Chapter 68: Kabanata 68

"Uuwi na ako. Mayroon pa akong importanteng pupuntahan. " Muli akong lumingon-lingon sa paligid at tinahak na ang malalaking tipak ng bato dahilan upang maiwasan ko ang mga putik sa lupa. Nagiging maaliwalas na rin ang kalangitan, ang bughaw na kulay nito ay bumabalik na. Sumisilip na rin ang mala-kahel na araw sa pagitan ng mga ulap.

"Kaya mo na ba? Sasamahan kita!" Hindi ko na lamang siya pinansin at pinagpatuloy ang paglalakad sa mga bato. Nakita ko pa siyang napakamot sa kanyang ulo na animo'y hindi maintindihan kung bakit ko siya agad-agad na iniwan sa loob. Nang makatapak na ako sa hindi maputik na lupa, muli akong lumingon sa kanyang kinaroroonan ngunit wala na siya roon. Naroon pa ang kanyang damit na isinabit ko kanina.

"Saan ka na naman nanggaling? Kanina pa kita hinahanap," saad ni Ate Saira. Kasalukuyan niyang ibinabalik sa pagkakabilad ang linabhan niyang mga tela. Napatulala ako nang mapagtanto kong mga damit ni Nilo ang ilang nakabilad sa araw.

"N-nasaan si Taniel?" tanong ko. Lumingon pa ako sa loob ng aming tahanan ngunit ni isang tao ay wala roon. Tanging si Ate Saira lamang ang naabutan ko kanina rito. "Nais ko sanang hiramin ang kanyang kabayo. Mayroon lamang akong pupuntahan mamaya."

"Iyon ang hindi ko alam! At mayroon na pala siyang kabayo?" Napatigil siya sa kanyang ginagawa at lumingon sa akin. Tumango na lamang ako. Ni hindi ko nga batid kung saan iyon nangggaling, wala naman siyang ginamit na kabayo kaninang umaga sa gubat. Napabuntong-hininga na lamang ako, wala nga akong magagamit ngayon. Kakailanganin kong lakarin ang daan patungo sa Dagat Gora. "Saan ka bapupunta?"

"Uhm. . . Diyan lamang sa tabi-tabi," pagsisinungaling ko. Namataan ko ang isang pamilyar na karwahe na binabagtas ang mabatong lansangan, para bang nagningning ang aking mga mata nang makilala ko ang kutserong gumagamit nito. "Mng. Redjo!" Agad siyang napatingin sa akin, sa una ay hindi pa niya ako nakilala ngunit kalaunan ay napangiti rin siya.

"Elersa!" sigaw nito mula sa malayo habang hawak niya ang siyahan ng kabayo.

"Saan ka po tutungo?!" Kung walang ibang paraan, humanap ng paraan! Naiisip ko pa lamang na lalakarin ko nang mag-isa ang papunta sa dagat ay napapagod na ako.

"Mayroon ka bang pupuntahan?!" sigaw nito na umaalingaw-ngaw pa sa paligid. Pinahinto niya ang karwahe at tinanggal ang suot nitong sumbrero. Dali-dali akong tumakbo papalapit sa karwahe, napansin ko ang mga dala nitong mga sako-sakong trigo. May ilan ring mga prutas at bagong-aning mga halaman.

"Pupunta po sana ako sa Dagat Gora, doon po ba kayo tutungo?" Wala na akong panahon upang magpaligoy-ligoy pa, tutal ay kilala ko naman na siya. Pakiramdam ko ay nagtataka na naman si Ate Saira kung sino ang kausap ko ngayon, napapansin ko kasing lilingon-lingon sa aming kinalulugaran.

