Chapter 49: Kabanata 49
"Hindi natin alam. Ang mga nasa itaas lamang ang nakakaalam nito. Maaaring ginagawa nila ito para sa kapakanan ng nakakarami." Napatigil kami nang sumilip si Marcello sa silid, lahat ay napatingin sa kanya. May hawak siyang tsokolate sa kanyang kaliwang kamay at abot tainga ang ngiti.
"Marcello!" sigaw ng kanyang Ama.
"Dumating na po sina ate!" masiglang wika ni Marcello. Agad na naalerto si Lazaro at inayos ang kanyang tindig, dali-dali siyang lumabas ng silid at inilibot ang kanyang tingin sa loob ng bahay. Sumunod rin kami ni Prinsipe Jobel na lumabas ng silid upang magbigay ng paggalang sa kadarating na mag-ina.
"Caecillia!" sigaw ni Lazaro. Lumuhod siya sa sahig at yinakap ang batang babaeng mabilis na lumapit sa kanya. Sa tingin ko'y nasa siyam na ang kanyang gulang. "Kamusta sa Italya?"
"Ang ganda, Itay!" magiliw na sagot ng kanyang anak. Lumapit ang isang babae sa likod ng bata at tinanggal ang kanyang kulay pulang talukbong. Nabahiran ng pulang likido ang kanyang labi at simpleng kolorote sa kanyang mukha. May suot siyang gintong hikaw at singsing na may pulang bato sa gitna nito. Nakasuot siya ng mataas na pulang sandalyas dahilan upang madadagdagan ang kanyang taas.
"Bumili ka nanaman ng pulang rosas, hindi ba't marami nang ganyan sa iyong hardin? Tumayo si Lazaro at binuhat ang kanyang anak. "Siya nga pala, ang aking mga kliyente."
Tinaasan niya kami ng kilay na animo'y taas na taas sa sarili. Lumapit ang kanyang asawa sa kanya at may ibinulong na kanyang ikinagulat. Agad siyang ngumiti sa amin lalo na kay Prinsipe Jobel.
"Kayo ba'y nananghalian na? May binili ako sa Roma, tiyak na magugustuhan niyo ito." Nagkatinginan kami ni Prinsipe Jobel.
"Salamat, ngunit kailangan na naming umalis," sagot ni Prinsipe Jobel. Kinuha niya ang kanyang sumbrero sa upuan at inayos ito. "Magpapaalam na kami."
"Sigurado ba kayo riyan? Baka nais niyong makisalo sa amin?" pag-aalok ni Lazaro. Sabay kaming umiling ni Prinsipe Jobel.
"Magbabaon nalang ako nito." Kumuha si Prinsipe Jobel ng isang tsokolate at dere-deretsong naglakad palabas ng bahay. Nagbigay galang ako sa pamilya at sumunod kay Prinsipe Jobel sa labas.
"Mag-iingat kayo! Wag ninyong kakalimutan ang resibo!" paalala ni Lazaro. Inabutan ako ni Prinsipe Jobel ng piraso ng tsokolate at tinanggap ko ito. Matirik na ang araw nang kami'y lumabas, mainit na ang paligid at natuyo na ang maputik na lupa. May mga dumaarang karwahe na nagpapaalikabok sa kalsada, may mga ilang bata na rin ang masayang naglalaro sa daan.
"Saan na tayo tutungo?" tanong ko, nauuna siyang naglalakad. Pumitas siya ng pulang rosas sa hardin nina Lazaro at ibinigay sa akin. "Para saan ito?"
"Kainin mo." Hinampas ko ito sa kanyang ulo dahilan upang damdamin niya ito.
"Kung ginamit lang sana natin ang kabayo kanina, tiyak na hindi na tayo maglalakad ngayon pabalik sa Kastilyo," pagrereklamo ko. Hindi niya ako inimik, sinusundan ko lamang siya patungo sa pamilihan. Marami rami paring mga tao sa pamilihan na animo'y hindi ito nauubos. Kaliwa't kanan ang tilaok ng mga manok na nakasilid sa mga kulungan.
Natanaw na namin ang kanyang kabayo na natutulog sa isang silong sa tabi ng isang pwesto. Agad siyang tumakbo papalapit rito at ito'y ginising.
