Chapter 70: Kabanata 70

"Naniniwala ka rin ba sa pa-ibig ng mga taong mayroong magkaparehong kasarian?" Napakurap pa ako ng tatlong beses habang nakatingin sa kanya, sa buong buhay ko ngayon ko lang nalaman na maaaring magkaroon ng damdamin ang isang tao sa kapareho niyang kasarian. Ni isang taong nakilala ko sa mundo ay wala akong kilala.

Masyado ba akong nagkukulong sa bahay?!

"H-hindi." Hindi ako makapaniwala, hindi ko pa ito napapansin sa sinuman. Ngunit kung mayroon mang taong nagmamahalan tulad nina Gora at Delpina, dapat nilang malaman na labag ito sa mata ng Diyos.

"P-paano mo ito nasabi? Wala bang karapatan ang mga taong magmahal ng kapareho nila ng kasarian? Sa tingin mo, wala ba silang karapatang lumigaya?" Hindi ko alam kung maitutuloy pa ba ang kanyang kwento, nadadala na kami sa pagdedebate. "Marami sila, Elersa. Itinatago lamang nila ito sa mapanghusgang mga tao, para sa dangal ng kanilang mga pamilya, at ng kanilang sarili."

"Tama ka. Ngunit ano ang iyong mas nais piliin? Ang kalooban ng Diyos o ng iyong sarili? Oo, mayroong karapatan ang sinuman na magmahal ngunit hindi sa maling paraan. Mayroon silang karapatang lumigaya ngunit hindi sa maling paraan. Ang lahat ay maaaring maituwid, Prinsipe Aelino." Napansin kong napapangiti siya na animo'y nahahamon sa aming pagtatalo. Muli ako napatingin sa Dagat Gora, bumababa na rin pala ang araw na kanina lamang ay napakatirik. "Ang anumang kwentong nakatago sa Dagat na ito, sana'y mahanap nila ang tunay na pag-ibig."

"Akin pa bang itutuloy ang kwento?" tanong niya. Wala naman yatang masama kung aking pakikinggan at paglalaanan ng oras ang pag-iibigan ng dalawang taong may kaparehong kasarian. At nagtataka rin ako sa takbo ng kwento, gusto ko itong malaman. Nais kong malaman ang mga nobela sa likod ng dagat na ito.

"Maaari naman."

"Nagkaroon ng pagtatalo si Gora at ang kanyang Ina sa labas, ito na ang palagi nilang kinagawian. Patay na ang tunay nitong ina matagal na panahon na ang nakalipas, ang kanyang ama naman ay namatay rin sa hindi matukoy na sakit. Ang lahat ng ari-arian ng kanilang pamilya ay walang naging karapatan si Gora, ni isang tipak ng lupa, ni isang kusing ng salapi, o isang munting alagang hayop. Lumuluha siyang sumakay sa kanyang kabayo at tinahak ang daan patungo sa pinakamalapit na dagat.

"Doon niya ipinagsisigaw ang lahat ng kanyang nararamdaman, ang lahat ng galit, sakit, at kung paano siya iniwan ng kanyang mga mahal sa buhay. Pinipilit siya ng kanyang hindi tunay na ina na magpakasal sa isang mayamang lalaki, pilit niya itong tinatanggihan. Alam niya ang laman ng kanyang puso, alam niya ang kanyang naiibigan at hindi. Dahl sa galit ay inihagis niya sa dagat ang singsing na binigay ng lalaki, siya ay nagwawala,

"Napatulala siya nang makarinig siya ng isang napakagandang boses ng isang babae, hindi niya batid kung saan ito nanggagaling, umaalingawngaw ang maganda nitong boses sa buong dalampasigan. Ito ang boses na usap-usapan sa bayan, ang boses na kinatatakutan ng mga mangingisda sa pagpatak ng gabi. Ngunit para sa kanya, ito'y kakaiba at kahali-halina sa kanyang mga tainga.

"Ayon sa mga pamahiin ng mga matatatandang rabawan, kung nakarinig ka raw ng boses ng isang ikiran, dapat kang maghanap ng dalawang kabibe at itapat sa magkabilang tainga. Sa paraang iyon, malalaman mo ang tunay nitong pinanggagalingan at ito ang ginawa ni Gora. Agad siyang naghanap ng dalawang kabibe sa dalampasigan at itinapat sa kanyang tainga. Natulala siya nang malaman niyang totoo nga ang saba-sabi. Agad niyang sinundan ang kinaroroonan ng magandang boses.

