Chapter 66

"Arayyyyy"

Bumalik ako sa reyalidad nung nakaramdam ng sakit sa tenga.

Medyo malabo pa ang paningin nung dumilat na ako.

"Sa wakas at gumising ka rin. Anong oras na Cath?  Ilang minuto na kaming gumigising sayo!"

Naaninag ko si Andi na kakaiba ang soot, mukhang galing kung saan, naka make up pa.

"Ano?" Tanong nito na tila naghihintay sa sagot ko. Napaupo ako sa pagkakahiga, dahil sa boses nitong mukhang may galit sakin.

"Napagod yata sa byahe kahapon, haayan mo na Andi. Nagising naman na"

"Anong hahayaan? Tama ba yung hindi sisipot sa Cathedral kanina? Ilang beses akong tumawag, kung pwede lang pumunta dito ginawa ko na".

"Ang hirap kasi nitong gisingin. Buti mamaya pa yung Graduation, may oras pa"

Nakinig lang ako sa sinasabi nila, kung kanina nagulat ako pero ngayon naintindihan ko na ang dahilan ng inis ni Andi.

Dinampot ko ang phone na nasa gilid lamang ng unan.

Ilang missed calls at text ang bumungad sa screen.

"Bahala ka diyan Cath! Basta ako gusto kong gumraduate! Kausapin mo yan Manang" Padabog itong umalis at lumabas ng kwarto.

Napapikit nalang ako at napayuko sa sariling katangahan. Ba't ba kasi hindi ako nagising.

Nilingon ko si Manang na naabotan ko pang napailing, naglakad lang ito malapit sa cabinet tsaka inayos yung puting toga at puting casual dress.

"Mag ayos ka na Erin, maraming nag alala sayo. Kahit ngayong araw lang, ipakita mo sa lahat na matapang ka, na may direksyon parin ang buhay mo".

Medyo natigilan ako sa sinabi ni Manang, kung meron mang may alam sa mga problema ko siya yun. Kahit di ko sasabihin, palagi niya akong naabutan magdrama kahit dati pa. Mula noong buo pa kami hanggang sa pinili kong manatili rito mag isa at malayo kila Mama.

Alam niya kung paano ako nawalan ng gana sa buhay, kaya naintindihan ko ang gusto nitong iparating kahit sobrang lalim kung iisipin.

Umalis ito ng kwarto kaya naiwan akong mag isa. Napahiga ulit ako dahil sa katangahang ginawa ko.

Wala akong choice kundi ang maglakad at tahakin ang banyo. Ilang minuto matapos maligo ay tiningnan ko ang phone.

10:32 AM

Mahimbing yata ang tulog ko kagabi. Mula nung nagising ako at kumain ng hapunan ay medyo late na akong nakatulog.

Dali dali kong inayos ang sarili, naalala ko ang hitsura ni Andi kanina talagang pinaghandaan niya ang araw na to.

Inayos ko ng mabuti ang mukha, nag ahit pa ako ng kilay matapos ng mahabang panahon. Matagal tagal rin pala nung huli kong gamit sa mga to. Simpleng kolorete lang na ibinagay ko sa kulay ng susuotin.

Kasalukuyan kong inayos ang buhok nung may kumatok na naman. Ilang sandali pay binuksan nito ang pinto.

"Salamat naman at naisipan mong mag ayos"

Tiningnan ko lang si Andi sa sariling repleksyon na lumalapit sakin.

"Nandun sa baba yung Papa mo, pati si Rence"

Nagtaka ako sa pangalang narinig.

"Si Rence? Ba't naman sya napunta dito?"

"Aba malay ko, ikaw lang di sumipot kanina. Dumiretso yata dun yung Papa mo, di ko alam ba't magkasama sila ni Rence".

Pumunta si Papa?

Paano?

Nakonsensiya ako agad sa iisiping wala syang anak na nakita doon.

"Ako na nga mag ayos sa buhok mo! Pasalamat ka maganda ako"