Chapter 44: Kabanata 44

"Ah... Taniel." Tumango tango pa siya bilang pagsang-ayon. " Sang-ayon rin ako, mas bagay mo iyan."

Napahawak ako nang mahigpit sa siyahan ng kabayo dahil sa aking narinig. Para bang mayroon siyang ipinapahiwatig, hindi ko maintindihan. Napatingin ako sa kanya na nakatingin lang sa kanyang dinaraanan.

"I-ikaw ba ang nagplanong magpatakas sa amin? S-sa akin?" Tumaas ang kanyang noo sabay ngiti na animo'y sumasang-ayon. "Pasasalamat."

Ngumiti siya at tumango. Napangiti naman ako sa hindi malamang dahilan, para bang nasisimulan ko nang mapansin at mapahalagahan ang mga maliliit na bagay na kanyang ginagawa. Napatingin ako sa kanya, maaliwalas ang kanyang mukha, lumalangoy sa hangin ang ilang hibla ng kanyang buhok, at ang kulay brown nitong mga mata na lalong nakahuhumaling tuwing natatamaan ng sikat ng araw.

Hindi na matigil ang ilang kabayahan na aming nadaraanan, nakita ko na rin n

ang ilang guwardiya sibil sa aming likuran. Ang malalawak na kalsada ay tahimik parin at ilang magsasaka pa lamang ang nakikita kong naglalakad-lakad sa paligid. Nakita ko mula sa kalayuan ang pagamutan na kinalalagyan ni Nilo na dinaragsa ng maraming tao. Sabay parin ang pagpapatakbo namin ng kabayo na animo'y iisa ang aming sinasakyan.

"Pupunta ka?" Umiling ako sa kanyang tanong. Ibinalik niya ang tingin sa kanyang dinaraanan at napangiti.

"Babalik ako kapag maayos na ang lahat." Nawala na sa aking paningin ang pagamutan kaya't itinuon ko ito sa daan. Papalapit na rin ang humigit kumulang sampung guwardiya sibil na ilang metro nalang ang pagitan sa aming likuran.

"Oh diba? Tama ako, mababalik rin sa maayos ang lahat," -ngumiti siya sa akin- "sa araw na kami'y mawawala."

Hindi ko alam kung masisiyahan o masasaktan ako sa kanyang sinabi, hindi ako umimik at pinagpatuloy lang ang pagpapatakbo ng kabayo. Danaanan namin ang parke na may ilan na ring mga tao dahilan upang pagtinginan kami. Mukhang hindi nila namukhaan si Prinsipe Jobel dahil wala ang kanyang korona.

Marami na ring mga mamimili at mga nagtitinda ang dumadagsa sa pamilihan na aking nakita mula sa malayo. Nakikita ko na rin ang lagusan ng Kastilyo at ang ilang guwardiya sibil na nakabantay rito. Papalapit na kami sa lagusan nang tanungin ako ni Prinsipe Jobel.

"Batid mo ba kung nasaan ang korte?" Umiling ako dahilan upang bigla niyang pahintuin ang kanyang kabayo. Pinahinto ko rin ang akin na saktong huminto sa tapat ng lagusan, dahilan upang maalarma ang ilang nagbabantay na guwardiya sibil. Napatingin pa siya sa akin na animo'y nagtataka "Taga-Pinileo ka ba talaga?"

"Oo." Bumaba siya sa kanyang kabayo at ibinigay ito sa isang guwardiya sibil na pamilyar ang mukha. Siya pala ang guwardiya sibil na kanya ring binayaran upang makatakas kami noong mga nakaraang gabi. May sinabi siya rito na nagpatango-tango sa guwardiya sibil, may iniabot rin si Prinsipe Jobel sa kanya na mas lalong nitong ikinatuwa. Lumapit si Prinsipe Jobel sa akin habang inaayos ang kanyang tindig.

"Bumaba ka." Nagtaka ako sa sinabi niya. Hinimas pa niya ang balahibo ng puting kabayo na ikinatuwa nito. Dumating na rin ang mga guwardiya sibil mula sa kagubatan na animo'y napagod sa isang mahabang paglalakbay. "Ayaw mo?"

"Ilaglag mo si Elersa," bulong niya kay Perlo ngunit sapat upang ito'y aking marinig. Pinandilatan ko siya ng mata at bumaba na rin upang matapos na ang pang-aasar niya sa akin.

"Prinsipe Jobel," saad ni Heneral Adjiel, nagbigay galang ang lahat ng guwardiya sibil na kadarating pa lamang.

