Chapter 71: Kabanata 71
Pagkalipas ng Isang Taon (30 CE)
"Dito na po tayo." Mabilis na huminto ang karwaheng aking sinasakyan. Mula pa lamang sa malayo ay naririnig ko na ang walang tigil na siyahan, tawanan, at hiyawan ng mga tao. Agad akong lumundag palabas ng karwahe dahilan upang lumubog ang aking mga paa sa makapal na nyebe, pagkatapos ay isinuot ang isang malaking sumbrero sapat upang maitago ang aking mukha at pagkakakilanlan.
Malalim na ang gabi at napakadilim na ng paligid. Ang buong lupain ay nababalot na ng napakaputing nyebe, maging ang mga bulubundukin ng Valbwue. Ang mga nyebe ay tila ba balahibo ng isang ibon na dahan-dahang bumababa mula sa kalangitan. Iilang sulo ng apoy ang nagbibigay ng liwanag sa labas, marami rin ang nakaparadang mga karwahe sa harapan ng bahay-inuman. Talagang dinaragsa ng napakaraming tao ang lugar na ito, lalo na ng mga mayayaman at mga taong galing sa trabaho.
Dahan-dahan akong naglakad sa makakapal na nyebe, kailangan kong buhatin ang aking mga paa dahil sa bigat nito suot ang makapal na botas. Pagdating ko pa lamang sa harapan ng pinto ay tila ba nabibingi na ako sa ingay. Hindi ako makapaniwala, hindi ako makapaniwalang papasukin kong muli ang bahay-inuman na aking pinasok isang taon na ang nakalilipas.
Pagkapasok ko ay agad na bumungad sa akin ang malakas na musika, mga nag-iinuman at lasing na tao, mga bayaran na kababaihan, at mga empleyadong kaliwa't kanan kung pagsilbihan ang kanilang mga bisita. Iniangot ko nang bahagya ang suot kong sumbrero, sinusubukan kong manmanan ang paligid. Napakaraming tao, hindi ko mahanap ang babaeng aking kinakailangan.
Laking-gulat ko nang mayroong isang na lalaki ang malapit nang matumba sa akin. Sa halip na ako ay umaatras, sinalo ko ito at agad na ipinasa sa kanyang kasamahang lalaki. Maraming nagsasayawan sa ibabaw ng entablado, ang mga nanonood ay naghahagis ng mga salapi kasabay ang walang tigil na huni ng musika. Nakita ko rin ang ilang kababaihan na nakikipagpalitan ng kanilang mga bibig sa matitipunong mga lalaki, agad kong ibinaling ang aking tingin sa iba upang mawala sa aking isipan ang malaswang mga kaganapan.
"Tayo'y magdiwang!" sabay-sabay na sigaw ng maraming tao. Agad akong nagtungo sa harapan ng mga empleyado kung saan nagbabayad ang mga bisita ng kanilang mga bayarin, pilit kong iniiwasan ang mga kalalakihan na aking nadaraanan. Napahinto ako nang makita ko ang pamilyar na babaeng nagbibigay ng mga inumin sa mga bisita, masaya itong nagtatrabaho, Nang bumalik ito sa kanilang pwesto, agad ko siyang sinundan.
Abala siyang nagbibilang ng mga salapi nang agad kong inilapag ang gintong payneta sa kanyang harapan dahilan upang mapahinto siya sa kanyang ginagawa. Titig na titig siya sa inilapag kong payneta na animo'y nagtataka.
"HIndi ka bumalik sa Hirsea?" tanong ko dahilan upang gulat siyang mapatingin sa akin. Malalim ang kanyang mga mata, maputlang kutis, at naninigas na mga labi. Ang kanyang mukha ay nababalot ng mga kolorete at pampaganda upang maitago ang nasa ilalim nito. Maayos at mataas na nakatali ang kanyang buhok na nagpapakita sa kanyang kaakit-akit na balikat.
"Hindi kita kilala, layuan mo ako," mapait nitong sagot at ipinagpatuloy ang pagbibilang ng mga salapi pagkatapos ay inaayos sa isang maliit na lalagyan. Mayroong lumapit na isang lalaki sa kanyang gawi at may iniabot na pera.
