Chapter 47: Kabanata 47

"DITO na tayo."

Napahinto kami sa isang bahay na may dalawang palapag. May maliit na balkonahe ito at tila walang taong naninirahan dahil sa katahimikan na naghahari rito. May puno ng igos sa gitna ng hardin na nasa katamtamang nang laki.

"Tayo'y pumasok na," paanyaya sa akin ni Prinsipe Jobel. Lumapit siya sa pinto at walang pag-aalinlangang binuksan ito. Pumasok siya sa walang katao-taong bahay, tinanggal ang kanyang sumbrero at ginamit na pamaypay sa kanyang sarili.

"Lazaro! Gumising ka na!"

Umaalingawngaw ang kanyang sigaw sa loob ng bahay. Naglakad-lakad pa siya sa loob habang magkahawak ang kanyang kamay sa kanyang likuran na animo'y pagmamay-ari niya ang tahanan. Lumingon siya sa akin.

"Wala ka bang balak na pumasok?" Napakamot pa siya sa kanyang ulo. "Maghapon kang magbilad sa araw kung iyan ang iyong nais."

Parang gusto ko nang pumulot ng bato at ihagis sa kanyang bibig, ngunit hindi ito kanais-nais na pag-uugali sa loob ng tahanan ng isang abogado. Dahan-dahan akong pumasok sa loob at hindi ko maiwasang mamangha dahil rito. Napansin ko ang palanggana ng tubig sa gilid ng pinto ngunit huli na upang ito'y gamitin.

Inilibot ko pa ang aking tingin sa loob.

Nagulat ako nang may lumabas na isang lalake sa isang silid na walang pantaas. Nanlaki rin ang kanyang nga mata at napahinto sa paglalakad. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa amin ni Prinsipe Jobel. Basa at magulo pa ang kanyang buhok at halatang kaliligo lamang. Kumaripas siya ng takbo pabalik sa kanyang silid.

"Jobel!" Rinig na rinig namin ang malakas niyang sigaw mula sa kanyang silid. "Bakit naman kayo pumapasok nang hindi man lang kumakatok?!" Halatang naiinis siya sa amin na tila anumang oras ay maaari niya kaming palabasin ng kanyang bahay.

"Wala ka bang kasama ngayon, Lazaro?" tanong ni Prinsipe Jobel. Umupo ako sa isang mababang upuan habang inililibot ko ang aking tingin sa malawak niyang bahay. Lumabas si Lazaro sa kanyang silid at maayos na ang kanyang tindig, maayos na ang kanyang pananamit, at ang kanyang mukha'y naging maaliwalas na. Hawak niya ang isang malaking pinggan na puno ng tinapay, karne, at tsokolate. Bitbit rin niya ang isang pitsel at tatlong baso. Inilapag niya ito lahat sa mesa.

"Sila'y nagtungo sa Italya, isang linggo na ang nakalilipas. Ang aking bunsong anak lamang ang hindi sumama." Tumango siya nang ako'y makita. "Nag-almusal na ba kayo? Halina't tikman niyo ang aking luto."

"Kami ay natapos na, ngunit asahan mong mauubos ko iyan." Hinarap ni Prinsipe Jobel ang mga pagkain at ito'y kanyang linantakan. Napatingin ang abogado sa akin.

"Ikaw, Binibini? Saluhan mo ang Prinsipe. Ihahanda ko lamang ang mga manuskrito upang masimulan na natin maya-maya." Tumango ako, nakakahiya naman kung hindi ko tatanggapin ang kanyang alok. Kinuha ko ang pitsel at nagbuhos ng maiinom sa baso. "Hindi iyan nakalalasing."

May isang batang lalake ang lumabas sa isang silid at dali-daling yumakap sa mga binti ni Lazaro. Sumilip pa ito sa pagitan ng kanyang mga binti at sinisiyasat ang aming nga mukha. Nginitian ko ang bata ngunit muli nitong itinago ang kanyang mukha.

"Magandang umaga," nginitian ko ang batang lalake. Hinawakan ni Lazaro ang kanyang pulsuhan at iniharap sa amin. Sa tingin ko'y nasa anim na taong gulang na ito, kasing edad ni Nilo.

"Anong isasagot mo, Anak?"

"M-maganda ka po." Nagulat kaming lahat sa kanyang winika. Halos maibuga pa ni Prinsipe Jobel ang kanyang iniinom dahil sa kanyang narinig. Napakamot pa si Lazaro sa kanyang ulo.

"Siya'y pagmamay-ari na ng iyong Tiyo Jobel, Anak." Napatawa pa siya at ginulo ang buhok ng kanyang anak.

