Chapter 43: Kabanata 43
MABILIS kong hinalikan ang kanyang pisngi na kanya ring ikinagulat, kasabay ang pagsikat ng araw sa kabundukan ng Valbwe. Nagsimula nang kumislap ang tubig ng batis nang ito'y matamaan ng sinag ng araw. Ang lamig ng simoy ng hangin ay tila nakikibaka sa init ng umaga.
Dali-dali ko siyang yinakap nang walang pag-aalinlangan, ramdam ko ang mainit naming mga oras habang yakap ang isa't isa.
Lumayo ako sa kanya at napansin kong may kinakapa siya sa kanyang bulsa.
"Para sayo." Iniabot niya ang paynetang gawa sa kahoy. May inukit ring bulaklak rito at napansin ko ang kanyang pangalan na nakaukit sa sulok nito.
(Taniel) " תניאל "
Napangiti ako sa ibinigay niyang payneta, parang umaapoy ang dibdib ko dahil rito. Siya nama'y animo'y isang bata na naghihintay ng aking reaksyon.
Marami nang mga ibon ang nagliliparan sa himpawawid, ang iba'y mag-isa at ang iba nama'y may grupo, kay gandang umaga.
"Ako ang gumawa niyan." Ngumiti siya ng todo na para bang ipinagmamalaki niya na siya ang gumawa ng payneta. Laking gulat ko nang agawin niya sa akin ito kaya't tinaasan ko siya ng kilay.
"Binabawi mo na ba? Sige sayo na," nagkunwari pa akong nagtatampo ngunit ngumiti lang siya.
"Mas maganda kung ako ang magsusuot sa'yo nito." Dahan dahan siyang lumapit sa akin at isinabit sa aking buhok ang payneta. Nasa harapan ko ang kanyang baba't leeg dahil siya'y tunay na mas matangkad sa akin. "Ginto man o pilak. Kahoy ang mas bagay sa iyo."
Parang hindi na matigil ang dibdib kong nagwawala na sa hindi ko malamang dahilan. Ang bawat salitang kanyang binibigkas ay malubhang nakakaapekto sa akin, bawat salitang ibinibigkas niya mula ngayong araw ay iba na ang epekto sa akin.
"T-taniel." Lumayo siya ng ilang hakbang sa akin upang makita ang aking mukha kung nababagay ba ito sa akin.
"Oh, bakit?" Ngumiti siya na para bang lalong nagpapasakit ng aking dibdib. Animo'y lahat ng ngiting kanyang pinapakawalan ay walang katotohanan, lahat ng ito'y tila may lihim na sakit, kirot, at hapdi. "Grabe ka naman makatitig sa akin, baka magbago pa ang desisyon mo, ha?"
Agad kong iniwas ang aking tingin sa kanya, marami akong iniisip. Marahan akong tumingin sa kanya at ngumiti.
"Salamat."
"Maliit na bagay. Kung iyong ninanais, gagawan pa kita ng isa." Ngumiti siya at inayos ang kanyang buhok.
"Hindi tungkol sa payneta." Napatigil siya at napatingin sa akin. Ramdam ko na ang panginginig ng aking katawan dahil sa malamig na simoy ng hangin at ang tubig ng batis na dumadampi sa aking paa.
"Tungkol saan, Elersa?"
"Dahil ika'y nagpakatotoo na,"- napatigil ako at tinitigan siya- "natapos na natin ang dapat matapos, at natanggap na natin ang dapat matanggap."
Nakarinig kami ng mga kabayong papalapit sa amin, sa tingin ko ay nasa sampu ang mga ito. Ang mga sunod-sunod na yapak nila sa kagubatan ay tila nagpapakaba sa akin. Rinig rin mula sa malayo ang mga huni ng kanilang mga espada at baluti (armor). Nakasisigurado akong guwardiya sibil ang mga papalapit sa amin.
Napatingin ako kay Taniel na tila walang kaalam-alam sa mga nangyari. Para bang nag-uusap ang aming mga tingin, kita sa kanya ang kuryosidad at pagtataka.
"Magtago ka," saad ko ngunit hindi siya umimik. Agad kong hinawakan ang kanyang kaliwang kamay at akmang ilalayo ko na siya ngunit hindi siya gumalaw.
"A-anong nangyayari, Elersa?" tanong niya, nakatalikod kami sa isa't isa hawak ang aming mga kamay. "Inuulit ko, anong nangyayari, Elersa?"
Akmang hihilain ko na siya ngunit nananatili parin siyang nakatayo at hindi gumagalaw. Papalapit na ang mga yapak ng kabayo na lalong nagpapagulo ng aking isipan. Hindi nila dapat makita si Taniel, maaari siyang mapahamak.
