Chapter 53: Kabanata 53

Si Mng. Ester

"A-anong nangyayari?" tanong ni Prinsipe Jobel. Maraming tao ang nagsisitakbuhan papalapit sa nasusunog na bahay ilang metro ang layo sa amin. Agad na pinigilan ni Prinsipe Jobel ang isang lalakeng napadaan sa amin, bakas ang pangamba sa kanyang mukha at pinagpapawisan. "Anong nangyayari?"

"Bitawan mo ako!" naiinis na sagot ng lalake at tinanggal ang pagkakahawak ni Prinsipe Jobel sa kanya. Dali-dali siyang tumakbo papalayo at hindi na muling lumingon pa. Ang mga guwardiya sibil at ang Heneral ay nakita ko ring nagmamadaling sinundan ang kinaroroonan ng makapal na usok sa langit.

"A-anong nangyayari?" tanong ko. Hindi umimik si Prinsipe Jobel, bagkus ay hinawakan niya lang ang aking kamay.

"Tara na. Magsisimula na ang paglilitis," saad niya. Binuksan niya ang pintuan ng hukuman dahilan upang pagtinginan kami ng lahat ng naroroon.

Malawak ang hukuman, pabilog ang loob nito at maraming upuan (bleacher) na maaaring gamitin ng sinuman. Nakaupo ang maraming manonood na nakapaligid sa loob ng Basilika, at limampung mga hukom ang nakaupo

sa baba ng tagapagpangulo. Nahahati sa dalawa ang madla, sa kaliwa'y naroroon ang mga pabor at kamag-anak ng mga kabilang panig.

Inilibot ko ang aking paningin at nagulat ako nang mahagilap ko ang mukha ni Prinsipe Aelino na nakaupo sa kabilang panig. Hindi ko maintindihan, ngunit agad kong binawi ang tingin ko sa kanya nang lumingon siya sa akin. Wala akong karapatang iwasan siya, ngunit kailangan.

Lumingon ako sa kanan, napansin ko si Ina'y na nakangitin lamang sa akin, kasama niya sina Ate Jesa at Kuya Jabar. Para bang nahihiya ako, nahihiya ako sa aking mga kapatid dahil sa mga nangyayari. Punong puno parin ng pagtataka ang mga mata ni Ate Jesa, nakatitig lamang siya sa akin. Si Taniel ay nakatuon lang ang tingin sa malayo, para bang ayaw niya akong makita, o si Prinsipe Jobel.

Narito lahat ng aking pamilya bukod kay Itay at Nilo.

Napatingin rin ang hindi kumulang limampung hukom sa amin dahil sa pumasok na liwanang sa pagbukas ng pinto. Si Lazaro, ang aking abogado, ay napatigil rin sa pagkokolekta ng mga dokumento. Si Haring Valenzo ay nakaupo sa taas ng punong-hukom at hindi umiimik.

"Kayo na lamang ang aming hinihintay," saad ni Haring Valenzo.

"Anong ginagawa niyo?!" sigaw ni Prinsipe Jobel sa loob na ikinatinginan ng lahat ng madla. Umaalingawngaw ito sa loob na pumukaw ng maraming atensyon. "Wala ba kayong gagawin?! Nagkakagulo sa labas! Hindi ba't obligasyon niyong proteksyonan ang mamamayan?! Hindi ba't tungkulin ninyong iligtas ang buhay ng nakararami? Bakit nakaupo lamang kayo?! Mga buhay ang nawawala!"

"Tumigil ka. Nagpadala na ako ng mga guwardiya sibil," makalmang sagot ni Haring Valenzo. "Simulan na natin ang paglilitis!"

"Bakit mga guwardiya sibil?! Pinapabayaan mo pong kumalat ang apoy sa mga bukirin! Pinipigilan mo ang pagpasok ng mga tao!" Hiniwakan ko ang pulsuhan niya upang kumalma, napatingin siya sa akin. Halos nanlaki ang mga mata ng lahat dahil sa aking ginawa, maging si Prinsipe Aelino ay hindi rin makapaniwala. Agad kong binawi ang pagkakahawak sa kanya at lumingon kay Taniel, nasa iba ang kanyang atensyon kahit pa man si Prinsipe Jobel na ang sentro ng atensyon.

