Chapter 8: Kabanata 8

"PUMASOK na kayo," wika sa amin ng guwardiya na nagbabantay sa lagusan ng Kastilyo habang dahan dahang tumaas ang malalaki at mahahabang bakal na nagsisilbing proteksyon sa mga tulisang papasok sa Kastilyo (portcullis). Nang makahakbang kami ni Inay papasok ng Kastilyo ay agad ring bumaba ito na kontrolado ng isang matikas na guwardiya na pinapaikot ang bilog na kahoy na nagpapataas-baba sa mga bakal.

Pagpasok palang namin ni Ina sa Kastilyo ay agaw pansin ang mga iba't ibang klase ng mga bulaklak at halaman na nakapalibot sa malawak at makinis na daan mula sa lagusan hanggang sa ginintuang pinto ng Kastilyo kung saan maaaring magkasya ang kalahati ng populasyon ng Kaharian. Masaya ring nagtatrabaho ang mga hardinero at di alintana ang matirik na araw. Sa matataas na pader naman na nakapalibot sa buong karangyaan ng Kastilyo o ay may ilang mga guwardiya na nagbabantay at bihasa sa paggamit ng pana. Sa ikalawang palapag ng Kastilyo ay kita sa bintana ang ilang mga tagapaglingkod na abala sa pagtatrabaho.

"Maligayang umaga sa lahat!" Napatingin ang lahat sa lalakeng sumigaw mula sa balkonahe na siyang kinatatayuan rin ng dalawang malaking rebulto ng kalahating anyo ng ahas at tao.

"Magandang umaga rin, Prinsipe Jobel!" sigaw ng isang hardinero sabay wasiwas sa hangin ng kanyang palad. Tumango naman si Prinsipe Jobel at nginitian ang hardinero. Sunod sunod naman ang bating natanggap ng Prinsipe at tumingin ito sa aking mata nang matagal habang natatamaan ng liwanag ng sinag ng araw ang kanyak maputing mukha bago ito tumalikod at bumalik sa loob ng ikalawang palapag. Lumapit naman si Ina sa akin.

"Siya ang isa sa mga paglilingkuran mo," bulong ni Ina sa akin na tila magkadikit na ang aming mga mukha sa dikit ni Ina sa aking tainga. Napatango na lang ako at nagulat nalang ako ng may isang lalakeng lumundag mula sa mataas na pader at agad na nagtago sa mga halamanan na tila hindi nasumpungan ng mga guwardiya. Mula sa tangkad nito, sa kulay ng balat, sa buhok nitong kasing kulay ng gatas, di ako nagkakamali, si Taniel iyon.

"At iyon! Iyon pa ang iyong pagsisilbihang prinsipe," tila pabulong na saad ni Ina. Napatingin naman ako kay Ina ngayon na nakatingala sa ikatlong palapag ng Kastilyo.

"Si Prinsipe Aelino," sagot ko habang tinitingnan ang maamong mukha ng binata habang nagbabasa ng isang mahabang papel na pinagdurugtong ng dalawang kahoy (scroll) sa tapat ng bintana habang nakaupo.

Agad naman nitong pinaikot ng mabilis ang dalawang pabilog na kahoy dahilan upang magtabi ang mga ito. Tumayo na ang Prinsipe sa pagkakaupo at nagulat ako nang may bumagsak na isang kumikinang na gintong singsing sa lupa, napapalamutian ito ng isang pulang bato na rubi na nagpapadagdag sa kagandahan nito na kahit sinuman ay maaakit dito.

Napatingin ako kay Ina na kanina pa pala nakikipag-usap sa isang hardinera. Napatingin akong muli sa singsing at napapaisip kung kukunin ko ba iyon o hindi. Nakarinig ako ng yapak mula sa loob ng Kastilyo na papalapit na sa nakasarang pinto ng Kastilyo. Di ako mapakali at di ko inaasahang dinakma ko agad agad ang singsing na iyon at isinilid sa aking bulsa kasabay ang pagbukas ng lagusan at ilinuwa ang ilang kababaihan na sa aking pagkakaalam ay nais ring maging tagapagsilbi ng mga prinsipe.

