Chapter 10: Kabanata 10
"Manokeso?" rekomenda ng isang babae.
"Pritong itlog?"Binatukan ng isang babae ang nagrekomenda nito.
"Yan na ba ang pinakamasarap mong natikman sa buong buhay mo?" tawa pa nang tawa ang babae. Para namang napahiya ang babae at itinatago pa ang kanyang mukha. "Mas naiibigan ko ang mga pagkaing matatamis."
"Ibinalad na baboy?" rekomenda naman ng matabang babae. Napatingin ang lahat sa kanya sabay tawa, nagtaka ako sa kanilang inasta.
"Ipagluluto natin siya ng tinapay!" ani ni Ina at itinaas pa ang kaliwang kamay.
"Sinong siya?" nagtatakang tanong ng isang babae. Nagtaka rin ang ang ilang kasambahay at masamang tiningnan si Ina.
"Si Prinsipe Aelino." Gulat na gulat ang lahat, ang iba rin ay pinipigilan ang kanilang mga sigaw dahil sa kilig. Tila ba naging isa silang mga batang nabigyan ng minatamis na ubas.
"Tumabi na kayo, ako na!" kinikilig na ani ng isang kasambahay sabay tayo upang maghanap ng mga sangkap. Ngunit napatigil siya ng hilain ng isang babae ang kanyang buhok. "Ano ka ba!"
"Hindi ikaw ang inutusan. Sino nga ba ang tagapalingkod ng mga Prinsipe?" sabi ng isang babae sabay tingin sa akin. Umikot ang mata nito sa akin na para bang naiinggit sa aking posisyon.
Sa iyo na po. Sayong-sayo.
Naghugas ng kamay si Ina na akin ring ginawa. Nagsimula nang maghanap ng sangkap si Ina para sa gagawing tinapay at inilapag sa batong lamesa. Napatingin ako sa mesa, may mga iba't ibang kulay ng pulbos, harina, itlog, mga ubas, asukal, at mga hindi ko matukoy na sangkap.
"Anak, haluin mo ang isang mangkok ng harina at pulbos ng tsokolate." Abala siya sa paghahanda ng mga kahoy sa kalan na gagamitin maya-maya sa pagluluto. Tila nanginginig pa akong paghaluin ang tsokolate at harina na nakakamanghang panoorin. Nanonood lang ang ilang kasambahay sa amin.
"Tapos na anak? Haluin mo ang dalawang itlog, keso, asukal, mantikilya, at kaunting suka sa hiwalay na lalagyan." Para akong naestatwa sa harap ng lamesa, hindi ko naisaulo ang mga sangkap na kanyang nabanggit. Sa tingin ko ay binanggit niya ang mga likidong sangkap na naiwan sa lamesa. Dapat na mahiwalay ang mga sangkap na likido at hindi.
Biniyak ko ang itlog na nagpalagkit sa aking kamay dahil sa naiwan nitong likido. Sinunod ko ang keso, mantikilya, suka, at asin na nasa piling sukat na. Kinuha ko ang asukal na nasa isang lalagyan at ibinuhos ito. Napadaan si Prinsipe Jobel sa kusina na aking ikinagulat, maging ang mga kasambahay ay nagulat rin.
Para lumabas ang kaluluwa ko sa aking katawan nang mapagtanto kong nailagay ko na ang napakaraming asukal! Mabuti na't walang nakapansin sa akin, lalo akong kinabahan. Lahat ay nakatuon ang tingin kay Prinsipe Jobel.
"Paghaluin mo na ang lahat," utos ni Ina sabay ngiti, pilit akong ngumiti pabalik. "Ang daan sa puso ng lalake ay mula sa kanyang tiyan."
Nanginginig kong pinaghalo ang dalawang mangkok sa mas malaking lalagyan, nangangamba ako sa magiging resulta nito. Habang hinahalo ko ito ay lumalapot rin ito, mas lalo akong nahihirapan. Lumapit si Ina sa akin at sinuri ang aking ginagawa. Tila napansin niya ang napakaraming asukal na kumikinang-kinang pa sa dami nito. Laking gulat ko nang kunin niya sa akin ang aking ginagawa.
