Chapter 46: Kabanata 46
"Balang araw, ipagluluto mo rin ako ng tinapay." - napatigil siya at tumingin sa akin. "Nais kong matikman ang tinapay mong 'tunay na kaibig-ibig'. " Binigyang linaw niya ang kanyang mga huling salita na animo'y may ginagayang isang tao.
Malakas parin ang bugso ng ulan, napapansin kong natatalsikan si Prinsipe Jobel ng ulan kaya't ako'y nakokonsensya.
"Sige po, Kamahalan." Nginitian ko siya. "Kailan ho ba? Kapag natapos na ang paglilitis?"
"Araw-araw. Batid kong hindi ako magsasawa sa iyong mga luto." Tumingin siya sa akin ngunit agad rin niyang binawi nang mapatingin ako sa kanya. "Ipagluluto mo ako hanggang sa aking pagtanda."
"Hindi ba't parang inalipin mo na ako sa kalagayang iyon?"- napatawa pa ako habang ngumunguya- "kung nais mong pagsilbihan kita habang buhay, nais ko ng mataas na sweldo."
Tumango lang siya sa aking sinabi at dere-deretsong sumubo ng tinapay.
"May pangbayad ka bang dala riyan?" tanong niya sa akin. Halos maisuka ko pa ang tinapay na nasa aking bibig dahil sa kanyang sinabi, linakihan ko siya ng mata at napasapo-sapo pa sa aking lalamunan.
"Seryoso ako."
Napatikhim ako at kumapa sa aking bulsa. May nakapa akong dalawang lepton at inilapag sa mesa. Kalahating araw kong sahod ito at hindi ako makapaniwalang mawawala ito sa isang iglap lamang.
"Magkakasya na ba iyan?" tanong ko. Kinuha niya ang dalawang bransong lepton na aking ibinigay ngunit ibinalik rin ang isa nang mayroon siyang makapa sa kanyang bulsa. "Sino nga pala ang magiging abogado ko sa hukuman?" pagbabago ko ng usapan. Hindi ko nais mapag-usapan ang pera sa harap ng lamesa habang kumakain.
"Malalaman mo mamaya." Dali-daling niyang isinubo ang dalawang maliit na tilapia nang sunod-sunod at inubos ang kanyang inumin. Pinunasan niya ang kanyang bibig gamit ang likod ng kanyang palad at napabuntong-hininga. "Dalian mo."
"Pinapabilisan mo ba akong kumain?" Tinaasan ko siya ng kilay. Agad kong sinubo ang malaking piraso ng tinapay at isinunod ang dalawang maliliit na isda. Halos lumobo na ang aking pisngi dahil sa aking ginawa, pinandilatan ko si Prinsipe Jobel dahil kanina pa siya nakatingin sa akin. Dali-dali ko itong nginuya at inubos lahat ang laman ng alabastro. "Tara na? Bakit ka ba nagmamadali, ha?!"
"Basta." Tumayo na siya at nagbayad ng aming kinain. May ilan na ring mga tao ang pumasok sa pwesto at nagsiupuan, ang ilan ay halatang pagod at nagmula sa isang mabigat na trabaho.
"Dito!" Itinaas ng isang lalake ang kanyang kaliwang kamay upang kunin ang atensyon ng tindera. Hawak niya sa kanang kamay ang isang sumbrero at ginagamit na pamaypay sa kanyang namamawis na mukha. Halatang kakarating niya lang mula sa bukirin.
"Mabuti't tumila na ang mabangis na ulan."
Dali-daling lumapit ang isang katulungan ng tindera sa magsasaka at kinausap ito. Hindi ko na marinig ang kanilang pinag-uusapan at bumalik na rin si Prinsipe Jobel sa aking harapan.
"Tara na." Ngumiti siya at inayos ang kanyang kasuotan. Isinuot niya rin ang isang sumbrerong gawa sa dahon at tumingin sa loob ng pwesto kung saan naroroon ang isang may katandaan nang lalake. "Magpapaalam na ho kami." Tumango naman ang lalake at ako'y nginitian.
"Mag-iingat kayo ng iyong kasintahan!" sigaw ng lalake at inihagis kay Prinsipe Jobel ang isang supot na agad rin naman nitong nasalo.
"Sige po, salamat ho!" Ngumiti siya at tumingin sa akin. Kinunotan ko siya ng noo dahil sa kanyang sinabi. Hindi na siya umimik at nagsimula nang maglakad palabas ng pwesto.
