Chapter 52: Kabanata 52
"Anong kailangan niyo?" makalmang tanong ni Prinsipe Jobel, hinimas pa niya ang ulo ng kabayo dahilan upang mas kumalma ito. Inayos niya ang kanyang tindig at umayos ng upo. "Sabihin niyo!" Para bang maiihi na sa gulat ang mga guwardiya sibil, nanginginig pa ang kanilang nga espada habang ito'y kanilang hawak-hawak.
"Hindi ikaw ang pakay ko," sagot niya at lumingon sa akin. Inayos niya ang kanyang pananamit at dahan-dahang lumapit sa akin. Napahinto siya nang ilabas ni Prinsipe Jobel ang kumikinang nitong espada mula sa kanyang likuran. Itinutok niya ito sa Heneral na ikinaalerto ng mga guwardiya sibil.
Agad-agad nilang pinalibutan si Prinsipe Jobel ng matatalas na pilak na mga espada. Lumapit ang Heneral sa akin at halos magkapantay lang kami dahil sa kanyang katangkaran.
"Ikaw nga'y tunay na kaibig-ibig." Hinawakan niya ang ilang hibla ng aking buhok na tumatakip sa aking mukha at isinilid ito sa aking tainga. "Nais ko lamang na tayo'y magkasundo."
Tinapik ko ang kanyang kamay dahilan upang siya'y mapailing-iling habang tumatawa.
"Anong kailangan mo?" deretso kong tanong. Lumabas ang nakakakilabot niyang ngiti na para bang sanay na sa ganitong mga gawain.
"Matapang, walang kinatatakutan, at walang pag-aalinlangan. Sa tingin ko'y magkakasundo tayo." Napahalukipkip siya at napabuntong hininga. "Pwes, hindi ko na ito papatagalin pa,"- binuklat niya ang isang manuskrito- " hindi kita ibinilanggo sa piitan."
"Elersa," paalala ni Prinsipe Jobel.
"A-ano ang iyong ibig iparating?" tanong ko. Lumapit siya sa akin at tiningnan ako nang malalim. Ramdam ko ang seryoso niyang mukha na nagpapakilabot sa akin.
"Kung ninanais mo pang mabuhay, gayon rin ako." Lumayo siya sa akin at nagpalakad-lakad sa paligid, ramdam ko ang kanyang pangamba.
Maraming mga matatayog na damo sa paligid
ang tuyo't patay na, dahilan upang kumain ang ilang kabayo ng mga guwardiya sibil.
"Hindi kita ibinilanggo sa piitan!" sigaw niya at mabilis na itinusok sa lupa ang hawak niyang espada. Nanginginig ang kanyang mga kamay at para bang siya'y hinahabol ng kamatayan.
"Ano bang ibig mong sabihin?" tanong kong muli. "Hindi kita naiintindihan."
Napatingin kaming lahat kay Prinsipe Jobel na nakangisi habang umiiling-iling. Tumingin pa siya sa Heneral at animo'y batid nito ang kanyang kalagayan. Nagkatitigan sila nang ilang segundo at mistula silang nag-uusap sa kanilang mga tingin.
"Hinahabol ka ng batas." Ibinalik ni Prinsipe Jobel ang kanyang espada sa kanyang likuran at dahan-dahang lumapit sa Heneral. Naalarma ang mga guwardiya sibil dahilan upang itapat nilang lahat ang kanilang mga espada sa Prinsipe.
"Hayaan niyo siya," pagpigil ni Heneral Adjiel sa mga guwardiya sibil. Agad na ibinaba ng mga ito ang kanilang mga armas ngunit matalim paring pinapanood si Prinsipe Jobel. Tila ba hinihintay lamang nila ang utos ng komandante upang siya'y salakayin.
"Wala ba kayong kagalang-galang?!" sigaw ni Prinsipe Jobel sa mga guwardiya sibil. "Nais niyong paslangin ang isang Prinsipe sa utos lamang ng isang komandante?! Hindi ba ninyo iniisip ang inyong mga pamilya?!"
"Kamahalan." Nagtitinginan ang mga guwardiya sibil at tila naunawaan nga ang pinupunto ni Prinsipe Jobel. Mas mataas nga ang posisyon ng Prinsipe kung ikukumpara sa isang Heneral. Yumukod at nagbigay galang ang isang guwardiya sibil na sinundan rin ng lahat. Muling ibinalik ni Prinsipe Jobel ang kanyang tingin sa Heneral.
"Naku, naku, naku!" Napahawak pa si Prinsipe Jobel sa kanyang noo at napailing iling. "Isang paglabag sa batas ang pagbilanggo ng isang taong hindi pa napapatunayang nagkasala. Ang mga nasasakdal ay maaaring maghintay sa kanilang tahanan hanggang sa araw ng paglilitis. Maaari ka ngang maparusahan. Hindi mo ba iyon naisip, Heneral Adjiel?"
