Chapter 69: Kabanata 69

"Alam ko ang katotohanan. Batid ko kung sino ang nasa likod ng mga ito, sa sunod-sunod na pagkamatay ng ilang tagapagsilbi sa loob ng Kastilyo." Tumindig ang aking balahibo sa kanyang pagtatapat, gulat akong napalingo sa kanya. "Patuloy akong nagsaliksik kahit hindi na kita masyadong nakakausap. At isa lamang ang taong humantong sa aking konklusyon, Binibini."

"S-sino?!" Para bang pinipigilan niya ang kanyang sariling sabihin ang katotohanan, hindi siya makasagot.

"Si Ama," pagtatapat niya. Para bang binagsakan ako ng napakabigat na mga troso sa aking nalaman, mas lalong dumarami ang mga katanungan sa aking isipan. Napatingin siya sa aking buhok sabay sabi, "Suot mo pa rin ang payneta kahit pa man ito ang nagdala sa iyo sa bingwit ng kamatayan."

"P-paano? Si Haring Valenzo? Paano? Ni hindi siya nabanggit ng mga saksi, paano iyon nangyari? Paanong nagawang pamunuhan ng Hari ang hukuman kung siya mismo ang marumi ang kanyang mga kamay? Papaano niya nagagawang kumain ng mga pagkain sa mga madugo niyang ginagawa? Paano niya nagagawang matulog nang mahimbing sa gabi pagkatapos ng mga pagmamakaawa ng kanyang mga pinaslang?!" Hindi na ako matigil sa mga sunod-sunod kong katanungan, hindi ko magawang maisip na ang lahat ay kasinungalingan lamang. Ang lahat ng mga saksi, lahat ng kanilang mga sinabi, lahat ng mga patunay na naipresenta sa hukuman ay gawa-gawa lamang, ang lahat ay peke.

Ka

"Nagtataka rin ako kung bakit hindi man lang nabanggit ang pangalan ng aking ama sa Basilika, napakalayo ng mga sinabi ng mga saksi tungkol sa tunay na mga nangyari. Sa tingin ko ay nabayaran lahat ng mga ito, ang mga saksi, ang mga gawa-gawang kwento, at ang katotohanan." Hindi ako makapaniwala sa aking mga narinig, hindi ko maintindihan ang lahat. "Ang lahat ay mistulang laro lamang ng mga mayayaman."

Hindi ko magawang makagalaw, tila ba ako'y napaglaruan.

"Kaya bang makipaglaro ng mga mahihirap sa mga mayayaman?" tanong ko. Napangiti siya dahil sa aking tanong. "Kaya bang makipagsabayan ng mga taong walang kaya sa kanila? Kaya na ba namin silang pabagsakin?" Nakita ko ang pagkabigla sa kanyang mukha dahil sa aking mga tanong, batid niya ang kanaisan kong malutas ang lahat ng katotohanan.

"Hindi mo ito magagawa nang mag-isa, Elersa. Ang iisang langgam ay hindi mapapalayas ang sinumang sumakop sa kaniyang teritoryo, kailangan nilang maging libo-libo upang magawa ang kanilang ninanais." Gustuhin ko mang hindi sumang-ayon ngunit mayroon siyang punto sa kanyang sinasabi. Hindi ko nga ito magagawa kung ako'y mag-isa lamang, madali lang akong maaapakan. "Tandaan mo, Narito lamang ako upang ika'y tulungan." Hindi ko maintidhan kung bakit niya nagagawang makipagsundo sa mga taong kumakalaban sa gobyerno, sa kanyang mga kauri, at sa kanyang mga magulang. Pareho ba kami ng prinsipyo sa buhay?

"Salamat." Napatingin ako sa rumaragasang alon ng Dagat Gora, tila ba kailangan kong sisirin ang pinakakatago-tagong perlas sa pinakakailaliman nito. O ang paghahalintulad sa paghahanap ng isang butil ng mais na natabunan sa malawak na disyerto ng Ehipto. Napansin kong papalapit na ang sinasakyang bangka ng mga mangingisda, sila ay pumapalaot na. May ilan na rin sa kalayuan ang pumalaot na sa pampang habang itinutulak ang kanilang mga bangka pabalik ng lupa. Agad ring sumalubong ang kanilang mga munting anak at kapamilya na nagtatalon-talon pa dahil sa pagbabalik ng kanilang ama.