"Salamat sa iyong serbisyo, magaling ka," saad ng isang lalaki. Tinitingnan pa nito ang katawan ng babae na animo'y muling pinagnanasahan. "Sa susunod muli." Ngumiti ang lalaki sa kanya at nagpaalam na. Maingay pa rin ang paligid, kaliwa't kanan ang mga sayaw at kantahan, ang mga nag-iinuman, at mga bayarang kababaihan. Napakaraming sulo ng apoy at lampara ang nagbibigay ng liwanag sa loob at ang mga musikerong walang tigil sa pagtugtog. Rinig na rinig rin ang bawat padyak ng mga mananayaw na sumasayaw sa entabladong gawa sa kahoy.
Akmang lalayo na siya nang ako'y magsalita, "Ngunit ito? Hindi mo ba ito nakikilala?" Itinaas ko ang hawak kong payneta na kanya ring tinitingnan. "Sino ka?"
"Lumayo ka na," saad niyang muli at tiningnan ako nang matalim sa aking mga mata."Wala tayong dapat pag-usapan pa, ilayo mo sa akin iyan. Isang taon na ang lumipas, ang lahat ay nananahimik na." Kahit man malakas ang mga tugtugin at hiyawan ng mga tao, naiintindihan ko pa rin ang kanyang mga sinasabi. Pakiramdam ko ay wala siyang interes na ungkatin ang mga nangyari, wala na siyang pakialam sa mga naganap isang taon na ang nakalipas.
"Hahayaan mo bang mabaon sa lupa ang lahat ng katotohanan? Hindi ka ba nakokonsensya?" tanong ko ngunit tuluyan na niya akong iniwang mag-isa. Napansin kong mas dumarami ang mga bisita sa nasabing bahay-inuman, ngunit may ilan rin ang nagsisiuwian. Napahinga ako nang malalim, tila hindi ako magkakaroon ng pagkakataong siya ay makausap. Tunalikod na ako at isinuot ang aking sumbrero. Ngunit napatigil ako nang mayroong pamilyar na lalaki ang bumungad sa aking harapan.
"Elersa," malalim na wika ng lalaki gamit ang malalim na boses.
"H-heron." saad ko. Napatingala ako sa kanyang mukha dahil sa kanyang katangkaran. Mas humubog na ang kanyang katawan, pakiramdam ko ay mas tumangkad siya. Matagal na panahon na rin kaming hindi nagkita. Laking gulat ko nang mas lumapit siya sa akin. Wala akong naaamoy na alak sa kanya, sa tingin ko ay hindi pa siya umiinom sa kanyang kalagayan. Hindi rin mapula ang kanyang mukha na isa sa mga senyales na lasing na ang isang tao.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya. Mas napaatras ako dahil sa lapit ng kanyang mukha.
"Wala," pagsisinungaling ko. Itinaas niya ang suot kong sumbrero dahilan upang mas maaninag niya ang aking mukha. Hindi ko alam ang aking nararamdaman, nahihiya ako sa panahonng nakipag-usap ako sa kanya nang wala sa normal na pag-iisip.
. Akmang tatalikuran ko na siya nang siya'y magsalita, "Kumusta ka na raw?" Tila ba namanhid ang aking buong katawan dahil sa kanyang sinabi. Hindi ko kilala kung sino ang kanyang tinutukoy ngunit mayroon nang mga taong pumasok sa aking isipan. "Maaari ba tayong mag-usap?"
"Kailangan ko nang umuwi, malalim na ang gabi," rason ko. Napadungaw ako sa labas, walang tigil pa rin ang pagbagsak ng mga nyebe, wala na rin ang karwaheng aking sinakyan kanina.
"Pakiusap." Napatingin ako saglit sa kanya na tila ba nagmamakaawa ang mukha.