"Tumigil ka." Malutong na ang mga salitang binanggit ni Haring Valenzo. Pansin kong pinipigilan niya ang kanyang galit sa prinsipe. "Simulan na natin."

"Walang magaganap na paglilitis ngayon," utos ni Prinsipe Jobel na nagmistulang isang punong-hukom. Napatayo ang punong-hukom sa kanyang lamesa at bakas rito ang inis at galit.

"Simulan na natin!" sigaw ng punong-hukom na umaalingawngaw rin sa loob. Tumingin sa akin si Prinsipe Jobel, at tumingin rin ako sa kanya. Para bang lumambot ang aking puso nang ngumiti siya sa akin, napangiti rin ako pabalik.

"Kaya natin ito," bulong niya sa akin sabay ngiti. Lumingon siya kay Haring Valenzo sabay sabi, "Simulan na natin." Taas noong lumapit si Lazaro sa amin, maganda ang kanyang tindig dahilan upang pagtitinginan siya ng maraming kababaihan sa loob. Hindi ko alam kung ang paglilitis ba ang kanilang pakay nila rito, hindi ba nila alam na may pamilya na siya?

"Prinsipe Jobel, bakit kayo natagalan?" tanong ni Lazaro. Nakipagkamay ito kay Prinsipe Jobel at pati na rin sa akin. Hamak itong mas matangkad kaysa kay Prinsipe Jobel kayat napapatingala ito.

"Nahanap niyo ba ang" -napatigil siya at lihim na tiningnan ang paligid, hinihanaan niya ang kanyang boses-" nahanap niyo ba ang resibo?"

"Ah... Oo naman, si Elersa pa." Kinapa ni Prinsipe Jobel ang kanyang bulsa at lihim itong ibinigay sa abogadong si Lazaro. Isinilid niya rin ito sa kanyang bulsa.

"Ito ang magiging pantapat natin," ngumiti si Lazaro at kinindatan kami. Napatingin ako sa mga kababaihang halos mamatay na kakatitig kay Lazaro. Hindi sila pinapansin nito at tila ba alam niya ang kanyang propesyon.

"Kamusta, Binibining Elersa?" pag-aalala ni Lazaro sa akin. Nginitian ko lang siya at sumagot lamang siya ng tango. Talaga ngang kaibig-ibig si Lazaro, kahit batid na ng lahat na siya ay may pamilya na, pinagsasawalang bahala lang nila ito.

"K-kinakabahan." Ngumiti lang siya.

"Umupo ka na roon," saad niya at prinesenta sa akin ang isang upuan sa harap ng mga limampung hukom. Nakasuot sila ng purong puti at magkakatabi na bumubuo ng isang pabilog sa Basilika.

"Simulan niyo na." Napatingin ang lahat sa punong-hukom. "Simulan na ang paglilitis."

Naglakad na si Lazaro sa harapan na ikinatinginan ng marami.

"Magandang hapon sa punong-hukom,"-nagbigay siya sa punong-hukom-" sa mga hukom,"-nagbigay galang siya sa mga limampung hukom-" at sa lahat ng mga manonood." Humarap siya sa maraming tao at ngumiti. Inayos niya ang kanyang tindig at ang kanyang boses lamang ang siyang naririnig sa loob ng Basilika.

Napatingin ako sa kabilang kampo, may isang babae ang walang imik na nakatingin kay Lazaro. Naroroon rin si Reyna Emilya na para bang walang pakialam sa mga nangyayari.

