Chapter 42: Kabanata 42

Dahan dahan akong lumapit sa kanya, ramdam kong tila bumibigat ang aking paghakbang sa mabatong batis. Napahinto ako at humarap siya sa akin. Parang bumagal ang oras habang nagkakatitigan kami sa isa't isa. Maraming taon na ang lumipas, ang lahat ay amin nang naikubli at nasabi. Ang mga salitang nais naming sabihin sa para sa isa't isa ay amin nang naibahagi.

Mabilis kong hinalikan ang kanyang pisngi na kanya ring ikinagulat, kasabay ang pagsikat ng araw sa kabundukan ng Valbwe. Nagsimula nang kumislap ang tubig ng batis nang ito'y matamaan ng sinag ng araw. Ang lamig ng simoy ng hangin ay tila nakikibaka sa init ng umaga.

Dali-dali ko siyang yinakap nang walang pag-aalinlangan, ramdam ko ang mainit naming mga oras habang yakap ang isa't isa.

Lumayo ako sa kanya at napansin kong may kinakapa siya sa kanyang bulsa.

"Para sayo." Iniabot niya ang paynetang gawa sa kahoy. May inukit ring bulaklak rito at napansin ko ang kanyang pangalan na nakaukit sa sulok nito.

(Taniel) " תניאל "

***

Kaharian ng Pinileo (1 BCE)

"OH, Mahal. Saan ka pupunta?" tanong ni Bersa sa kanyang asawa, kay Lerid. Bitbit ni Bersa ang kanyang anak na si Jesa na apat na taong gulang pa lamang. Nasa kanyang sinapupunan pa lamang ang kanilang susunod na anak, at ilang buwan nalang ang bibilangin ay siya'y manganganak na. Malamig na ang panahon at nabalot na ng nyebe ang buong kabundukan ng Valbwe.

"Kailangan natin ng sapat na makakain at kahoy. Pupunta lamang ako sa kagubatan," sagot ni Lerid habang bitbit ang malaking itak, panali, at pana. Nakasuot siya ng makapal na kasuotan na gawa sa balahibo ng tupa na kanya ring inaalagaan.

"Gabing-gabi na, hindi ba maaaring ipabukas mo na lamang?" nababahalang tanong ni Bersa.

"Inay, nagugutom ako. Ang lamig." Giniginaw ang kanilang anak na si Jesa, mataas ang kanyang lagnat, at kumakalam na ang kanyang tiyan dahil sa epekto ng malamig na klima.

"Umupo ka muna di'yan ha?" utos ng kanyang Ina sa kanya. Dali-daling naghain ng mainit na sabaw si Bersa mula sa pugon at ibinigay sa kanyang anak. "Ihipan mo muna, Anak ha? Kung mainit masyado," paalala ni Bersa sa kanyang anak.

Muling hinipan ni Bersa ang pugon upang mabuhay muli ang apoy nito, ngunit naubos na rin ang kanilang panggatong. Ang iisang lampara na lamang ang nagbibigay ng liwanang sa kanilang munting tahanan. Ngunit maging ito ay nauubusan na rin ng langis, na kanilang binili sa mataas na presyo.

"Mahal?" Nagtaka si Bersa nang mapagtanto niyang wala na ang kanyang asawa. Sumilip siya sandali sa bintana at namataan niya ang kanyang asawa na tinatahak na ang daan papunta ng kagubatang puno ng nyebe. Napasapo-sapo siya sa kanyang noo, "Iyon nanaman, hindi nagpapaalam."

"Aray! Ang init, Inay!" Dali-daling bumalik si Bersa sa kanyang anak na napaso na dahil sa hindi nito wastong pagkain. Lumabas sa kanilang silid ang panganay nilang anak na lalake habang kinukusot nito ang kanyang mga mata. Sampung taong gulang na ito at gising na rin sa totoong takbo ng buhay.

"Oh, Jabar. Ano nanamang pinaplano mo, ha?!" paalala ng kanyang Ina. Kagigising pa lang ni Jabar at hindi niya naabutan ang kanyang Amang pumunta sa kagubatan, nais niya sanang sumama. "Wala na siya, nakakalayo na ang iyong Tatay Lerid."

"Ano ba naman ito, Inay? Sinabi niyang sasama ako sa pangangaso, tapos hindi niya ako ginising?" dismayado at inis na wika ni Jabar. Napakamot pa siya sa kanyang ulo.

"Ni hindi nga siya nagpaalam sa akin eh," pagsang-ayon ng kanyang Ina. "Halika, humigop ka ng mainit na sabaw. Mukhang ika'y linalamig."

Ipinaghain ni Bersa ang kanyang anak sa isang mangkok at ibinigay ito sa kanyang anak. Napalunok nalang si Bersa nang wala nang natirang sabaw para sa kanya at sa batang nasa kanyang sinapupunan.

"Nakakasawa na iyan, Inay. Ilang araw nang ganyan ang nakakain," reklamo ni Jabar, lingid sa kaalaman ng kanyang Ina na nais lang ni Jabar na maibigay ito sa kanya. Napailing-iling naman si Bersa at ginulo ang buhok ni Jabar.

"Mamaya o bukas, masarap na ang ating makakain . Hintayin lang natin ang iyong Ama." Dalawang tupa nalang ang natira sa kanilang bukid matapos mamatay ang iba at ang iba nama'y ninakaw na ng mga may masasamang loob.