"Pasensya na, hindi ako tutungo roon." Parang binagsakan akong langit at lupa dahil sa kanyang sinabi. Umaasa pa naman ako! "Ngunit maaari naman kitang idala roon. Malapit lang naman ang pupuntahan ko roon." Awtomatikong ngumiti ang aking mga labi. "Sumakay ka na sa likuran, dali! Bago pa maging kahel ang araw." Hindi na ako nagsayang pa ng oras at dali-daling nagtungo sa likuran ng karwahe at pumasok. Marami ngang mga ani ang nasa loob, pakiramdam ko ay mangangamoy trigo na akong haharap kay Prinsipe Aelino maya-maya.

"kumusta ka riyan? Wala ka bang nalimutan? Tayo'y hahayo na."

"Wala pong problema!" Sino ba naman ako upang mag-inarte pa kung nakikisakay lang naman ako?! Naalala ko tuloy ang maraming mga ganap na nangyari dito sa loob ng karwahe. Kung paano kinilabutan si Ina nang mapagtanto niyang nasa kagubatan kami, at kung anumang mga bagay na pinagsasabi ko kay Prinsipe jobel sa gabing nagtungo kami sa bahay-inuman. Halos matagal-tagal rin naming tinahak ang mabatong daan, bumababa na ang kahel na araw sa mga kabundukan.

Dumungaw ako sa bintana ng karwahe, napangiti ako nang makita ko ang isang puting kabayong mabilis na tinatahak ang loob ng kagubatan. Nakasakay ang isang lalaki roon habang may takip sa kanyang mukha. Lumingon ito sa akin bago niya hinampas ang siyahan ng kanyang kabayo dahilan upang mas bumilis ang pagtakbo nito. Nawala na ito sa aking paningin na mistulang linamon ng madilim na kagubatan. Nagtungo ito sa direksyon ng Dagat Gora.

Nang tumagal ay hindi ko inaasahang hihinto na ang karwahe, mabilis din pala ang takbo nito kung hindi ka maghihintay. Mula sa durungawan ng karwahe ay namataan ko na ang asul na tubig ng Dagat Gora at ang maiitim at purong buhangin ng dalampasigan. Dali-dali na akong bumaba at nagpasalamat kay Mng. Redjo.

"Mag-iingat po kayo!" paalala ko. Inilibot ko ang aking paningin sa malawak na dalampasigan ng Dagat Gora, walang katao-tao. Walang anumang bakas ng paa ang makikita dahil binura na ito ng malakas na bugso ng ulan kanina. Malalakas pa rin ang hampas ng alon sa dagat, maging ang malamig na simoy ng hangin na binibigay nito. Inayos ko ang aking sarili, at napahinga nang malalim.

Nakarinig ako ng isang nakakalungkot na musika gawa ng plawta, napapikit na lamang ako upang pakiramdaman ang paligid kung saan ito nanggagaling. Natagpuan ko na lamang ang aking sariling mga paang naglalakad sa dalampasigan, sinusundan nito ang maharmonyang musika sa hindi ko malamang dahilan. Napahinto ako sa paglalakad nang mamataan ko si Prinsipe Aelino na nakaupo sa natumbang puno ng niyog. Nasa kanyang tabi ang puting kabayo at ang pusang matagal ko na ring hindi nakita.

Marahan siyang napatingin sa aking gawi nang maramdaman niya ang aking presensya.

"Elersa."

***

Nakarinig ako ng isang nakakalungkot na musika gawa ng plawta, napapikit na lamang ako upang pakiramdaman ang paligid kung saan ito nanggagaling. Natagpuan ko na lamang ang aking sariling mga paang naglalakad sa dalampasigan, sinusundan nito ang maharmonyang musika sa hindi ko malamang dahilan. Napahinto ako sa paglalakad nang mamataan ko si Prinsipe Aelino na nakaupo sa natumbang puno ng niyog. Nasa kanyang tabi ang puting kabayo at ang pusang matagal ko na ring hindi nakita.

Marahan siyang napatingin sa aking gawi nang maramdaman niya ang aking presensya.

