Chapter 40: Kabanata 40

"Nandito na tayo." Mabilis na huminto ang kabayo, bumaba ako at agad na kumaripas ng takbo papunta sa loob nang hindi alintana ang putik sa aking dinaraanan. Maraming pasyente sa loob, matatanda man o mga bata. Ang bawat isa ay nasa loob ng tig-iisang puting tolda kasama ang kanilang mga pamilya, marami ring mga doktor ang naglalakad-lakad sa paligid upang tingnan ang kanilang kalagayan. Ramdam ko ang panginginig ng aking katawan dahil sa basa kong kasuotan at katawan.

Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Mga lampara lang sa bawat sulok ang siyang nagbibigay ng liwanag sa loob.

Nakita ko si Ate Jesa na lumabas sa isang tolda nang walang emosyon at agad ko siyang linapitan. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad at nang ako'y makita ay tila naestatwa siya sa kanyang kinatatayuan.

"E-Elersa?" nauutal niyang tanong. Agad siyang lumapit sa akin at sinunggaban ako ng yakap. "Kamusta ka?!"

"M-mabuti lang, Ate." Pinipilit kong kumalma kahit alam ko na ang mga susunod na mga mangyayari. Kumawala siya sa pagkakayakap at sinamaan ako ng tingin, napatingin tingin pa siya sa paligid at hinatak ako sa madilim na sulok.

"S-saan mo ako dadalhin, Ate?" nababahala kong tanong. Masama parin ang tingin niya sa akin na para bang may nagawa akong masama.

"P-paano?" Nagtaka ako sa sinabi niya at siya ri'y puno ng pagtataka. "Papaano ka nakalabas ng buhay sa piitan?!" Puno ng takot, pagkabahala, pangamba, at kuriyosidad ang kanyang mga mata na animo'y sabik na sabik sa mga kasagutan.

"Ipapaliwanag ko mamaya, Ate Je-" hindi ko na natuloy ang aking sasabihin nang agad niyang takpan ang aking bibig gamit ang kanyang palad, ako'y nagulat. Dahan dahan niya akong isinuksok sa mas madilim na sulok nang may mapadaang guwardiya sibil.

"Mag-iingat ka, Elersa. Nasa bingwit ng kamatayan ang iyong buhay, walang sinuman dapat ang makakita sa iyong presensya." Dali-dali niyang tinanggal ang kanyang itim na talukbong at inilipat sa akin, kapalit ang aking talukbong na kanina'y inagaw ng mabangis na hangin.

Nagulat kaming dalawa nang magkaroon ng kaguluhan sa loob ng pagamutan ni Mng. Pablo, maraming tao ang nagsisihiyawan at nagtatakbuhan. Maging si Ate Jesa ay hindi matanggal ang tingin kay Prinsipe Jobel na basang-basang pumasok sa ospital.

Lumilingon-lingon si Prinsipe Jobel sa paligid na tila may hinahanap habang nakahawak sa basa niyang buhok. Ang mga kababaihan ay hindi makamayaw na lumapit kay Prinsipe Jobel na animo'y wala nang bukas. Di ako makapaniwalang agad na tumakbo rin si Ate Jesa papalayo sa akin, ngunit dumiretso siya sa tolda ng aming kapatid. Abala naman si Prinsipe Jobel na nakikipagpag-usap sa ilang kababaihan na animo'y natutunaw na sa sahig.

Inilabas pa ni Prinsipe Jobel ang kanyang pana at siniring-siring sa paligid na nagpapamangha sa mga kababaihan. Todo ngiti lang si Prinsipe Jobel sa kanila at tinanggihan ang tuwalyang nais ibigay sa kanya ng isang babae. Napapalibutan siya ngayon ng halos kababaihan habang ang kanyang basang kasuotan ay humuhubog sa kanyang magandang pangangatawan.

Gabing-gabi pa lamang ngunit tila naging umagang umaga na dahil sa kanyang biglaang pagdating.

"Suotin mo ito. Basang-basa ka na oh, baka magkasakit ka niyan." Inilahad sa akin ni Ate Jesa ang pulang damit, lumingon-lingon ako sa paligid at hinahanap ang palikuran. Hinatak agad ako ni Ate Jesa sa pambabaeng palikuran at hinintay akong matapos sa labas. Madilim-dilim na rin ngunit kinaya ko namang suotin ito, isinuot ko na rin ang itim na talukbong bigay ni Ate Jesa.

Nakayuko akong naglalakad habang sinusundan ang aking kapatid, may ilan ring guwardiya sibil ang aking namamataan. Pagkapasok ko pa lamang sa puting tolda ay siyang pagkirot ng aking puso, pakiramdam ko ay nadudurog ako habang tinitingnan si Nilo na nanginginig habang nakahiga't natutulog. Namumutla ang kanyang labi, biglaan siyang pumayat, at may ilang pulang mga batik sa kanyang balat. May sugat rin sa kanyang noo.

May ilan rin siyang pasa sa katawan na mas lalong ikinahina ko, hindi ko siya kayang tingnan sa kanyang kalagayan.

Masyado pa siyang bata upang maranasan ang mga ito, hindi niya dapat ito pinagdaraanan. Tila bumibigat ang bawat hakbang na aking ginagawa papalapit sa kanya kasabay ang pag-init ng aking mga mata.

"P-palagi ka niyang hinahanap, Anak." Halos maluha-luha pa si Ina na sabihin iyon habang pinipilit ang sariling pigilan ang pag-iyak. Nagsimula nang mamuo at walang tigil na tumulo ang mga luha ko, pakiramdam ko'y ako ang nasasaktan. Mas ninanais ko pang ako ang magdusa maliban sa kanya.

"N-nilo... N-nandito na si Ate." Tumabi ako sa kanya habang pilit kong pinipigilan ang aking luha. "Gumising ka na."

"Matagal na siyang hindi nagigising." Animo'y paulit ulit akong sinasakal sa mga winiwika ni Ina, hindi ko ito kaya, hindi ko kakayaning mawala si Nilo.

"A-ano pong sabi ng doktor?" Naramdaman ko na ang pag-init ng aking mga mata, naramdaman ko rin ang mga palad ni Ina sa aking likod habang ito'y hinihimas. "B-Bakit pa kailangang mangyari sa kanya ito?!"

"Anak."

Alam kong hindi ko dapat sisihin ang aking sarili, ngunit sa mga huling pagmulat ng kanyang mga mata ay ako ang kanyang hinahanap. Kinailangan at hinanap niya ako kung saan wala ako sa kanyang tabi. Wala mang kasiguraduhan kung siya'y magigising, wala mang kasiguraduhan kung ako'y makikita niyang muli, pero sana ay nabigyan ko siya ng atensyon at sapat na oras noong mabuti pa ang lahat.

Maraming tanong ang gumugulo sa isip ko.

Sa dami ng mga nangyayari sa paligid ko, parang hindi ko na kaya. Hindi ko makakaya kung mawawala si Nilo, o kung sino sa aming pamilya.

"A-alam mo ba ang pangalan ng babae na nakatagpo ni Loni sa daungan, N-Nilo?" Pinunasan ko ang tumutulo kong luha, hinahabol ko ang aking paghinga. "N-nathalia ang kanyang pangalan."

"N-nais mo rin bang mapakinggan ang kwento ni Firon at Hesia? N-nilo?" Rinig ko ang paghikbi ni Ina sa aking likod, nasasaktan ako sa aking mga nakikita. Wala man sinuman sa aming pamilya ang dapat maghirap. "Pakiusap! Gumising ka na, Nilo!"