"Sige, maiiwan ko na kayo. Kayo na ang bahala sa aking anak." Mabilis siyang bumalik sa kanyang silid, akmang hahabol pa ang kanyang anak ngunit huli na. Mabilis siyang nagtago sa likod ni Prinsipe Jobel.

"Ano ang iyong ngalan?" tanong ko.

"M-marcello po," nahihiya at nanginginig na sagot ng bata. Magkawangis sila ng kanyang Ama mula sa dating ng kanyang ilong at mga mata.

"Elersa, h'wag mo namang takutin ang bata. Natatakot siya sa iyong mukha." Parang pakiramdam ko ay nais ko nang ibuhos sa kanyang mukha ang aking iniinom. Masaya kaming nagmamabutihan, at siya naman ay ginugulo lamang ang aming pag-uusap.

"Ako naman si Ate Elersa," ngumiti ako at hindi na pinapansin ang mukha ni Prinsipe Jobel na animo'y nang-iinis.

Masisira lamang ang aking araw.

"Naririnig ko ang iyong iniisip," singit ni Prinsipe Jobel. Pinandilatan ko siya, siya nama'y pilit ilinalayo ang bata sa akin. Tila ayaw niyang magkamabutihan kami. "Oo, ayaw kong magkamabutihan kayo."

"Nag-almusal ka na ba, Marcello?" Pinipilit kong hindi nalang pansinin si Prinsipe Jobel. Napansin ko ang batang tumitingin sa lamesa.

"Gusto mo ba nito?" Tinuro ko ang isang itim na tsokolate sa lamesa, tumango naman siya at lihim na napangiti. "Halika."

Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa akin, ngunit ramdam kong siya'y nahihiya. Nakasimangot naman si Prinsipe Jobel na nag-mistulang isang batang naagawan ng kalaro. Abot hanggang tainga ang ngiti ng bata habang lumalapit sa akin, akmang ibibigay ko na sa kanya ang tsokolate ngunit agad na dumating si Lazaro. Bago pa man niya ito makuha ay naagaw na ito ng kanyang Ama.

"Masama sa kalusugan ang tsokolate," pangaral ni Lazaro sabay kagat sa tsokolate. Hindi maipinta ang simangot ni Marcello habang nakatingin sa kanyang Ama, tila anumang oras ay tutulo na ang kanyang luha.

"Ito, gusto mo ba ito?" Kumuha ako ng tinapay at ibinigay sa kanya. Laking gulat ko nang mabilis niya itong kinuha at inihagis sa malayo.

"Marcello!" pilit na sigaw ni Lazaro. Dali-daling tumakbo ang kanyang anak habang pinupunasan ang kanyang luha. Tinahak niya ang hagdan papunta sa ikalawang palapag at narinig ko nalang ang malakas na kalabog ng pinto. "Naihanda na ang mga impormasyong aking nakalap, sumunod kayo."

Sabay kaming napatayo ni Prinsipe Jobel, nagkatinginan pa kami sa isa't isa. Agad naming sinundan si Lazaro papunta sa isang silid, huminto pa si Prinsipe Jobel sa paglalakad upang humirit ng isang tsokolate.

"Pumasok kayo," paanyaya niya sa amin nang marating na namin ang isang silid. Napatingin kami kay Prinsipe Jobel na nahuli sa aming likuran habang ngumunguya ng tsokolate. "Halina, wag kayong mahiya."

Pumasok kami sa kanyang silid na sa tingin ko'y kanyang opisina. Maraming manuskrito sa loob at hile-hilera rin ang mga istante ng libro ( bookshelf) na may iba't ibang laki. Sa kanyang lamesa naman ay maraming nakakalat na papyrus scroll at ilang bote ng tinta na kanyang ginagamit sa pagsusulat.

Sinindihan niya ang lampara sa loob dahilan upang mas masilayan namin ang loov ng kanyang opisina. Walang anumang bintana sa kanyang silid kaya't walang pumapasok na liwanag.

"Simulan na natin." Kumakalabog ang aking dibdib dahil sa kaba. Parang naidlip ito nang alukan ako ni Prinsipe Jobel ng tsokolate, tinanggap ko ito at agad na kinagatan dahil sa nararamdamang kaba.

Hanggang ngayon ay wala pa akong ideya kung anong krimen ba ang aking nagawa. Nangyayari lahat ng ito sa hindi ko malamang dahilan.

"Ako si Lazaro, ang iyong magiging abogado,"- napahinto siya at tumingin nang matalim sa akin na aking ikinakaba- "ipagtatanggol kita sa krimeng iyong nagawa."