"Alam mo ba ang kanyang nakita, Elersa? Isang magandang dalaga sa loob ng isang katago-tagong kweba sa gilid ng dagat. Nabighani siya sa kagandahan nito, iyon lamang ang unang pagkakataon na siya ay umibig. Nang mapansin niyang agad na pumailalim ang ikiran sa tubig ng kweba, napatulala lamang siya. Nakita niya ang ginintuan nitong mga kaliskis, ang makinis nitong kutis at ang mahaba-haba nitong kulay-itim na buhok. Lumipas ang mga gabi, siya ay bumabalik sa nasabing kweba na ipinagtataka rin ng kanyang pamilya,

"Sa mahigit tatlumpung araw, siya'y nangungulila. Hindi na niya naririnig ang boses ng mahiwagang ikiran, kahit pa man paulit-ulit niya itong binabalik-balikan. Sa kabilugan ng buwan at sa gitna ng malakas na ulan ay muling nagtungo si Gora sa kwebang huli niyang nakita ang naiibigan niyang ikiran, si Delpina. Isang gasera lamang ang hawak ni Gora nang malakas niyang pinasok ang kweba, umaalingaw-ngaw sa loob ang napakatahimik na boses na animo'y nakikipaglaban sa bagsik ng ulan,

"Napatigil si Gora nang makita niya ang isang ikiran na nakatalikod sa kanya, nakasawsaw ang ginintuan nitong buntot sa tubig habang kinakanta ang isang kantang paulit-ulit na naririnig sa dalampasigan. Ang himig na kinatatakutan ng lahat. Laking gulat ni Gora nang mabilis na gumapang ang ikiran papalapit sa kanya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita, nagpakita ang matatalim nitong mga ngipin, ang matutulis nitong mga kaliskis, at ang nakakatakot nitong mga mata. Hindi na makatakbo si Gora dahil sa kanyang nasasaksihan, pinapanood lamang niya ang isang halimaw na papalapit sa kanya, Mabilis na sinunggaban ng ikiran ang kanyang leeg at mabilis ring umagos ang napakaraming dugo sa lupa,

"Nangisay si Gora dahil sa ginawa ng halimaw, ang sumigaw nang sumigaw lamang ang kaya niyang gawin. Umaalingaw-ngaw sa buong dalampasigan ang kanyang sigaw na nakapalibot sa kweba. Agad-agad na nangamba ang lahat ng mga taong nakarinig nito, nakarinig ng boses ng kamatayan. Batid nila na isa na namang huwad na pag-ibig ang tumapos ng isang buhay ng rabawan,

"Paulit-ulit at paulit-uli na sumisigaw si Gora dahil sa hapdi at sa muling pagkakataon ay kanyang isinigaw ang kanyang pangalan na narinig ng maraming tao kahit pa man malakas ang ulan. Tuluyan siyang naubusan ng dugo at ang ikiran ay tuluyan na ring bumalik sa kailaliman ng dagat bitbit ang katawan ni Gora. Ang lahat ng tao ay natakot, at ang lahat ay napilitang lumayo sa dagat,

"Kalaunan ay tinawag ng marami ang dagat na ito na 'Dagat Gora', ang dagat ng huwad na pag-ibig."

Napatulala na lang ako habang pinapanood ang pagbaba ng kahel na araw sa awanggan ng dagat. Patuloy pa rin ang malakas na hampas ng alon maging ang malamig na simoy ng hangin na nagpapa langoy sa aking buhok. Wala nang mga mangingisda ang natira sa tubig bago pa man ang pagbaba ng araw. Ang mga kabahayan malapit sa pampang ay nagpatay na ng kanilang mga lampara, at ang mga nakauwang na mga pinto't bintana ay nakasarado na. Ang paligid ay nabalot ng katahimikan.