"Kailangan mong magtago, mapapahamak ka!" Hindi ko na naiwasang magtaas ng boses dahilan upang maalerto si Taniel. "Taniel, pakiusap. L-lumayo ka. "
Agad niya akong hinarap at nanlaki ang aking mga mata nang agad niya akong yinakap. Alam kong batid na niya ang mga nangyayari, alam niyang siya'y mapapahamak kung siya'y kanilang makikita.
"Magkita tayo bukas dito," saad niya at mabilis na naglakad papunta sa lilim ng puno kung saan nakatali ang aming mga kabayo. Tinanggal niya ang pagkakatali ng kanyang kabayo at dali-daling sumakay rito. Hinimas-himas pa niya ang balahibo ng kabayo at akmang aalis na nang siya'y may sinabi, "Makakaasa na ba ako?"
Nginitian ko siya at tumango. Hinampas niya ang siyahan ng kabayo na gumawa ng halinghing. Mabilis niyang tinahak ang maputik na kagubatan, at ang bawat hakbang ng kabayo papalayo ay mas nagpapanatag sa akin.
Nakita ko ang presensya ng mga kabayo na mabilis na pumalibot sa akin, na tila nakikibaka sa isang mabangis na leon sa kagubatan. Dali-dali silang lumundag at bumaba sa kanilang mga kabayo. May isang guwardiya sibil na kakaiba ang pananamit, kaya't nakasisigurado akong siya ang Heneral kahit pa man may balot ang kanyang mukha. Lumundag siya sa lupa at may inilabas na isang kasulatan.
"Inaaresto ka namin sa salang pagpat*y. Ang paglilitis ay magaganap ngayong umaga at isang abogado ang magtatanggol sa iyo. Kung ika'y mapapatunayang nagkasala, mapaparusahan ka ng kamatayan," -isinara niya ang kasulatan at ako'y sinamaan ng tingin- "at dahil sa iyong pagtakas, madadagdagan ang iyong kaso sa hukuman."
"Hulihin siya!" Agad niyang inutusan ang mga guwardiya sibil na agad ring kumilos. Napahinto sila nang mapalapit na sila sa akin, animo'y nagtuturuan pa sila kung sino ang unang hahawak sa akin. "Ano pang hinihintay niyo?!"
Akmang hahawakan na ng isa ang aking pulsuhan ngunit agad ko itong inilayo. Sinamaan ko siya ng tingin dahilan upang magtaka silang lahat.
"Huwag ka nang magbalak tumakas." Tinanggal ng Heneral ang kanyang turbante at ngumiti sa akin.
"H'wag niyo akong hawakan, kusa akong sasama sa inyo," saad ko na nagpatango-tango sa humigit kumulang sampung guwardiya sibil. Lumapit ako sa kabayong ginamit ko kanina na nakatali sa lilim ng puno sa gilid ng batis.
Patawad kung ninakaw kita kay Prinsipe Jobel.
Tinanggal ko ito sa pagkakatali at dahan-dahang sumakay rito. Hinimas himas ko pa ang balahibo nito bago ko ito pinatakbo at lumapit sa mga guwardiya sibil. Tumaas ang mga harapang binti ng kabayo kasabay ang halinghing nito na ikinaatras at ikinagulat ng mga guwardiya sibil.
"Saan magaganap ang paglilitis?" tanong ko sa kanila, tinaasan ko sila ng kilay at pinakalma ang kabayong aking sinasakyan.
"Tingnan ko lamang." Binuksan muli ng Heneral ang kasulatan at hinanap ang sulatin ukol sa aking tinatanong. "Sa harap ng pamilihan."
Hindi ko alam kung masisiyahan ako sa aking narinig, pero isa itong kahihiyan sa akin at sa aking pamilya. Ang paglilitis sa harap ng maraming tao o pam-publikong lugar ay nakaugalian nang ginagawa ng korte, kaya't wala akong magagawa. Nakasaksi na rin ako ng mga paglilitis sa pamilihan, karamihan sa mga inaakusahang kriminal ay nakatatanggap ng mga di kahali-halinang salita at paghahagis ng anumang bagay mula sa mga tao.
Napalunok ako at pilit na ngumiti. Tumango ako at akmang papatakbuhin ko na ang kabayo nang makarinig kami ng mabibilis na yapak ng kabayo sa kagubatan. Ang mga guwardiya sibil ay napatingin sa isa't isa na animo'y hindi alam ang gagawin.
Huminto ang itim na kabayo sa aming harapan sakay ang lalakeng may balot sa kanyang mukha. Agad agad itong lumundag sa lupa at tinanggal ang balot sa kanyang mukha dahilan upang malaman namin ang kanyang pagkakakilanlan.