"Ngunit kumusta ka na talaga? Matagal na kitang hindi nakita." May isang empleyado ang naglapag ng bote ng alabastro na naglalaman ng mga alak. Kasalukuyan kaming nakaupo sa harapan ng isang lamesa sa gilid ng bintana. Sa aming kinalulugaran ay makikita mo ang lahat ng kaganapan sa labas. Nginitian ko na lamang ang empleyado kahit pa man wala akong balak na uminom nito. Nagbago na ako at hindi ko hahayaan ang sinuman na gawin ang kanilang mga nais.
At ayaw kong mapagalitan kay Ina!
"Mabuti lang naman, balik sa normal na buhay." sagot ko. Kinuha niya ang isang bote at inilipat sa mas maliit na baso, pagkatapos ay linagok ito. Napapikit pa siya dahil sa tinataglay na tapang ng alak, napapikit rin ako at napalunok na animo'y ako ang umiinom nito.
"Balita ko ay hindi ka na bumalik sa Kastilyo upang maglingkod muli." Napatulala na lang ako, hindi ko inaasahan ang kanyang sinabi. Ibinaling ko na lang ang aking tingin sa uwang ng bintana at muling tinitingnan ang kastilyo mula sa malayo.
"Ah oo."
"Bakit?"
"Maaari akong mapahamak," deretso kong sagot. Napatango-tango na lang siya sabay uminom muli ng alak. Maingay ang paligid ngunit hind ito nagiging sagabal sa aming pag-uusap. Ako'y nangangamba lamang na mali ang papasok sa isipan ng iba dahil sa aming pag-uusap. Ngunit naiisip ko naman na kung hindi nga pinapansin ng mga tao ang bayarang mga lalaking nang-aakit ng mga mayayaman, mas natitiyak akong walang magiging problema dahil nag-uusap lang naman kami.
"Alam mo noong bata pa ako? Gustong-gusto ko nang maging arkitekto." Napatulala ako sa kanya sa hindi malamang dahilan. Hindi ko alam ngunit naiibigan ko ang mga tunay na kwento ng ibang tao lalo na sa kanilang kabataan. Ang mga taong wala pa kaming kamuwang-muwang sa mga problema sa buhay, at sa tunay na takbo nito.
"Ngunit. . . Ngunit bakit mas pinili mong sumakay sa barko? Akala ko ba arkitekto ang nais mo para sa iyong sarili?" sunod-sunod kong tanong. Napangiti na lamang siya nang pilit at muling lumagok sa kanyang inumin.
"Iyon ay desisyon ng aking mga magulang, ng aking ama. Isa siya sa mga kapitan ng barko simula pa noong bata pa ako. Hindi naman namin siya nakakausap man lang araw-araw. Halos isang beses lamang sa isang buwan. MInsan napapatanong nga ako kung bakit ang tanga-tanga ko eh," saad niya at napatawa-tawa pa resulta ng pagkalasing. Hindi ko inaasahang madali lamang siyang nalalasing gayong kaunti pa lang ang kanyang naiinom
"Mabuti nga eh. Kung hindi mo sinunod ang iyong Ama, natitiyak akong hindi mo maaabot ang mga bagay na mayroon ka ngayon," pagpapagaan ko sa kanyang damdamin.
"Hindi, tanga talaga ako. Pero mas tanga ang aking Ama," tawa niya ulit. Napatawa na lang ullit ako nang mahina upang iayon sa kanyang nararamdaman. Muli siyang lumagok sa huling patak ng bote ng alabastro. "Hoy! Tatlo pa nga!" sigaw niya sa isang empleyado sabay taas ng kanyang kamay at ng kanyang mga daliring nagpapahiwatig ng tatlo.
"Bakit naman?"
"Basta tanga ang aking Ama. Punyeta naman! Panot naman 'yon! Itinatago niya lang na wala siyang buhok!" muli niyang tawa. Hindi ko tuloy alam kung pagtitiyagaan ko pa ang lalaking itong makipag-usap, wala namang saysay ang lahat. Sa tingin ko ay maaari ko naman na siyang iwang mag-isa, gumagabi na rin kasi. Natitiyak akong hinahanap na ako ng aking pamilya.
"Maaari na ba akong umuwi?"
