Chapter 45: Kabanata 45
"Sasama ka?" Hindi ako makasagot sa kanyang katanungan. Nagkatitigan kami ng ilang segundo at binawi niya ang kanyang palad. "Kung hindi, hindi kita pipilitin."
Tumalikod siya at mag-isang naglakad patungo sa pwesto. Nagbanat pa siya ng katawan at napahikab na animo'y sabik na sabik na sa pagkain. Sa tingin ko'y maaga siyang nagising dahil sa akin.
"Magandang umaga po," magalang na pagbati ni Prinsipe Jobel at nginitian ang tindera. "Ano pong makakain rito?"
Hindi ko alam ngunit tila naiintindihan ko na ang ugali ni Prinsipe Jobel. Nagbibigay siya ng paggalang sa mga taong kagalang-galang, at hindi sa mga taong nagpapanggap lamang. Napangiti pa nang todo ang tindera na animo'y sinuswerte sa kanyang unang mamimili ngayong pagputok pa'lang ng umaga.
"Marami akong mga bagong-lutong tinapay rito. Halika, tingnan mo!" masayang saad ng ale. Agad ring lumapit si Prinsipe Jobel na animo'y talagang nagugutom na, napapikit pa siya habang inaamoy ang bawat usok ng tinapay. "Ano sa tingin mo?"
"Amoy-masarap nga po." Hindi matanggal ang ngiti sa kanilang mga labi habang nag-uusap na animo'y wala ako sa kanilang presensya. "Elersa! Halika, dali! Sabay nating tikman!"
Dali-daling lumapit si Prinsipe Jobel sa akin at laking gulat ko nang hilain niya ako pababa ng kabayo. Muntik pa akong madulas sa maputik na lupa ngunit napahawak ako agad sa kanya. Sabay kaming nagkatinginan sa isa't isa ngunit agad rin naming binawi ang aming mga tingin nang magsalita ang tindera, "Ang ganda naman ng iyong kasintahan."
Muli kaming napatingin sa isa't isa at hindi alam ang isasagot. Pakiramdam ko ay gusto ko nang lumipat sa kabilang pwesto upang doon bumili ngunit wala akong dalang sapat na salapi. Lumayo ako kay Prinsipe Jobel upang maalis ang nakakailang na pangyayari.
"S-salamat po." sagot ni Prinsipe Jobel at hinawakan ang tali ng kanyang kabayo. Isinilong niya ito sa bakanteng pwesto at itinali ito nang mabuti sa isang poste. Pagkatapos, ay binuksan niya ang supot na nakasabit sa likuran ng kabayo. Nakita kong kumuha siya ng dalawang piraso ng karot at isinara rin ito. "Magpalakas ka, Perlo."
Isinubo niya sa kabayo ang unang piraso ng karot na nagpahalinghing rito. Hinimas niya ang balahibo nito na nagpakalma sa kabayo at isinubo ang huling piraso ng karot. Muli siyang bumalik sa aking tabi at hinawakan ang aking pulsuhan.
"Sumilong tayo, nagbabadya nanamang umulan." Ginabayan ako ni Prinsipe Jobel papasok sa pwesto. Payak lamang ang pwestong ito sa pamilihan, nasisilungan lang ito ng makapal na tolda at pinagtagpi-tagping mga kahoy. Dalawang lampara lamang ang nagbibigay ng liwanag sa loob at mga panindang gawa mula sa puso.
Nagsisimula nang balutin ng makakapal at maiitim na ulap ang himpapawid, nawawala na rin ang presensya ng araw at asul na kalangitan. Nagsisimula nang humampas ang malamig na simoy ng hangin at ang walang tigil na ulan. Maraming mga tao ang nagsitakbuhan upang isalba ang kanilang mga alaga, paninda, at mga ari-arian.
Umupo kami ni Prinsipe Jobel sa isang bloke ng kahoy at magkaharap kami sa isang maliit na lamesa. May ilang patak ng ulan ang dumadampi sa aking binti dahil sa walang tigil na pag-apaw ng tubig-ulan sa tolda. Napatingin si Prinsipe Jobel sa aking gawi.
"Palit tayo?" Tumango ako sa kanyang sinabi. Agad kaming nagpalit ng upuan at ilang minuto kaming hindi nag-imikan.
"Ihahain ko lang kayo ng bagong-lutong tinapay! Sandali lamang!' sigaw ng tindera sa loob. Napapatambol na rin ako sa lamesa gamit ang aking mga dalari dahil sa pagkabagot.
"Sa tingin ko'y nalulungkot na si Hesia," pagbasag ni Prinsipe Jobel sa katahimikan. Nanginginig na ang balikat ko dahil sa lamig na binibigay ng ulan.
"Ikaw ba'y giniginaw?" Napatingin siya sa akin.
