Chapter 6: Kabanata 6

Hiniwa ni Ama ang leeg ng tupa dahilan upang mangisay ito sa sakit kasabay ang paggalaw ng mga paa nito at ang malakas na sigaw nito na dinig sa buong kagubatan, dahilan upang magsiliparan ang mga ibon sa paligid. Nakita ko pang maluha-luha ang kawawang tupa na parang nagpapasaklolo sa akin.

Kahinaan ko ito.

Tumalikod nalang ako upang hindi makita ang pagpatay sa tupa, para akong nasasaktan sa nangyayari. Mula pa noong bata pa lamang ako ay takot na ako sa mga ganito, lalo na noong inalay ang aking alagang tupa. Ako'y lubhang nagdalamhati noon.

Di tumagal ay tumigil na ito sa pagsigaw na nagpapahiwatig na wala na itong buhay, inilagay naman ni Ina ang mga prutas sa kabilang bato. Agad namang pinalapit ni Ina si Nilo mula sa batis upang masaksihan ang mga gagawin ni Ama.

Iniabot ni Ina ang gasera kay Ama at dahan dahang pinaapoy ni Ama ang mga tuyong kahoy, naglagablab ito at mabilis na gumapang sa wala nang buhay na tupa dahil sa balahibo nito. Lumakas nang lumakas ang apoy na gumagawa ng makapal na usok. Nagsimula nang magdasal si Ama.

"Aming Diyos na nangangalang Yahweh, tanggapin po ninyo ang aming alay para sa inyo bilang pasasalamat sa mga gabay at mga biyayang ibinibigay niyo sa aming pamilya," panimula ni Ama sa isang panalangin. Napansin kong nakapikit silang lahat kaya pumikit rin ako.

"Patawarin po ninyo kami sa aming nga sala at bigyan niyo po kami ng lakas upang mapagdaanan ang anumang unos sa buhay. Hangang dito nalang po, naway marinig niyo ang aming panalangin. Amen," pagtatapos ni Ama sa isang dalangin.

"Amen," sabay sabay naming bulong sa aming sarili habang nakapikit at dumilat na kami. Kahit di sumasagot sa amin ang Diyos ay panatag si Ama na dinidinig nito ang aming mga panalangin. Natulala ako nang tila huminto ang kapaligiran kasabay ng simoy ng hangin lulan ng mga tuyong dahon, at nakarinig ako ng isang boses sa aking isipan.

'Ang makalilimot ay makalilimot, ang makatatanda ay makatatanda' isang boses ang aking narinig mula sa aking isipan ngunit di ko batid ang nais nitong ipahiwatig. Sa tingin ko ay isang guni guni lamang ang aking mga narinig kaya't pinag-walang bahala ko na lamang.

Ginusot ko ang aking mga mata at nang imulat ko ito ay siya ring pagbalik normal ng lahat. Tumakbo naman si Nilo sa mga prutas at kumuha ng isang mansanas na sinuway ni Ina.

Talagang pilyong itong si Nilo.

Pagkatapos ay umuwi na kami nang sabay sabay sa aming tahanan, sa aming paglalakad ay ay huminto sa aming dinadaanan ang isang karwahe lulan ang isang guwardiya sibil.

"Saan kayo nanggaling?! Bilisan niyo at mag-alay kayo ng inyong mga ani sa Templo!" sigaw ng guwardiya sa amin na agad ring umalis. Agad namang tumakbo si Taniel at pumasok sa aming bahay upang kumuha ng ilang mga prutas ngunit bumalik siya dala lamang ang isang mansanas at isang isda.

"W-wala na pong natira," wika ni Taniel kay Tatay Lerid at ipinakita kay Ama ang basket, napailing iling naman si Ama.

"Ibigay niyo kung ano ang mayroon tayo, wag nating sayangin ang ating mga pinagpaguran sa isang inukit lamang na ginto," seryosong tugon ni Ama, nagkatinginan naman kami ni Taniel na may pag-aalala sa mukha.

"Sige na at ibigay niyo sa templo kung ano man ang mga natira," utos sa amin ni Ama. Agad naman kaming tumungo nina Ina at ni Taniel sa templo at naabutan namin ang mahabang linya ng mga tao bitbit ang kanilang mga alay na ani, mga alagang hayop, mga alahas, at ang ilan naman ay nagbibigay ng salapi bilang handog at nagsisilbi na rin itong buwis.

Pumila kami at nagulat kami nang sumigaw ang guwardiya sa harapan at itinuro ang batang nagnanakaw ng mga pagkain sa harap ng altar na may hugis ahas na ulo at may katawang tao. Agad namang kumaripas ng takbo ang gutom na bata at hinabol ng mga guwardiya.

