Chapter 3: Kabanata 3

KINAUMAGAHAN, nagising ako sa pagyugyog sa akin ni Nilo kasabay ang mga trumpeta na wala sa tono na sa tingin ko ay nageensayo sa pagdating ng dalawang prinsipe mula sa Hirsea. Napahawak ako sa aking ulo nang maalala ko ang boses na palaging sumasagi sa aking mga panaginip mula noong mga nakaraang araw.

'Mula pagkasilang hanggang pagkamatay'

Napakamot ako sa aking ulo at ginulo ang buhok ni Nilo. Tumayo ako at agad na inayos ang aking buhok, maging ang aking pananamit na nagutay-gutay sa aking pagtulog.

"Tila maganda ang iyong gising Anak, kasingganda ng bituin sa langit tuwing gabi," wika ni Ina na lumabas mula sa silid-lutuan.

"Ayos na po ba ako? Ano sa tingin mo Ina?" tanong ko kay Ina sabay umikot ikot kasabay ang pagikot rin ng puti kong palda. Napangiti naman si Ina sa akin.

"Napakaganda mo anak, kahit walang palamuting mga ginto sa iyong katawan ay tila mas makinang ka pa kaysa sa esmeralda (emerald) ," sagot naman ni Ina na nakangiti parin.

"Halika na mga anak ko, mag-umagahan na kayo," magiliw na dagdag ni Ina. Pinagsaluhan namin ang mga tinapay na gawa ni Ina at ang gatas ng kambing na alaga ni Taniel. Nang kami'y matapos ay agad na nagtungo na sa Kastilyo si Ina upang mapaghandaan ang okasyon, at sa kanyang pag-alis ay ang pagdating naman ni Taniel na simple rin ang kasuotan.

"Lumabas na kayo, malapit na ang pagdating ng dalawang prinsipe!" bungad ni Taniel sa akin. Lumapit ako sa kanya na nasa pintuan at tinitigan siya ng matagal. Mas matangkad siya sa akin, makapal na kilay, mahahabang pilik mata, manipis at mapulang mga labi, at di mapapantayan ang kanyang makinis na kutis kahit bilad palagi sa matirik na araw, kung iisipin mo'y kabilang siya sa mga may dugong bughaw.

"Halika na," seryoso kong sagot sabay ngiti at isinuot ang talakbong ko sa ulo. Agad kong hinila ang kanyang kaliwang kamay at tumakbo sa gilid ng kalsada. Paglabas namin ay agad bumungad sa amin ang magagarbong palamuti, tunog ng iba't ibang instrumento, at ang maraming taong abala sa mga kanilang ginagawa.

Nakakamangha.

Napatitig kami sa ganda ng mga ito. Marahang tumingin sa akin si Taniel at para bang tumigil ang mga tao sa paglalakad, humina rin ang musika, at maging ang mga kalapati ay tumigil rin sa paglipad at para bang nagising ako sa malalim na pagkatulog nang tumingin si Taniel sa aming mga kamay. Napagtanto ko na hawak ko parin ang kanyang kaliwang kamay kaya agad ko itong binitawan, baka makita ng iba at pagkamalan kaming magkasintahan.

Napatingala ako sa bughaw na kalangitan na tila ba ito'y nakikisabay sa saya ng mga tao.

Agad namang may lumapit na dalawang bata kay Taniel, marahan naman niyang ginulo ang buhok ng mga ito at dumukot ng apat na pili (almond) sa kanyang bulsa at binigay ito sa dalawang bata. Nagpasalamat ang dalawang bata at tumakbo na papaalis ng nakangiti.

Hinawakang muli ni Taniel ang aking pulsuhan at hinila sa isang kalapit na paniderya. Marami nang tao sa loob, ang lahat ay naiibigan ang mga tindang tinapay ng panidera. Maraming empleyado ang naghahain ng mga tinapay sa mga mamimili, mapabata man o matanda.

Hinila ako ni Taniel papasok sa loob bg paniderya at dali-daling umupo sa isang lamesa. "Dalawa pong Eranza!" sigaw ni Taniel sabay taas ng kanyang kamay upang makuha ang atensyon ng mga empleyado. Dali dali namang nagsigalawan ang mga empleyado at kumuha ng isang telang supot at doon isinilid ang dalawang tinapay na Eranza.

Sikat na sikat ang tinapay na 'Eranza' sa Kaharian, ito'y kulay pula at kinagigiliwan ng maraming tao.

"Ito po. Salamat po!" Iniabot ng isang empleyado ang tinapay na agad ring binayaran ni Taniel. Ibinigay sa akin ni Taniel ang isa na agad ko ring kinagatan. Masaya naming kinakain ang tinapay nang may malakas na sigaw ang narinig namin mula sa labas.

"l'fanot makom lan'siykhiym! (Make way for the princes!) " Napatigil at tumahimik ang lahat sa malakas na sigaw ng isang guwardiya na nakasakay sa isang mabalahibong kabayo na na nababalutan ng mga nagkikislapang mga metal. Hinila ako ni Taniel palabas ng paniderya at nakipagsiksikan sa napakaraming tao.