"A-ayos lang po ako, Kamahalan," sagot ko na agad na ikinasilip ng tindera na abala lang sa kanyang ginagawa kanina. Nanlaki pa ang aking mata nang maunawaan ko ang aking nasabi. "A-ayos lang ako, G-ginoo."
"Nakita na ba ninyo ang mga Prinsipe?" Lumubas ang tindera hawak ang dalawang plato, nakalagay roon ang mga tinapay na mausok-usok pa. May tig-dalawang piraso rin ng isda rito. Nagkatinginan kami ni Prinsipe Jobel habang pinipigilan ang aming pagtawa, lingid sa kaalaman ng tindera na nasa kanyang harapan ang isa sa mga Prinsipe. "Mas gusto ko si Prinsipe Aelino, siya'y hamak na mas guwapo."
Inilapag na niya ang mga tinapay sa aming harapan at parang batang nakasimangot si Prinsipe Jobel habang nakatingin sa akin.
"Sa tingin ko po, mas guwapo si Prinsipe Jobel," pagsalungat ko at tumingin kay Prinsipe Jobel, napangiti pa siya bigla dahil sa aking sinabi. "Ngunit mas mabait nga lang si Prinsipe Aelino."
"Mukhang tama ka nga riyan, Binibini. Ako'y sumasang-ayon." Bumalik ang tindera sa loob at napatingin ako kay Prinsipe Jobel na hanggang lupa ang simangot.
"Ano?" tinaasan ko siya ng kilay. "Itigil mo nga yan, para kang isang bata." Dali-daling bumalik ang tindera sa amin bitbit ang isang planggana at maliit na timba ng tubig. Inilagay niya sa sahig ang planggana, inilahad ko ang aking mga palad kasabay ang pagbuhos niya ng tubig mula sa timba na tumulo sa planggana. Pagkatapos, lumipat siya kay Prinsipe Jobel na masama ang tingin sa kanya.
"Hay! Mas guwapo si Prinsipe Jobel," naiinis na saad niya na ipinagtaka ng tindera. Bumalik na ito bitbit ang planggana't timba na puno ng tubig.
"Ano? Ano nanamang tinitingin-tingin mo?" tanong ko. Naiirita ako, kanina pa siya nakatingin sa akin. Hinati-hati ko ang malaking tinapay sa plato gamit ang aking malinis na kamay. Napatingin naman si Prinsipe Jobel sa aking ginawa. "Pira-pirasuhin ko rin ba ang iyo?"
Tumango siya. Napabuntong hininga ako at kinuha ang kanyang pinggan. Pinira-piraso ko ang kanyang tinapay habang siya nama'y pinapanood lamang ako sa aking ginagawa. Muling bumalik ang tindera at inilapag ang dalawang bote ng alabastro sa hapag. Ibinalik ko sa kanya ang kanyang pinggan.
"Salamat ho," pasasalamat ni Prinsipe Jobel na para bang bumalik ang dati niyang sigla at animo'y walang nangyaring pagtatalo sa kanilang dalawa kanina. Mabilis ring bumalik ang tindera sa loob, at sa tingin ko'y hindi na siya babalik pang muli.
Wag naman na sana.
Sumubo ako ng isang piraso ng tinapay, at napapikit pa ako sa sarap nito. Karaniwang manipis ang tinapay sa mga pamilihan at mga gawang-tahanan. Malutong rin ang mga ito at walang pampaalsa.
Mas masarap nga lang ang akin.
"Totoo ba iyon? Mas guwapo ako kaysa sa aking kapatid?" tanong ni Prinsipe Jobel at sumubo ng tinapay. Para siyang nasa kalagitnaan ng isang malaking pagtitipon sa Kastilyo dahil sa pormal niyang pagkakaupo. "Sagutin mo ako."
"Hindi," deretso kong sagot at uminom sa bote ng alabastro. "Sinabi ko lamang iyon upang manahimik ka na." Sinamaan niya ako ng tingin.
"Ang daya mo naman, masakit sa puso." Napahawak pa siya sa kanyang dibdib at umaktong animo'y nasasaktan. "Elersa, ang sakit ng aking puso. Tulungan mo itong maghilom." Tinaas niya ang kanyang kamay na animo'y may inaabot at agad ring ibinagsak sa lamesa. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at binitawan ang hawak niyang tinapay sa ibabaw ng kanyang plato.
"Tumigil ka nga diyan, para kang wala sa katinuan." Napatawa ako dahil sa kanyang ginawa. Kumuha ako ng maliit na piraso ng tinapay at ibinato sa kanyang mukha dahilan upang siya'y magising. "Gumising ka diyan! Malapit na ang paglilitis!"
Agad niyang inayos ang kanyang pagkakaupo at muling sumubo ng tinapay.
Napapaikit pa siya dahil sa lutong nito.