Chapter 55: Kabanata 55
Agad nanamang nagbulungan ang mga madla sa loob ng Basilika. Nananatili paring nakatayo ang abogado dahil sa gulat, na para bang hindi makapaniwala sa kanyang nakikita. Lumingon ako kay Taniel, nakangiti lamang siyang nakatingin sa akin. Agad nagsitasaan ang mga tabla ng limampung hukom, mas nangingibabaw ang walang katagang mga ekis. Lahat ng hukom ay sunod-sunod na pinaulanan ng mga tanong ang hukom, sa dami nila ay tila wala na sa kanila ang naiintindihan.
"Paano mo maipapaliwanag iyan?" tanong ng isang hukom kasabay ang pagtahimik ng paligid.
"Patawad po, mga hukom. Ngunit sa tingin niyo, sa iisang lamparang nagbibigay ng liwanag sa gabing iyon. Matatandaan pa ba ninyo ang lahat ng detalye ng lahat ng kaganapan? Ayon sa ating saksi, hindi niya nakilala ang kriminal, ngunit nakakita siya ng gintong paynetang suot nito. Maaaring isang kahoy na payneta ang nakita ng ating saksi!" -napatigil siya maging ang madla-"kapag natamaan ito ng liwanag ng lampara, maaaring maging kulay ginto ito, lalo na kung nabahiran ng barnis!"
Napatingin ako sa hawak kong payneta, nagiging dilaw at kulay ginto nga ito nang natamaan ng liwanag ng lampara. Nagbubulungan nanaman ang napakaraming tao sa loob, maging ang nga hukom ay tila sumasang-ayon rin. Batid ko sa aking sarili na gintong payneta talaga ang orihinal na pagkakagawa ng payneta, ngunit namamangha ako sa naging kasagutan ng abogado upang malutas ang kanyang naging butas.
"Papasukin ninyo ang ating ikalawang saksi!" sigaw ng abogado ng kabilang kampo. Bumukas ang maliit na pintuan ng hukuman, at ang lahat ay nagulat sa kanilang nakita. Lumabas roon ang isang babaeng punit-punit ang kasuotan, madumi ang katawan, at may ilang galos sa katawan. Dahan-dahan siyang naglakad sa gitna ng hukuman kung saan umupo kanina ang punong-tagapagsilbi.
"Maaari ka nang magsimula."
"A-ako si Placida, matagal na rin akong nagsisilbi sa Kastilyo," panimula ng babae. Humihikbi pa ito na para bang upang makuha ang simpatya ng madla. "Gabi po noon nang mapag-isipan kong umuwi na muna, at nagulat ako nang makita ko ang isang babaeng tumatakbo sa pasilyo ng unang palapag. Madilim po noon at ang mga yapak lamang niya ang aking naririnig. Tumatakbo po siya na para bang mayroong humahabol sa kanya, at namukhaan ko siya!"
Napatatakip pa ang ilang manonood dahil sa kanilang naririnig, na para bang nahahawa sila sa bawat luha at hikbi ng babae.
"H-hindi ko po alam ang gagawin ko sa gabing iyon, tatakbo na sana ako nang marinig niya ang mga yapak ko. Nakita ko sa kanyang mata na talagang gustong-gusto niyang pumatay!" Nanlaki ang aking mga mata nang ituro niya ako. "S-siya po! Sinubukan niya akong paslangin! Nataranta ako nang may makita akong hawak niyang patalim, talagang natatakot ako sa mga oras na iyon! Hindi ko po alam ang aking mga gagawin. Hindi ako makasigaw, ni hindi ko na rin maramdaman ang mga saksak niyang bumabaon sa aking katawan!"
"P-punong puno na ako ng dugo noon, a-akala ko huling araw ko na." Nagsimula na siyang umiyak kasabay ang bulungan ng maraming tao. Maging ang nga hukom ay napapaniwala na rin. Napapatingin ako kay Prinsipe Jobel, at kita ko rin sa kanya na nahihirapan siya sa nagiging kalabasan ng paglilitis. "T-tumakbo na po siya papalayo."
"A-at siya po! Siya ang nagtangkang pumaslang sa akin!" sigaw ng babae at akmang susugurin na niya ako nang pigilan siya ng mga guwardiya sibil. "Mamamatay tao ka! Wala kang awa!" Umaalingawngaw ang kanyang sigaw sa loob ng Basilika. Nagpupumiglas siyang inilabas ng mga guwardiya sibil. Nanginginig nanaman ang aking mga kamay.
"Anumang katanungan, mga hukom?" tanong ni Abogado Marcus sa mga hukom. Nagsitaasan ang mga limampung hukom ng mga tablang may nakaguhit na ekis, nagpapahiwatig na sumasang-ayon sila sa lahat ng kanilang narinig. Napatingin ako kay Lazaro at bakas rin sa kanya ang pangamba, pangamba na maging iba ang magiging resulta ng paglilitis, lingid sa aming inaasahan.
Napatango tango ang maraming tao, lahat ay nagbubulungan. Lahat ay sumasang-ayon. Natahimik ang lahat nang maglakad papagitna si Lazaro, magkatabi na sila ng abogado ng kabilang kampo. Isang metro lamang ang kanilang pagitan.
"Ika'y nagkakamali, kaibigan." Tinapik ni Lazaro ang balikat ng abogado, pagkatapos ay humarap sa mga madla.
