Chapter 9: Kabanata 9

Napatigil siya sa pag-ihip ng plawta nang maramdaman ang aking presensya. Agad akong nagbigay galang at tumabi sa tabi ng kanyang pinto at tumayo roon na tila isang estatwa at hinihintay ang kanyang mga iuutos. Tumayo siya nang tuwid at isinilid sa kanyang damit ang plawta. Humarap siya sa bintana kasabay ang malamig na pagihip ng hangin at ang pagdilim ng paligid na nagbabadyang umulan.

Buwan na ng 'Tisri' (September) at katatapos lang ng Buwan ng 'Elul' (August).

Nagsisimula nang umulan at katatapos lang mag-ani ng mga magsasaka ng tanim nilang mga datiles (dates) , ubas, at igos (fig). Nagsisimula na silang mag-araro ng lupa upang makapagtanim muli ng mga bagong tanim sa susunod na Buwan.

"Elersa..." natulala nalang ako kay Prinsipe Aelino na ngayo'y nakaharap parin sa bintanang nakabukas kasabay ang malamig na simoy ng hangin at pagbuhos ng malakas na ulan, dahilan upang magtakbuhan ang ilang mga tao sa kani-kanilang mga tahanan at may ilan ring mga bata ang masasayang naliligo sa unang patak ng ulan. Hindi ko maintindihan kung bakit batid niya ang aking pangalan.

"A-ano pong maipaglilingkod ko Kamahalan?"tanong ko sabay hawak sa aking palda dahil sa matinding kaba.

"Maaari mo ba akong samahang panoorin ang bawat pagbagsak ng ulan?" pabalik niyang tanong sa akin gamit ang nakakamatay na boses. Di ako makasagot habang nakatingin parin siya labas ng bintana.

"M-masusunod po, Kamahalan," sagot ko at dahan dahang naglakad sa harap ng bintana. Isang metro ang pagitan namin sa isa't isa habang pinapanood ang malakas na ulan sa labas at tila nagsisiyahan ang ilang mirasol at iba't ibang mga halaman sa harap ng Kastilyo.

"Elersa, maaari ka bang tumabi sa akin?" tanong ni Prinsipe Aelino."Ngunit Kamahal---" hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil naaalala ko ang mga sinabi ng matandang babae na tila bumulong sa aking isipan.

'Pangalawa, susundin mo ang bawat utos ng Prinsipe, pagiging magalang at masunurin ang dapat mong taglayin'

Napahinga ako ng malalim at akmang tatabi na sana ako sa kanya nang mabilis niya akong sinunggaban ng hal*k habang itinutulak niya ako sa sulok ng silid upang walang makakita sa amin sa harap ng bintana. Patuloy ang palitan namin ng hal*k at tila hindi ako makapaniwala sa pangyayari. Ang tahimik at tila mala-anghel na mukha ng Prinsipe ay may itinatago itong kapusukan. Ang kanyang hininga na aking naaamoy ay tila kasing bango ng mga bulaklak at ang kanyang mga labi ay kasing lambot ng bulak.

"Binibini..." wika ni Prinsipe Aelino ngunit hindi ko pa siya pinansin.

"Binibini... Maari mo ba akong dalhan ng iinuming tubig?"ulit na tugon ni Prinsipe Aelino na kanina pa pala ako tinatawag at ako ngayo'y nag-iilusyon ng isang mapahangas na pangyayari. Tila nagising ako sa malalim na pagkatulog at agad na yumukod.

"M-masusunod po, Kamahalan," nauutal kong tugon. Dali-dali akong yumukod at akmang lalabas na nang siya'y magsalita.

"May alam ka bang masarap na pagkain?" Tumungin ako sa kanya at para bang may nakabara sa aking lalamunan upang hindi makapagsalita. Nakahawak siya sa kanyang baba habang hinihintay ang aking kasagutan. "Maaari mo ba akong ipagluto?"

"M-masusunod po, K-kamahalan." Agad akong tumalikod at palihim na huminga ng malalim kasabay ang malakas na pintig ng aking puso. Nakita ko pa siyang ngumiti at ngumisi. Akmang lalabas na ako ng silid nang siya'y magsalita muli.

"Nakakasawa na ang ilang pagkain, nais ko ng kakaiba."

