Chapter 50: Kabanata 50

"Kayo ba'y naglaba na ng aming mga damit? Nasaan po sila? Maaari mo bang sabihin?" sunod-sunod na tanong ni Prinsipe Jobel na para bang hindi makahintay sa sagot ng babae.

"N-nandoon po sila sa unang palapag, sa isang silid malapit sa kusina." sagot ng serbidora na hindi matanggal ang kanyang tingin kay Prinsipe Jobel.

"Salamat, salamat, salamat."

"Walang anuman po, Kamahalan. A-aalis na ho ako," sagot ng babae at dahan dahang naglakad papalayo, nang makalayo na siya ay dali-dali siyang tumakbo na para bang kinikilig.

Mabilis kaming bumaba sa unang palapag ngunit wala kaming nadatnang mga damit sa silid na sinabi ng aming napagtanungan. Mga naglalakihang basket na walang laman ang siyang nakita namin sa loob.

Nagkatinginan kami ni Prinsipe Jobel, hindi na namin alam ang gagawin, tumatakbo na nang mabilis ang oras. Ilang oras nalang ang bibilangin at magsisimula na ang paglilitis. Isinara namin ang pinto ng silid at laking gulat naming dalawa nang bumungad sa amin si Inay.

"I-Inay!" Agad ko siyang yinakap.

"Anak! K-kamusta ka?!" Ramdam ko ang mahigpit niyang yakap, para bang isang taon kaming hindi nagkita. Ang init ng aming mga yakap ay dama ng isa't isa. Rinig ko ang mahihina niyang hikbi sa aking balikat.

"Wag ka pong mag-alala. Mabuti po ang aking kalagayan. Si Nilo, Inay? K-kamusta na ang aking kapatid?" Akmang kakawala na ako sa pagkakayakap ngunit muli niya akong hinatak at yinakap muli.

"Wala bang masama sayo?! Sinaktan ka ba nila? Sabihin mo." Ramdam ko ang kanyang pag-aalala habang sinusuri ang aking katawan.

"Si Nilo ho, Inay?" ulit ko ngunit tila hindi niya ako naririnig. Abala parin siya sa pagsusuri sa aking katawan na animo'y talagang nag-aaalala siya sa akin. Hinawakan ko ang kanyang dalawang balikat upang harapin siya. Nagulat siya sa aking ginawa, napatitig nalang kami sa isa't isa. Tila nag-uusap ang aming mga mata sa mga oras ngayon.

"W-wala na siya." Agad kong nailayo ang aking mga kamay sa kanyang balikat. Para bang gumuho ang aking mundo sa tatlong salitang kanyang binitawan. Ang aking mga mata ay may namumuo nang luha at ang aking dibdib ay parang walang tigil na tinutusok ng mga pako.

"A-ano pong ibig niyong sabihin?" Lumuha rin si Inay.

"P-patawad." Iyon lang ang kanyang sinabi. Hindi ko siya maintindihan, patuloy lang siyang lumuluha na para bang naguguluhan. Nagsimula na akong lumuha, hindi na mapigil ang aking mga luha.

"Ano ngang ibig niyong sabihin?! W-wala na siya?! Anong wala na siya?! Hindi maaari!" Hindi ko na maiwasang magtaas ng boses habang hinahanap ang mga kasagutang nais kong marinig sa bibig ng aking Ina. Maraming mga bagay ang naglalaro sa aking isipan, mga konklusyon at ideyang parang nagpapabigat sa aking dibdib.

"Nagtungo na siya sa Judea."

"P-papaano? Anong nangyari?!" Lumayo ako kay Ina, ang aming mga boses lamang ang umaalingawngaw sa loob.

"Patawarin mo ako, Anak!" Pumikit siya at napatigil sa pag-iyak. Ramdam ko ang paghihinagpis ng kanyang mahihinang hikbi. "K-kailangan niyang tumungo roon, aalagaan at lulunasan siya ng kanyang doktor. Makakabalik rin siya pagkalipas ng mga... taon."

"Bakit hindi niyo sinabi sa akin?! Nasaan na po siya?! Hindi pa naman siya nakalalayo diba?!" Akmang lalayo at tatakbo na ako palabas ng Kastilyo nang hawakan ni Prinsipe Jobel ang aking kamay. "Bitawan mo ako. Kasalanan mo lahat ng ito!"