Agad namang luminis ang kalsada at nagsimula na ang nakakasindak na musika gawa ng mga trumpeta, tambol, at tamburin. Sa unang pagkakataon ay lumapit na ang sampung magkakatabing mga guwardiya na nababalutan ng mga metal at nakahawak ng mga matatalim na espada.

Sumunod naman ang mga kababaihang nagsasayawan suot ang mga nagkikislapang mga damit at gintong payneta (comb) sa kanilang buhok kasabay ang mga musikero na nasa kanilang likuran. Iba ang kanilang mga suot di tulad sa aming Kaharian dahil nagmula sila sa Kaharian ng Hirsea kung saan iba ang kultura at tradisyon.

Habang tumatagal ay siyang dumarami rin ang mga nanonood, karamihan ay mga kababaihan na tila pinaghandaan ng isang buwan ang kanilang suot at mga naghahabaang purselas at kwentas na para bang masasakal na sila sa leeg para lang mapansin ng dalawang prinsipe.

"Padaan," mataray na wika ng apat na babae habang pinipilit ang kanilang mga sarili na isiksik sa dami ng tao para lang makapunta sa harapan. Di ko nalang siya inimik, hinarangan ko ang isang espasyo upang di sila makadaan. Ngunit nakahanap sila ng ibang espasyo upang roon manood.

Nakakainis.

"Halika Elersa, may naisip akong paraan," bulong ni Taniel sa akin. Agad niyang hinila ang aking pulsuhan at pilit na umalis sa dami ng mga tao. Tila nakaahon kami sa pagkakalunod nang makaalis kami sa dami ng tao. Binitawan niya ang aking pulsuhan at sinenyasan ako na sumunod sa kaniya. Di ko alam kung saan ako idadala ni Taniel, tila nakaparaming pasiko sikong daan ang aming pinasok, ngunit napalitan rin ito ng maluwag na paghinga ng makarating kami sa mataas na lugar.

Inilahad ko ang aking mga kamay sa hangin habang dinadama ko ang hangin at napangiti naman si Taniel nang napalingon sa akin. Umupo kami nang may distansya habang pinapanood sa ibaba ang nagsisiksikang mga tao. Lalong umingay nang dumating na ang isang malaking karwahe lulan ang unang prinsipe.

"Prinsipe Jobel, anak nina Haring Valenzo at Reyna Emilya," malakas na boses ng isang matikas na lalake. Napatingin ako sa unang prinsipe na Jobel daw ang pangalan. Maputing kutis, matangkad at matangos na ilong, di mapagkakaila na kawangis niya ang kanyang ama. Dumadagdag sa kanyang magandang mukha ang kanyang matingkad na kasuotan at ang pilak na korona sa ibabaw ng kanyang ulo.

Ngumingiti ito at kumakaway pabalik sa mga tao habang linilibot ang kanyang paningin at magtama ang aming mga mata kahit pa nasa taas ako. Para bang bumagal ang oras nang ngumiti ito sa akin, di ko maintindihan ngunit di ako makangiti pabalik sa kanya kasabay ang malakas na ihip ng hangin resulta upang lumipad ang aking talukbong sa ulo. Ngunit bumalik rin agad sa normal ang takbo ng oras nang ialis na nito ang kanyang paningin sa akin at ibinaling sa ibang tao.

Nakita ko naman si Taniel na nakatingin sa akin at tumingin ulit sa prinsipe na para bang nagtataka ang kanyang mukha. Iniabot niya sa akin ang aking talukbong na akala ko'y tinangay na ng malakas na hangin. Nang makalagpas ang unang prinsipe ay sumunod naman ang kanyang kapatid na lulan ng isang mabalahibong kabayo kasabay ang mga mananayaw sa palibot nito.

"Prinsipe Aelino, kapatid ni Prinsipe Jobel na anak nina Haring Valenzo at Reyna Emilya," sigaw ulit ng matikas na lalake na kabilang sa hukbo ng militar. Nagulat ako nang agad na lumabas ang isang babae mula sa paniderya at tinitigan nang mabuti ang Prinsipe. May katandaan na rin ang babae at kita sa kanyang madungis na kasuotan ang kanyang kasipagan sa paggawa ng tinapay. Maluha-luha pa siyang nakatingin kay Prinsipe Aelino sa hindi malamang dahilan.

Tila magkawangis sila nang husto ng kanyang kapatid ngunit mas nangingibabaw ang kagandahan ng mukha nito kaysa sa kanyang kapatid. Maraming tao lalo na ang mga kababaihan ang kumakaway sa kanya ngunit nananatili parin siyang seryoso at di tumitingin sa mga ito.

Magkaiba sila ng kanyang kapatid. Agad na bumukas pataas ang malalaking bakal ng lagusan ng Kastilyo at pumasok dito ang mga guwardiya, mga mananayaw, at ang dalawang prinsipe, at di kalaunan ay bumaba rin sila at sinalubong ng mga matataas na persona sa Kaharian. Nakatayo naman ang Hari sa mataas na balkonahe sa harap ng Kastilyo. Di makapaniwala ang mga tao sa katangian ng dalawang prinsipe na tila hindi nila maalis sa kanilang isipan.