Chapter 41: Kabanata 41
Napatingin ako kay Prinsipe Jobel na pumasok sa tolda. Tila naestatwa siya nang ako'y makita at ang katawan ni Nilo na walang malay. Hinawakan ko ang palad ni Nilo, umaasang hahawakan niya ito pabalik. Hindi na nagtanong si Prinsipe Jobel dahil sa tingin ko'y naunawaan na niya ang kanyang mga nakikita. Ramdam ko ang bawat yapak niya papalapit sa akin, at ang paghimas niya sa aking likuran.
"Tahan na, Elersa. Magiging mabuti rin ang lahat." Masama ko siyang tiningnan at inilayo ang kanyang kamay sa akin.
"Anong magiging mabuti? Hindi mo ba nakikita ang kanyang kalagayan? Ilang araw na siyang hindi nagigising! Paano ka nakasisigurado na magiging mabuti ang lahat?!" Nagulat siya sa aking sinabi at napatingin nalang sa sahig.
"Ipagdasal nalang natin siya upang bumuti ang kanyang kalaga-"
"A-anong ipagdasal?! Ipagdarasal mo siya sa isang ahas?! Hindi ka ba nag-iisip?! Walang naitutulong ang pagdarasal!" sigaw ko sa kanya ngunit tiningnan niya lang ako nang seryoso. Hindi ko na makontrol ang aking mga sinasabi dahil sa galit. "Totoo nga ang sabi nila, hindi maunawan ng mga mayayaman ang daing ng mga inaapi."
"Rumespeto ka, Anak." suway sa akin ni Ina ngunit tila hindi ito pumapasok sa aking pandinig.
"Umalis ka na." Seryoso ko siyang tiningnan, pero laking gulat ko nang hatakin niya ako papalapit sa kanya at yinakap nang mahigpit. Hindi ako nakagalaw ng ilang segundo, maging si Ina at Ate Jesa ay nabigla rin sa kanilang nasaksihan. Agad silang lumabas ng tolda sa hindi ko malamang dahilan.
"Hindi ako aalis. Mapapahamak ka, kailangan nating bumalik roon bago ang pagsikat ng araw," bulong niya sa akin kasabay ang aking paghikbi sa kanyang dibdib. Pilit akong kumakawala sa kanyang pagkakayakap ngunit mahigpit ang kanyang pagkakahawak sa akin.
"Bitawan mo ako! Sa'bing bitawan mo ako!" Yinakap pa niya ako nang mas mahigpit. Ibinuhos ko nalang ang aking luha sa kanyang dibdib.
"Sige, iiyak mo lang. Magiging mabuti rin ang lahat. Magbabayad ako ng magaling na doktor upang siya'y malunasan." Napatigil ako at tiningnan siya nang deretso sa kanyang mga mata. Nagulat ako nang makita ko si Taniel na papasok pa lamang sa tolda, ngunit napatigil siya nang ako'y kanyang nakita. Napatulala siya habang tinitingnan si Prinsipe Jobel habang ako'y yakap-yakap. Para akong nasasaktan sa kanyang nasasaksihan, agad akong kumawala sa pagkakayakap ng Prinsipe.
"T-taniel." Pilit ko siyang nginitian ngunit nagpalipat-lipat lang ang kanyang tingin sa akin at kay Prinsipe Jobel. Ramdam ko ang galit at lungkot sa kanyang mga mata.
Maging si Prinsipe Jobel ay nagtataka rin sa inaakto ni Taniel. Akmang lalapit na ako sa kanya ngunit napagtanto kong hawak ni Prinsipe Jobel ang aking kamay upang ako'y mapahinto. Napatingin rin siya sa aming magkahawak na kamay. Ramdam kong pinipigilan niya ang kanyang luha, dali-dali siyang tumalikod at naglakad papalayo.
"Taniel!" sigaw ko ngunit nagpatuloy lang siya sa paglalakad. "Bitawan mo ako," wika ko kay Prinsipe Jobel. Agad rin niyang binitawan ang kanyang nanginginig na kamay sa akin.
"S-sino siya?" Hindi ko siya sinagot at agad na lumabas ng tolda. Inayos ko ang aking talukbong upang maitago ang aking pagkakakilanlan. Hinabol ko si Taniel na papalabas pa lamang ng pagamutan. Dali-dali siyang sumakay sa isang kabayo at tinahak ang madilim at maputik na daan.
"Taniel!" sigaw ko ngunit hindi siya huminto sa pagtakbo. Akmang lalabas na ako ng pagamutan ngunit hinawakan ni Ina ang aking kamay. Nginitian ko lamang siya dahilan upang siya'y bumitaw. Dali dali akong lumabas ng pagamutan at sumakay sa kabayong ginamit namin kanina. Napansin ko pa si Prinsipe Jobel na nakatingin sa akin mula sa loob, mukhang naguguluhan sa hindi ko malamang dahilan.
Pinatakbo ko na ang kabayo at sinundan si Taniel na nakikita ko pa mula sa kalayuan. Ang lamparang nakabitin sa bisig ng kanyang kabayo ay malinaw kong nakikita. Sumigaw ako at hinampas ang siyahan ng kabayo dahilan upang mas bumilis ang takbo nito.
"Taniel!" muli kong sigaw ngunit hindi niya ako naririnig. Maraming kabahayan rin ang nagsindihan ng mga lampara na aking nadaraanan, animo'y nagulat sa aking pag-sigaw. Lumiko siya sa isang makitid na daan na agad ko ring sinundan.