"Ako si Lazaro, ang tatayong abogado ng aking kliyente, si Elersa,"-tumingin siya sa akin-" si Elersa ay nagsimulang maglingkod sa Kastilyo limang araw palang ang nakalilipas. Sa unang tatlong araw ni Elersa sa Kastilyo, siya'y naglingkod sa mga Prinsipe. Ngunit kinalaunan, ay naging katiwala siya ni Haring Valenzo,"- lumingon siya kay Haring Valenzo at ngumiti- "upang maglingkod sa dating Haring si Haring Esmael. Ang krimen ay eksaktong nangyari dalawang araw ang nakalilipas, sa gabing iyon." Nagpalakad-lakad siya sa loob ng korte at tanging ang kanyang yapak lamang ang naririnig.

"Elersa, maaari mo bang ikwento kung anong nangyari bago ang krimen?" Napatingin ang lahat sa akin, ramdam ko ang panginginig ng aking mga kamay. Walang tigil ang patibok ng aking dibdib dahil sa tingin ng maraming tao.

Inilibot ko ang aking tingin, nang magtama ang tingin namin ni Prinsipe Aelino ay wala lang siyang anumang reaksyon. Awtomatikong dapat siyang nasa kabilang panig dahil siya ang nagbayad sa abogado.

"H-hindi ko batid kung anong eksaktong oras nangyari ang krimen, ni hindi ko batid na may nangyaring krimen sa gabing iyon. Ngunit nang mga gabing nangyari ang krimen, nagkagulo sa aming silid,"-napatigil ako at napalunok-"nagtalo po ang ilan sa mga tagapagsilbi." Hindi ko alam kung kailangan ko pa iyong sabihin, napalunok nalang akong muli.

"Ang kanyang sinabi ay nagpapatunay na wala siyang ideya sa mga nangyayari sa Kastilyo. Ang nangyaring pagtatalo sa kanilang silid ay siya ring pagkarinig ng ilang tagapagsilbi sa ikalawang palapag ng malalakas na sigaw." Napangiti si Lazaro at tumingin sa mga limampung hukom. "Papasukin niyo ang saksi."

Napatingin ang lahat nang bumukas ang maliit na pintuan ng hukuman. Lumabas ang matandang babae roon at halos mapatakip ako sa aking bibig dahil sa gulat nang makilala ko ito. Naglakad siya at umupo sa gitna, nakayuko lamang ito at walang imik.

"Si Claire, ang presidente ng lahat ng tagapagsilbi. Maaari ka nang magsimula," saad ni Lazaro. Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita, hindi ko alam kung bakit siya ang isa sa mga magiging saksi sa aking kaso. Nakatingin ang lahat sa kanya nang may halong pagtataka.

"Noong mga gabing iyon, ako'y nasa ikalawang palapag kung saan nangyari ang krimen." Katahimikan ang naghari sa paligid, ang lahat ay para bang gutom na gutom sa kanyang mga susunod na sasabihin. "Noong mga gabing iyon, naghahanda na ako upang matulog nang makarinig ako nang malakas na hiyaw sa labas ng aking silid. Nakarinig ako ng sunod-sunod at malalakas na yapak sa labas, ngunit hindi ko lamang ito pinansin." Itinaas niya ang kanyang ulo at tumingin ng diretso sa akin. Para bang nakakakilabot ang kanyang mga tingin.

"Ilang minuto ang lumipas, napag-isipan kong lumabas muna ng silid at siguraduhing natapos na ang mga tungkulin ng mga tagapagsilbi. K-kinakabahan ako sa mga oras na iyon! Hindi ako makapaniwala sa aking mga nakita, nakita ko ang duguang bangkay ng isang tagapagsilbi sa harapan ng silid ni Reyna Emilya." Lumingon siya kay Reyna Emilya, para bang kalmado lamang ito sabay tinaasan ng kilay ang punong-tagapagsilbi.

"P-plano ko na po talagang siyang tulungan! Naaawa ako sa kanyang kalagayan, humihingi siya ng tulong sa akin ngunit hindi ako makagalaw. Lumapit sa akin ang isang tagapagsilbi at sinabi sa akin ang kaguluhan na nangyayari sa unang palapag, kaya't mas pinili kong pumunta nalang roon," nanginginig na saad ng punong-tagapagsilbi. Hindi ako makapaniwala sa aking mga naririnig, marami na palang nangyari sa mga gabing iyon.