"Oh, sige." Nakahinga ako nang maluwag dahil pumayag naman siya, akala ko ay magpapasama siya rito hanggang sa pagputok ng umaga. Alam ko namang hindi nawawalan ng mga sasabihin ang mga taong lasin. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at agad na tumayo ngunit napatigil rin nang may isang babae ang lumapit kay Heron.
"Heron naman, sobra na ang nainom mo," maalumanay na wika ng babae habang hinihimas ang balikat ni Heron. Bakas ang pag-aalala sa tono ng babae na animo'y kilala na niya ito nang matagal na. Nagkatinginan kami ng babae, at laking gulat ko nang siya'y aking makilala. "S-sino ka?"
"Sasabihin ko kung hahayaan mong mag-usap tayo." Sa tingin ko ay pinanghihinalaan niya akong karelasyon ng lalaking ito, ramdam ko ang kanyang pagkaselos. Patuloy pa rin niyang hinihimas ang balikat nito. Dali-dali siyang tumakbo papalayo at dumating nang mayroon nang dalang isang baso ng tubig.
"Ito, Inumin mo, Heron. Sabi kasing itigil mo na ito," nag-aalalang aniya. Muli akong bumalik sa aking pagkakaupo at pinapanood lamang ang dalawa, Ibinigay niya kay Heron ang tubig ngunit hindi niya ito kaya dahil sa matindi nitong pagkalasing, kaya't siya na lamang ang humawak nito para sa kanya. Sa hindi inaasahan ay nasiko ni Heron ang kamay ng babae dahilan upang maisaboy ito sa dibdib ni Heron, Hindi ako makaimik sa sitwasyon ng dalawa. Tumingin sa akin ang babae at sinabi, "Maaari mo ba akong ikuha ng tubig?"
"W-walang problema." Agad akong tumayo at naghanap ng mapagkukuhanan ng tubig sa paligid. Bumalik rin ako sa kanila hawak ang isang baso at isang pitsel na puno ng tubig. Inilapag ko ito sa lamesa at bahagyang ngumiti ang babae. Nadatnan kong pinupunasan ng babae ang suka na nagkalat sa dibdib ni Heron.
"S-salamat," pasasalamat niya. Ako na rin ang nagsalin ng tubig at ibinigay sa babae. Pagkatapos ay ipinainom niya ito kay Heron. "Ako nga pala si Medina." Nginitian niya ako.
"Elersa," pagpapakilala ko sa aking sarili. Hindi ko inaasahang sa ganitong sitwasyon kami magkakalapit, sa pamamagitan ni Heron. Muli siyang napatingin sa akin nang mayroong pagtataka. "Huwag kang magalit. Walang namamagitan sa amin ni Heron. Siya'y kaibigan lamang ng aking kaibigan." Kailangan kong magpaliwanag, hindi ko hahayaang mawala ang opurtunidad na ito upang kami'y mapalapit at magtanong ng maraming bagay.
"Mabuti na ba ang kanyang kalagayan? Kailangan na niyang umuwi." Siyempre kailangan kong magkaroon ng simpatya sa kanilang dalawa, hindi naman kanais-nais na tanungin ko siya agad ng mga tanong nang wala sa tamang lugar at sitwasyon.
"Papatulugin ko na lamang siya sa inuupahan kong maliit na bahay," sagot niya. Nginitian ko sila, batid at nauunawaan ko na ang namamagitan sa kanilang dalawa. Marami pa rin ang tao sa inuman, ngunit kumakaunti na rin paunti-unti. Nagsiuwian na rin ang mga musikero dahilan upang mas tumahimik ang paligid.
May iilan pa ring mga bisita ang nasa loob, sa tingin ko ay nasa lima sila at iba-iba ng mga lamesa habang mag-isang umiinom. Napadungaw ako sa nakaungaw na bintana, hindi pa rin matigil ang mga nyebeng dahan-dahang nahuhulog mula sa kalangitan. Iilan na rin ang mga kawaheng nasa harapan ng bahay-inuman, marami na ang nagsiuwian.
"Ako nga ang nagmamay-ari niyan," saad niya at napatingin sa hawak kong gintong payneta. "Maaari ko bang mahawakan?"
