Chapter 11

Dahil sa nalaman ay napagpasyahan niyang iwasan na lang si Renz sapagkat lumalala na rin ang tsismis tungkol sa kanilang dalawa. Dahil hindi lang basta sa nanay ni Renz nanggaling kundi sa iba pang mga taong nakakasalamuha niya sa lugar na iyon. Pakiramdam tuloy niya ay ang sama niyang tao. Nakarating pa sa pandinig niya na kesyo malandi siyang babae at naghahabol sa lalaki. Sobrang sakit para sa kanya ang masabihan ng ganoon lalo na at hindi naman totoo. Nawalan na rin siya ng sigla na lumabas pa ng bahay. Nagkukulong na lang siya sa kuwarto at doon umiiyak.

“Hindi ka pa ba lalabas ng bahay? Ilang araw ka na ditong nagmumukmok,” sabi sa kanya ni Carol. Umupo ito sa gilid ng kama at tumabi sa kanya.

“Hindi ko na alam kung paano haharap sa mga tao. Para bang kahit mga galaw lang ng daliri ko ay pinapansin na nila,” malungkot niyang saad. Isinubsob niya ang ulo sa unan habang nakadapa sa kama. Pumatak na naman ang luha sa kanyang mata.

“Huwag mo nga silang intindihin. Ang mahalaga wala kang ginagawang masama. At saka, sasayangin mo ba ang bakasyon mo dito sa pagkukulong lang sa kuwarto?”

Tiningnan niya ito bago nagsalita, “Uuwi na lang siguro ako sa amin para wala na rin akong marinig pa sa ibang tao.”

“Haaay, alam mo pinsan, may kasabihan tayo, you can't please everybody. Alam kong nahihirapan ka sa sitwasyon ninyo ni Renz pero maaayos din ito.”

Napabuntong hininga na lamang siya at napilitan na ring lumabas. Sa paglabas naman niya, nakasalubong niya si Renz. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Nakita niya sa mga mata nito ang lungkot at hindi niya matagalan ang ganoong tingin nito sa kanya. Lalo lamang bumibigat ang pakiramdam niya. Gusto niya itong kausapin at lapitan pero naiisip pa rin niya ang sasabihin ng iba. Umiwas na lamang siya ng tingin at yumuko. Nilagpasan niya ito at naglakad palayo.

“Huimy,” narinig rin niyang tawag nito sa kanya pero nagdire-diretso lang siya paglalakad.

Sa bawat hakbang niya palayo ay lalong sumasakit ang dibdib niya. Habang pinipigilan niya ang sariling kausapin ito ay tila pinipiga ang kanyang puso. Dumodoble rin ang takot sa kanyang dibdib na baka may makakita sa kanilang magkasama at may masabi na naman ang mga ito tungkol sa kanya. Nasasaktan siya sa sitwasyon pero wala siyang magawa.

Lumipas pa ang halos isang linggo na ganoon lagi ang kanilang sitwasyon. Lumalabas naman siya pero paminsan-minsan na lang. Iwas pa rin siya kapag nakakasalubong ito. Sobrang miss na niya ito pero hindi man lang niya magawang kumustahin man lang ito. Hindi na rin siya nagte-text dito sa takot na baka ang nanay lang nito ang makabasa.

Ipinagtaka naman niya nang hindi niya na nakikita si Renz na kasama ng mga barkada tatlong araw na ang nakalipas. Hindi naman niya magawang tanungin ang mga iyon dahil nauunahan na siya ng hiya. Natatakot rin siyang mahusgahan na naman ng mga tao.

May laro na naman ng basketball nang gabing iyon at niyaya siya ni Carol na manood. Ayaw pa sana niya pero napilit siya niyon. Mula ng iwasan niya si Renz ay hindi na rin siya nanood ng basketball. Ngayon lang ulit.

Tumayo siya sa lugar na lagi nilang pinupwestuhan ni Renz. Sa may puno ng mangga malapit sa maliit na kubo. Kahit na paano ay umaasa pa rin siya na magkikita sila ng binata sa lugar na iyon kahit na nga iniiwasan pa niya ito.

Walang ano-ano ay may kumakalabit sa balikat niya. Bahagya pa siyang napaigtad dahil sa gulat. Malalim ang iniisip niya at wala naman talaga sa mga naglalaro ang kanyang atensyon.

Nilingon niya ang taong kumalabit sa kanyang balikat. Isang magandang babaeng may kaputian at sexy kung manamit. Naka-maong skirt kasi ito na 2 inches above the knee at naka-half sleeve na pink printed ang damit nito. Hindi pa niya nakita ang babaeng iyon mula nang dumating siya roon kaya nagtaka siya sa biglang pagkalabit nito sa kanya.

“Ikaw ba si Huimy?” tanong pa nito sa kanya.

“Oo, bakit?” Lalo siyang nagtaka nang banggatin nito ang kanyang pangalan. Hindi niya alam kung paano siya nakilala nito.

“Sumama ka sa akin.”

