang eksenang nabubuo sa kanilang dalawa.

“Hay! Ang gwapo talaga niya! Kung nakakamatay lang ang ngiti baka kanina pa ako nakalibing! Ay joke lang, Lord. Huwag muna! Magpapakasal muna kami.”

“Ikaw pala, halika.” Umusod ng kaunti si Renz sa kinauupuang sementadong bangko at tinapik iyon para paupuin siya.

Nahihiya namang lumapit si Huimy at umupo sa tabi nito. Nalanghap niya ang pinaghalong manly scent at sabong ginamit nito. Mukhang bagong paligo ang binata. Abot-abot ang kaba niya ng mga oras na iyon at hindi niya malaman kung anong kuryente itong dumadaloy sa kanyang katawan sa pagdidikit lang ng kanilang mga braso. Pasimple niyang kinagat ang kanyang labi para pigilan ang kilig.

“Bakit ba ganito na lang ang epekto sa akin ng lalaking ito?” Bigla tuloy nawala sa isip ang dapat niyang sabihin.

Bahagyang kumunot ang noo ni Renz habang nakatingin sa kanya. “Okay ka lang ba?” tanong pa nito.

Yumuko naman siya dahil sa hiya. Ramdam niya ang pag-init ng kanyang mukha. Palagay niya ay nagkukulay kamatis na iyon sa sobrang pula.

“Tingin pa lang niya, parang natutunaw na ako, paano ko pa kaya siya kakausapin nito?” bulong niya sa sarili.

Pilit niyang kinalma ang sarili. Makailang ulit siyang bumuntong hininga bago nagsalita.

“T-thank you pala ha?”

“Thank you para saan?” nagtataka nitong tanong.

“Dito sa bulaklak na papel na binigay mo. Ang galing mo namang gumawa. Paano mo nagawa ito?” Pinakita niya ang bulaklak na hawak saka kunwaring inamoy-amoy iyon kahit wala namang maaamoy roon.

“Hindi ako ang gumawa niyan,” diretsong sagot ni Renz.

Bahagyang umawang ang kanyang labi. Bigla niyang inilayo ang bulaklak sa kanyang ilong at kunot-noong tumingin sa binata. “Hindi ikaw ang gumawa nito? Hindi sa'yo galing ito?”

Umiling naman ito. “Kay Robert galing iyan. Inutusan lang niya ako na ibigay iyan sa'yo.”

Nawala ang ngiti sa kanyang labi. Tila may kung anong tumusok sa kanyang puso at kumirot iyon. “Gano’n ba?”

“Pinapatanong din pala niya kung p'wede daw bang manligaw?”

“No! Ayoko sa kanya!” Iyon sana ang gusto niyang sabihin pero hindi niya naisatinig.

“Ang bilis naman, ligaw agad?” nakangiwing sambit niya.

“Tinamaan yata sa'yo eh.” Tumawa pa ito na bahagyang ikinainis niya. Mukha kasing masaya pa itong may manliligaw sa kanyang iba. Tuluyan na siyang sumimangot pero hindi niya ipinahalata iyon. Sandali kasi siyang umiwas ng tingin dito para hindi nito mapansin ang kanyang reaksiyon.

“Nasaan pala si Kit? Bakit hindi mo siya kasama?” bigla na lamang tanong ni Renz na lalong ikinalungkot ni Huimy. Lumingon-lingon pa ito para hanapin ang kanyang kapatid. Lalong kumirot ang puso niya, nawala ang kaninang kilig na naramdaman niya at tuluyan nang napalitan ng lungkot.

“Nasa bahay,” walang gana niyang sagot.

“Bakit kasi ako ang kasama niya tapos si Kit ang tinatanong niya?” reklamo ng isip niya pero hindi isinatinig.

“M-may gusto ka ba sa kapatid ko?” Bigla na lamang iyong lumabas sa kanyang bibig ng hindi sinasadya. Muntik na niyang batukan ang kanyang sarili dahil sa katabilan ng kanyang dila.

“Bakit kailangan ko pang itanong? Loka-loka ka talaga, Huimy,” sermon niya sa sarili.

“Ha? A-ako may gusto sa kapatid mo?” Napakamot ito sa ulo na tila napahiya. “A, e, wala bang magagalit?”

Kusang tumaas ang kanyang kilay. Hindi man direktang sinabi nito pero iyon ang pagkakaintindi niya sa sagot nito kaya't nakaramdam siya ng pagkainis.

“H-hindi pa naman nagkaka-boyfriend ‘yon. Bata pa kaya ‘yon. Malay ba niya sa love. Siguro hanggang crush lang,” medyo may pagkasarkastikong sabi niya sabay tawa nang mapakla. Mapakla pa sa prutas na hilaw! Pinilit niyang magkunwaring masaya sa nalaman kahit ang totoo ay sobrang sakit sa pakiramdam na kapatid niya ang kanyang karibal.

