Chapter 5: Kabanata 5
PAGKALIPAS ng ilang oras ay nagsiuwian na ang mga panauhin. Hinihintay ko si Ina sa labas ng Kastilyo habang nakatulala sa langit. Habang ako'y naghihintay sa labas ay lumabas ang isang babaeng tagapagsilbi at pinalitan ang tubig sa pintuan. Napatingin ako sa kanya, kailan rin kayo ako titira sa Kastilyo? Ilang saglit lang ang lumipas ay lumabas na rin si Ina sa Kastilyo habang bitbit ang ilang mga pagkain bilang gantimpala nila sa kanilang kasipagan. Agad naman akong linapitan ni Ina nang nakangiti.
"Ang galing mo anak ko!" panimula ni Ina na siyang bumabasag ng katahimikan sa labas ng Kastilyo. Humahakbang na kami palayo ni Ina nang mapansin ko ang isang lalakeng nakatayo sa balkonahe ng Kastilyo na nasa aming likuran.
Napatigil ako sa paglalakad at tumalikod upang tingnan kung sino ang nandoon ngunit wala na akong nakita. Paglabas namin ng lagusan ay ang pagbaba rin ng mga matitibay na bakal nito. Agad naman kaming sinalubong ni Taniel nang makalabas kami. Muli akong napatingin sa Kastilyo at nakita ko ang lalakeng nakatayo sa balkonahe habang nakatingin sa akin mula sa malayo suot ang magarbo nitong kasuotan, napatitig ako sa kanya ng makilala ko ito.
"Prinsipe Jobel," bulong ko sa aking sarili.
***
KINABUKASAN, abala ang lahat ng tao sa isang nakapakahalagang araw sa Kaharian. Maagang umalis sina Ina't Ama at napagusapan namin kagabi na magtungo ako sa tabi ng batis sa kalapit na gubat. Pagkagising ko pa lamang ay naalala ko muli ang sumagi sa aking panaginip.
'Mula pagkasilang hanggang pagkamatay'"
Muli akong napakamot sa aking ulo at agad na bumangon. Binuksan ko ang bintana dahilan upang pumasok sa loob ang liwanag ng araw. Wala na rin sina Nilo at ang mga kapatid ko, sa tingin ko'y nauna na silang nagtungo doon. Nagbanat ako ng katawan at muling napahikab, agad kong inayos ang aking sarili at nagsuot ng talukbong sa ulo. Linagay ko na rin sa basket ang mga bunga ng ubas, mansanas, at iba pang samut saring mga prutas.
Binuksan ko ang pintuan at wala na ang dating sigla ng kalsada, ngunit ang ilang mga dekorasyon ay nananatili paring nagsasayawan sa hangin. Bilang rin ang mga makikita mong tao sa labas. Agad ko namang nakita si Taniel hawak ang lubid na nakatali sa leeg ng puting tupa, kasama si Ate Jesa na bitbit ang mga balahibo ng mga tupa sa isang basket habang naglalakad. Pumasok si Ate Jesa sa loob ng aming tahanan at tiyak ako na di siya sasama sa amin.
Nagkatinginan naman kami ni Taniel at sinenyasan ko siya na parang sinasabing 'di pupunta si ate, tara na' , tumango naman si Taniel. Nagpalit kami ni Taniel ng bubuhatin, binigay niya sa akin ang tupa at binigay ko naman sa kanya ang mabigat na basket ng mga prutas.
Binuhat niya ang basket mula sa lupa at napatingin ako sa kanyang mga braso na mas humubog dahil sa bigat nito. Inilagay niya ito sa kanyang balikat at napatingin sa akin sabay ngiti.
"Tara na, Elersa?" tanong niya na ikagising mg aking kaluluwa kakatitig sa kanya. "Elersa?"
"S-sige! Tara na!" Naglakad kami sa matirik na araw , ang mga bato na aming dinaraanan ay mainit-init pa, at ang mga karwaheng lulan ang ilang mga pananim ay dumaragsa papunta sa Kastilyo.
"Ang galing mo kagabi, napanood kita," panimula ni Taniel. Di ko alam ngunit tila uminit ang aking pisngi sa kanyang mga sinabi.
"N-napanood mo ako? Pa'no ka nakapasok sa Kastilyo?" nagtataka kong tanong at napakunot ang aking noo. Agad ko namang hinila ang tupa dahill humihinto ito sa paglakad sa tuwing may nadaraanang mga damo.