Muli akong napalingon kay Prinsipe Aelino at sa Dagat Gora, hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Nagkatinginan lamang kami ng mga mata kasabay ang paglitaw ng mga nagkikislapang bituin sa kalangitan. Ang maliwanag na buwan ay nagsimula nang maghari dahilan upang kumislap ang bawat hampas ng alon ng dagat.

Napahinto kami nang makarinig kami ng isang napakalakas na sigaw ng isang babae sa paligid, hindi ko alam kung saan ito nanggagaling. Bakas ang takot sa boses nito at ang tila ba mala-demonyo nitong boses. Paiba-iba ng boses, pabago-bago ng tinig, at nakikipaglaro sa mga tunog. Isang tinig ng galimgim.

"A-ano iyon?" tanong ko kay Prinsipe Aelino, bakas rin ang takot sa kanyang mga mga mata.

"Kailangan na nating umalis." Agad siyang tumayo na agad ko ring ginawa. Ibinalik niya ang kanyang mga gamit sa supot na nakasabit sa katawan ng kabayo. Natataranta ako sa kanyang ginagawa, rinig na rinig ko ang malakas na pintig ng aking dibdib. Dali-dali siyang sumakay ng kabayo at mabilis na inilahad ang kanyang palad sa akin. "Sumakay ka na."

Hindi na ako nagsayang pa ng oras, mabilis kong hinawakan ang kanyang palad at sumakay na sa kanyang likuran. Kumapit na ako sa haligi ng kabayo bago pa niya hampasin ang siyahan nito. Rinig na rinig pa rin namin ang napakalakas na sigaw sa hindi naming malamang lugar, linalaro nito ang kanyang mga sinasabi dahilan upang hindi ko ito maunawaan.

Pinasok niya ang pinakamalapit na kagubatan kung saan ang pinakamabilis na daan pabalik. Ngunit sa loob ng madilim na kagubatan ay tila ba mas lumalakas ang sigaw ng babae kasabay ang huni ng mga hindi matukoy na ibon sa nadaraanan naming mga punong-kahoy. Nagsisimula nang bumagsak paunti-unti ang bawat patak ng ulan, tila ba nakikipagkarera kami kay Kamatayan.

Nagtaka ako nang mabilis na huminto ang kabayo sa gitna ng kagubatan.

"B-bakit?" nagtataka kong tanong ngunit hindi umiimik si Prinsipe Aelino. Nagulat ako nang paikutin niya ang sinasakyan namin kabayo at pinatakbo pabalik sa dati naming ruta. 'Saan ka pupunta?! Bakit tayo babalik?!"

Mabilis at malalaki ang bawat hakbang ng kabayo, matulin nitong tinatahak ang maputik na lupa ng kagubatan. Mas lumalakas ang boses na aming naririnig sa paligid. Muli akong nagtaka nang muli niyang pinaikot ang kabayo sa kaliwang direksyon, mas lumalakas ang mala-demonyong boses. Wala akong ideya kung saan niya ako itutungo, kinakabahan ako sa mga nangyayari, Basang-basa na rin ako dahil sa lumalakas na bugso ng ulan sa kagubatan.

Nanlaki ang aking mga mata nang huminto kami sa tapat ng isang kweba sa gitna ng kagubatan. Agad na kinuha ni Prinsipe Aelino ang lamparang nakasabit sa sinaksakyan naming kabayo pagkatapos ay ito'y binuhay dahilan upang lalong mas lumiwanag ang paligid. Mabilis siyang lumundag sa lupa at seryosong nakatingin sa akin sabay sabi, "Sasama ka ba?"

"S-saan?" nanginginig kong tanong.

"Alamin ang tunay na kasagutan sa misteryong ito." Napatulala na lang ako dahil sa takot, hindi ko inaasahang agad akong hinawakan ang kanyang kamay. Mas ipapahamak ko kung mag-isa akong maiiwan sa gitna ng kagubatan. "Handa ka na ba?"

'Oo naman," deretso kong sagot na animo'y nawala lahat ng pangamba at takot na aking nararamdaman. Napakalakas ng sigaw sa aming kinaroroonan, at mas lumalakas ito papasok namin ng kweba. Iniwan namin ang kabayong mag-isa sa labas. May isang masikip na lagusan ang aming namataan, napatingin akong muli kay Prinsipe Aelino ngunit nginitian niya lamang ako.