“Puwede mo ba akong ilakad sa kanya?”

“Ano?! Nagpapatawa ka ba? Tinusok mo na nga ang puso ko dadaganan mo pa ng bato?” sambit niya sa kanyang isip.

“Ha?” Para siyang nabingi sa sinabi nito o siguro ayaw lang niyang tanggapin ang mga lumalabas sa bibig nito. Hindi niya tuloy alam kung anong isasagot. Kung ang isinisigaw ng puso niya o kung ano lang maisip at lumabas sa bibig niya.

“Bahala na nga!”

“O-Oo naman. Ikaw pa. Lakas mo sa akin eh,” mautal-utal pang sagot niya kahit labag sa kalooban niya.

“Ano ba 'yong nasabi ko? Pumayag akong maging tulay nila? Kaloka ito! Nasisiraan na yata ako,” muling kompronta niya sa sarili.

“Thank you,” anito sabay akbay sa kanya na para bang ganoon na sila ka-close sa isa’t-isa kahit na ngayon lang sila nagkausap at nagkasama.

Hindi naman maipinta ang kanyang mukha nang mga oras na iyon. Sa halip na nakangiti siya at kinikilig sa akbay na iyon ay nakangiwi siya. Ang saya naman kasi sana ng moment na iyon para sa kanya kung alam niyang sa kanya may gusto ang binata. Kabaligtaran tuloy ang pakiramdam niya ngayon. Daig niya pa ang na-busted ng sampung beses.

Nakasimangot siyang umuwi matapos ang pag-uusap nilang iyon ni Renz. Ang kaninang naramdaman niyang kilig ay tuluyan nang napalitan ng pagkadismaya at inis. Minsan na nga lang siya magkagusto sa isang lalaki, tapos mukhang bigo pa yata siya.

Umupo siya sa mahabang silya at doon humalukipkip.

“Anong nangyari sa’yo?” nagtatakang tanong ni Carol.

“Wala,” walang gana niyang tugon.

“Ang saya-saya mo kanina tapos bigla kang nakasimangot ngayon. At teka, nasaan na ang bulaklak na binigay sa’yo ni Renz?”

“Hindi sa kanya galing iyon.” Dahil sa labis na inis ay itinapon niya ang bulaklak sa basurahan kanina nang maghiwalay sila ni Renz.

“Ha?” gulat na sambit ni Carol. “Pero siya ang nagbigay. Sabi pa nga niya, ibigay ko sa’yo.”

“Basta hindi sa kanya galing iyon.” Lalong nalukot ang kanyang mukha.

“Ay, huwag ka na ngang ma-badtrip diyan. May naisip ako.”

Kunot-noo naman siyang tumingin kay Carol.

“Tutal summer ngayon, mag-swimming tayo sa dagat. May malapit na resort dito, libre lang ang entrance. Yayain natin sina Gab.”

“Magandang ideya iyan,” sang-ayon naman ni Kit na galing sa kusina. Narinig pala nito ang kanilang usapan.

“Sasama ba si Renz?” tanong naman niya.

“Naku, iyon pala ang hindi ko sigurado. Kasi may trabaho iyon sa bukid kasama ang Papa niya.”

Nakaramdam siya ng lungkot. Akala pa naman niya ay makakasama ulit niya ito. Kahit na may kaunting inis siya sa binata ay gusto pa rin niya itong makita at makasama. Kaya naman naisip niyang siya mismo ang yumaya rito. Umaasa siyang hindi siya tatanggihan nito at tama naman siya dahil pumayag ito sa paanyaya niya.

Kinabukasan ay hindi na maitago ang excitement niya sa outing. Naihanda na rin niya ang mga gamit nila ni Kit.

“Ready na ako!” masiglang sabi niya sabay taas ng isang hindi kalakihang bag na pinaglalagyan ng mga damit-pampalit at tuwalya nilang magkapatid.

“Okay! Ready na rin kami,” sabi naman ni Carol. Kasama na niya ang higit sa sampu ring mga kabataan. Ang ilan ay mga pinsan nilang kasing edad lang nila o bata ng isa hanggang dalawang taon sa kanya. Nagkatinginan pa sila ni Renz bago sumakay ng tricycle patungong bayan kung saan ang resort na pupuntahan nila. Dalawang tricycle ang inarkila nila para sa araw na iyon. Ang ibang hindi kasya sa sasakyan ay sumabit na lang.

Makalipas lang ang ilang minuto ay nakarating na sila sa isang resort. Ang ganda ng kapaligiran at ang linaw ng tubig sa malawak na dagat. Kitang-kita ang ganda ng bughaw na langit. May mangilan-ngilang bangkang naglalayag sa 'di kalayuan. May mga puno rin ng niyog at mga cottages roon.

Excited siyang tumakbo sa dagat kasama si Carol. Tinanggal lang nila ang kanilang mga tsinelas at dinama ang magaspang na mga buhangin sa kanyang mga paa. Naka-short na rin siya na hanggang hita lang ang iksi at blue sleeveless na tank top. Madali na sa kanya ang mabasa ng tubig-dagat.