"Gising na, Perlo." Yinugyog niya ang ulo ng kabayo na mabilisang tumayo, lumapit ako sa kanila.
"Mabuti't walang nagnakaw sa kanya," wika ko.
"Pinabantayan ko siya." Abala siya sa pagtatanggal sa pagkakatali ng kanyang kabayo. Kumuha rin siya ng isang karot sa supot na nakasabit sa likod nito. Nang matanggal niya ang tali nito, ipinalibot niya ito sa kanyang balikat. "Tayo na."
Sumakay siya sa kabayo na napaika-ika pa sa paglalakad. Inilahad niya ang kanyang palad sa akin na agad ko ring tinanggap. Mabilis naming tinahak ang daan patungo sa Kastilyo, may ilang ring mga tao ang napapatingin sa amin. Ang bawat yapak ng kabayo ay nag-iiwan ng alikabok sa aming nadaraanan.
"Saan mo ba iyon inilagay?!" naiinis kong tanong, kanina pa namin kinakalkal ang kanyang silid. Napaupo ako sa kama at napahinga nang malalim, hindi ito ang unang nakapasok ako rito.
"Dito ko lang inilagay ang aking damit noon." Inihagis niya lahat ng mga damit sa sahig mula sa kanyang aparador. Napahilamos nalang siya at napabuntong hininga. "Resibo, nasaan ka na ba?"
"Magpahinga ka muna." saad ko. Napatingin siya sa akin at dahan-dahang tumabi sa akin sa kanyang kama. Inihiga niya ang kalahati ng kanyang katawan habang siya'y nakaupo sa aking tabi. "Salamat."
Bumalik siya sa pagkakaupo at hindi umimik.
"Bakit mo ginagawa ito?" tanong ko, hindi ko maiwasang mapaisip sa kanyang mga ginagawa. Hindi siya sumagot, tumayo siya at naglakad papalapit sa bintana ng kanyang silid. "Bakit mo ako tinutulungan?"
Pumasok ang malamig na simoy ng hangin sa loob, kita sa labas ang mga bundok at mga ilog sa kagubatan. Nakatingin lang siya sa labas na animo'y malalim ang iniisip.
"Hindi ko alam." Lumingon ako sa kanya. Maaliwalas ang kanyang mukha, nakapagpalit na siya ng kanyang kasuotan, at maayos na ang kanyang tindig. Ang simoy ng hangin ay nagpapalangoy sa kanyang buhok, at nakikita ko ang kanyang mga matang may repleksyon ng asul na kalangitan.
Hindi ko alam ngunit kinabahan ako nang tumingin siya sa akin. Agad siyang ngumiti sabay sabi, "Naglaba na ba ang mga serbidora?"
"Tama! Kailangan natin silang makausap!" Agad akong tumayo at inayos ang aking pananamit. "Ang iyong Lolo, may nag-aalaga ba sa kanya nang ako'y nawala?"
"Hindi siya makatulog nang maayos. Maraming mga bagay ang kanyang sinasabi, ginugulo siya ng kanyang mga panaginip," - napatigil siya at napabuntong hininga- "darating ang mga manghuhula mamaya."
"Mga manghuhula? Ano ang kanilang papel sa kanyang kalagayan?" tanong ko.
"Nais ni Ama na malaman ang mga bagay na napapaginipan ni Lolo. Kagabi, dumating ang mga astrologo mula sa silangan. Nakakita raw sila ng pulang bituin sa pagitan ng dagat at kalangitan nang lumubog ang araw." Tumingin siya nang matalim sa akin. "Magiging madugo raw ang mga susunod na taon."
Para bang kinalabutan ako sa kanyang winika.
"K-kaunti na ang oras natin, kailangan na nating hanapin ang resibo," paaalala ko. Naglakad ako palabas ng kanyang silid at siya nama'y sumunod sa akin. May napadaang tulad kong serbidora na agad na pinigilan ni Prinsipe Jobel.
"Maaari ho bang magtanong?" Napatigil ang babae at gulat na napatingingin sa amin. "Pakiusap."
"M-maaari po, P-prinsipe Jobel." Dali-daling siyang nagbigay galang at bakas sa kanyang tono ang kaba. Umiiwas siya ng tingin sa tuwing nagtatama ang kanilang mga tingin ni Prinsipe Jobel.
"Ano po iyon, Kamahalan?"