Inilabas niya ang piraso ng papel sa kanyang bulsa, lahat ay nagtataka sa kaniyang ginawa. Lahat ay nakatingin lamang sa kanyang hawak-hawak. "Ang papel na ito ang magpapatunay na hindi ang aking kliyente ang pumaslang sa biktima. Ang papel na ito ang magpapatunay na wala siya sa Kastilyo sa mga gabing iyon!"
Ipinakita niya sa lahat ang resibo. "Ang resibo ng kaniyang biniling inumin! Sa mga gabing iyon, nagtungo siya sa bahay-inuman kasama si Prinsipe Jobel. " Napatikhim si Prinsipe Jobel, lahat ay nagulat sa kanilang mga narinig. Maging ang aking pamilya ay naguguluhan. Nagsimula nanamang magbulungan ang maraming taom
"Nagtungo sila ni Prinsipe Jobel sa bahay-inuman?!" gulat na tanong ng isang babae. Napatingin ako sa gawi ni Taniel ngunit wala na siya. Nasumpungan ko siyang naglalakad na palabas ng hukuman, nais ko siyang pigilan ngunit hindi maaari. Maging si Prinsipe Aelino ay bakas rin sa kanya ang pagkagulat.
"Maaari mo bang ipakita sa akin ang resibong iyong hawak?" tanong ng punong-hukom. Taas-noong naglakad si Prinsipe Jobel sa harap bg punong-hukom. Nagbigay galang muna ito, pagkatapos ay inilahad ito sa kanyang mga palad. Nanginginig na ang aking mga paa, rinig na rinig ko ang bawat pintig ng aking dibdib. Para bang napakaraming paro-paro ang nagliliparan sa aking tiyan.
Dahan dahang binuklat ng punong-hukom ang resibo mula sa pagkakatupi, lahat ng tao ay sinusubaybayan ang mga susunod na mangyayari. Natahimik ang lahat nang napatulala ang punong-hukom, nakatitig lamang ito sa resibong kanyang hawak.
"A-ang resibong ito," nauutal na saad ng punong-hukom. "I-isang kasinungalingan!"
Nanlaki ang aking mga mata, maging ang lahat ay nagulat. Naalerto si Lazaro dahil sa naging reaksyon ng punong-hukom.
"A-anong ibig mong sabihin, punong-hukom? M-mayroon bang mali?" sunod-sunod na tanong ni Lazaro. Ramdam ko sa kanya ang pagkabigla.
"Ang resibong ito ay apat na araw na ang nakalipas! Hindi ito tugma sa eksaktong araw at oras na nangyari ang krimen," saad ng punong-hukom. Napatakip ako sa aking bibig dahil sa gulat, napatingin rin si Prinsipe Jobel sa akin. Tila ba nag-uusap ang aming mga tingin. "Paano mo ito maipapaliwanag, Lazaro?" Nagkatinginan rin ang mga hukom dahil sa sinabi ng kanilang pangulo.
Mas lalong gumugulo ang aking isip, hindi ko akalaing nagkamali ako. Ang resibong aking nakuha ay hindi tugma sa gabing iyon, ito ay ang gabi bago ang gabing iyon. Ang gabi kung saan una akong inimbitahan ni Prinsipe Jobel sa bahay-inuman ngunit hindi ko pumayag. Ang gabi kung kailan dumating si Reyna Emilya sa Kaharian ng Pinileo.
"Lazaro!" sigaw ng punong-hukom. Pansin kong hindi makapagsalita si Lazaro, at nakatitig lamang sa mga mata ng punong-hukom. Nagsimula nanamang magbulungan ang mga madla, para bang nabibingi na ako sa aking naririnig.
Ang lahat ay natahimik, ang lahat ay napatigil sa kani-kanilang mga ginagawa, ang lahat ay napalingon sa pangunahing pintuan ng hukuman. Pumasok roon ang isang babaeng kulay pula ang sumbrero, maging ang kasuotan nila mula ulo hanggang paa ay nababahiran ng kulay pula. Ang sandalyas nito ay gumagawa ng ingay sa sahig na umaalingawngaw sa loob, at ang labi nito na nabahiran ng kulay pulang likido at mga kolorete.
Napatigil siya sa paglalakad at tinanggal ang kanyang sumbrerong may nakatusok na isang pulang rosas. Ang tingin ng lahat ay nakatuon lamang sa kanyang kagandahan.
"Nakakainis ang matandang lalakeng iyon, ayaw man lang ibigay sa akin ang kanilang talaan! Ngunit salapi lang pala ang nais, mga hampaslupa!" sigaw ng babae na umaalingawngaw pa sa loob ng Basilika. May lumapit na isang babae sa kanyang likuran, saksakan rin ito ng kagandahan.
Napatayo si Reyna Emilya sa presensya ng babae, tinaasan pa niya ng kilay ito. Maging si Haring Valenzo ay napatayo rin dahil sa presensya ng babaeng lumapit sa likuran ng babae.
"Oh, Lazaro, Mahal ko. Ito na ang hinahanap mong talaan." Binitawan ng babae ang makapal na aklat sa sahig, para bang sumunod ang tingin ng lahat ng madla sa pagbagsak ng libro. Tunay na magkawangis ang dalawang babae, at nakasisigurado akong mag-ina sila. Akmang tatalikod na sila nang sabay na nagsalita ang Haring Valenzo at Reyna Emilya.
"ERANZA?!" sigaw ng mag-asawa na umaalingawngaw pa sa loob ng Basilika. Napahinto sa paglalakad ang ka-edarang babae ni Haring Valenzo. Humarap ito sa Hari at pinulot sa sahig ang makapal na libro ng talaan. Dahan-dahang naglakad ang babaeng nangangalang Eranza papalapit sa Hari.