Hindi makasagot ang Heneral, para bang nais niyang magsalita ngunit tila ba may pumipigil sa kanya. Napahinga siya nang malalim at tila ba may nahugot na katatagan sa kanyang sarili. Bumaba si Prinsipe Jobel sa kanyang kabayo at pinampagan ang kanyang kasuotan.
"Aba! Hindi ba't ito na ang huling araw upang masuot mo ang nga medalyang iyan?" Hinawakan ni Prinsipe Jobel ang mga medalyang nakasabit sa uniporme nito. Nagulat ako nang agad na hinawakan ng Heneral ang kamay ni Prinsipe Jobel at inilayo ito.
"Sinasabi mo bang sasampahan mo ako ng isang walang kabuluhang krimen?!" Tumawa tawa pa ang Heneral na umaalingawngaw sa paligid. "Nais mo ba siyang lamunin ng apoy??" Lumingon siya sa akin. Napatakip ako sa aking bibig nang mabilis na sinuntok ni Prinsipe Jobel ang mukha ng Heneral. Nagpagewang-gewang pa ito at napahawak sa kanyang labing dumurugo. Naalarma ang mga guwardiya sibil at agad na pumalibot sa Heneral.
Napatingin kaming lahat sa kagubatan nang makarinig kami ng mabibilis na takbo ng kabayo. Animo'y lahat ay naestatwa sa kanilang kinatatayuan, hinihintay ang susunod na mga mangyayari.
Lumitaw sa kagubatan ang lalakeng nakasakay sa kabayo, may taklob ang kanyang mukha, at hawak ang isang lumalagablab na sulo (torch) Mabilis niyang pinalibutan ang Heneral at mga guwardiya sibil na animo'y naguguluhan na rin sa nangyayari.
"Umalis na kayo!" Nabosesan ko ang lalake, ngunit hindi ako sigurado. Dahil sa matatayog na tuyong damo, mabilis na naglagablab ang apoy na pumalibot sa mga guwardiya sibil. Mabilis na bumalik ang lalake sa kagubatan, napahinto siya at lumingon sa amin, pagakatapos ay nagpatuloy sa pagtakbo. Ang mga guwardiya sibil ay nagsisigawan dahil sa apoy na nakapalibot sa kanila.
Dali-daling sumakay si Prinsipe Jobel sa kanyang kabayo at sabay naming hinampas ang aming mga siyahan.
Nakakalayo na kami sa apoy na mabilis na gumagawa ng makakapal na usok. Nakakalayo na kami nang agad na nagsilabasan ang mga kabayo mula sa apoy, maging ang karwahe ay tila ba milagrong nakalagpas rito.
Pumasok kami ni Prinsipe Jobel sa isang masikip na eskinita, at ilang metro na lang ang bibilangin upang makarating kami sa hukuman. Maraming mga tao ang nagtitinginan dahil sa mabilis naming pagdaan. Lahat ay napatingala sa makapal na usok na lumilitaw sa himpapawid, mapabata man o matanda.
Huminto si Prinsipe Jobel sa pagpapatakbo, gayon rin ako. Dali-dali niyang inilahad ang kanyang palad sa aking harapan, habang ang isa naman ay nasa kanyang likuran. Nakatitig lamang ako sa kanyang palad, hindi ko alam ang aking gagawin.
Walang pag-aalinlangan kong hinawakan ang kanyang palad at tinulungan niya akong bumaba ng kabayo. Napatingin kami sa isa't isa, hindi ko alam ngunit nanginginig ang aking palad nang bawiin ko ito. Maging siya ay para bang hindi komportable sa kanyang ginawa at napakamot pa sa kanyang ulo.
Napatigil ang lahat ng karwahe sa kalsada at lahat ng mga tao ay napatigil sa kani-kanilang mga ginagawa. Sabay sabay na tumingala ang lahat sa kalangitan nang may makapal na usok ang mabilis na tumataas. Hindi ito nagmumula sa kagubatan, kundi sa kabilang direksyon.
"Nasusunog ang mga bahay sa bukirin!" sigaw ng isang lalake. Napansin ko ang ilang daan papunta sa bukirin ngunit lahat ay bantay-sarado ng mga guwardiya sibil. Pinipigilan nila ang pagpasok ng mga tao na nagkakagulo na dahil rito.
"Papasukin niyo kami!" iyon lamang ang siyang aking naiintindihan mula sa malayo.
Nagtutulakan ang iba ngunit hindi ito sapat upang makalagpas sila sa mga guwardiya sibil.
Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtanto ko kung saan nanggagaling ang makakapal na usok.
Si Mng. Ester