Chapter 54: Kabanata 54

"Sa binanggit ng ating saksi, ito ang nagpapatunay na wala si Elersa sa ikalawang palapag sa panahong iyon. Naroroon siya sa kanilang silid na wala man lang anumang galos o bakas ng dugo sa kanyang katawan," saad ni Lazaro. Tila ba napuno ng napakaraming bubuyog ang hukuman, lahat ay ay nagbubulungan sa sari-sarili nilang mga opinyon. Ang limampung mga hukom naman ay napapatango lang at nananatiling walang imik. Magkakatabi sila ngunit hindi maaaring mag-usap o magsabi ng kani-kanilang mga desisyon sa isa't isa.

Walang imik ang punong-hukom, para bang hinihintay niya lang ang mga desisyon ng mga hukom. Sa tingin ko, hindi ang punong-hukom ang magdedesisiyon sa kakahinatnan ng aking kaso, kundi ang limampung mga hukom. Siya lamang ang maniniguradong masusunod ang pasya ng mga hukom, o ang mga mapapataw na kaparusahan sa isang nasasakdal.

Rinig na rinig parin mula sa loob ang mga walang tigil na pagtakbo ng karwahe mula sa labas maging ang hiyawan ng mga tao. Ang lahat ng nasa loob ng Basilika ay tahimik na nagsasagawa ng paglilitis.

"Anumang katanungan, mga hukom?" tanong ni Lazaro at humarap sa kanila. Nagsitaasan ang mga tabla na hawak ng limampung mga hukom, may kulay pulang ekis ang nakasulat rito, nagpapahiwatig na wala silang mga katanungan. Ngunit may isang hukom na ikinatinginan ng lahat, siya lamang ang naiiba. Itinaas niya ang tablang walang ekis, nagpapahiwatig na mayroon siyang katanungan. "Ano po iyon?"

Nanginginig na ang aking mga kamay, para bang hinahabol ako ng hininga sa aking mga nakikita.

"Hindi ba't labag sa batas ang paglilinis ng mga ebidensya? Bakit ninyo ginalaw ang pinangyarihan ng krimen nang walang anumang desisyon ng mga mananaliksik?"

Nagsibabaan ang mga hawak nilang mga tabla, at ang hukom na may katanungan ay siyang pinagtuunan ng pansin ng marami. Napansin ko ring kinakabahan ang punong tagapagsilbi.

"N-nagpatawag na rin ako ng mga guwardiya sibil sa gabing iyon, sinigurado nilang makukuha ang lahat ng impormasyon sa pinangyarihan ng krimen," saad ng punong-tagapagsilbi. Napatingin ang lahat kay Lazaro.

"Mabilis rin na dumating sa akin ang nangyari sa Kastilyo, kaya't nagpadala ako ng mga mananaliksik upang mangalap ng mga impormasyon. At pumayag si Haring Valenzo na siyasatin ng mga mananaliksik ang Kastilyo, Hukom Fidel," saad ni Lazaro kay Hukom Fidel. "At nasa akin ang mga impormasyong iyon."

Napatango-tango ang lahat, maging ang lahat ng hukom sa Basilika.

"Maaari nang simulan ng kabilang kampo," saad ng punong-hukom. May isang lalakeng naglakad sa harapan at gitna ng hukuman, malinis rin ang pananamit nito at kita sa kanyang mga mata ang kagustuhang makuha ang hustisya ng kanyang kliyente. Hindi parin ako makapaniwala na si Prinsipe Aelino ang kumuha sa kanya upang maging abogado ng kabilang kampo.

Nagtama ang aming mga mata at para bang siya ang magbabaon sa akin sa hukay. Napansin kong may kahalintulad ang mukha nito kay Taniel, mula sa mata at bibig. Dali-dali ko ring binawi ang aking tingin dahil sa nakakailang na pagtitig ko sa kanya. Nagsimula na ring magliwanag ang mga lampara sa paligid.

"Ako si Marcus, mula sa Roma. Ang tatayong abogado ng aking kliyente, ang kapatid ng biktima," panimula niya at naglakad lakad sa gitna. "Si Samara ay limang taon nang naglilingkod sa Kastilyo bilang isang tagapagsilbi, siya ay natagpuang wala nang buhay sa harap ng silid ni Reyna Emilya, Kamahalan,"- Nagbigay galang ito kay Reyna Emilya- " Reyna Emilya, maaari mo bang ibahagi sa amin kung anong nangyari sa gabing iyon?"

Nanginginig na ang aking kamay, hindi ko na ito makontrol dahil sa nararamdamang kaba. Laking gulat ko nang hawakan ito ni Prinsipe Jobel dahilan upang mas kumalma ang pakiramdam ko, para bang binuhusan niya ng malamig na tubig ang umaapoy kong dibdib.

Natahimik ang lahat nang tumikhim ang Reyna.