Ako'y tunay na nangangamba!
Hinalo-halo at tila minamasahe niya ang pinaghalong mga sangkap sa lamesa gamit ang kanyang mga kamay. Nang napansin niyang naging mainam na ito ay hinulma niya ito pabilog. Sa tingin ko'y nakagawa siya ng dalawam pu't lima. Pinatungan niya ng ubas ang mga ito na mas nagpasarap sa mga mata. Pagkatapos ay inilagay sa isang mahabang metal na lalagyan at inilagay sa loob ng mainit at umaapoy na butas. Pagkatapos, ay tinakpan niya at napahawak pa sa noo dahil sa pagod.
Halos kalahating-oras namin itong hinintay na maluto. Nakita naming papalapit si Prinsipe Aelino sa kusina kaya't naalarma ang lahat, ang lahat ay kinikilig.
"Matagal pa ba, Binibini?" tanong ni Prinsipe Aelino pagkapasok pa lamang niya ng kusina. Tiningnan ko si Ina na napatingin rin sa akin.
"Malapit na raw maluto," ani ko sabay ngiti kay Prinsipe Aelino. Sinamaan ako ng tingin ni Ina pati na rin ng ilang kasambahay sa hindi ko malamang kadahilanan.
"M-malapit na raw pong maluto, K-kamahalan," ulit ko. Inilabas na ni Ina ang umuusok pang mga tinapay, agaran niya itong inilipat sa isang plato at inihain sa tapat ni Prinsipe Aelino. Nagtaka naman si Prinsipe Aelino na animo'y nanghihinala.
"Ikaw ba ang nagluto nito, Binibini?" Naestatwa ako sa tanong niya, hindi ko alam ang isasagot. Ako lang naman ang naghalo ng mga sangkap, matatawag na kayang ako ang nagluto nito?
Maaari naman.
"Opo, Prinsipe Aelino. Ang anak ko nga ang nagluto nito," singit ni Ina. Laking gulat namin nang agad siyang nagbigay galang kay Ina, ang lahat ay nagtaka sa kanyang ginawa.
"S-Sige. Tikman mo na ang luto ng ating Binibining Elersa." Ngiti nang ngiti si Ina na animo'y wala siyang ideya sa magiging lasa nito. Kumuha ng isang tinapay si Prinsipe Aelino kasabay ang pagtulo ng aking pawis. Ramdam ko rin ang mabilis na pagtibok ng puso ko at ang tila pagbilis ng aking paghinga.
Paano na?!
"Teka!" Napatigil siya sa pagkagat dahil sa pagpigil ko at napatingin siya sa akin ng may pagtataka. "Ikukuha lamang kita ng maiinom."
Napangiti siya sa akin na mas lalong ikagulo ng nararamdaman ko. Hindi ko malaman kung kakabahan ba ako, hindi ko maintindihan. Agad akong naghanap ng mga maiinom sa paligid kahit wala akong ideya kung nasaan ang mga ito. May nakita akong pulang inumin na nasa isang bote kaya kinuha ko ito. Inilapag ko ito sa kanyang harapan.
"Balak mo bang lasingin ang Prinsipe, anak?" Nagulat ako sa winika ni Ina, kinuha niya ang bote ng alak sa harapan ni Prinsipe Aelino at akmang ilalayo niya ito nang pigilan siya ng Prinsipe.
"Ito nalang po," saad niya sabay tingin sa akin. Napapikit nalang ako nang agad-agad niyang kinagat ang tinapay. Napahinto siya sa pagnguya at tila ba nawala sa ularin. Dinig ko ang malakas na pintig ng aking puso habang hinihintay ang kanyang magiging reaksyon. Maging ang mga kasambahay ay mainam ring naghihintay.
"M-masarap." Nakahinga ako ng malalim sa kanyang komento. Maging ang mga kasambahay rin na nakapaligid sa kanya ay napahawak pa sa kanilang dibdib.
"T-totoo po ba, Kamahalan?" tanong ko, nagbabasakaling nagsisinungaling lamang siya.
Siya'y nagsisinungaling lamang!
"Tunay na masarap," ani ni Prinsipe Aelino at napatingin sa akin. "Tunay na kaibig-ibig."