"Binibining Elersa." Dali-dali siyang napatayo mula sa pagkakaupo. Maganda ang kanyang tindig at pananamit, walang bahid ng lungkot at pagod ang kanyang mukha, at ang kanyang buhok ay tila ba lumalangoy dahil sa malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa karagatan. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan, para bang duimikit ang aking mga paa sa buhanginan. Pagkalipas ng ilang araw ay muli kaming mag-uusap. "Mabuti at dumating ka."

Tumango lang ako at isang tipid na ngiti ang namitawi sa aking labi. Napatingala ako at malamlam pa rin ang kalangitan dahil katatapos pa lang ng malakas na ulan, Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa kanya, inaagos rin ng hangin ang aking buhok resulta ng malakas na hangin.

"Kumusta?" Ngumiti siya sa akin. Isang tipid na ngiti lamang ang aking isinukli, Umupo siya sa natumbang puno ng niyog na nasa dalampasigan at tumingala sa dagat na nasa kanyang harapan. "Umupo ka."

"Wala namang problema," sagot ko. Hindi siya umimik dahilan upang mapalingon ako sa kanyang gawi, nakatingala pa rin siya sa dagat. Malakas pa rin ang hampas ng alon at ang mga huni ng mga ibon na nagliliparan sa kalangitan ang tanging naririnig sa paligid. Lumingon ako kung saan siya nakatingin. Tila ba napako ang aking paningin sa kanyang tinitingnan, tunay itong nakakamangha.

"Ang bahag-hari ay tunay na kaibig-ibig, hindi ba?" tanong niya at lumingon sa akin, nakatingin pa rin ako sa bahag-haring lumitaw pagkatapos ng ulan. Makulay ito at kamangha-mangha, hindi nakapagtataka kung bakit ito naiibigan ng maraming tao, lalo na ang mga batang naniniwala sa mga kwentong bayan na tinataglay nito. Isa na rin ako sa mga naloko ng mga kwento-kwento ni Itay noong ako'y bata pa, nalaman ko na lang ang katotohanan sa likod nito nang ako'y nagkaroon na ng muwang sa buhay.

"Ang ganda nga. Sa tingin mo, makikita rin kaya ito kahit sa malayong lugar? S-sa tingin mo, nakikita rin kaya ito ni Nilo?" tanong ko nang sumagi na naman sa aking isipan ang aking kapatid na kahapon lang ay naglakbay patungo sa Judea. Napahawak siya sa kanyang baba at nag-isip-isip.

"Maaari naman niya itong makita kung umuulan din sa kaniyang kinalulugaran, ngunit hindi ang bahag-haring naririto, kundi ang isa na nabuo sa kanilang lugar. Ngunit kahit saan man mabuo ang bahag-hari, magkakapareho pa rin ang lahat." paliwanag niya. Napatango-tango na lamang ako, ngunit may ilan pa ring mga tanong ang nasa aking isipan mula pa noong ako ay batang-musmos pa lamang. "Maaari ka raw makipag-usap sa mga taong malayo sa iyo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa bahag-hari."

"Totoo ba iyon?" nagtataka kong tanong. Ngayon ko lang narinig ang pamahiing ito, natitiyak akong wala itong katotohanan.

"Sa tingin ko. . . hindi. Sa tingin ko ay nagawa lamang ang sabi-sabing ito para sa mga taong nagdadalamhanti para sa mga mahal sa buhay nilang pumanaw na o nasa malayong lugar. Nagsimula ito nang lumaganap ang digmaan ilang dekada na ang nakalilipas, iyon ang sabi ng aking lolo." Kung matagal na niya sana itong sinabi, sana matagal ko na ring hindi kinatatakutan ang ulan. Baka katatapos pa lamang ng ulan ay dali-dali na akong dudungaw sa ulan upang ito'y subaybayan. "Maaari mong subukan."