"Ayoko ito, Nay. Sa iyo na." Lihim na napangiti si Bersa sa kanyang anak.

"Ano ba? Mas importanteng kayo ang kumain. Malakas ang inyong Inay!" Tumawa si Bersa at itinaas ang kanyang kaliwang kamay. Napangiti rin si Jabar sa inakto ng kanyang Ina na animo'y batang bata ang isipan.

"Ngunit ang aming kapatid na nasa iyong sinapupunan. Dapat siya'y mabusog palagi," pagsalungat ni Jabar at iniabot sa kanyang Ina ang mangkok ng sabaw. "Kailangan mo ring kumain, Inay."

"S-salamat, ngunit..."- napahinto siya at nagisip nanaman ng madadahilan.-"ngunit..."

"Ngunit?"

"Ngunit maghahati tayo."

Masayang nagtatawanan ang mag-iina sa loob ng kanilang munting tahanan. Ang kanilang biruan at pag-ibig ay siyang nagpapainit ng kanilang mga katawan. Napahinto sila nang makarinig sila ng iyak ng isang sanggol sa labas ng kanilang tahanan. Natulala si Bersa at hindi alam ang kanyang gagawin, batid na niya ang mangyayari. Napatingin siya sa kanyang dalawang anak na masayang kumakain, at mas lalo siyang kinabahan.

Tumayo siya at naglakad papalapit sa kanilang pintuan, mas lumalakas ang iyak ng bata. Tila napakabigat ng kanyang mga paa, at tila naninigas na ang kanyang mga kamay habang binubuksan ang pinto ng kanilang tahanan. Pagkabukas niya ng pinto ay agad na humampas ang malamig na hangin na nagpaginaw sa kanyang katawan. Napatakip siya sa kanyang bibig nang tumambad sa kanyang harapan ang isang sanggol na nakabalot sa isang makapal na tela sa isang basket. Magiliw ito at mukhang linalamig dahil sa nyebeng nasa kanyang paligid.

"Kawawang bata! Sinong kayang nag-iwan nito?!" Gulat na gulat siya sa mga nangyayari. Tumingin-tingin siya sa palagid upang siguraduhing walang tao, dali-dali niyang kinuha ang basket na kinaroroonan ng sanggol, patuloy parin itong umiiiyak at mukhang nagugutom. "Tahan na."

Isinara niya ang kanilang pintuan dahilan upang huminto ang pagpasok ng malamig na hangin.

"Ano iyan, Inay?" nagtatakang tanong ni Jabar, nagtataka siya sa kinikilos ng kanyang Ina. Napatingin siya sa basket na hawak ni Bersa at lumapit roon. Maging siya ay nagulat rin sa kaniyang nakita. Ang bawat pintig ng kanilang dibdib ay dinig na dinig ng bawat isa. "I-isang sanggol?"

"Oo, J-jabar," nauutal niyang sagot. Hindi parin siya makapaniwala sa nangyari. "Maggatong ka ng kahoy sa pugon, kailangan niyang mainitan," utos ni Bersa.

Pinapatahan nito ang bata at pinipisil-pisil pa ang kanyang pisngi, hinahaplos rin niya ang palad nito, at kinikiliti sa bandang tiyan na nagpahinto rito.

Agad agad na tumakbo si Jabar sa pugon at pilit itong binubuhay. Nakaka-ilang ihip na siya ngunit hindi parin ito nabubuhay, walang apoy ang nabubuo. Napapikit si Jabar at linakasan ang pag-ihip, at laking gulat niya nang mabuhay ito. Napahawak pa siya sa kanyang dibdib dahil sa gulat. Dali-daling umupo si Bersa hawak ang sanggol sa harap ng pugon at pinasuso ito gamit ang kanyang sariling dibdib dahilan upang mas kumalma ito.

Pinalapit niya rin ang kanyang dalawang anak upang sabay sabay silang mainitan.

Napansin ni Bersa ang isang papel na nakasuksok sa basket, kinapa niya ito at natulala nang ito'y mabasa.

(Daniel) " תניאל "

Mabilis na tumatakbo ang isang dalaga sa kagubatan hawak ang isang lampara, nakahawak siya sa kaniyang bibig at walang tigil ang kanyang pagtangis. Gumagawa ng marka ang kanyang bawat yapak sa makakapal na nyebe mula sa isang tahanan. Hindi siya makapaniwala sa kanyang naging pasya at batid niyang habang buhay niya itong pagsisisihan.

"Anak ko!' sigaw niya na umaalingawngaw sa kagubatan. "P-paalam... Patawarin mo si Inay!" Naalarma rin ang bawat hayop sa kagubatan dahil sa taong naglalakad at sumisigaw sa gitna ng gabi. Napayakap siya sa kanyang sarili nang umihip nang marahan ang malamig na simoy ng hangin, nanginginig na rin ang kanyang ngipin.

Napatigil siya sa paglalakad at tiningnan muli ang tahanang pinaubayahan niya ng kanyang anak. Napangiti siya at tumingala sa kalangitan na puno ng maraming bituin. Tumulo muli ang kanyang luha, at ang sunod sunod na hangin na tumatama sa kanyang mukha. Nagsimula nanamang bumagsak nang dahan-dahan ang napakaraming nyebe sa kagubatan.

"Daniel, Anak ko. Babalikan kita pagkalipas ng tatlumpung-taon, pangako."