Nakayuko parin ako nang bumukas ang pintuan at lumabas ang isang lalake. Napahinto ito sa paglalakad at kitang kita ko ang kumukinang nitong sandalyas na gawa sa kahoy ng 'almug' na mula pa sa malayong lugar, napalamunitaan ng ilang pilak at ng balat ng asno na nagsisilbing malambot na tapakan nito. Mula pa lamang sa kanyang sandalyas ay di maitatanggi na mayroon siyang mataas na kapangyarihan sa Kaharian.

"Tularan niyo ang dalagang ito, siya'y napakagalang," seryosong saad ng lalake at tila pamilyar ang boses nito sa akin. Hindi ko naman talaga sinasadyang yukuran ang lalakeng nasa harap ko, nagkataon lamang. Agad akong tumayo ng tuwid at nagbigay galang naman ang lahat sa kaniya.

"Magandang umaga po, Heneral Adjiel," sabay sabay na bati ng mga hardinero at ibang manggagawa sa labas ng Kastilyo. Tumango tango na lamang ang lalakeng nangangalang Adjiel na nakatalaga sa isa sa mga matataas na opisyal sa Kaharian, siya ang komandante ng militar. Matipunong katawan, bilugang mata, mahaba habang balbas, matangkad, at di maitatanggi ang seryoso nitong mukha bagama't may katandaan na ito na nasa apat na apu't tatlong taon na ang edad.

"Hindi ko na kailangan pang pumili pa ng magiging tagapaglingkod ng mga Prinsipe, siya'y nasa aking harapan na," seryosong wika ni Heneral Adjiel sa lahat. Gulat namang napatingin ang ilang mga kababaihan na nasa aking likuran na tila dismayado sa pangyayari habang nanlilisik ang kanilang mata na tila isang leon sa akin. Nagbigay galang sila sa komandante at pumadya-padyak sa lupa habang naglakad palabas ng Kastilyo kasabay ang pagtaas ng portkulis.

"Sumunod ka sa akin," wika ng komandante at napatango nalang ako.

Tumalikod siya at humarap sa malaking pintuan na ngayo'y nakabukas parin. Sumunod ako sa kanyang paglalakad at sa bawat paghakbang ko papasok ng Kastilyo ay tila nagpapabigat sa aking mga paa.

Agad sumalubong ang ilang mga kababaihang tagapaglingkod na nasa sampu ang bilang at yumukod sa komandante habang nasa likod naman niya ako. Sumenyas ang komandante sa isang babaeng may katandaan na at kabilang sa mga tagapaglingkod sa Kastilyo, napatango naman ang matandang babae at lumapit sa amin.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang apa at tumatango tango. "Sundan mo ako," saad ng matandang babae at agad siyang tumalikod, wala na akong nagawa kaya sumunod nalang ako.

Nagpatuloy kami sa paglalakad habang nadadaanan namin ang ilang kasambahay na abala sa kanilang ginagawa at pare-pareho ang kanilang mga kasuotan. Makinis ang sahig na tila isang salamin na aking nakikita ang sarili kong repleksyon. Nagkalat rin ang iba't ibang halaman sa loob na tila palaging may okasyon sa loob.

Naalala ko ang okasyong naganap bilang mainit na pagsalubong sa dalawang prinsipe, ibang iba ang gandang taglay ng Kastilyo kumpara sa anyo nito nang huling makatapak ako sa loob. Samu't saring silid rin ang aming nadadaanan na tila ba wala nang katapusan.

Lumiko kami sa kanan at liko sa kaliwa na para bang nahihilo na ako sa napakadaming pasiko sikong daan sa Kastilyo. Magagawa ko kayang kabisaduhin ang lahat? Natauhan nalang ako nang magsalita ang matandang babae na aking sinusundan.

"Una, wala kang ibang gagawin dito kundi ang paglingkuran ang dalawang prinsipe," panimula ng babae. Tumango nalang ako at nahagilap ng aking mata si Prinsipe Aelino sa isang silid habang tumutugtog ng plawta (flute) ngunit nagpatuloy lang kami sa paglalakad dahilan upang mawala siya sa aking presensya.

