Chapter 48: Kabanata 48
"A-anong krimen ba ang aking nagawa?" Hindi ko maiwasang mautal, tila ba nakasalalay ang aking buhay sa usapin ngayon. Kailangan kong maliwanagan. Laking gulat ko nang agad siyang tumayo at hinampas ang lamesa gamit ang kanyang palad.
"Kumitil ka ng buhay, Elersa." Ramdam ko ang panginginig ng aking kamay at ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Namamawis na rin ako dahil sa kaba at init sa loob ng kanyang opisina. "Pinat*y mo ang isang serbidora."
"H-hindi ko... W-wala akong ginawang masama." Nararamdaman ko na ang mainit na likidong namumuo sa aking mga mata. Hinawakan ni Prinsipe Jobel ang aking kaliwang kamay dahilan upang mahinto ito sa panginginig.
"Alam ko." seryosong sagot ng aking abogado. "Nakahanda na ako upang patunayan ito sa korte. "
"Paano?" tanong ni Prinsipe Jobel at naglakad-lakad sa loob ng opisina.
"Tiningnan ko ang bawat anggulo ng krimen, lahat ng mga taong sangkot, at mga saksi,"- napahinto siya, hinila niya ang malaki at manipis na kahoy (plywood)
sa pader- "nagpadala ako ng mga espiyang mananaliksik sa Kastilyo, lihim silang nagtanong sa mga serbidora na naglilingkod sa ikalawang palapag."
Sa manipis na kahoy na iyon ay nakaguhit ang mapa ng ikalawang palapag ng Kastilyo. Kumuha siya ng isang patapat (stick) at itinuro ang isang silid na nakaguhit sa mapa.
"Ito ang silid ni Reyna Emilya, kung saan naganap ang buong krimen," -tumingin siya kay Prinsipe Jobel- "ayon sa ibang mga serbidora, nakarinig sila ng malakas na sigaw mula sa silid ni Reyna Emilya. Nakarinig rin sila ng mabibilis na takbo sa pasilyo, sa harap rin ng kanyang silid."
"Sinasabi mo bang ang aking Ina ang pumatay sa serbidora?" Umiling si Lazaro.
"Ngunit maaari, mahirap itong patunayan. Sa tingin ko, si Reyna Emilya ang pangunahing saksi sa krimen, at siya ang magiging saksi ng kabilang kampo," saad ni Lazaro. Tiningnan niya nang matalim si Prinsipe Jobel. "Si Prinsipe Aelino, ang iyong kapatid ang nagbayad para sa abogado ng kabilang kampo."
Sabay kaming nagkatinginan ni Prinsipe Jobel.
"Nasaan ka nang maganap ang krimen, Elersa?" Lalo akong kinabahan nang tinitigan niya ako. Binitawan na rin ni Prinsipe Jobel ang aking kamay.
"K-kailan ba ito naganap?"
"Ang gabi bago ang kahapon." Napaisip ako at hindi na matigil ang aking binting nanginginig. "May naaalala ka ba?"
"T-tumungo kami ni Prinsipe Jobel sa bahay-inuman?" Lumingon ako kay Prinsipe Jobel, tila nahihiya siyang malaman ng kanyang kaibigan ang aming pinuntahan. Parang nag-alinlangan pang sumang-ayon si Prinsipe Jobel, tumango siya sa aking sinabi.
"Oo, tama ka," pagsang-ayon niya at tumungin sa kanyang kaibigan, tila ba naguusap sila sa kanilang mga tingin. "K-kasama namin si Hiron... at ang kutsero."
Tumango si Lazaro, para bang masama ang kanyang iniisip.
"Tumungo rin ako sa bahay-inuman sa gabing iyon upang kausapin ang aking kliyente. Nakita ko rin si Prinsipe Jobel kasama ang lasing na babae," lumingon siya sa akin.
Napalunok ako sa kanyang sinabi, parang nais ko nang tumakbo at lumabas ng kanyang opisina.
"Hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga ay mapapatunayan natin sa korte na ika'y inosente, wala ka sa gabing iyon," wika ni Lazaro na animo'y kami ay pinapakalma.
"Sinasabi mo bang ibubunyag mo sa hukuman, sa harap ng maraming tao, na kami'y lumabas ni Elersa sa gabing iyon?!" nababahalang sigaw ni Prinsipe Jobel na umaalingawngaw pa sa silid. Hindi ko rin maiwasang kabahan sa kanyang tanong, hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. "Tiyak na kami'y pag-uusapan ng madla!"
"Iyon lamang ang tanging paraan." Inilapag niya nang malakas ang kanyang palad sa lamesa. "Ang resibo ng inyong biniling inumin, kailangan niyo itong hanapin."
"N-nasa iyo pa ba iyon, Kamahalan?" Lumingon ako sa kanya, pinipilit ko siyang igalang sa harap ng ibang tao. Napatingin siya sa kisame at napahawak sa kanyang baba.
"Hahanapin natin mamaya," saad niya at lumingon sa akin.
"Hahanapin natin mamaya," pag-ulit ko.
"Kayo na ang bahala sa resibo, magpapadala ako ng aking tauhan sa bahay-inuman. Kailangan nating makuha ang rekord ng negosyong iyon," saad ni Lazaro.
"Sige. Hahanapin naman namin ni Elersa ang resibo sa aking silid," dagdag ni Prinsipe Jobel.
"May kailangan rin tayong gawin upang makuha ang atensyon ng mga hurado at hukom," wika ni Lazaro, sabay kaming napatingin sa kanya ni Prinsipe Jobel.
"Ano iyon?" tanong ni Prinsipe Jobel.
"Kasinungalingan." Tiningnan niya kami ng matalim, ang kanyang nga mata ay tila linalamon ng apoy dahil sa lamparang naglalagablab sa kanyang tabi.
"H-hindi ba't masama ang pagsisinungaling sa korte, sa mga hukom, at sa mga ta-" napatigil ako nang agad siyang sumingit sa akin.
"Ganyan talaga ang takbo ng korte, kasinungalingan!"-tiningnan niya ako nang matalim- "nais mo bang mailigtas ang iyong buhay?! Mas nais mo bang ibunyag ang katotohanan kung buhay mo ang kapalit nito?! Salapi, kasinungalingan, kapangyarihan! Iyan ang mga nagwawagi sa korte."
"Paano? Paano natin gagamitin ang kasinungalingan?" tanong ni Prinsipe Jobel.
"Ako na ang bahala." Sabay kaming napatango tango sa kanyang sinabi na para bang mga batang masunurin sa kanilang mga magulang. "Ikinulong ka ba, Elersa? Ikinulong ka ba sa piitan?"
"O-opo." Tumango ako
"Ayon sa batas, hindi maaaring ikulong ang sinumang hindi pa napapatunayang nagkasala. Ang mga nasasakdal ay maaaring mamalagi kahit saan nila ninanais hanggang sa araw ng paglilitis, isa itong pagkakamali. Walang kaparusahang pagkakabilanggo, ang lahat ay papahirapan, aalipinin sa mga barko, o kamatayan." Sumasayaw ang apoy ng lampara na nagpapasayaw sa aming mga anino, ang aming mga boses ay ang siyang tanging naririnig sa buong silid.
"N-ngunit bakit maraming tao sa piitan?" tanong ko. "Kung hindi maaaring makulong ang mga hindi pa napatutunayan, at walang kaparusahang pagkakabilanggo. Bakit maraming mga tao sa piitan?!"
Ako rin ay nagtataka kung bakit maraming tao sa piitan. Hindi ako sigurado kung imahinasyon lamang ang aking mga narinig noong mga nagsisigawan, ngunit ito'y tunay na hindi mabilang. Nagbibigay rin sa akin ng pagtataka kung bakit kailangan pang pumasok ng mga guwardiya sibil, mga pari, ng Heneral, at ng kanilang pangulo, na may suot na telang panaklob sa kanilang mga bibig.