"Ano?" deretsong tanong ni Prinsipe Jobel sa Heneral. Hindi ko alam kung hindi niya talaga alam ang gumalang sa mga nakatatanda o talagang hindi lang sila magkakulay ng dugo ng Heneral. At sa katotohanan, hindi ko pa siya nakitang nagpakita ng paggalang. Napaubo pa kunwari ang Heneral na animo'y bumaba ng kanyang antas sa Kaharian. "Pakibilis."

Agad na sumenyas ang Heneral sa isang lalake na dali-daling inilabas ang isang manuskrito.

"Isang mensahe mula sa Basilika,"- napahinto siya at binuklat ang kasulatan-"Sa utos ng Basilika, mga kuhom, at tagapangulo. Ang pagdinig ay magaganap mamayang hapon. Lahat ng mga saksi, abogado, nasasakdal, dokumento, at anumang bagay na konektado sa kaso ay inaasahan. Ang hindi pagsipot sa kuhumam ay may kaparusahan."

"Tapos na?" tanong ni Prinsipe Jobel. Muling tiningnan ng lalake ang manuskrito at tumikhim.

"Wala na ho, Kamahalan" sagot ng lalake at isinara ang manuskrito. Yumukod siyang muli at para bang ramdam na ramdam ko ang panginginig ng kanyang mga paa. "P-paalam na po, Prinsipe Jobel."

Muling sumakay ang mga guwardiya sibil sa kani-kanilang mga kabayo kasabay ang pagbukas ng lagusan sa aming likuran. Pumasok sila roon kasama ang Heneral na animo'y kumukulo ang dugo dahil kay Prinsipe Jobel. Nagtama muli ang kanilang mga tingin at tila may nabubuong tensyon sa kanilang pagitan.

"Bababa pa ba ako?" tanong ko nang makalayo na ang Heneral. Ibinalik ni Prinsipe Jobel ang kanyang tingin sa akin at seryoso lang ang kanyang mukha.

"Oo." Inilahad niya ang kanyang palad ngunit dali-dali akong lumundag sa lupa na kanyang ikinagulat. Napatitig pa siya sa akin habang inaayos ko ang aking kasuotan. Inayos niya rin ang kanyang tindig at sumakay sa kanyang kabayo.

"Sumakay ka." Tinaasan ko siya ng kilay. Tinapik pa niya ang likod ng kabayo sa kanyang likuran upang doon ako umupo.

"Ito ang aking utos, ako ang iyong pinaglilingkuran."

"Ang iyong Lolo ang aking pinaglilingkuran, hindi ba?" Napahilamos siya sa kanyang mukha at napabuntong hininga. Ramdam ko ang nararamdaman niyang pagkainis sa aking sinabi.

"Nais mo pa bang mabuhay bukas?!"- tinapik niya ang likuran ng kabayo-"nais kang makausap ng iyong abogado."

Parang napahiya ako sa kanyang sinabi. Ako na nga itong tinutulungan, ako pa ang nagmamatigas ng ulo. Inilahad niya ang kanyang palad sa aking harapan hudyat upang tulungan akong sumakay. Hindi na ako nag-atubiling hawakan ang kanyang kamay, hinila niya ako upang tulungang sumakay. Hinampas niya ang siyahan ng kabayo na nagpahalinghing rito, tumaas rin ang harapang mga paa nito at tumakbo na papalayo sa Kastilyo.

Nahagilap ng aking mata si Prinsipe Aelino na nakatayo sa balkonahe, tila kanina pa niya kami pinapanood. Hawak niya ang kanyang libro at ang pusang nasa kanyang tabi. Nasa kanyang likuran ang kanyang Lolo na tulala lamang sa kawalan.

Ang bawat yapak ng kabayo ay ang siyang naririnig sa tahimik na umaga sa mga kabahayan. Nakalalayo na kami sa Kastilyo at natatanaw ko na ang pamilihan mula sa malayo. Madami-dami na rin ang mga tao sa pamilihan. May ilan paring nag-aayos ng kani-kanilang mga pwesto't paninda at mga karwaheng dumaragsa bitbit ang mga ibat-ibang produkto.

"Nagugutom ka ba?" tanong ni Prinsipe Jobel. Hindi ako umimik at napatingin nalang sa mga hele-helerang pagkain sa pamilihan na aming nadaraanan. Napapatingin rin ang ilang mga tao sa amin at lingid sa kanilang kaalaman na isang Prinsipe ang bumisita sa pamilihan. Laking gulat ko nang pinahinto niya ang kabayo at pinaikot sa kalsada dahilan upang kami'y bumalik.

Huminto kami sa tapat ng isang ale na masayang nagluluto ng samu't saring pagkain sa kanyang pwesto. Nauna siyang bumaba at inilahad ang kanyang kamay.