Chapter 12

Ilang araw ng mugto ang mga mata niya. Lumilipas ang araw na pakiramdam niya ay wala ng kabuluhan. Naibigay na rin niya ang sulat kay Richell nang minsang magkita sila nito. Kinakabahan siya kung anong magiging resulta ng sulat na iyon.

“Hindi ka ba lalabas ng bahay?” tanong sa kanya ni Carol. Nakapasok na pala ito sa kanyang kuwarto nang hindi niya man lang namalayan. “I-enjoy mo ang bakasyon mo 'no? Ilang araw ka na lang dito. Padating na sila tito para sunduin ka.”

“Oo nga pala, nagpasundo nga pala ako kina Papa,” naisaloob niya. Muntik na niyang makalimutan ang bagay na iyon.

Kagabi lang ay kinontak niya ang kanyang mga magulang para magpasundo. Masyado na siyang nasasaktan sa sitwasyon at hindi niya gustong mga parang robot sa mata ng mga tao. Hindi siya iyon. Siya ang Mayumi Gonzales na palaban, prangka at masayahin at nabago iyon nang dahil sa tsismis na hindi niya na kayang tiisin pa. Gusto na lang niyang bumalik sa lugar nila kaysa ang manatili sa probinsiyang iyon. Naisip rin niyang mas makakalimutan niya agad ang masasakit na nangyari sa lugar na iyon kung lalayo na lang siya at hindi na babalik pa. At isa pa, alam niyang masyado nang tumagal ang nilagi niya roon. Late na rin siya para sa 2nd semester. Napabayaan na rin niya ang pag-aaral dahil sa kanyang kabaliwan.

“Sige. Saan ba tayo pupunta?” Pinunasan niya ang luha sa kanyang mga mata at tumayo mula sa pagkakahiga sa kama.

“Doon kina Lorna. Sa kabilang zone.”

Ang tinutukoy nito ay ang itaas na bahagi ng lugar na iyon. Sa baba nakatira ang kanyang tiyahin at sa itaas naman ay ang tinitirhan ni Renz. Sapa lang ang pagitan ng bahay ng tiyahin nila at bahay ni Renz. Tulay lang ang nagdurugtong roon.

Sinuklay lang niya ang kanyang mahabang buhok at naglagay ng kaunting pulbos saka sumama sa kanyang pinsan palabas ng bahay. Nadaanan nila ang bahay ni Renz. Pasimple niyang sinulyapan iyon. Nagbakasakali siyang makita man lang ito roon. Hindi siya sigurado kung magaling na ba ito. Nakaramdam siya ng lungkot nang hindi man lang ito nasilayan buhat roon.

Tuloy-tuloy silang naglakad hanggang marating ang bahay ni Lorna. Nakipagkuwentuhan ang kanyang pinsan dito samantalang siya ay bihira lang sumagot. Halatang wala siyang ganang makipag-usap. Napansin naman iyon ni Lorna.

“May problema ba kayo ni Renz, Huimy?” tanong nito sa kanya.

“Ha?” Umawang ang kanyang bibig dahil sa pagkagulat. Hindi niya nasagot ang tanong nito. Tila wala siya sa sarili.

“Kanina pa kita napapansin na tulala at saka kayo ni Renz, hindi ba lagi kayong magkasama, anong nangyari? Bakit parang hindi na kayo nagpapansinan?”

Hindi pa rin siya nakasagot sa tanong nito. Yumuko na lamang siya. Sa tuwing mababanggit ang pangalan ni Renz ay parang pinipiga ang puso niya.

“Bakit nga ba kami nauwi sa ganito? Hindi ba, kaya ako narito para maging maayos ang lahat sa amin ni Renz ngunit bakit kabaligtaran ang nangyari? Mukhang lalo pa akong napalayo sa kanya? Maling-mali nga sigurong nagpunta pa ako rito.” Iyon ang mga salitang naglalaro sa isip niya at hindi niya maisatinig man lang. Nagbabadya ang luha sa kanyang mga mata pero pinipigilan niya iyon. Sinisikap niyang hindi iyon mahalata ng kaharap.

“Okay, mukhang hindi ka ready na sagutin.” Kumibit balikat na lang ito at saka nagpatuloy sa pakikipagkuwentuhan kay Carol. Nagtagal pa sila ng kaunti sa bahay ni Lorna. Nagyaya na siyang umuwi makalipas ang ilang oras.

Nakatingala siya sa langit habang naglalakad. Pansin niya ang pagdilim ng kalangitan na para bang nakikidalamhati sa kanya.

“Mukhang uulan...” Itinaas niya ang kamay na tila sumasalo. “Ay ayan na nga, umulan na!”

Bigla ang pagbuhos ng malakas na ulan. Malalaki ang mga patak na tila mabigat ang dala nitong mga tubig. Gaya rin ng puso niyang bigat na bigat at tila gusto na ring bumuhos. Nakikiluksa yata ang langit sa kanya. Alam yata nito ang hirap na pinagdadaanan niya at nakikiiyak yata ang langit dahil sa kanyang kasawian.