"Saan tayo tutungo?" tanong ko sa kanya na nakalabas na sa pwesto. Lumingon siya sa akin ngunit hindi sumagot.
Ka'y sarap sakalin.
Sumunod na rin ako papalabas ng pwesto.
Dumarami na ang mga tao sa pamilihan, matirik na rin ang araw na kanina lamang ay kulay kahel pa lamang. Tumila na ang ulan at ang mga ibon ay walang sawa nang nagliliparan sa himpapawid. Napatuloy siya sa paglalakad sa gitna ng maraming tao, napahinto siya at humarap sa akin nang mapansin niyang ako'y huminto sa paglalakad.
"Oh? Bakit ka huminto? Sumunod ka lang sa akin." Naglalakad siya paaatras at hindi alintana ang kanyang mga nababanggang mga tao. Pakiramdam ko ay nais na siyang ilibing nang buhay ng mga taong kanyang nababangga.
"Hindi tayo sasakay?" Napahinto siya sa paglalakad at dumistansya papalapit sa akin. Inayos niya ang kanyang sumbrero kahit man ito'y maayos.
"Nais mo bang mag-iskandalo sa pamilihan na puno ng tao? Maglakad nalang tayo, malapit lapit nalang rin naman ang ating lalakarin." Lumapit siya sa akin at tumabi. Sabay kaming naglakad sa pamilihan at animo'y siya lamang ang bukod-tanging binibigyang atensyon ng mga tao dahil sa kanyang angking tangkad.
Lumayo ako nang kaunti sa kanya upang hindi ganoon masyado maikumpara ang aming katangkaran, ngunit lumapit siyang muli at tumabi sa akin. Napapatingin ako sa mga magagandang tela at mga kagamitang mananahi sa isang pwesto.
"Ano ang pinaka-naiibigan mong kulay?" tanong niya. Napansin ko ring nakatingin siya sa pwesto na akin ring tinitingnan.
"Maaari ko bang malaman?"
"Hindi." Hindi na siya umimik, para bang nabarahan ng bato ang kanyang lalamunan dahil sa aking sinabi. Nakokonsesnya ako, dapat akong maging mabuti sa kanya dahil siya lamang ang siyang nariyan sa mga oras na ako'y naghihirap. "Puti. Ikaw ba? Ano ang iyong naiibigan?"
"Ikaw." - nagulat ako nang napaubo siya at hinimas hinimas ang kanyang lalamunan. " A-ang ibig kong sabihin ay i-itim." Napatango tango ako sa kanyang sagot upang maipakitang ako'y interesado.
"Puti, sumisimbilo ng kalinisan, kabutihan, at kagandahan." Tumingala ako sa kalangitan habang ang aking mga kamay ay magkahawak sa aking likuran.
"Isa kang puti."
"Hindi nakakatuwa." Hindi ko maiwasang mapangiti, sa matagal na panahon ay may isang lalakeng nagsabing ako'y kagandahan, sa ibang paraan nga lamang.
"Salamat."
"Oo nga pala, ako'y namangha sa iyo." Patuloy parin kami sa paglalakad sa pamilihan. Maraming mga alagang hayop ang nag-iingay at mga tinderang sigaw nang sigaw upang makuha ang atensyon ng mga mamimili.
"Bakit naman?" Tiningnan ko siya.
"Hindi ba't takot ka sa ulan?"- tumango ako - "ngunit kinaya mo itong harapin kanina para sa iyong kapatid." Tumingin siya sa akin dahilan upang kami'y magkatitigan.
"Mahal ko ang aking pamilya, iyon ang mahalaga." Ibinalik ko ang aking tingin sa daan. Napansin kong binabagalan niya ang kanyang paglalakad at inaayon ito sa aking mga hakbang.
"Kaya mo bang isuko ang lahat para sa iyong minamahal?" Napatigil ako sa paglalakad ngunit nagpatuloy muli upang humabol sa kanya.
"Oo naman."
"Ako rin." Tinaasan ko siya ng kilay.
"Hindi ko tinatanong." Napalunok siya dahil sa aking sinabi, ako nama'y tila may pagsisisi sa aking naging kasagutan. Hindi ko namalayan na wala na kami sa pamilihan, maraming kabahayan na ang aming nadaraanan. Lahat ay naglalakihan, lahat ay malapit sa Kastilyo, senyales na sila'y may mataas na kalidad ng antas ng buhay.
"Dito na tayo."