“Ha?!” Napamaang siya. Ni hindi niya ito kilala tapos gusto nitong sumama siya sa kung saan. Tatanggi pa sana siya pero hawak na nito ang kanyang braso at hinila siya palayo roon.

“Saan mo ba ako dadalhin?” tanong niya.

“Sa bahay ni Renz,” mabilis namang tugon nito.

“Ha?” Parang iyon na lang yata ang lumalabas sa kanyang bibig dahil sa pagkabigla. Nagugulat at nagtataka talaga siya sa mga kinikilos ng babaeng ito.

“Gusto mo ba siyang makita o ayaw mo?”

“Ah... eh…” Hindi na niya alam ang sasabihin.

“H'wag ka nang mag-inarte, alam kong gusto mo siyang makita.”

Tuloy-tuloy lang ang paglalakad nila. Hawak pa rin nito ang kanyang braso. Hila-hila pa rin siya nito sa paglalakad at nagpapatianod lang siya. Natatanaw na niya ang bahay nina Renz at dinagsa na ng matinding kaba ang dibdib niya. Tuloy-tuloy lang ang paglalakad nila at wala na siyang magawa kundi ang sumunod. Hindi na rin siya nagtanong pa.

Wala roon ang Mama ni Renz kaya't malaya silang nakapasok sa loob ng bahay. Isang basement ang pinasok nila.

“Ito siguro ang kwarto ni Renz,” naisaloob niya.

Luminga pa siya paligid bago tuluyang pumasok sa loob. Nag-aalala siya na baka naroon ang ina nito at pagalitan sila. Agad niyang nakita si Renz na nakahiga at natutulog sa kama nito. Balot na balot ito ng kumot.

“A-anong nangyari sa kanya?” nag-aalalang tanong niya. Nilapitan niya at hinawakan ang noo nito. Napaso siya sa sobrang init ng noo nito. Inaapoy ito ng lagnat.

“Naaksidente siya tatlong araw na nakakalipas. Aksidenteng natapakan niya ang isang tulos ng kawayan kaya ayan... inaapoy ng lagnat.”

Napagtanto niyang iyon ang dahilan kung bakit hindi na niya ito madalas makita. Tinitigan niya ito at naawa siya sa kalagayan nito. Parang ayaw na niyang iwan ito. Hinaplos niya pa ang noo nito.

“Tara na!” anyaya ng babae. Muli siyang hinila nito palabas ng kwartong iyon. “Baka dumating pa sila tita. Mahuli tayo dito.”

Sumunod naman agad siya sa babaeng hindi kilala matapos muling tapunan ng tingin ang binatang natutulog. Tensyonado pa rin dahil baka maabutan sila ng Mama ni Renz. Nagbalik na lang sila sa court.

“Sino ka ba talaga? Bakit sinamahan mo ako kina Renz?” lakas loob niyang tanong.

“Relax. Ako si Shane, pinsan ako ni Renz,” nakangiting sagot nito saka nag-abot ng kamay. “Sorry kung nabigla kita kanina ha?”

“P-pinsan ka niya?” hindi makapaniwalang sambit niya.

Pinagmasdan niyang mabuti ang itsura nito at napansin niya ang pagkakatulad ng mga mata nito kay Renz, katunayan na magkamag-anak nga ito. May kaunting pagkakahawig din ito kay Richell. Maputi ito at may magandang hubog ng katawan, mas matangkad lang ito sa kanya ng dalawang pulgada.

“Yap.” Tumango pa ito. “Hindi ako taga-rito sa lugar kaya ngayon mo lang ako nakita. Taga-ibang barangay ako, malapit sa sentro. Minsan lang akong nagpupunta dito. Tuwing may okasyon lang at kapag may laban ng liga ng basketball,” mahabang paliwanag nito na para bang sinagot na ang katanungang naglalaro sa isip niya.

“Paano mo pala ako nakilala?” tanong pa niya.

“Lagi kang kinukwento ni Renz. Na-curious ako kung sino ka kaya naman pumunta ako dito para makilala ka,” prangkang sabi nito saka ngumiti.

“Kinukwento niya ako sa'yo?” Nakaramdam siya ng kilig at tuwa sa kanyang puso dahil sa nalaman. Hindi niya akalaing ikinukuwento siya ni Renz sa pinsan nito.

“Oo naman. Wala ngang ibang bukang-bibig kundi ikaw. Akala ko nga ikaw na ang girlfriend niya pero bestfriend lang pala.” Naiiling pa ito habang natatawa. Parang nanghihinayang na ewan ang itsura nito.

“Oo. Bestfriend lang kami.” Bigla ring napalitan ng lungkot ang kaninang sayang nadarama niya. Nawala ang ngiti sa mga labi niya. May tila kumurot sa kanyang puso sa katotohanang iyon.

“Hindi ka ba niya nililigawan? Sabi niya kasi nagsusulatan daw kayo.”

“Oo, nagsusulatan nga kami. Sweet lang talaga siya pero hindi niya ko nililigawan.”

“Oo, super sweet talaga iyon kahit sa aming mga pinsan niya. Pero sa mga naging girlfriend niya, hmmmm... ewan ko lang. Hindi naman kasi iyon nagseryoso pa.”