Agad na humampas ang malakas na agos ng Dagat Gora dahilan upang mabasa ang aking paa. Napansin kong mayroong pinulot si Prinsipe Aelino sa buhanginan na animo'y mayroong ibinigay at iniwan ang alon ng dagat. Dali-dali niya itong isinilid sa kanyang bulsa bago ko pa ito makita.

'Ano yan ha?" tanong ko, isang ngiti lamang ang kanyang isinukli.

"Malalaman mo paglipas ng maraming taon," saad niya at napatawa pa na animo'y nang-iinis. Napansin kong mas lumalakas na ang agos ng dagat sa aming kinalulugara, napansin rin ito ni Prinsipe Aelino. "Lipat tayo?"

"Uhm. . . Sige." Agad siyang tumayo mula sa pagkakaupo na akin ring ginawa, halos mabasa na rin ang aking mahabang kasuotan dahil sa malakas na hampas ng alon. Lumapit siya sa kanyang puti at mabalahibong kabayo na nakahiga na rin sa buhanginan, tumayo ito at humalinghing. Dali-daling sumakay si Prinsipe Jobel sa kanyang kabayo at pinakalma ito dahil sa hindi ko malamang dahilan. Sinilungan niya ang kanyang mga mata gamit ang kanyang kanang kamay upang proteksyonan ito sa sikat ng araw habang sinusuri ang buong dalampasigan.

"Doon, maganda ang pwesto roon." Inituro niya malayong lugar, hindi ko alam kung saan ang kanyang tinutukoy. "Halika na, sumakay ka na. Kumapit ka nang mabuti, BInibini." Inilahad niya ang kanyang palad sa aking harapan, napatitig pa ako nang matagal dito. Muli ko siyang tiningnan at siya'y ngumiti lamang. "Halika na."

Agad-agad kong hinawakan ang malambot niyang kamay, hinila niya ako at sinuportahan sa pagsakay sa kanyang likuran. Hinampas niya ang siyahan ng kanyang kabayo dahilan upang mapataas ang mga binti nito sa harapan, halos mahulog na ako sa likuran ngunit agad kong nahila ang kanyang damit dahilan upang siya'y maisama rin. Laking-gulat ko nang hawakan niya ang aking kamay at hinila kasabay ang pagbalik normal ng kabayo at dahan-dahang tinahak ang maputing buhangin ng Dagat Gora.

"Naaalala mo pa ba kung paano tayo unang nagtagpo?!" pasigaw kong tanong, kaya't natitiyak akong narinig niya ito.

"Hindi. Hindi ako sigurado." sagot niya habang nakatuon ang kanyang tingin sa aming dinaraanan. Napadaan rin ang kabayo malapit sa tubig dahilan upang magtalsikan ang ilang tubig sa aming dinaraanan. Dumadampi sa aking mukha ang malamig na hangin at ang sikat ng araw na ngayo'y nagiging kulay kahel na. "Kailan at paano ulit?"

"Sa hardin?" tanong ko ngunit tinitiyak ko lamang kung ito'y kanyang natatandaan. Tumigil na ang kabayo sa pagtakbo dahil hindi naman ganoon kalayo ang aming pupuntahan. Huminto kami sa isang dalampasigang mayroong nakalatag na malaking bato, may ilan ring mga malalaking ibon ang agad na nagsiliparan dahil sa matulin naming pagdating.

"Sa hardin?" nagtataka niyang tanong. Sabay kaming bumaba ng kabayo dahilan upang hindi niya na magawang ilahad ang kanyang kamay sa aking harapan, sigurado akong ganoon ang kanyang ugali. Mayroon siyang malaking respeto sa mga kababaihan, mas nakatatanda, at mga taong walang kaya sa buhay. "Wala akong maalala." Lumingon siya sa akin nang may halong pagtataka ang kanyang mga mata.

"Oo, sa hardin."

"Hindi ba sa aking silid?" nagtataka niyang tanong at mayroong kinuha sa isang supot na nakasabit sa likuran ng kanyang kabayo. "Iyon ang lugar kung saan tayo unang nagkita, hindi ba?" Ang alam kong tinutukoy niya ay ang unang araw ng aking paninilbihan, kung kailan ko siya ipinagluto ng napakatamis na tinapay, bagama't ito'y naibigan niya pa rin.

"Ah. . . Oo, sa iyong silid." pagsang-ayon ko kahit hindi naman. Hindi lang ako makapaniwalang nakalimutan niya! Sa dami nga naman ng mga kababaihang naglilipana sa Kastilyo sa gabi ng selebrasyong iyon, talagang wala ka nang maaalala. At kung ating idadagdag, madilim-dilim rin sa hardin nang mga panahong iyon, nakasisigurado akong hindi niya ako magagawang maalala.