"P-prinsipe Jobel!" sigaw ng Heneral. Dali-daling nagbigay galang ang lahat sa pagdating ng Prinsipe, ang ilan ay bumaba rin sa kani-kanilang mga kabayo bilang pagrespeto. "Magandang umaga, bakit ka naparito sa kaguba-"
"Nakiusap ako sa aking Ama. Magaganap ang paglilitis sa korte," seryoso at deretsong saad ni Prinsipe Jobel sabay lingon sa akin.
"Tayo'y humayo na," saad ng Heneral. Sunod-sunod na sumakay ang ilang guwardiya sibil sa kani-kanilang mga kabayo. Hinampas ko ang siyahan ng kabayo na nagpahalinghing rito, nagsimula itong tumakbo sa tulong ng aking gabay. May ilang guwardiya sibil ang nasa aking likuran na animo'y ako'y masiyasat na binabantayan, sa tingin ko'y nasa walo sila. Tig-dalawa ang aking nasa gilid at walo ang nauuna sa akin.
Napansin kong dumadahan ang pagpapatakbo ni Prinsipe Jobel dahilan upang siya'y mapatabi sa akin.
"Ninakaw mo si Perlo," saad niya sabay tingin sa mukha ng kaniyang kabayo na aking sinasakyan ngayon. Maputik ang daan dahil sa walang tigil na pag-ulan kanina, rinig na rinig rin ang pagragasa ng katabing ilog mula sa malayo. Ang mga ibon sa himpapawid ay tila nakikisabay sa bilis ng pagtakbo ng kabayo kasabay ang malamig na simoy ng hangin.
"Hiniram ko siya," sagot ko dahilan upang mapailing-iling siya at mapangisi. Hinampas ko ang siyahan ng kabayo upang pabilisin ito, ngunit pinabilis rin ni Prinsipe Jobel ang kanyang pagpapatakbo dahilan upang tumabi siya sa akin muli. Napapatingin rin ang ilang guwardiya sibil sa amin na animo'y nagtataka.
"H'wag mo nang ibalik, sa iyo na." Hindi ko maiwasang mapangiti, ngunit binawi ko ito dahil napaisip ako kung siya'y nagbibiro lamang. Hindi ganun kadali ang maghanap ng isang kabayo ngayon, karamihan ay ang Kastilyo na lamang ang gumagamit nito. Asno, baka, at kalabaw ang siyang karaniwang ginagamit ng mga mamamayan. Lumingon siya sa akin at napatawa, "Sa iyo na nga. Sa iyo na... ako."
Sinamaan ko siya ng tingin sa kanyang sinabi ngunit napangisi lamang siya. l, ang mga mabulaklak niyang salita ay hindi nakaaapekto sa akin. Maraming mga puno ang nadaraanan habang tinatahak namin ang maputik na lupain. Napahinto ang ilang guwardiya sibil na nasa aming harapan dahil isang malaking punong nasusunog na tumambad sa kanilang dinaraanan. Naaalala ko tuloy ang nangyari kanina, kung paano ko ito lakas-loob na tinalon kahit pa man ito'y linalamon ng apoy.
Tinalon ng kabayo, si Perlo.
Sabay naming hinampas ng malakas ni Prinsipe Jobel ang mga siyahan ng aming kabayo dahilan upang mapatingin kami sa isa't isa. Napansin niya ang paynetang suot ko kaya't agad akong umiwas ng tingin.
"Bigay niya iyan?"
Nagulat ang lahat nang sabay naming talunin ni Prinsipe Jobel ang malaking harang sa daan. Lahat sila'y napahinto dahil sa umaapoy na puno sa daan, sa gitna ng kagubatan. Hindi lang ako sigurado kung nakita na nila ito kanina kung kaya't bakit sila nanibago sa daan.
"Nino?" tanong ko kahit alam ko na ang kanyang tinutukoy. Nakalabas na kami ng kagubatan at ilang kabahayan na rin ang aming nasisilayan mula sa malayo. May ilang karwahe na rin ang nagmumula sa ibang distrito upang maghatid ng mga ikakalakal.
"Ng iyong kapatid?" -napahinto siya at tumingin siya sa akin- "si Daniel."
"Taniel." pagwawasto ko. May ilang kabahayan na ang nadaraanan namin at kitang-kita na rin mula sa malayo ang Kastilyo. Ang kabundukan ng Valbwe ay binabalot parin ng makakapal na ulap dahil sa malamig na umaga.
"Ah... Taniel." Tumango tango pa siya bilang pagsang-ayon. " Sang-ayon rin ako, mas bagay mo iyan."