Chapter 51: Kabanata 51

W-WALA na si Nilo," ulit ko. Pinunasan ko ang namumuong luha sa aking mga mata at huminga nang malalim, pilit kong pinapakalma ang aking sarili. Muli kong tinanaw ang malayo at patag na Lupain ng Dero, inaasahang masisilayan kong muli ang aking kapatid kahit sa mga huling sandali na lamang.

"Tama ang iyong naging desisyon, Elersa." Pinapanood niya ang mga nagtatampisaw at nagtatawanang mga tao sa ilog, tila malalim ang kanyang iniisip. Bakas rin sa kanyang mga mata ang pagod buong araw, mukhang wala siyang tulog at sapat na pahinga.

"Sa tingin mo, tama ba ang aking naging desisyon?" Lumingon ako sa kanya. Pinaikot ko ang kabayo at nagsimula nang palakarin pabalik sa Kastilyo. Sumunod rin siya at humabol sa aking tabi.

"Oo. Kailangan ni Nilo ng agarang lunas sapagkat malala ang kanyang kondisyon. May tiwala ako sa doktor kong kakilala at pumapayag siyang gamutin ang iyong kapatid hanggang siya'y gumaling." Lumingon siya sa akin, marahan at dahan-dahan lamang na naglalakad ang aming mga kabayo. "Kailangan mo ring malagpasan ang kasong ito, Elersa. Hindi lamang ang iyong kapatid ang nasa bingwit ng kamatayan. Sa tingin mo, matutuwa kaya siya kung malalaman niyang.... wala ka na?"

"M-matagal ba ang gamutan? Kailan kami muling magkikita?" tanong ko, hindi parin maitatanggi na narito parin ang sakit sa aking dibdib. Napahawak ako nang mahigpit sa siyahan ng kabayo, pilit kong pinipigilan ang aking luha. Napabuntong hininga akong muli at napapikit upang mapigilan ang aking nararamdaman.

"Magtatagal ito ng ilang taon upang siya'y malunasan. Sabihin nating... anim na taon." Napatigil ako sa pagpapalakad ng kabayo, ngunit nagpatuloy muli. Para bang paulit ulit akong sinasaksak, ang bigat ng aking balikat. "Hindi pa natutukoy ang kanyang sakit."

Tumingala ako sa puting bituin na nagniningning sa tabi ng hindi pa nabubuong buwan. May kaunting liwanang pa ang sanlibutan, at nag-aaagaw ang liwanag at kadiliman.

"Ano sa tingin mo? Pagkalipas kaya ng ilang libong taon ay ganito parin ang makikita sa kalangitan tuwing gabi? Hindi ba ito magbabago?" Tumingala rin siya sa kalangitan, at napatitig sa agaw-atensyong bituin na kulay puti. "Pagkalipas kaya ng libong taon, mahahanap na ang kasagutan sa kanyang sakit?"

"Hindi nagbabago ang kalangitan," sagot niya. Napatingin ako sa kanya nang may pagtataka, tinaasan ko rin siya ng kilay.

"Ang buwan, ang araw, at ang mga bituin ay may sinusunod na proseso sa bawat araw, buwan, at taon. Ngunit ito'y paulit-ulit lamang, walang katapusan."

"Sinasabi mo bang makikita ko parin ang mga bituing ito pagkalipas ng ilang libong taon?" Tumango siya bilang pagsang-ayon. Puno parin ako ng kuriyosidad sa kanyang sinasabi. "Isa ka bang astrologo? Sabihin mo ang katotohanan."

"Bakit? Nais mo bang mabuhay ng libong taon upang iyan ay mapatunayan? At hindi ako isang astrologo, ako'y malapit lamang sa kanila." Liningon niya ako. "Nakuha mo ba ang resibo?"

"Oo." Kinapa ko sa aking bulsa ang piraso ng papel at iniabot sa kanya. "Bilisan natin, tiyak na hinihintay na nila tayo." Isinilid niya ang resibo sa kanyang bulsa at hinampas ang siyahan ng kabayo dahilan upang mas tumakbo ito nang mas mabilis. Nauna na siya sa pangunahing daan at napapatingin rin ang ilang mga tao sa kanya. Hindi niya suot ang kanyang korona, kaya't hindi siya masyadong namumukhaan ng mga tao.