Mabilis silang tumakbo upang makarating agad sa bahay ngunit sa kasamaang palad ay hindi na sila makatawid sa may tulay. Mabilis kasing tumaas ang tubig niyon at rumaragasa ang tubig na may kasama ng mga sanga-sanga na naanod dahil sa lakas ng hangin at ulan.

“Wala namang nabalitang bagyo, bakit bigla na lang umulan? Wala pa naman tayong payong na dala. At ang saklap pa, stranded pa tayo dito,” reklamo naman ni Carol na nakayakap na sa sarili. Tulad niya ay nilalamig na rin ito.

Luminga siya sa paligid at nagbakasakaling may mahingan sila ng tulong para makatawid sa kabilang bahagi. Ngunit sa kasawiang palad, sa dinami-rami ng bahay kung saan puwede silang ma-stranded ay parang nananadya pa ang tadhana. Nasa tapat sila ngayon ng mismong bahay ni Renz.

Biglang dumagsa ang kaba sa kanyang dibdib nang makita ito sa may pinto ng bahay at nakatingin sa kanya. Hindi niya malaman ang gagawin. Para siyang basang sisiw ng mga oras na iyon. Kaylakas din ng tibok ng kanyang puso habang nakatingin sa mga mata nito. Kahit na malayo ay kita niya sa mga mata nito ang lungkot.

Yumuko na lang siya para iwasan ang tingin nito. Hindi niya magawang ngitian man lang ito. Nakita niya kasi ang Mama nito na nakatingin din sa kanya kaya siya na ang unang umiwas.

Kasabay ng malakas na buhos ng ulan ay ang pagpatak ng kanyang mga luha. Ang sakit makita na 'yong taong mahal mo ay hindi man lang magawang lapitan o ngitian ka man lang. Hindi niya rin alam ang nasa isip nito ng mga oras na iyon. Ang alam lang niya... nasasaktan siya dahil pakiramdam niya ay wala na itong pakialam sa kanya.

“Ganito ba talaga ang feeling ng nagmamahal? Bakit sobrang sakit? Kaibigan ko lang naman siya, wala namang kami. Hindi dapat ako masaktan ng sobra, wala naman akong karapatan para maramdaman ito. Mabuti na nga lang din ito dahil walang kami at hindi na talaga magiging kami kahit bilang kaibigan lang. Bakit kahit ang pagkakaibigan ay kailangang mawala sa aming dalawa?” Iyon ang mga katagang nais niyang sabihin sa binata habang nakatingin dito pero hindi niya maisatinig man lang.

Parang gusto na niyang matunaw ngayon na. Gusto na niyang maglaho na lang kaysa maramdaman ang ganitong klaseng pakiramdam. Magkakahalong emosyon na hindi niya maipaliwanag. Hindi na naman niya napigilan ang luhang nag-uunahan sa pagpatak.

Siguro ito na nga ang katapusan ng kanilang pagkakaibigan.

Samantala, kagigising lang ni Renz mula sa mahabang pagkakatulog dahil na rin sa kanyang sakit. Halos tatlong araw din siyang nilagnat dahil sa sugat na natamo niya buhat nang maaksidente siya sa kakahuyan. Nasa kuwarto lang siya at nagpapahinga.

Medyo okay na rin ang kanyang pakiramdam. Bumaba na ang lagnat niya pero sariwa pa rin ang sugat sa kanyang mga paa. Nang magpunta sila sa bukid ng kapatid niyang si Rico, hindi niya napansin ang kawayang nakatulos sa may daan at natapakan niya iyon. Mula nang hindi na sila magpansinan ni Huimy ay parang wala na siya sa kanyang sarili. Madalas siyang mawala sa focus. Laging tumatakbo sa isip niya si Huimy.

Miss na miss na niya si Huimy at kahit sa panaginip niya ay ito ang laging laman. Wala na nga yatang araw na hindi ito tumakbo sa isip niya. Gustong-gusto na niya itong muling makita. Gusto niyang puntahan ito at kausapin pero hindi niya magawa. Kung mabilis lang sana maghilom ng kanyang sugat ay ginawa na niya.

“Kuya,” tawag ni Richell sa pangalan niya nang makapasok siya sa loob ng kanyang kuwarto. Lumapit ito at naupo sa kama. May inabot itong papel sa kanya. “Para sa'yo ito, pinapabigay ni Huimy.”

“Galing kay Huimy?” aniya habang binubuklat ang sulat.

“Oo. Noong nakaraan pa niya iyan binigay sa akin pero hindi ko naibigay agad sa’yo dahil nga alam kong masama pa ang pakiramdam mo.”

Binasa niya ang nakasulat roon at nanikip ang kanyang dibdib dahil sa nabasa. Naikuyom niya ang kanyang palad at pinunasan ang nagbabadyang luha sa mga mata. Hindi niya matanggap na tinatapos na nito ang pagkakaibigan nila nang dahil lamang sa tsismis.

“Ano bang klaseng dahilan iyon? Bakit siya nagpapaapekto?” naisaloob niya.