Ilang sandali ang lumipas ay nasa harap na kami at agad namang inilagay ni Ina ang iisang prutas at isda sa harap ng tagasingil ng buwis. Ang mga salapi at mga mamahaling bagay na alay ay kinokolekta ng taga singil ng buwis at ang mga ani't mga alagang hayop ay inilalagay sa harap ng altar.

"Ya'n lamang?!" seryosong tanong ng lalake na may balbas at kita sa kanyang mga mata ang pagkagutom sa yaman at kapangyarihan.

"Oo, iyan lamang ang aming maibibigay na alay at buwis," sagot naman ni Ina na seryosong nakatingin sa lalake.

"Ano ang iyong pangalan?" tanong ng lalake, sumagot naman si Ina at isinulat ng lalake ang pangalan ni Ina sa isang papel.

"Sa susunod ay taasan niyo ang inyong ibibigay, o kung hindi ay mapipilitan kaming ipadakip kayo sa militar at ipatapon sa labas ng Kaharian," deretsong tugon ng lalake. Ang aming buwis ay nagsisilbing kaban ng Kaharian sa pagtatayo ng mga imprastraktura, paggawa ng mga armas, at maging ang kaligtasan ng lahat. Bumalik naman ang isang guwardiya hawak ang batang lalake na nagnakaw kanina, nagulat nalang ako nang lumapit si Taniel sa bata na hawak ng guwardiya at binigyan ito ng berdeng mansanas.

Marahang ngumiti ang bata at kinuha ang mansanas sa kamay ni Taniel. Napatingin ako sa basket at isang isda na lamang ang natira, napailing iling naman ang lalakeng taga singil ng buwis at inutusan ang kanyang kasama na ilagay na ang iisang isda sa harap ng altar. Bumalik agad si Taniel sa aming tabi at patuloy nang hinila ng guwardiya sibil ang kawawang bata. Pagkatapos, maraming nagsiluhuran sa altar ngunit kaming tatlo ay pinili nalang na umuwi. Nasa kalagitnaan kami ng daan nang magsalita si Ina.

"Siya nga pala anak, naghahanap si Haring Valenzo ng maglilingkod sa dalawang prinsipe," saad ni Ina na ikinakunot ng noo ko. Maraming nagsisidaanang mga tao sa kalsada at masigla rin ang ingay dahil malapit kami sa Kastilyo. Napatingin ako kay Taniel na nakatingin sa ibang direksyon at tila hinihintay ang aking isasagot kay Ina. Hindi ako sumagot at nagpatuloy na kaming maglakad papunta sa aming tahanan sa matirik na araw ngunit hindi ito nakapapaso sa balat, sa gitna ng aming paglalakad ay nagsalita ako.

"Ina, kung hinahangad niyo pong magsilbi ako sa Kastilyo, di po ako papayag," saad ko kay Ina. Napatingin naman si Taniel sa akin na tila nagulat sa aking sinabi. "Ngunit kailangan natin ng karagdagang salapi para mabuhay," sagot naman ni Ina na tila dismayado sa aking sagot. Nagpahuli naman si Taniel sa paglalakad at nasa aming likuran na siya upang mabigyan kami ng pagkakataong mag-usap ni Ina.

"Mas pipiliin ko pa pong magtanim ng trigo(wheat), o mag-alaga ng mga tupa, o sumama kay Itay na mangisda sa dagat," sagot ko kay Ina, napatingin ako kay Taniel na tila ba nakikinig sa aming usapan habang naglalakad at nakatingin lamang sa lupa. Napahinga ng malalim si Ina at kita sa kanyang mga mata ang pagkadismaya.

"Nais ko lang naman sanang may makasama ako sa Kastilyo. Sa halip na magpalipas ako ng gabi sa Kastilyo ay pinipili ko paring umuwi sa ating tahanan upang makapiling kayong muli, ngunit palagi ko kayong nadadatnang mahimbing nang natutulog,"-napahinto siya saglit- "kinaumagahan naman ay maaga akong gumigising upang tumungo sa Kastilyo nang hindi man lang kayo nakakausap. Minsa'y napag-iisipan kong bumitaw na sa trabaho ngunit malaki ang utang natin sa Hari," malungkot ma saad ni Ina at tumingala sa langit nang may napadaang kalapati.

Si Haring Valenzo ang tumulong sa aming pamilya na makapagtayo ng aming tahanan, binigyan niya rin kami ng mga lupa para makapagtanim, at dalawang tupa na ngayo'y marami na. Ikinuwento sa amin ni Ina't Ama iyon noong lumaki na kami.