Chapter 4: Kabanata 4
"KAMUSTA ang inyong panonood?" tanong ni Ate Jesah habang inililigpit ang mga karne ng ugsa na kaniyang ibinilad kanina. Hindi siya nanonood at nanatili lang siya sa loob ng bahay kasama si Nilo."Maganda naman Ate," sagot ko habang nakapatong ang aking ulo sa dalawa kong palad at tinitingnan ang Kastilyo mula sa aming bintana. Tanghaling tapat na.
"Napusuan mo ba sila?" tanong ni Ate na ikinabigla ko."H-hindi ko alam ate Jesah," nauutal kong sagot. Napatingin naman ako sa kanya na dumeretso na sa kusina. Naguguluhan ako kasi hindi pa siya naghahanap ng kanyang mapapangasawa gayong tumatanda na siya at matagal nang habilin ni Ina na ang mga nakakatanda naming kapatid ang unang mag-aasawa bago kami, dahil ito na ang nakabihasnan ng lahat, sa madaling salita ay tradisyon.
Di ko alam kung may balak si Ate Jesah na mag-asawa at hinihintay lang namin ni Ina ang kanyang sagot nang ako na ang mauunang magpakasal sa isang lalakeng aking maiibigan. Nagulat naman ako ng pumasok si Ina na may ngiti sa labi.
"Anak! Naghahanap sila ng mga mananayaw sa pagsasalo mamayang gabi, nais kong sumali ka anak," bungad sa akin ni Ina na ikinabigla ko.
"A-ano po? H-hindi ko po alam
sumayaw," nauutal kong sagot at bakas sa aking pagsasalita ang kaba at pagkabigla. Hinawakan naman ni Ina ang aking balikat.
"Halika, may oras pa. Tuturuan kita," nabigla ako sa sagot ni Ina. Ni isang sayaw ay wala akong kaalam-alam.
***
NANDITO ako ngayon sa hardin ng palasyo mag-isa habang pinipitas pitas isa isa ang talutot (petals) ng mirasol (sunflower), at nakaupo sa damuhan. Di ako makapasok loob ng Kastilyo, nauunahan ako ng kaba at ng di ko maintindihang pakiramdam. Maging ang aking puso ay kumakalabog nang napakalas at tila may lumilipad na mga paru-paro sa aking tiyan.
Katatapos lamang ng paglubog ng araw ngunit tanaw na sa langit ang hindi pa nabubuong buwan maging ang mga umuusbong nang lumiwanag na mga bituin. Maraming gasera ang nakapalibot sa hardin na nagbibigay liwanag sa paligid kasabay ang halimuyak ng mga bulaklak na may iba't ibang hugis, kulay, at laki.
Nataranta ako nang mabilis na nagsigalawan ang mga matataas na bulaklak na para bang may gumagapang na isang bagay o hayop sa ikailaliman ng mga ito. Napatayo ako sa takot nang papalapit ito ng papalapit sa aking kinaroroonan, maging ang aking puso ay tila gusto nang lumabas sa aking katawan.
Diyos ko, ano iyon?!
Hindi ko namalayan na tumatakbo na nang kusa ang aking mga paa sa damuhan. Napatigil nalang ako nang wala na akong mahanap na daanan at nasa aking harapan ang mataas na pader ng Kastilyo. Napasandal ako sa pader sa takot at lumitaw sa kadiliman ang pulang mga mata ng diko matukoy na nilalang na tila gustong agawin ang aking buhay. Sa ilalim naman ng puno ng hardin ay may isang taong lumitaw na diko matukoy ang pagkakakilanlan na para bang nagsasanib pwersa silang ako'y ipahamak.
Lalong bumilis ang tibok ng aking puso nang humakbang nang tatlong beses ang lalake at nang matamaan ng liwanag ng buwan ang kanyang mukha ay siyang pagkatulala ko.
"Nandito ka lang pala sa hardin aking kaibigan," bulong ni Prinsipe Aelino at dahan dahang humakbang sa tinatawag niyang kaibigan. Agad niyang dinakma ang pusa?! Napahinga ako nang malalim at napatawa nang makita kong isa lang palang maliit at kagiliw giliw na pusa ang humahabol sa akin.
"Sino ka?! May tao ba riyan?" hindi ko akalaing maririnig niya ang aking malakas na pagtawa. Hindi niya yata alam kung nasaan ako nagtatago. Kung tutuusin ay tinakot nila ako, sa tingin ko ay ako naman dapat ang magbigay takot sa kanila.
Kailangan kong bumawi!
Inilagay ko sa aking harapan ang mga hibla ng aking buhok at isinuot aking talukbong na umabot sa aking mga mata. Humakbang ako nang apat na beses at tumapat sa akin ang liwanang ng buwan.
Natatawa ako sa mukha ng prinsipe at maging ang kanyang pusa ay bakas rin ang takot. Nang makita nila ako ay napahinga ng malalim ang prinsipe at ako nama'y inayos ang aking buhok at talukbong habang patuloy paring naglalakad sa hardin na tila ba walang nangyari. Napatigil ako nang magsalita ang prinsipe.
"S-sino ka?" nauutal na sagot ng prinsipe. Humarap naman ako sa kanya at diretso siyang sinagot.
"Patawad po Prinsipeng Aelino ngunit ang iyong halimaw na---" napatigil ako sa aking sinasabi at napatingin sa hawak nitong pusa. Napakunot naman ang kanyang noo na tila ba nagtataka sa aking kinikilos. Iniisip niya ba na isa akong magnanakaw?