Tinaas niya ang kanyang dalawang kamay habang nakababad ang kalahating katawan sa tubig. Dinama niyang maigi ang buong paligid. Ang hanging nagpapalipad sa kanyang lagpas-balikat na buhok at ang lamig ng tubig. Maging ang huni ng mga ibon sa himpapawid at bughaw na langit na parang kumikinang dahil sa sikat ng araw.

“What a life? I wish I always feel this way. Very peaceful,” bulong niya sa hangin.

Nag-swimming na silang dalawa ni Carol. Ang lamig ng tubig at na-enjoy niyang talaga ang paglangoy. Napatigil lamang siya sa paglangoy nang mapansin niya sina Kit at Renz na magkausap sa tabing-dagat. Dahil sa pagkasabik sa paglangoy ay hindi na niya napansin na hindi pala sumunod ang mga ito sa kanila.

Mukhang masaya ang mga ito sa pagkuk’wentuhan. Nagtatawanan ang dalawa at nakaramdaman siya ng paninikip ng dibdib. Tila pinipiga iyon dahilan para magbadya ang luha sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay naitsapuwera siya.

“Hoy, Huimy! Natulala ka na diyan ah. Selos ka?” tanong ni Carol. Tumigil rin ito sa paglangoy at lumapit sa kanya. Tumingin din ito sa dakong tinitingnan niya.

“Akala ko sa akin siya manliligaw 'yon pala, ako ang gagawin niyang bridge para maligawan ang kapatid ko,” wala sa loob na bulong niya saka mabilis na naghilamos upang ikubli ang luhang mabilis na pumatak mula sa kanyang mata.

“Bakit pumayag ka bang maging tulay nila?”

Hindi naman niya sinagot ang pinsan sa halip ay pinilit niyang ngumiti.

“May videoke doon oh! Tara! Kanta na lang tayo.” Umahon na siya sa dagat at tinungo ang videoke sa 'di kalayuan. Sumunod naman sa kanya si Carol.

Dinaan na lang niya sa kanta ang nararamdaman. Mas gusto niya ang ganito. Kapag nalulungkot o kahit masaya siya, dinadaan niya lang sa pagkanta. Ito ang paraan niya para lumuwag ang kanyang pakiramdam kahit paano. Kinanta niya ang sikat na kantang “Closer You and I” na dedicated rin niya para kay Renz. Sa pamamagitan na lamang ng kanya niya sasabihin ang lahat ng kanyang nararamdaman.

Nagbalik sa alaala niya ang una nilang pagkikita. Ang ngiti nito at mga tawa tuwing magkausap sila at ang dimples nitong nagpapalambot sa puso niya. Kahit na alam niyang hindi siya ang gusto ng binata, masaya na rin siyang nakakatabi at nakakausap ito. Masaya na siyang na naging close silang dalawa sa maikling panahon na nilagi niya dito. At sa maikling panahon ring iyon, unti-unting lumalalim ang pagtingin niya sa binata kahit alam niyang hindi nito matutumbasan iyon.

“Wow! Ang galing mo palang kumanta, Huimy!” papuring sabi ni Renz habang pumalakpak. Lumingon siya sa binata. Hindi niya namalayang sumunod pala ang mga ito.

Tipid na ngiti lang ang tinugon niya. Hindi niya kayang itago ang pagkainis ng mga oras na iyon. Naiinis siyang makitang masaya ito kasama ang kapatid niya. Sa dami ba naman kasi ng magugustuhan nito, bakit kapatid pa niya?

Pauwi na sila at nagkayayaan nang maglakad pauwi. Kahit medyo malayo ang bayan patungo sa kanilang baryo ay naglakad pa rin sila. Iyon ang trip ng mga kaibigan nila kaya nakisunod na lang siya.

“Bagay na bagay kayo ni Kit, pare. Parehas kayong may dimples oh,” kantiyaw ni George na sinang-ayunan naman ng mga kaibigan. May kasama pang sigawan.

Nilingon niya si Renz at lalo lang siyang nairita. Nanggigigil siya sa inis nang makita ang tuwang-tuwang mukha nito habang kasabay na naglalakad ang kanyang kapatid. Naiinis rin siya sa kanyang nararamdaman. Parang unti-unting pinipiga ang kanyang puso at hindi niya kaya ang sakit. Ramdam rin niya ang pamamasa sa gilid ng kanyang mga mata.

Umiwas siya ng tingin nang magtama ang mga mata nila ni Renz. Binilisan na lamang niya ang paglalakad. Gusto na niyang sumigaw at umiyak sa tindi ng selos.

“Torture itong ginagawa ko. Bakit ko pa kasi naisipang yayain siya? Alam ko namang si Kit ang gusto niya,” sisi niya sa sarili.