Akala ko ay wala siyang dalang anumang bagay, iyon pala ay nakasilid ang lahat ng ito sa bulsa ng kabayo! Sunod-sunod niyang inilabas ang ilang puting tela sa bulsa ng kabayo, pina langoy sa hangin, pagkatapos ay inilapag sa maputing buhangin. Inilabas rin niya ang kanyang plawta mula sa kanyang bulsa at umupo na sa tela.

Wala na akong panahon upang hintayin pa siyang yayain niya akong umupo, hindi sa lahat ng gagawin ko ay siya na ang magsasabi!

Ilang minuto rin kaming hindi nag-imikan, ang katahimikan ang siyang naghahari sa aming pagitan. Pinapanood lang namin ang bawat hampas ng alon ng dagat ang paunti-unting paglaho ng bahag-hari sa kalangitan. Umupo na rin ang kanyang kabayo sa aming likuran na siyang sinandalan ni Prinsipe Aelino ng kanyang likuran. Nasa kanyan likuran ang kanyang dalawang kamay at nakatingala lamang sa langit.

Akmang sasandal na rin ako nang umusog naman ang katawan ng kabay, ayaw ba niya sa akin?!

"Pagbigyan mo na ang ating Binibini, kaibigan," pag-uudyok niya sa kanyang alaga. "Hindi ka makakahanap ng iyong mapapangasawang babae kung hindi mo sila rinerespero." pangaral pa niya na mistulang naging isang taong may sariling pag-iisip ang kabayo. Napangiti ako nang nakasandal na rin ako rito, tunay na malambot. Tila ba nakahiga lamang ako sa malambot na kama't mga unan.

"Kaibigan ba ang tawag mo sa lahat ng mga hayop na iyong kalapit? Wala ba silang sariling pangalan?" Napansin ko kasi na lahat ng mga hayop na malapit sa kanya ay 'kaibigan' ang kanyang ipinapangalan. "Hindi ba nakalilito kung kaibigan lamang ang kanilang pangalan? Hindi ba sila malilito kung sila'y iyong tatawagin?"

"Uhm. Hindi naman. Gaya rin ng tao, marami sa atin ang mayroong kapangalan. Mayroon nga akong kapangalan sa Hirsea eh, sabi ng kanyang ina ay kahawig ko raw at magkapareho kami ng kaarawan kaya't pangalan ko raw ang kanyang ginamit. Natatawa nga ako sa una nang ito'y aking nalaman," natatawa niyang paglalahad ng kwento. Sa tingin ko ay balak niya lang talagang makipagkwentuhan sa akin hanggang kami'y mawalan na ng masasabing pag-uusapan.

"Oo nga naman, maaari ngang mayroon akong kapangalan sa ibang lugar, sa hinaharap, o sa nakaraan. Ngunit sa tingin ko ay maaari namang gumamit ng mga pandagdag sa ating pangalan hindi ba? Isang pangalan na magsasalamin sa isang angkan ng pamilya. Ano sa tingin mo?" tanong ko. Napatango lamang siya sa aking suhestiyon.

"Tama nga ang iyong naisip, maaari naman iyon," pagsang-ayon niya. Hindi ako natitiyak kung nakukuha ba niya ang nais kong iparating, sa tingin ko ay napipilitan na naman siya gaya na lang ng tinapay na aking ginawa. "Narinig mo na ba ang kwentong-bayan tungkol sa isang mahiwagang nilalang na naninirahan sa dagat? SIgurado akong alam mo iyon, sikat ang kwentong iyon sa aming bayan. At dahil magkalapit lang naman tayo at tanging ang Dagat Gora ang namamagitan sa dalawang bayan, tiyak akong magkapareho tayo ng nalalaman tungkol sa kanila.

"H-hindi pa. Mga mahiwagang nilalang? Na naninirahan sa Dagat Gora?" Tumango lamang siya at umupo nang maayos na animo'y naghahanda na upang ikwento ang kwentong bayan na kanyang tinutukoy. Mula noong bata pa ako ay hindi pa ako nakarinig ng ganoong mga kwento, hindi ako lumaki sa mga nobela ng aking mga magulang.