"Sana nga umulan ulit," saad ko. May pinulot akong bato sa buhanginan at inihagis ito sa tubig. Napansin kong lumalapit siya ng pagkakaupo sa akin, hindi na lang ako umimik. Gusto kong lumayo ngunit hindi ko rin naman magawa."Diyos ko!" Napasigaw ako sa gulat nang bumungad sa aking harapan ang malaking nguso ng kabayo at ang malakas na halinghing nito. Napalapit pa ako kay Prinsipe Aelino dahil dito, na kanya ring ikinagulat. Tila ba gusto ko nang tumakbo at magpakalunod sa dagat.

"Akala ko ba na ang ulan ang pinakamumuhian at kinatatakutan mong bagay?" tanong niya. Inayos ko ang aking pagkakaupo at tiningnan nang masama ang kabayo pagkatapos ito'y pinaikutan ng mata. "Huwag mo siyang ayawin. Tiyak na ito'y iyong pagsisisihan." Agad kong naisip ns maaari nga ako nitong sipain anumang oras nitong gusto. Mas lumapit pa tuloy ako kay Prinsipe Aelino dahil sa pangamba at takot. Ayaw ko namang umuwi nang hindi nakakapaglakad.

"Sa tingin ko, hindi ko naman kinatatakutan ang ulan." Napatango-tango siya sa aking sagot.

"Ang iyong kinatatakutan ay ang mga kidlat na nakatago sa mga ulap nito na maaaring makawala anumang oras sa anumang lugar. Maihahalintulad mo ito sa dilim. Hindi ka takot sa kadiliman, ngunit takot ka sa bagay na nakakubli rito," paliwanag niya. Kung tutuusin ay tama naman siya, ang kidlat at kulog ang aking kinatatakutan. Kung ambon lang naman ay hindi ako nakakaramdam ng anumang takot. "Ngunit sa iyo. Sa tingin ko, ang tunay mong kinatatakutan ay ang malagim mong nakaraan at ang pangambang ito'y maulit muli."

"Tama nga ang iyong sinasabi. Natatakot ako sa nakaraan," pagtatapat ko. Nagtataka ako kung bakit niya nalalaman ang bagay na iyong tungkol sa akin, nakakapanindig balahibo nga ang magkapatid. Sa una ang nagtaka rin ako kung bakit ito nalaman ni Prinsipe Jobel. "P-papaano mo ito nalaman?"

"Napansin ko lang. Hindi mo naman kailangang tanungin ang nararamdaman at itinatago ng isang tao, dapat ikaw mismo ang makiramdam. Kaya't napansin kong mayroon kang itinatago, Elersa." Tumingin siya nang seryoso sa aking mga mata. Pakiramdam ko ay umabot na sa akin ang malakas at malamig na hampas ng alon sa dagat dahilan upang hindi ako makagalaw, Sa tingin ko ay iba ang kanyang tinutukoy, ako lamang ang gumagawa ng kahulugan sa kanyang mga sinasabi. Hindi ko matanggal ang paningin ko sa kanya. "Nakikita ko sa'yong mga mata."

"Ah. G-ganoon ba?" tanong ko habang nag-iisip ng bagong mapag-uusapan."Oo nga pala. Bakit mo ako pinadalhan ng liham at pinapupunta mo ako rito sa dagat? Mayroon ka bang importanteng sasabihin?" Kanina pa kami nag-uusap ay hindi ko pa alam ang rason kung bakit niya ako pinapunta rito. Wala naman siyang dalang anumang pagkain upang sabihing inaalok niya ako ng panghapunan, wala ring anumang bagay na kanyang dala-dala upang ibigay sa akin, at wala rin siyang kasama ritong iba upang ipakilala man lang sa akin.

Nais ba niya lamang na makipag-usap ako sa kanya? Natutulala ba siya sa Kastilyo dahil wala siyang kausap? Hindi ba niya kinakausap si Abela?! O si Jaime?! Ayokong mag-isip-isip ng mga bagay-bagay, mas lalo akong natutulala.