"Opo." Humarap ako sa kanya at yumukod. Dali-dali akong lumabas ng silid at tila napakabigat ng aking mga paa habang naglalakad. Wala pa akong alam na anumang lutuin, tanging ang kumain lamang ang aking ginagawa sa bahay. Kung si Ate Jesa lamang ang nasa aking posisyon ay tiyak na maiibigan ng Prinsipe ang kanyang maihahain.

Napahinto ako sa paglalakad dahil wala pala akong ideya kung nasaan ang kusina.

Napagdesisyonan kong pumunta sa unang palapag ng Kastilyo, sigurado akong naroroon ang silid-lutuan. Maraming silid ang aking nadaraanan at ang ilang lampara sa kaliwa't kanan. Natanaw ko sa malayo ang malaking hagdan pababa na nalilibutan ng napakaraming bulaklak at ang napakaraming lamparang nagbibigay ng liwanag.

Naririnig ko ang masiglang tawa ni Haring Valenzo mula sa baba at ang huni ng mga baso. Napatingin ako sa kaniya mula sa itaas at kasama niya ang Heneral na tindig na tindig sa kanyang kasuotan. May bote ng alak sa kanilang harapan at ilang berdeng ubas. Nakita kong may ibinigay na supot ang Hari sa Heneral na ikinangiti naman nito.

"Kamahalan naman, sobrang sobra na ito." Rinig na rinig ko na ang kanilang pinag-uusapan.

"Pagbutihin mo pa ang iyong tungkulin." Ngumiti ang Hari at kinuha naman ng Heneral ang supot mula sa kamay ng Hari. Binuksan niya ito at laking gulat ko nang makita ko ang napakaraming ginto. Agad niyang itong isinuksok sa kanyang bulsa na animo'y takot na mayroong makakita nito.

Nagsimula na akong maglakad pababa ng hagdan, nalalanghap ko rin ang halimuyak ng nga bulaklak na dumadampi sa aking kamay. Hindi ko maiwasang mapangiti na animo'y nasa isa akong lihim na hardin. Nagulat ako nang mapatingin ang Heneral sa akin dahil sa rinig na rinig na aking mga yapak. Maging ang Hari ay gulat na gulat rin nang ako'y makitang bumababa ng hagdan.

Tila nanlilisik ang kanyang mga matang ako'y tinitingnan, tumaas pa ang kaliwa nitong kilay na aking ipinagtaka. Nagulat ako nang may magsalita sa hindi ko malamang lugar.

"Kamahalan." Gulat akong napatingin sa babaeng nagpupunas ng hagdan sa aking harapan. Mas lalo akong nagulat sa kanyang sinabing 'kamahalan'. Hindi ko alam ang kabang nararamdaman ko ngayon. Napatingin ako sa sulok kung saan bumababa ang ilang kasambahay mula sa ikalawang palapag, napagtanto kong hindi nila ginagamit ang hagdan. Tila ba nagmistula akong isang mataas na persona sa Kaharian upang maglakad sa hagdan.

Parang nais kong lamunin na ako ng lupa sa kahihiyan.

"Magpapaalam na ako, Haring Valenzo." Tumayo ang Heneral at lumuhod sa harapan ng Hari. Nanlaki ang aking mga mata nang may humila sa akin, si Ina.

"A-anong ginagawa mo rito, Elersa?" Para bang nababahala rin siya sa aking ginawang kahihiyan, umiiling pa siya habang nakahawak sa noo.

Nakakahiya naman talaga kasi iyon.

"Nasaan po ang kusina, Ina?" pagbabago ko ng usapan. Tiningnan niya ako at napakunot ang noo. "Inutusan po ako ni Prinsipe Aelino na magluto."

Nanlaki ang kanyang mata at halatang nagulat sa aking sinabi. "Anak! Halika, ako'y sundan mo. Ipagluluto natin siya ng masarap na pagkain, sisiguraduhin kong maiibigan niya ito." Para siyang isang kabataan na kinikilig.

Maraming kasambahay ang kasama ni Ina sa malawak na kusina, maraming kubyertos ang hindi pamilyar sa akin, at hindi mabilang ang mga makikitang mga sangkap.

"Ang ganda ng iyong anak, Bersa!" ani ng isang babae na may katandaan na. Kulot ang itim nitong buhok at kutis, palatandaan na isa rin siyang dayuhan.

"Ano ang inyong pinakanaiibigang pagkain?" tanong ni Ina sa lahat ng kasambahay. Napatingin silang lahat kay Ina at napaisip-isip.