"Oo. Mga mahiwagang nilalang!" saad niya at inilahad ang kanyang kaliwang kamay sa tapat ng dagat at ito'y dahan-dahan niyang ibinaba patungo sa kanyang kanan, na animo'y ipinapakita kung gaano kahiwaga ang mga nilalang na iyon. "Nais mo na bang marinig ang kwento ng pag-iibigan ni Gora at Delpina?"

"D-delpina?" nagtataka kong tanong. Natitiyak akong narinig ko na ang pangalang iyon mula sa ibang tao, hindi lamang ako sigurado. Napahawak pa ako sa aking baba at pilit itong inaalala ngunit walang sinuman ang pumapasok sa aking isipan.

"Delpina at Gora," pagwawasto niya.

"Gora at Delpina," paulit-ulit kong sabi na animo'y interesadong-interesado ako na isinasautak ko na ang pangalan ng mga tauhan. "Alam kong hindi na ako masasaktan sa kwento nilang dalawa, hindi naman sila totoo eh. Wala sila sa totoong mundong ating ginagalawan."

"Totoo naman ang iyong sinasabi ngunit ang mga nobela at nga kwentong-bayan ang siyang nag-uudyok sa mga tao upang magpatuloy sa buhay sa pamamagitan ng maraming paraan," pagwawasto niya sa aking sinabi. Pakiramdam ko ay wala akong lusot sa lalaking ito, nahahanapan niya ng butas ang lahat ng aking sinasabi.

Ayaw ko na lang magsalita!

'Oh sige, sige! Ikwento mo na, hindi na ako makapaghintay!"

"Sige, sige." Napaubo pa siya na nimo'y linilinis ang kanyang lalamunan bago nagsimula. "Noong unang panahon, ang mundo ay nahahati sa apat na uri ng mga nilalang. Una ay ang mga 'ikiran', ang mga taong naninirahan sa kagaratan, sila ay mayroong abilidad na makahinga sa tubig tulad ng mga isda. Pangalawa ay ang ang mga 'rabawan', ang mga taong naninirahan sa ibabaw ng lupa, sila ay nakakapaglakad at mayroong simpleng buhay gaya ng mga taong nabubuhay ngayon,

"Ang mga 'unirog', ang mga nilalang na naninirahan sa ilalim ng lupa, ang mga taong hindi nakikita ang liwanag ng araw, nakakakita sila sa dilim at sabi-sabing lumalabas sa ibabaw ng lupa sa pagkagat ng dilim. Pang-apat, ang mga 'tiyab'. Sila ay ang mga taong naninirahan sa katago-tagong mga kweba at kagubatan sa ibabaw ng lupa, mayroon silang pakpak na kanilang ginagamit sa mabilisang pangangaso at paglalakbay, sila ang kaibigan ng mga rabawan,

"Itutuloy ko pa ba?" Para bang nais niya akong mabitin, nakakaindak naman na ang kanyang pagkukwento. "Interesado ka pa ba?"

"Oo naman! Ituloy mo, Kamahalan." Dahan-dahan siyang napangiti dahilan upang sumilay ang mapuputi niyang ngipin at ang malalim niyang mga biloy sa magkabilang pisngi. "Kailangan pa bang ipakilala ang lahat kung si Delpina at Gora lamang naman talaga ang takbo ng kwento?"

"Oo naman, kailangang-kailangan. Uhm . . . Gaya na lang ako, makikilala ba kita kung hindi ko rin makikilala ang iyong pamilya?" Nagtaka ako sa kanyang tanong, ni isang bagay ay walang koneksyon sa aking tanong na binanggit. "Hindi maaari, hindi ba?"

"Hindi naman kapamilya ni Delpina ang mga tao sa ibabaw ng lupa o kung sino mang mga nilalang na iyong tinukoy. At papaano napunta sa aking ang iyong pagpapaliwanag? Mas lalo kitang hindi naintindihan," reklamo ko na tila ba nagmumukha na akong isang batang hindi maintindihan ang inilalahad na kwento ng kanyang mga magulang. "Oh siya. Ituloy mo na nang malaman ko na ang pag-iibigan nila. Hindi na ako makapaghintay sa lalaking iyong ikukwento."

Napapikit pa siya nang ilang beses bago nagsalita, "Sa katotohanan, magkapareho silang babae." Gulat akong napatingin sa kanya, hindi ako makapaniwala sa maaga niyang rebelasyon, maaga masyado! Nawala na ang aking pagkagustong marinig ang buong kwento! Kaya pala napapansin ko na kanina na tila ba hindi isang pangalan ng lalaki ang 'Gora' o ang 'Delpina'.

Ayoko na!