“Oo, sinabi nga niya sa akin iyon. Ang kapal nga ng mukha noon eh, sabi niya, siya daw ang nililigawan ng babae,” natatawang k’wento niya nang maalala kung paano nito kinuwento noon ang mga naging ex-girlfriend nito sa kanya.

Tumawa rin si Shane. “Naku, sinabi mo pa! Pero totoo iyon, marami ngang babae ang naghahabol doon. Eh, ang landi-landi ni Renz kaya pinapatulan. Iyon nga lang hindi rin nagtatagal. Babaero iyon pero torpe.”

“Babaerong torpe? Meron ba noon?”

“Oo. Si Renz!” Sabay tawa nang malakas. Nakisabay na rin siya sa pagtawa nito.

Madali naman niyang nakagaanan ng loob si Shane kahit noong una ay akala niya ay mataray ito dahil na rin sa anggulo ng mga manipis na kilay nito na parang laging nakataas.

“Pero gusto mo siya 'no?” Marahan siyang siniko nito sa kanyang tagiliran.

Nagulat naman siya sa tanong nito. Nahihiya siyang tumingin rito ngunit agad ring yumuko. Nag-init kasi ang kanyang mukha.

“H-hindi,” tanggi niya kahit halata naman sa kanyang kinikilos.

“H'wag ka na mag-deny, halata sa'yo.”

“Ganoon na ba talaga ako ka-obvious?” naisaloob niya.

“Kahit naman gusto ko siya, wala namang pag-asang maging kami.” Muli naging malungkot ang tono ng kanyang boses. Parang kinurot ng pino ang kanyang puso dahil sa katotohanang iyon. Katotohanang walang pag-asa ang kanyang pagpapantasya.

“Bakit wala? Grabe ka ha! Sa tingin ko meron naman.”

“Paano mo naman nasabi?”

“Wala lang, ramdam ko lang.” Kumibit balikat ito saka itinuon ang atensyon sa panonood. “Alam mo, gusto kita para sa kanya,” seryosong sabi na naman nito. Nakatingin pa rin ang mga mata nito sa mga naglalaro.

“Bakit naman?”

“Sa tingin ko, mabait ka at bagay kayong dalawa.”

“Naku ha? Pinapalaki mo ang ulo ko.”

Tumawa naman ito. “Basta simula ngayon, cous na ang tawag ko sa'yo.”

“Cous?”

“Oo. Cousin in law.”

“Buti siya boto sa akin, pero ang Mama ni Renz, hindi,” muli niyang naisaloob.

Natapos ang laro at nagpaalam na rin si Shane sa kanya. Nagpasalamat siya rito bago sila naghiwalay. Nakaramdam siya ng saya dahil sa pagkakaroon ng bagong kaibigan at ng isang taong tumulong at nakaintindi sa nararamdaman niya. Ngunit hindi pa rin maalis ang lungkot sa puso niya dahil sa nakitang kalagayan ni Renz kanina.

Nasa kuwarto na siya pero si Renz pa rin ang nasa isip niya. Nang makita niya ang kalagayan nito ay parang gusto niyang alagaan at bantayan ito pero may takot sa puso niya. Natatakot pa rin siya sa sasabihin ng ibang tao. Natatakot siya na hindi niya puwedeng gawin ang mga bagay na gusto niya para sa kanilang dalawa dahil alam niyang maraming nakakontra. Ngunit kapag iniisip niya ang masasayang sandali na magkasama silang dalawa nanghihinayang siya. Alam niyang magiging alaala na lang ang mga iyon.

Sa totoo lang, nahihirapan siyang supilin ang kanyang nararamdaman. Gusto niyang sabihin sa sarili na huwag na lang si Renz. Na hindi sila para sa isa't isa. Na kahit ang friendship ay hindi puwede sa kanilang dalawa.

Napabuntong hininga siya saka nagpasyang kumuha ng papel at ballpen sa drawer.

Tama! Kailangan kong gawin ito para sa ikatatahimik naming dalawa, aniya sa sarili saka inumpisahang magsulat.

Dear Renz,

Kumusta ka na? Nabalitaan ko ang nangyari sa'yo? Sana maging okay ka na. Pagaling ka ha? Gusto ko sanang mag-usap tayo ng personal pero natatakot ako sa sasabihin ng mga tao. Sorry kung iniiwasan kita. Mas mabuti na 'yon kesa mapasama pa 'di ba? Salamat sa'yo ha? Sorry hindi ko na yata matutupad 'yong pangakong BESTFRIEND FOREVER nating dalawa. Goodbye sa'yo. Ingat ka palagi. Love you, best. Mamimiss kita.

Huimy

Pumatak ang luha sa kanyang mga mata matapos isulat iyon. Ang sakit at ang bigat sa dibdib na doon na lang magtatapos ang pagkakaibigang binuo nila sa loob ng ilang buwan. Ito na nga yata ang katapusan ng inaakala niyang forever. Masakit sa kanya ang salitang goodbye ngunit kailangan.

Nakatulog siyang yakap ang papel na kanyang sinulatan.