"Walang problema. Sa tingin ko ay panahon na rin upang maibalik ito sa tunay na nagmamay-ari." Ibinigay ko sa kanya ang gintong payneta na agad rin niyang tinitigan at napangiti. Hindi ko alam ang aking nararamdaman, nasisiyahan ako para sa kanya. "Pagmamay-ari mo ang gintong paynetang iyan."
"Sa tingin ko'y nagkakamali ka." Napatulala ako sa kanyang sinabi. Hindi maintindihan kung ano ang kanyang tinutukoy. Laking gulat ko nang tanggalin niya ang kanyang singsing na mayroong mamahaling bato sa gitna nito. Nanlaki ang aking mga mata nang ikiskis niya ang kanyang singsing sa gintong payneta dahilan upang maipakita ang totoo nitong kulay. "Nagkakamali ka dahil hindi ito ginto."
Natanggal ang kulay gintong nabalot sa parte ng nakiskis ng singsing, isa itong bronse.
"B-bakit?" tanong ko nang mayroong pagtataka. Sa mahigit isang taon na napasakamay ko ang paynetang iyon ay hindi ko ito napansin. Ang paynetang naglalaman ng maraming misteryo ay marami pa pa lang itinatago. "Paano?" Sa tingin ko ay siya nga talaga ang tunay na nagmamay-ari nito, walang sinuman ang nakakaalam na isa itong bronse na nabalot ng pekeng ginto.
"Tinatanong mo ba kung bakit ko ito nagawa?" natatawa niyang tanong. "Sa totoo lang, hilig ko talaga ang maging magaling na mananayaw at maitampok sa maraming parada at palabas sa Hirsea. Nang malaman kong kinakailangan nila ng mga mananayaw para sa pagbisita ng kambal na prinsipe, hindi ako nag-alinlangang sumali. Ngunit kinakailangan ng isang gintong payneta upang aming isuot, wala ako nito. Kaya't bumili na lamang ako ng bronseng payneta sa pamilihin at pinabago ang kulay sa tulong ng aking lolo."
"Ang galing mo." Pinalakpakan ko pa siya at itinaas ito. Napailing-iling na lamang siya na animo'y nahihiya sa aking pinaggagawa. Naging seryoso ang kanyang mga mata at tumingin sa akin.
"Nais mo bang malaman ang tunay na nangyari sa gabing iyon?" Para bang kinilabutan ako sa kanyang tanong, tumaas ang aking balahibo. Sa mahigit ng isang taon ay malalaman ko na ang tunay na kasagutan, ang kasagutan na patuloy na umaaligi sa akin araw-araw. Mula sa iba't ibang mga kwento, iba't ibang mga paniniwala, at konklusyon. Lumapit siya sa akin at mayroong ibinulong.
"Si Reyna Emilya," pag-amin niya dahilan upang ako'y matulala.
"P-paano? Paanong si Reyna Emilya?" naguguluhan kong tanong. Hindi ko na alam ang tunay na paniniwalaan sa likod ng maraming konklusyon ng maraming tao.
"Si Reyna Emilya. S-sinubukan niya akong paslangin, isa siyang demonyo!" Agad kong tinakpan ang kanyang bibig sa takot na mayroong makarinig na iba, maaari siyang mapahamak sa kanyang sinasabi. Naramdaman ko rin ang luhang tumulo sa kanyang mga mata at bakas sa kanya ang takot. "M-maaari kang mapahamak kung iyong malalaman, Elersa."
"H-huwag kang matakot, dahil hindi ako natatakot. Huwag kang matakot na isiwalat at ibunyag ang katotohanan sa gabing iyon. Maraming tao ang nabawian ng buhay dahil sa kanyang ginawa, sabihin mo sa akin ang katotohanan." Sinusubukan ko siyang kumbinsihin sa abot ng aking makakaya. Malapit ko nang malaman ang likod sa lahat ng krimen sa Kastilyo.