"Pakiusap, Elersa. Tumigil ka na!" Yinakap ako ni Prinsipe Jobel mula sa likuran dahilan upang hindi ako makagalaw. Tanging ang mga sigaw ko lamang ang naririnig sa loob ng Kastilyo. "Pakiusap."

"Bitawan mo ako!" Pilit akong kumakawala sa kanyang pagkakayakap, walang tigil ang luhang dumadaloy sa aking mukha. Hindi maaaring maihiwalay si Nilo nang ganoon lamang, wala siyang kamalay-malay sa mga nangyari. Hindi maaaring magising nalang siya sa tahanan ng ibang tao. Kailangan niya kami, kailangan niya kami dahil kami ang kanyang pamilya.

Nakawala ako sa pagkakayakap ni Prinsipe Jobel, dali-dali akong tumakbo papalabas ng Kastilyo. Maraming mga tagapagsilbi ang tumitingin sa akin ngunit tila hindi ko ito napapansin. Pinunasan ko ang aking mga luha gamit ang likod ng aking palad, binuksan ko ang pintuan ng Kastilyo at walang pag-aalinlangang sumakay sa kabayo.

"Tumigil ka, Elersa!" sigaw ni Prinsipe Jobel mula sa loob. Hinampas ko ang siyahan ng kabayo dahilan upang tumaas ang mga paa nito sa harapan. "Elersa!"

Pinatakbo ko nang mabilis ang kabayo sa malawak na hardin, ang bawat hakbang na nagagawa ng kabayo ay nagpapabigat sa akin. Napansin kong nakabukas ang lagusan dahil sa isang karwaheng papalabas ng Kastilyo, dapat akong makalusot rito.

Isang malakas na sigaw ang umaalingawngaw sa buong paligid na mas nagpaalarma sa akin, "Isara ninyo ang lagusan!"

Nanginginig na ang aking kamay habang mahigpit na nakahawak sa siyahan ng kabayo. Muli ko itong hinampas na mas lalong nagpabilis rito, nakalabas na ang karwahe at mabilis na lumapit ang mga guwardiya sibil sa lagusan.

Para bang kailangan kong tawirin ang butas ng sinulid, bumababa nang napakabilis ang lagusan na gumagawa rin ng malakas na tunog. Yumuko ako dahil sa papalapit at papabilis na pagtakbo ng kabayo sa lagusan. Bago pa man ito magsara ay mabilis na akong nakalabas rito.

Pinahinto ko saglit ang kabayo at tumingin sa Kastilyo. Nakatayo si Prinsipe Aelino at Jaime sa balkonahe habang nakatingin sa aking gawi. Mabilis na lumabas si Prinsipe Jobel sa Kastilyo at sumakay sa itim na kabayo. Hinampas niya ang siyahan nito at nagsimula na niya itong patakbuhin nang mabilis.

Bumubukas na ang lagusan, papalapit na sa akin si Prinsipe Jobel, at sa tingin ko'y papalayo na ang karwaheng sinasakyan ni Nilo papunta ng Judea. Tatlong beses kong hinampas ang siyahan ng kabayo, tumaas ang mga binti nito sa harapan kasabay ang malakas na halinghing nito. Tinahak ko ang maalikabok na daan, maraming mga sasakyan at mga hayop ang aking nadaraanan ngunit hindi ito nagpapatinag sa akin.

Kailangan kong maabutan si Nilo, kailangan kong pigilan ang karwahe. Hindi niya kayang mag-isa lalo na sa kanyang kalagayan. Maraming mga kabahayan ang aking nadaraanan, lahat ay napapatingin sa akin. Patuloy ako sa pagpapatakbo ng kabayo sa mataong kalsada.

May napadaang kariton na puno ng mga ubas, agad itong napahinto nang ako'y makita. Napahinto rin ang maraming karwahe at mga hayop sa daan dahil sa mabilis na takbo ng kabayo.

Isang oras kong tinahak ang pangunahing daan papunta sa isang malawak na lupain. Kumakaunti na rin ang mga kabahayan na aking nadaraanan, maging ang hangin ay lumalamig. Napahinto ako at tinanaw ang malawak na lupain, dito lamang ang daan palabas ng unang distrito ng Kaharian. Hinampas ko muli ang siyahan ng kabayo at mabilis na tinahak ang Lupain ng Dero.