"Wala lang. Hindi mo ba nais na ako'y iyong makausap sa huling sandali?" Para bang tinutusok ang aking dibdib dahil sa kanyang tanong, ito na nga ang huling araw na kami'y mag-uusap. "Oo nga pala, paumanhin." Napataas ang aking kilay at napakunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi, nagtataka akong napatingin sa kanya ngunit ibinalik rin ang aking tingin sa dagat.

"Paumanhin? Saan?" naguguluhan kong tanong, wala akong naiisip na ginawa niyang masama.

"Sa iyong naging kaso, sa hukuman, at sa pagkawala ko sa iyong tabi nang ika'y nahihirapan." Puno ng kalungkutan ang kanyang tono, hindi ako sanay sa kanya sa ganitong mga bagay. Muli akong napatingin sa karagatan, naririnig ko pa ang hiyawan ng mga mangingisda mula sa malayo, tila ba maram-rami silang nahuhuling mga isda ngayong hapon. Katatapos lamang ng ulan resulta ng paglapit ng mga isda sa pampang, sila'y inanod ng malalakas na alon ng dagat. 'Paumanahin."

"Hindi mo kasalanan ang mga nangyari at wala kang karapatan upang ko'y iyong tulungan. Isa lamang akong tagapaglingkod na handang magpunas ng inyong mga paa sa tuwing sila'y narurumihan." Napalunok siya dahil sa aking sinabi, at kita sa kanyang mga mata ang konsensya sa kanyang mga ginawa kahapon at sa mga nagdaang araw. "Ngunit dahil sa iyong ginawa ay malapit nang mapahamak ang aking buhay."

"Patawarin mo ako. Wala at hindi kaya ng namatayan ang magbayad ng isang magaling at tapat na abogado. Pilit silang nagmamakaawa sa akin, hindi kinaya ng aking konsensya kahit pa man ang kapalit nito ay buhay ng malapit sa akin. Mali bang tulungan ang ibang tao? Mali ba ang aking nagawa?" saad niya. Kahit pa man kita ko sa kanyang mukha ang totoong pagsisisi, labi-labis pa rin akong nasasaktan. "Magpasalamat na lamang tayo dahil nandiyan ang aking kapatid."

"Si Prinsipe Jobel," pagwawasto ko. Ni isang pagkakataon ay hindi ko narinig na sabihin niya ang pangalan ng kanyang kapatid, maging si Prinsipe Jobel ay ganoon rin. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lang ang trato nila sa isa't isa, tila ba may roon silang hindi pagkakaintindihan, maging ang kanilang mga magulang. "Siya ang tumulong sa akin."

"T-tama ka. Nang mga oras na iyon, pilit kong kinukumbinsi ang aking sarili na tama ang aking naging desisyon, na tulungan ang ibang tao. Nang mga oras na ibinunyag ang nagwagi sa hukuman, hindi ko magawang ngumiti sa iyo dahil ang puso ko ay tila ba sumisigaw na ng pagkawagi." Napabuntong-hininga ako sa kanyang paliwanag, mas nagkakaroon na ng paliwanag ang mga nangyari sa mga araw na iyon. Ngunit mayroon pa ring mga tanong ang pilit na gustong mahawakan ang liwanag at katotohanan.

"Salamat dahil nagawa mong tulungan ang iba. Ngunit sana'y huwag mong suportahan ang kasinungalingan kung batid mo ang katotohanan, dahil ang katotohanan ay habang-buhay na maibabaon sa ala-ala lamang ng mga biktima at kriminal. Ang hustisya ay hindi maibubunyag, ang mga mahihirap ang siyang nasasakdal sa mga kagagawan ng mga mayayaman at mayroong kapangyarihan. Hindi ba't ikaw mismo ang nagsabi na 'hindi patas ang buhay'?" Hindi siya umimik. Ngunit naiintindihan ko naman ang kanyang paliwanag, mahirap tumanggi sa mga taong nangangailangan, sa mga taong nagdurusa, at sa mga walang kapasidad ng kayamanan upang mahawakan ang hustisya. "Naiintidihan kita, maraming salamat," dagdag ko.