"Pangalawa, susundin mo ang bawat utos ng Prinsipe, pagiging magalang at masunurin ang dapat mong taglayin," patuloy ng babae. Tumango akong muli at napatigil nalang ako sa paglalakad nang tumigil rin siya sa paglalakad. Humarap siya sa akin at naging seryoso ang kanyang mukha.

"Panghuli, huwag mo nang naising umibig sa kanila," nagulat ako sa kanyang sinabi. Nagkatinginan kami nang matagal at tila may nais siyang ipahiwatig sa akin.

"O-opo," utal na sagot ko sa babae, tumalikod siyang muli at binuksan ang isang silid sa aming harapan. Nauna siyang pumasok at sumunod ako. Sa loob ng silid ay may apat na magkakatabing maliit na higaan, isang gasera sa tabi ng pinto, at isang bintana na nagbibigay ng kaunting liwanang sa loob ng silid.

"Ito ang ating kasuotan, palagi mo itong isuot," saad ng matanda at inilapag sa maliit na mesa ang dalawang damit pambabae na kulay pula. Nagpasalamat ako at lumabas na siya sa silid. Agad ko itong isinuot at napaikot-ikot pa sa ganda nang pagsabay ng palda sa hangin.

Lumapit ako sa malaking bintana na hanggang baywang ko at napatigin sa labas. Mga patay na halaman, mga tuyong dahon, at isang bangko (bench) sa ilalim ng patay at walang kabuhay buhay na puno ng Oak kasabay ang paglipad ng kwago papalayo mula sa sanga nito. Napagtanto ko na lamang na nasa likuran ng Kastilyo kami namamalagi dahil tila hindi nabibigyan ng pansin ang pagpapaganda dito.

"Ano pa ang iyong ginagawa dito? Tumungo ka na sa silid ng dalawang Prinsipe! Nasa ikatlong palapag ang silid ni Prinsipe Aelino, sa ikalawang palapag naman ang silid ni Prinsipe Jobel. Wag kang mawawala sa kanilang paningin, sundin mo ang lahat ng kanilang utos," wika ng matandang babae na kanina pa pala naghihintay sa labas para makapanamit ako.

"O-opo," nauutal kong sagot at napalunok ako sa huling niyang sinabi na tila paulit ulit kong naririnig sa aking utak. Yumukod ako at lumabas na ng silid at agad na naglakad papalayo, napahinto ako nang magsalita ang matandang babae. "Batid mo ba ang iyong pupuntahan?" tanong ng babae at tila naistatwa ako sa aking kinatatayuan.

"O-opo," sagot ko habang nakatalikod. Mula noong una ko siyang makausap ay puro 'Opo' lang aking nababanggit na salita at nauutal pa. Nagpatuloy ako sa paglalakad at hinihintay ko kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Batid kong nasa unang palapag ako at hinahanap ko ang hagdan pataas. Marami akong nasasalubong na diko kilala kaya't nagbibigay galang ako agad.

Napahinto ako nang marinig ko ang tunog ng isang plawta na may napakagandang himig. Napapikit ako at pinakiramdaman ang aking paligid. Minulat ko ang aking mga mata at agad na naglakad habang sinusundan ang himig ng isang plawta. Napatigil ako nang makita ang hagdan papunta sa ikalawang palapag. Maingat akong naglakad sa hagdan bagama't baka magasgasan ang sahig ng hagdan.

Tatlong palapag lamang ang Kastilyo ngunit ang isang palapag ay napakataas kaya't napakalaki talaga ng Kastilyo kahit tatlong palapag lamang ito. Nang marating ko na ang ikatlong palapag ay patuloy akong naglakad habang pinakapakiramdaman ang paligid. Napatigil nalang ako sa isang silid na nakabukas dahilan upang malayang makalabas ang tunog sa loob.

Sa gilid ng bintana ng silid ay naroroon si Prinsipe Aelino na ramdam na ramdam ang bawat nota ng plawta na pinapakawalan nito habang nakapikit dahilan upang masilayan ko ang mahaba nitong pilik mata.