"H-hinabol po ako ng kaibigan niyong pusa," pagpapatuloy ko. Agad akong yumuko at nagbigay galang upang umalis. Tumalikod ako at naglakad papasok sa loob ng Kastilyo kung saan gaganapin ang malakihang pagsasalo ng mga kilalang persona mula sa taga singil ng buwis hanggang sa dakilang Haring si Valenzo. Papasok palang ako sa Palasyo ay dumarami na ang mga tao, maging ang mga musika ay lumalakas rin mula sa loob.
Tinanggal ko ang aking sandalyas at naghugas ng paa bago pumasok. Sa kalapit ng pinto ay may mga malilinis na sandalyas na maaring gamitin ng sinuman. Agad akong kumuha ng pares na aking kasukat at isinuot ito. Mula pa lamang sa malayo ay nakikita ko na ang mga kababaihang makakasama ko sa pagsayaw. Agad ko namang nakilala ang isa.
"Abela!" sigaw ko na ikinalingon niya. Agad namang nabuo ang ngiti at tumatakbong lumapit sa akin at agad akong hinagkan.
"Kamusta ka Elersa? Anong ginagawa mo dito sa Kastilyo?" tanong ni Abela sa akin. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa at tila ba naintindihan niya ang aking balak na gawin dito.
"Nandito ka ba upang maglinis?" tanong ni Abela sa akin. Tila ba bumaba ang tingin ko sa aking sarili, napatingin ako sa kanyang kasuotan na kulay puti na napapalibutan ng mga makikislap na bato, ang kanyang leeg ay may gintong kwentas, at ang kanyang magkabilang tainga ay may mahabang hikaw na tila ba nahahawakan na nito ang kanyang balikat. Agad namang lumapit ang iba pang kasamahan namin na tila ba pare pareho ang kanilang mga kasuotan at tila ba masasakal na sila sa napakaraming palamuti sa kanilang katawan.
"Nandito ako upang sumayaw sa harap ng mga tao," deretso kong tugon sa kanya. Ngumiti siya at hinawakan ang aking mga kamay. "Papahiramin kita ng aking kasuotan at mga alahas," wika niya na ikakunot ng noo ko.
Hindi ako sanay na magsuot ng mga palamuti sa aking katawan, di ko magagawang butasan ang aking tainga, at di marangya ang aming buhay upang makabili ng mga ito. Ang isang salaping ginto ay sapat na upang mabusog kaming pamilya sa tatlong araw.
"Huwag na," deretso kong tugon. Agad naman siyang napatingin sa akin."Sige, kung iyan ang iyong nais," sagot naman ni Abela. Halos isang oras ang naging paghihintay namin sa iba pang kilalang tao sa Kaharian at sa mabuting palad ay kumpleto na ang lahat. Minsan ay nahahagilap ng aking mata si Ina na abala sa kanilang ginagawa ngunit kahit anong tawag ko sa kanya ay hindi niya ako naririnig dahil sa musika na dinig na dinig sa loob at maging sa labas ng Kastilyo.
"Simulan natin ang atin hapunan sa pamamagitan ng isang sayaw!" sigaw ng kanang kamay ng Hari. Nasa gitna si Haring Valenz, nasa tabi niya ang kanyang dalawang anak, at ang ibang matataas na tao ay nakapalibot sa kanilang tatlo kaharap ang maraming masasarap na pagkain sa mesa. Ngunit ang nangingibabaw ay ang mga pulang tinapay na tanyag sa Kaharian, ang Eranza
Agad namang nagsitayuan si Abela at ang iba naming kasamahan kaya't tumayo na rin ako at pumagitna sa entablado. Nagsimula na ang mga musikerong tumugtog at sabay sabay naming inalis ang aming mga talukbong. Nasa harapan si Abela at ako nama'y nasa pinakahuli. Agad namang nagsigawan ang mga kalalakihan sa loob ng Palasyo at sa unang pagkakataon ay may naghagis ng salapi sa aming harapan.
Nagsimula na ang aming pagsasayaw at agaw pansin ang mga nagkikislapang mga kasuotan nina Abela. Wala namang imik ang tatlong mag-ama na para bang wala silang kaligayahan sa kabila ng maiingay na sigawan ng mga tao. Ang sayaw naming ito ay mga simpleng wasiwas ng mga kamay sa hangin, pagsayaw sa aming palda, at paikot ikot kung saan nagpapalitan kami ng posisyon kaya't may pagkakataon ring ako ang papagitna.
May mga pagkakataon ring nagkakamali ako na ikinakatingin nina Abela, at minsa'y nagtatama ang aming paningin ng dalawang prinsipe kasabay ng mga manonood na nagbibigay ng salapi sa aming harapan. Umikot ikot ako at di ko akalaing nasa harapan na ako ng entablado. Agad tumahimik ang lahat ng mga sigawan na ikinatingin rin ni Prinsipe Aelino at Prinsipe Jobel na akmang tatayo't aalis na sa pagkakaupo.
Nakatingin sa akin ang lahat ng tao maging ang tatlong mag-ama na hindi nakikipagusap sa ibang panauhin. Nakatingin sila sa akin na nakasuot lamang ng pulang palda at walang anumang palamuti at alahas sa aking katawan. Ngunit patuloy parin ang aking pagsayaw sa harap sa nakakailang na titig ng maraming tao.
Umikot ikot muli kami at napatigil sa pagsayaw nang tumigil na ang musika. Natapos kami nang di inaasahang ako ang nasa gitna. Tila nanlisik ang mga mata ng aking mga kasama kasabay ang napakalakas na palakpak at sigaw ng mga tao.
Nakita ko rin si Ina na nakangiti sa tabi habang nakatingin sa akin.
Agad kaming yumuko at nagbigay galang nang natapos na ang aming sayaw.
***