“Nas’an siya?” tanong niya sa kapatid.

“Nakita ko siya sa tapat ng bahay natin. Naabutan siya ng ulan at na-stranded sila. Hindi sila makatawid sa sapa.”

Agad siyang lumabas ng kanyang kuwarto kahit na hirap pa sa paglalakad. Paika-ika ang kaliwang paa niya na may balot ng benda. Nakita niya ang kanyang ina na nakatayo sa may pinto at wari'y may tinitingnan. Lumapit siya at tumayo rin sa tabi nito. Mula sa kinatatayuan niya ay nakita niya si Huimy na basang-basa sa ulan. Nakatayo ito paharap sa bahay nila.

Nagkatinginan sila ngunit hindi rin nagtagal dahil bigla itong nagbawi ng tingin. Hindi man lang ito ngumiti sa kanya katulad din ng huli silang magkita at magkasalubong.

Lalong bumigat ang pakiramdam niya. Hindi niya kayang makita itong parang basang-sisiw sa gitna ng ulan. Gusto niyang lapitan ito pero pahakbang pa lang siya ay pinigilan na siya ng kanyang ina. Hinawakan siya nito sa braso.

“At saan mo balak pumunta? Hindi pa magaling ang sugat mo.”

“Kailangan ng tulong ni Huimy, Ma,” tugon niya.

“Hayaan mo na lang muna siya.”

“Pero, Ma...”

“Huwag matigas ang ulo mo, Clarenz. Hindi ka pa magaling para sumugod ka sa malakas na ulan.”

Muli niyang tiningnan si Huimy. Sinisigaw ng kanyang isip na sundin ang kanyang ina pero nanaig ang sigaw ng kanyang puso. Inalis niya ang pagkakahawak nito sa kanyang braso at naglakas ng loob na sumugod sa ulan.

“Clarenz!” narinig pa niyang sigaw nito pero hindi na siya nag-atubili pang lumingon. Dire-diretso siya sa kinaroroonan ni Huimy. Nakatalikod na ito sa kanya.

“Huimy,” sambit niya sa pangalan nito nang makalapit siya. Ilang pulgada na lang ang distansiya nila sa isa't isa. Lumingon ito sa kanya. Bakas ang labis na lungkot sa mga mata nito na may halong pagkagulat nang makita siya.

Pinilit niyang ngumiti kahit pa nga naaawa siya sa kalagayan nito. Pareho na rin naman silang basang-basa sa gitna ng ulan. Nakatingin lang sa kanila ang nilalamig nang si Carol, pati na rin ang kanyang ina at kapatid na nasa loob ng kanilang bahay.

“Huimy,” muli niyang sambit.

“R-Renz...” basag ang boses na sambit rin nito.

Humakbang pa siya palapit rito pero umatras naman ito at itinaas ang mga kamay.

“Please, diyan ka lang. Huwag mo nang gawing kumplikado ang lahat.”

“Pero, Huimy,”

“Let's stop here. Let's end this here.” Tinalikuran siya nito at humakbang palayo. Patungo ito sa may tulay na kasalukuyan pa ring mataas ang tubig.

“Hindi, Huimy!” pagtanggi niya sabay takbo palapit dito. Naghalo na ang tubig ulan at kanyang luha sa kanyang pisngi. Wala namang makakapansin niyon, salamat sa ulan.

Mahigpit niyang niyakap si Huimy mula sa likuran. Sa kabila ng lamig ay naramdaman niya ang init ng katawan nito. Matagal na niyang gustong ikulong ito sa kanyang bisig pero pinipigilan niya ang kanyang sarili. Ngayon ay walang makakapigil pa sa kanya kahit ang sarili niya. He wants her and he needs her. Wala siyang nasa isip ngayon kundi ang manatili sa kanya ang babaeng naging special na sa puso niya.

Naramdaman niya ang pag-alog ng balikat ni Huimy, senyales na umiiyak na rin ito. Tuwid lamang ang tayo nito habang yakap-yakap niya. Para itong isang estatwang umiiyak sa gitna ng daan. Daig pa nila ang may isang eksena sa pelikula pero wala na siyang pakialam kahit marami pang mga matang nanonood sa kanila.

“L-let me go...” mahina ngunit mariing sabi ni Huimy.

Hinawakan nito ang braso niya at saka ibinaba upang makalas sa pagkakayakap niya. Siya naman ngayon ang parang naistatwa at hindi makagalaw habang pinagmamasdan ang muling paglalakad nito palayo. Kahit na gusto pa niya itong sundan ay tila natulos na ang kanyang mga paa. Sapat na ang sinabi nito at ang pagkalas nito sa kanya para sabihing talagang suko na ito na ipaglaban ang pagkakaibigan nila.

Sinundan na lamang niya ito ng tingin. Kitang-kita niya kung paano inalalayan si Huimy ng mga rescuer na nagdatingan sa lugar na iyon na makatawid sa kabilang bahagi ng tulay. Naikuyom na lamang niya ang kanyang palad habang panay pa rin ang agos ng luha sa kanyang mga mata.