Ang bawat malalakas na yapak ng aming kabayo ang siyang naririnig sa tahimik at madilim na daan.
Napatigil ako sa gitna ng parke nang mawala siya sa aking presensya. Dali-dali kong inilibot ang aking paningin at namataan siyang tumungo sa kagubatan. Hindi ako nag-atubili pang sundan siya at pinatakbo ang kabayo sa hanggang kaya nitong kapasidad.
Maraming puno na ang aking nadaraanan, mabato na ang lupa, at ang lampara na nakasabit sa bisig ng kabayo lamang ang nagbibigay ng liwanag sa aking dinaraanam.
"Taniel! Pakiusap! Kausapin mo ako!" sigaw ko na umaalingawngaw sa buong kagubatan. Marami ring hayop ang naalerto sa aking pagsigaw. Nagsimula nang balutin ng makakapal na ulap ang kalangitan, muling naglaho ang buwan at ang mga bituin. Bumuhos na ang malakas na ulan, ang malamig na simoy ng hangin ay lalong lumalakas, at ilang kulog at kidlat ang naghahari sa malayong lugar.
Agad na napatigil ang kabayo sa pagtakbo kasabay ang malakas na sigaw nito, nang natamaan ng kidlat ang malaking puno ilang metro ang layo sa aming harapan. Gumawa ito ng napakalakas na tunog na tila nagpabingi sa akin, kasabay ang mabilis na pagkalat ng apoy sa nasabing puno. Rinig na rinig mula sa kalayuan ang huni ng pagbagsak ng nasusunog na puno.
Napansin kong napahinto si Taniel sa pagpapatakbo ngunit muli siyang nagpatuloy. Sumigaw akong muli at malakas na inihampas ang siyahan ng kabayo dahilan upang tumakbo ito nang pabilis nang pabilis. Papalapit na sa amin ang malaking punong linalamon ng apoy kaya't inihanda ko ang aking sarili.
"Maghanda ka, Kaibigan!" sigaw ko at tatlong beses na hinampas nang sabay sabay ang kabayo gamit ang siyahan nito. Ilang metro nalang ang layo nito sa amin at ramdam ko ang nangangatog kong dibdib.
"Talon!" sigaw ko kasabay ang matayog nitong pagtalon sa malaking kahoy na linalamon ng apoy. "Magaling kaibigan!"
Muli kong hinanap si Taniel sa kagubatan, nakahinga ako nang maluwag nang siya'y makita. Nakaupo siya sa gilid ng rumaragasang batis, at tila malalim ang iniisip. Nakatali ang kanyang kabayo sa lilim ng isang puno na anumang oras ay maaaring tamaan ng kidlat.
Dahan-dahan kong pinahinto ang kabayo sa kanyang likuran at itinali sa lilim ng puno. Malakas parin ang bugso ng ulan na siya ring nagpapabagsik sa daloy ng batis.
"Maaari kang mapahamak rito," mahina kong saad ngunit sapat upang kanyang marinig. Hindi siya kumibo, kumuha siya ng bato at inihagis ito sa rumaragasang batis. Naglakad ako papalapit at tumabi sa kanya. Isang metro ang pagitan namin. Patuloy parin ang buhos ng ulan na tumatama sa aming mga mukha. May lumipad na dahon sa kanyang mukha kaya't napangiti ako. Agad niya itong tinanggal at wala man lang anumang reaksyon.
"Hindi ka nagpunta rito." bulong niya at naghagis muli ng bato sa batis. May nakapa akong bato at inihagis rin ito ngunit mas malayo kaysa sa kanya. Kumuha ulit siya ng bato at inihagis ito nang mas malayo sa aking nagawa kanina.
Hindi ko alam ang isasagot sa kanyang sinabi, para akong nakokonsensya sa aking nagawa. "G-gusto mo ba si Prinsipe Jobel?"
"Hindi ko alam." Akmang maghahagis siyang muli ng bato nang marinig niya ang aking sinabi. "Alam mo naman na hindi maaari diba? Noong simula pa lang, batid na natin."
Pansin ko ang pagtulo ng kanyang luha kahit pa man nakikihalo ito sa bugso ng ulan. Lalong kumikirot ang aking puso, hindi ko nalang namalayan na tumutulo na rin ang aking luha. Tumayo siya at huminga ng malalim, pilit niyang itinatago ang kanyang nararamdaman.
"Kasi... magkapatid tayo?" Hindi ako sanay na nakakakita siyang umiiyak, mas lalo akong nasasaktan. Para bang nagsibalikan ang aming mga ala-ala na kay saya at walang kapantay. Tumayo rin ako at lumapit sa kanya, hindi siya umimik habang nakatitig lang sa batis.
Tumila na ang ulan. Tumingala ako at nakita ko ang buwan, may ilang bituin na ring dahan-dahan nang naglalaho.
"Mahal kita, Elersa" Napatingin ako sa kanya na nakatitig lang sa batis. Parang anumang oras ay maaari nanamang bumuhos ang aming mga luha. "Ngunit hindi maaari."
Tumango ako at pinunasan ang aking luha.
"Mahal kita, Taniel,"- napahinto ako at siya'y liningon. "ngunit hindi maaari."
Parang napakabigat ng aking balikat kasabay ang pag-init ng aking mga mata. Masakit. Ang sakit-sakit ng aking dibdib, maraming luha na ang aking nailuha.
Kay Prinsipe Aelino.
Kay Nilo.
Kay Prinsipe Jobel.
At sa aking kapatid, si Taniel.