"Mauuna ang mga kababaihan?" tanong niya. Natitiyak na kaming doon nagmumula ang malakas na sigaw, halos mapatakip na rin ako sa aking tainga dahil sa nakakabinging mga tinig. Nakakarinig rin ako ng tila ba mga kadenang bumabagsak sa lupa. Dali-daling pumasok si Prinsipe Aelino sa lagusan na aking ikinagulat. Hindi ako makapaniwala sa kanyang katapangan. Nang makapasok na siya ay sumunod rin ako.

Nang makapasok na ako, napansin kong nakatayo lamang si Prinsipe Aelino na para bang tulala. Nanlaki ang aking mga mata sa gulat at tila ba nabuhusan ako ng napakalamig na tubig nang makita ko ang isang babaeng nakagapos sa mabibigat na kadena. Marami itong pasa at sugat sa katawan, nangangangayat na rin ang katawan nito at tanging ang kanyang buto na lamang ang nakikita. Naparakip siya sa kanyang mga mata nang tumama ang liwanag ng lampara sa kanya. Nanginginig ang buo niyang katawan.

"Sino kayo?!" napakalakas nitong hiyaw na agad na umalingaw-ngaw sa kweba dahilan upang mas malakas itong marinig sa labas at sa dalampasigan. Nagpupumiglas itong makawala sa nakakandadong kadena na nakatali sa kanyang leeg, paa, at magkabilang mga kamay. "Punyeta!" Gumapang-gapang pa ito at nanginginig na kinakagat ang kanyang mga ngipin. Napakagulo ng kanyang buhok at ang kanyang balat ay nangingitim na rin dahil sa mga dugong tumagal na sa kanyang katawan. Walang tigil itong tumatawa sa hindi malamang dahilan.

Napapikit ako at napahawak sa braso ni Prinsipe Aelino nang kagatin niya ang kanyang hintuturo at hinila ang kuko nito na tila ba walang kasakit-sakit. Tumulo ang napakaraming dugo sa lupa. Nagsimula nang umiyak ang babae at pahinto-hintong tawa. Para akong naestatwa nang tingnan niya ako sa mga mata gamit ang nakakatakot niyang mga mata. Punong-puno ng galit ito at tila nasisilaw pa dahil sa liwanag ng lampara. Sa tingin ko ay matagal na siyang Narito dahilan upang hindi na niya masilayan ang liwanag ng araw sa labas.

"Mamamatay kayong lahat!" sigaw nito sabay tawa kahit pa man puno ng kanyang sariling dugo ang kanyang bibig. Akmang susugurin na niya ako ngunit hindi umabot ang haba ng kadena, ilang beses niya itong sinubukan ngunit hindi niya kinakaya. Dahan-dahan siyang napaatras at sumandal sa kweba at tanging ang mahihinang hikbi, iyak, at huni ng kadena ang siyang naririnig sa loob.

Napaupo ang babae at napayakap sa kanyang sarili, tila ba hindi na kinakaya ng kanyang gutay-gutay na damit ang lamig na binibigay ng malakas na ulan. Nanginginig ang kanyang buong katawan habang patuloy pa rin ang pagtagaktak ng dugo mula sa kanyang daliri. Para bang tinutusok ang aking dibdib dahil sa aking nakikita. Walang sinumang tao ang dapat na dumarana nito, at walang sinuman ang mayroong karapatang pagmalupitan ang sinuman. Walang awa ang gumawa ng karumal-rumal na krimen, hindi na tao ang gumawa nito.

Para bang nararamdaman ko ang sakit at kirot ng bawat sugat sa kanyang katawan, malalim na ang mga ito at hindi pa natutuyo. Napansin ko ang nanginginig na kamao ni Prinsipe Aelino, gumagalaw rin ang lampara na nagpapasayaw sa anino ng lahat.

'kumusta na kaya ang mga anak ko?" muling tanong ng babae sa huling pagkakataon. Natumba ito sa lupa at naitama ang kanyang ulo sa matigas na kadenang nasa sahig dahilan upang mawalan ito ng malay.

"S-sinong gumawa nito?!" malakas na sigaw ni Prinsipe Aelino na siyang umaalingaw-ngaw pa sa loob ng kweba.