"Naimbitahan kaming mga mananayaw na mamalagi sa Kastilyo noong mga unang araw namin dito. Ngunit agad ring nag-siuwian ang karamihan . Mas pinili kong mamalagi muna dahil. . . dahil sa kanya." Lumingon siya kay Heron na mahimbing nang natutulog sa isang pahabang silya at hindi maiwasang mapangiti. "Sa gabing iyon, nais kong magtungo rito upang kami'y muling magkita, Kaya't napag-isipan ko pang bumili isang magandang damit sa pamilihan nang gabing iyon. Nakita ko pa ang Heneral na pumasok sa silid ng Reyna, tila ba mayroon silang importanteng pag-uusapan,
"Sinuot ko rin ang paynetang ito nang gabing iyon. N-ngunit habang ako ay naglalakad sa pasilyo ng ikalawang palapag upang magtungo rito, nagulat na lang ako nang makita si Reyna Emilya hawak ang isang mahabang espada na nakabaon sa likuran ng isang serbidora. Agad akong napaatras sa takot at hindi naiwasang masagi ang mga bagay sa aking likuran na ikinagulat ng Reyna. Madilim ang paligid noon, wala akong nagawa kundi ang hintayin si Reyna Emilya na ako'y lapitan.
"Tumakbo ako ngunit nakaramdam ako ng palaso sa aking binti. Mas lalo akong natakot nang makitang hawak ni Reyna Emilya ang isang pana. Ginawa ko ang aking makakaya upang makatakas sa lugar na iyon kaya't napilitan akong tumalon sa pinakamalapit na bintana. Halos mapasigaw ako sa sakit ng aking binti, hindi ko na kayang tumakbo, walang tigil na umaagos at tumutulo ang aking dugo sa damuhan ng hardin. Nagtago ako sa madilim na parte ng hardin bago ko pa makita si Reyna Emilya na nakadungaw sa bintanang aking tinalon.
"Kinakabahan ako noon, Elersa! Masusing sinusuri ng Reyna ang hardin mula sa bintana, hindi ako makagalaw o ako'y mamamatay. M-maihahalintulad mo siya isang leon na nag-aabang ng kanyang makakain. Nang mga oras na iyon, nakakita ako ng isang babae. N-nakita kitang pumunta sa hardin, akmang papalipa rin na ng Reyna ang kanyang palaso patungo sa iyo ngunit agad mong pinulot ang aking payneta. Sa tingin ko ay ginawa niya iyon upang mailipat sa iyo ang krimen. Na ikaw ang nagmamay-ari ng payneta, At ang pumatay sa serbidora.
Agad akong napatayo sa aking kinauupuan dahil sa aking mga nalaman. Nanginginig na ang aking mga binti, kumakalabog ang aking dibdib, at tumatagaktak na rin ang aking pawis kahit pa man malamig ang paligid. Agad akong tumakbo upang lumabas ng bahay-inuman, maraming bagay ang naglalaro sa aking isipan. Mga konklusyon na nagpatapos sa aking kuriyosidad, at mga impormasyong nalaman ko na rin sa wakas.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabunggo ko ang isang pamilyar na lalaki. Napatingala ako sa kanya at tila ba umiinit ang aking dugo habang siya'y aking tinitingnan. Hindi ko kayang makipagkita sa abogadong nagpasiwalat ng kasinungalingan, hindi ko masisikmurang makipag-usap sa kanya.
"Maaari bang magtanong sa iyo? May kakilala ka bang Daniel? Matagal na siyang nawawa---" Hindi natuloy ni Abogado Marcus ang kanyang sinabi dahil sa malakas na sampal na natanggap niya sa akin. Nanginginig na ang aking kanang palad, hindi ko makontrol ang aking katawan. Nagtitinginan din ang ilang bisita sa loob ng bahay-inuman dahil sa aking ginawa.
"Huwag na huwag mo akong lalapitan o sino man sa aming pamilya!" babala ko at siya'y agad na tinalikuran. Lumabas ako ng bahay-inuman nang mayroong magkakahalong emosyon.
Napatingala ako sa malamlam at awanggang kalangitan
Mga himaton na aking hangad ay akin nang naulinigan
Makakapal na nyebe ay balakid sa aking dinaraanan
Habang binabagtas ang lansangan patungo sa aming tahanan
-Naguguluhan, Elersa
The End
You finished this book. Find your next story below.