Wala man akong makitang anumang senyales ng karwahe ay patuloy parin ako sa paglalakbay. Nadaanan ko ang isang mahabang ilog na puno ng mga kababaihang naglalaba ng kanilang mga kasuotan. May ilan ring mga kalalakihan na naliligo kasama ang kanilang mga alagang-hayop.

Hinampas ko ng ilang beses ang siyahan ng kabayo dahilan upang mas bilisan nito ang pagtakbo. Ang bawat yapak ng kabayo ay sumasabay sa pintig mg aking puso, ang bawat talon nito ay sumasabay sa pagtulo ng aking mga luha.

"Nilo!" Sumigaw ako na umaalingawngaw pa sa malawak at walang laman na lupain. Pinahinto ko ang kabayo at inilibot ang aking paningin sa paligid. Mula sa malayo, namataan ko ang isang karwahe na naglalakbay papunta ng Silangan.

Kailangan ko silang mahabol, kailangan ko silang mapigilan.

Akmang patatakbuhin ko na ang kabayo nang makita ko ang mga serbidora ng Kastilyo na papalapit sa ilog. Bitbit nila ang malalaking basket na kinalalagyan ng mga kasuotan ni Prinsipe Jobel. Napansin ko ang isang damit na bitbit ng isang serbidora, mainhahalintulad ito sa damit na kanyang ginamit sa bahay-inuman.

Maaaring roon nakalagay ang resibo ng aming biniling inumin.

Napatingin ako sa papalayong karwahe lulan ang aking kapatid, papalayo na ito at unti-unti nang nawawala sa aking presensya. Pinatakbo ko ang kabayo upang habulin ang karwahe ngunit napatigil ako nang mapansin kong papalapit na rin ang mga serbidora sa ilog.

Kailangan kong pigilan ang karwahe.

Kailangan kong pigilan ang mga serbidora.

"Tumigil kayo!" sigaw ko na umaalingawngaw sa buong Lupain ng Dero. Napatingin ang lahat sa akin, lahat ay napatigil sa kanilang mga ginagawa. Tila hindi narinig ng mga serbidora ang aking sigaw, papalapit na sila sa ilog. Agad kong pinatakbo ang kabayo papalapit sa kanila at dali-daling bumaba upang sila'y pigilan.

Agad kong hinawakan ang kamay ng babae, nagulat siya nang ako'y makita.

"Maaari ko ba itong kunin?" Itinuro ng aking mga mata ang hawak niyang basket, napakurap pa siya ng dalawang beses at tumango. Dali-dali kong kinuha ang damit ni Prinsipe Jobel na kanyang ginamit dalawang gabi na ang nakalilipas. Kinapa ko ang mga bulsa nito at nakapa ko ang isang piraso ng papel.

Nakuha ko na ang resibo.

Agad ko itong ibinulsa. Ibinalik ko sa kanya ang damit at nagpasalamat. Mabilis akong sumakay ng kabayo at akmang papatakbuhin ko na ito ng mapagtanto kong wala na ang karwahe. Wala na ang karwaheng lulan ang aking kapatid, pinalibot ko pa ang kabayo upang makita ang buong Lupain ng Dero.

Wala na ang aking kapatid.

Napansin ko ang itim na kabayong lulan si Prinsipe Jobel, parang naninikip ang aking dibdib. Huminto siya at ilang metro ang aming pagitan. Nakatingin lang kami sa isa't isa, ang aming mga mata ay bakas ng pagod na aming dinanas sa buong araw.

Dumaan ang malamig na simoy ng hangin na nagpalangoy sa balahibo ng aming mga kabayo. Ang araw ay nagsisimula nang bumaba at natatamaan nito ang tubig ng ilog na nagpapakinang rito. Ang mga tao ay nagtatawanan at masayang nagtatampisaw sa malamig na ilog, ang mga ibon sa himpapawid ay naglalakbay sa isang magandang hugis.

Hindi na mapigil ang dahan dahang pagtulo ng aking luha, kasabay ang malamig na simoy ng hangin na sakin ay nagpapaginaw. Dahan-dahang naglakad ang kabayo ni Prinsipe Jobel papunta sa aking tabi. Sabay naming pinanood ang kahel na araw na bumababa sa Kabundukan ng Valbwe habang nakasakay sa aming mga kabayo.

Lumingon siya sa akin.

"Magsisimula na ang paglilitis."

"Wala na si Nilo."

***