"Kung gusto mo ang isang bagay, magagawan mo ito ng paraan," sagot ni Taniel at mabilis siyang tumingin sa akin ngunit binawi rin niya ito. Binaba niya ang basket at inilagay ulit niya ito sa kanyang kabilang balikat. Ang kanyang sinabi ay tila may kahulugan sa akin.
Tumango naman ako bilang sagot.
"Ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng sumayaw, mas makinang ka pa sa ginto," dagdag niya. Napangiti naman siya na pilit niyang tinatago sa akin. Baka hindi niya alam ay maaari nang pag-ihawan ng isda ang nakakapaso kong mga pisngi.
"Siya nga pala, may gusto ka kay Ate Jesa?" pag-iiba ko ng usapan. Napahinto siya sa paglalakad dahilan upang maiwan siya sa aking likod. Mula sa aking likuran ay nagsalita siya.
"Wala," deretso niyang sagot sa akin. Nakakatawa dahil kaninang pangiti ngiti siya ay tila nagbago agad ito sa isang seryosong mukha.
"Ikaw? May gusto ka sa magkapatid na prinsipe?" tanong niya sa akin na ikinabigla ko. Napabagal rin ako sa paglakad tulad niya. Lumingon siya sa akin habang patuloy pa ring naglalakad paatras.
"Wala " deretso ko ring sagot. Napangiti naman siya at lumitaw nanaman ang nakakabighaning mga butas sa kanyang pisngi.
Tatalikod at aayos na sana siya sa paglalakad nang di niya nakitang may nakaharang na kahoy sa daan. Halos magpaikot-ikot pa siya habang hinahanap ang kanyang balanse. Mabuti ay agad na sumaklolo si Tatay Lerid at natigil niya ang pagkatumba ni Taniel. Bakit hindi niya kasi tinitingnan ang kanyang dinaraanan?
Kakapasok palang namin ng kagubatan at rinig na rinig na mula sa malayo ang mainam na pag-agos ng batis. Ang mga ibon ay nagsisimula nang magsiawitan at ang simoy ng hangin ay naging maalumanay.
"Nandiyan na pala kayo, Anak. Iniisip namin na tanghali ka na gigising," pag-aalala ni Ina na ikinailing iling naman ni Ama. Iniabot ni Taniel ang mga prutas kay Ama at kinuha sa akin ni Taniel ang tupa na kanina pa nguya ng nguya sa tabi.
Sige kumain ka pa, bilang nalang ang oras mo.
Abala si Ina na inaayos ang mga hibla ng kahoy sa isang malaking bato, si Nilo at si Kuya Jabar naman ay naglalaro sa gilid ng batis gamit ang mga pinagtagpi tagping dahon at kahoy.
"Ilapag mo ang tupa sa ibabaw ng mga kahoy nang masimulan na natin ang pag-aalay," utos ni Ama kay Taniel na agad naman nitong sinunod.
Hinugot ni Ama ang patalim sa kanyang sinturon habang pilit na pinipigilan ni Taniel ang paggalaw ng tupa. Napatingin sa akin si Taniel kaya't nginitian ko siya, sinuklian niya rin ako ng ngiti habang siya'y nakahawak sa dalawang paa ng tupa.
Nagulat kaming lahat nang makawala ang tupa sa pagkakahawak ni Taniel! Kasing bilis ng kidlat itong tumakbo sa kagubatan na animo'y tumatakas sa kamatayan.
"Hulihin niyo ang tupa!" Agad na naalerto si Taniel na tila ba nakagising sa mahimbing na pagkakatulog. Dali-daling tumakbo si Kuya Jabar, Taniel, at Ama upang habulin ang tupa sa kaloob-looban ng kagubatan.
"Si Taniel naman kasi, tila malalim ang iniisip," napailing-iling pa si Inay habang napasapo-sapo sa kanyang noo. Ilang minuto lamanh ay bumalik na sina Itay na madungis at puno ng mga dahong nakasabit sa kanilang damit.
Tila hiyang-hiya naman si Taniel na animo'y nais na niyang bumiyak ang lupa at lamunin siya nito. Napakamot-kamot pa siya sa ulo habang nakayulo.
"Jabar, ikaw na ang magtali sa tupa," utos ni Itay na animo'y nawalan na ng tiwala kay Taniel. Tumango si Kuya Jabar at itinali ang tupa na parang walang kaalam-alam sa mga nangyayari.