"Noong gabing iyon?"-napahawak siya sa kanyang baba-"ako ay naghahanda na ring matulog sa gabing iyon nang mapag-isipan kong magtungo muna sa palikuran. Pagkabalik ko sa aking silid, doon na ako kinalabutan nang makita ko ang isang babaeng nagbaon ng espada sa likuran ng isang babae. Hindi ko ito nakilala dahil madilim na rin noon at iisang lampara na lamang ang nagbibigay ng liwanag. Ngunit may isang bagay na natandaan ko na suot ng babae." Tumingin siya sa akin, at para bang ramdam na ramdam ko ang nanlilisik niyang mga mata.

"Nakita ko ang suot niyang gintong payneta!" dagdag ni Reyna Emilya. Mas dumidilim na ang aking paningin dahil sa kanyang sinabi, nanginginig ang aking kamay, at ramdam na ramdam ko ang tulo ng aking pawis. Hindi ko mapigil ang paggalaw ng aking binti at ang walang tigil at malakas na pintig ng aking dibdib.

"Ayon sa saksi, isang gintong payneta ang nakita niyang suot ng kriminal." Tiningnan niya ako at lumingon sa aking ulo na natatakpan ng aking talukbong. Para bang kinakain ako ng apoy dahil sa kanyang titig.

"Maaari mo bang tanggalin ang iyong talukbong? Binibining Elersa?"

Matagal kaming nagkatinginan, tila ba nag-uusap ang aming mga tingin. Ang lahat ng madla ay napatingin sa akin na lalong nagpalakas ng pintig ng aking dibdib. Nanginginig na ang aking mga kamay, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Inilibot ko ang aking paningin at tila ba gutom na gutom silang masaksihan ang aking gagawin.

Nasagi ng aking paningin si Prinsipe Aelino, wala siyang anumang reaksyon o ngiti man lamang. Lalo akong nasaktan sa kanyang inasta, para bang ilang-ulit akong sinasaksak dahil sa kanyang ginagawa. Hindi ko maintindihan kung bakit niya kailangang gawin sa akin ito. Kung bakit kailangan niya akong iwasan lalo na panahong kailangan ko ng makakasangga.

Para bang paulit ulit na sumasagi sa aking isip ang mga salitang kanyang binanggit,

"Ginto sa ginto."

Ramdam ko ang mainit na likidong namumuo sa aking mga mata, hindi ko maiwasang maluha. Bakit? Bakit siya ganito? Agad kong pinunasan ang aking mga mata dahil sa nagbabadyang mga luha. Agad kong iniwas ang paningin ko sa kanya at tumungo kay Taniel. Tumingin siya sa akin at tumingin kay Prinsipe Aelino, tila ba naguguluhan nanaman siya sa kanyang nasaksihan.

Para bang bigla nalang naglagablab ang apoy sa aking puso nang marahan siyang ngumiti. Para bang sa oras na nakikita ko ang kanyang mga ngiti ay nahahawa ako sa kanya. Batid kong may nararamdaman rin ako sa kanya, ngunit mali ang daang aming tinatahak. Maraming tao ang masasaktan, maraming ang magagalit, sigurado akong lahat ay magiging sagabal sa amin.

Dahan dahan kong tinanggal ang aking talukbong at nagsilakihan ang mga mata ng marami. Rinig na rinig ko ang bulungan ng marami, para bang nais ko nang tumayo at tumakas na papalayo. Tumalikod ang abogado sa akin at hinarap ang mga hukom.

"Tingnan niyo ang kanyang suot! Isang gintong payneta!" sigaw ni Abogado Marcus na umaalingawngaw pa sa loob. Ramdam ko rin ang mga limampung hukom na nakatingin sa akin. "Tingnan niyo!"

Humarap sa akin ang abogado ng kabilang kampo, at nanlaki rin ang kanyang mga mata. Matagal siyang napatitig sa aking ulo, ramdam ko ang naguguluhan niyang mga mata. Nagpatuloy ang bulungan ng madla, hindi ko maintindihan ang nangyayari. Maging si Reyna Emilya ay nagulat rin sa nangyayari, lahat ay natahimik nang magsalita ang punong-hukom.

"Tumahimik kayo." Nananatili parin itong makalma at mahinahon sa pagsasalita na para bang iniingatan ang kanyang pangalan.

"Paano mo maipapaliwanag iyan?" saad ni Lazaro. Nagtataka ako sa inaaasta ng lahat ng tao. Nanginginig ang aking mga kamay na kinuha iyon at nanlaki rin ang aking mga mata sa gulat. Hindi ako makapaniwala sa aking hawak hawak, nakatitig lang ako rito sa hindi malamang dahilan. Agad nanamang nag-init ang aking mga mata, ngunit agad ko rin itong pinunasan

"I-isang paynetang gawa sa kahoy?" nauutal na tanong ni Abogado Marcus.