Chapter 7: Kabanata 7
Lupain ng Dero(8 BCE)
"Wag kang mag-alala mahal! Malapit na tayo!" sigaw ni Lerid sa kanyang asawa na nakasakay sa isang asno habang yakap yakap ang kanilang panganay na anak na si Jabar na limang taong gulang pa lamang. Malalim na ang gabi at patuloy ang pagbuhos ng ulan na nagpapaginaw sa tatlong manlalakbay.
Nagbibigay liwanang sa madilim at maulang gabi sa kanilang dinaraanan ang mga iilang bituin na malapit nang matakpan ng mga makakapal na ulap at ang iisang gasera. Napaubo ang kanilang anak at agad namang yinakap ni Bersa si Jabar nang mas mahigpit. Nagmula sila sa Kaharian ng Badoc kung saan may nagaganap na digmaan, kung kaya't pinili nilang lumisan upang di sila mapahamak. Dala rin nila ang iba pa nilang mga ari-arian na buhat ng isang kamelyo.
Napatigil sila nang makita nila ang isang liwanag mula sa malayong lugar kaya't pinabilis na nila ang kanilang paglalakbay upang makasilong. Mahigit isang oras ang lumipas ay napatigil sila nang may mga lumitaw na mga di nila kilalang mga kalalakihan sa kanilang dinaraanan na may hawak na mga gasera.
Aatras na sana sila at iiba ng direksyon ngunit agad na tumakbo ang mga guwardiya at sila'y hinabol. Napadapa si Lerid sa lupa dahil sa mabilis na pagtakbo ng asno, agad na nakahabol ang mga guwardiya at agad na tinakluban nito nang isang makapal na tela ang mga ulo ng pamilya habang patuloy parin ang malakas na pagbuhos ng ulan at ilang kidlat na nagpapaingay sa paligid.
Kinaumagahan, nagising si Lerid na kadiliman lamang ang nakikita habang nasa kanyang tabi ang kanyang mag-ina. Nasa isang kulob na silid sila at may sunod-sunod na pumasok sa silid.
"S-sino kayo?! Palayain niyo kami!" sigaw ni Lerid at akmang tatayo siya ngunit nakagapos ang kanilang mga paa at kamay na ikinatingin ng mga pumasok sa silid. "Kamahalan, nakita po namin sila na nagtatangkang pumasok sa ating Kaharian," saad ng isang guwardiya, napatango tango naman si Haring Esmael. Dahil sa pagsigaw ni Lerid ay nagising rin ang mag-ina na ngayo'y nagtataka na rin kung anong nangyayari.
"Nasaan kami?! Palayain niyo kami!" ulit ni Lerid. Sinenyasan namang ng Hari ang guwardiya na tanggalin ang mga telang nakataklob sa kanilang mga ulo at agaran naman nitong sinunod. Tila nakahinga nang maluwag ang mag-aama nang matanggal ang mga taklob nila sa ulo. "Nandito kayo sa Kaharian ng Pinileo, at sino kayo upang manghimasok dito?! Isa ba kayong mga espiya?!" sigaw ng Hari at umalingawngaw ang boses nito sa kulob na silid. Nasa tabi niya ang kanyang anak na si Prinsipe Valenzo na nakatitig kay Bersa na tila nahuhumaling sa kagandahan nito.
"May nagaganap na digmaan sa Badoc, baka isa sila sa mga lumisan at naghahanap ng bagong matutuluyan upang makalayo sa panganib, Ama" sagot ng prinsipe na nakasuot ng mamahaling kasuotan na tinahi pa sa kabilang bayan habang nakatitig parin kay Bersa dahil sa di maitatangging kagandahan nito. Napatingin naman si Lerid sa prinsipe kung paano ito tumingin sa kanyang kasintahan, at pagkatapos ay tumingin rin siya kay Bersa na nakatingin sa prinsipe. Di na umimik ang Hari at agad na lumisan sa silid at sumunod rin ang kanyang mga kawal ngunit si Prinsipe Valenzo ay nananatili parin sa loob. Agad siyang lumapit sa pamilya.
"Pagpaumanhin niyo ang aking Ama, talagang mainit ang kanyang ulo sa mga tulad niyong mga dayo mula sa ibang Kaharian," wika ng prinsipe habang tinatangal ang pagkagapos sa kanilang mga kamay at paa gamit ang patalim na nasa kanyang sinturon. Nang matanggal niya ang lubid ay tumikhim ang isang babae sa pinto na hinhintay niyang lumabas ang prinsipe. Tumayo na ang prinsipe at nang lalabas ito ay muli itong lumingon kay Bersa.
Dahil sa angking kabaitan ng prinsipe ay binigyan niya ng tahanan, lupa, at mga tupa ang pamilya upang makapagsimula muli ng bagong buhay. Ngunit di maitatanggi na may lihim na pagtingin ang Prinsipe kay Bersa na may kasintahan at anak na.
Namuhay naman ng payapa ang pamilya at nakakilala ng mga ibang mamamayan sa Kaharian, na tumagal ay naging kaibigan na rin nila. Nagtanim sila ng iba't ibang pananim, napadami nila ang kanilang mga alagang hayop, at minsan sila'y sumasama sa pangingisda. Kalaunan ay naipanganak nila ang pangalawang anak nila na pinangalanang Jesa.
"Sige po Inay, tatanggapin ko na," wika ko kay Ina na ikinangiti niya at napalundag lundag pa sa tuwa na tila isang bata na napagbigyan ng magulang na ikinatingin naman ng mga tao sa daan. Napatingin naman sa akin si Taniel na ngayo'y tila hindi maipaliwanang ang kanyang damdamin kung masisiyahan o malulungkot ba siya sa aking pasya. "Maganda ang iyong naging pasya," ani ni Taniel at nginitian ako na para bang magkahalong saya at lungkot ang nakikita ko sa kanyang mukha.