"Bilis, kaibigan!" sigaw ko at mabilis na sumunod sa kanya. Hindi pa nagliliwanag ang mga poste sa mga daan at kabahayan, maliwanag parin ang paligid. Maraming mga magsasaka ang dumaragsa sakay ng mga karwahe, ang ilan ay may mga dalang produkto. May ilang mga bata ang nagsihintuan sa pagtawid ng kalsada nang ako'y makita, nginitian ko sila.

Naabutan ko si Prinsipe Jobel sa daan, liningon niya ako ngunit agad ring ibinalik ang tingin sa kanyang dinaraanan. Dumaan siya sa isang masikip na eskinita sa pagitan ng mga kabahayan, agad ko siyang sinundan.

"Pabilisan tayo?" tanong niya sa akin. Ngumiti ako, mas magiging madali at mabilis ang pagdating namin sa hukuman dahil sa kanyang ideya. Maraming mga kababaihan ang gulat at dali-daling pumagilid dahil sa aming pagtawid. Mula sa kalayuan, ay natanaw ko na ang kagubatan. Nag-iiwan ng makapal na alikabok ang bawat mabibilis na yapak ng kabayo sa aming nadaraanan dahilan upang mapatakip sa bibig ang ilan.

"Sige," sagot ko.

Ngumiti siya sa aking kasagutan, hinampas niya nang napakalakas ang siyahan ng kabayo at sumigaw, "Hiya!"

Hinampas ko rin nang dalawang beses ang siyahan ng kabayo dahilan upang mas bumilis ito. Maraming pasiko-siko ang aming dinaraanan at nahihiya na rin ako dahil sa mga nagtitinginang mga tao. Nakakatakot ang kanilang mga tingin na animo'y anumang oras ay ililibing na nila ako nang buhay.

"Bilisan mo, Elersa!" sigaw niya na nauuna sa akin. Narating na namin ang kagubatan kung saan magiging madali at mabilis ang aming paglalakbay papunta sa hukuman.

"Nais mo ba ng mabilis?!" sigaw ko rin. Nginisian ko siya habang napapayuko dahil sa bilis ng takbo ng kabayo. Nalagpasan ko siya na kanyang ikinangiti. Nginitian ko rin siya at tinaasan ng kilay na para bang sinasabing 'Oh? Ano ka ngayon?'

"Ikaw ba'y nakikilahok sa mga paligsahan?!" Sumisigaw siya sapat upang aking marinig ang kanyang sinasabi. "Tiyak na lagi kang nagwawagi!"

"Hindi. Wala akong kabayo!" Nalagpasan niya ako dahilan upang mapatawa siya ng palihim.

Natatanaw na namin mula sa malayo ang mataas na bubong ng hukuman, parang bang bawat paglapit ko rito ay aking ikakamatay. Ngayong hapon nakasalalay ang aking buhay.

"Sayo na si Perlo! Ayaw mo ba, Ele-" Napahinto kami sa pagpapatakbo nang may mabilis na humarang sa aming isang karwahe, may ilan ring guwardiya ang agad na pumalibot sa amin. Tumaas ang dalawang harapang binti ng aming kabayo dahil sa gulat at humahalinghing dahilan upang mapaaatras ang ilang guwardiya sibil.

"Anong pakay niyo?! Sabihin niyo?!" sigaw ni Prinsipe Jobel.

Nagkatinginan pa ang mga guwardiya sibil.

"Prinsipe Jobel... Kamangha-mangha ang iyong tapang!" Tumalon ang Heneral palabas ng karwahe. Nakahalukipkip ito at tumingala kay Prinsipe Jobel na nakaupo sa matangkad na itim na kabayo. "Ika'y maghinay-hinay."

Tinaasan ni Prinsipe Jobel ng kilay ang Heneral.