Chapter 38: Kabanata 38

"Hanggang sa kanyang pagtanda ay nagbibigay ng saya sa kanya ang bawat bugso at patak ng ulan, at ang makukulay na bahaghari sa langit," pagtatapos ni Mng. Ester sa kwento.

"Ilang beses na niyang kinukwento iyan dito sa piitan, at ang kwentong iyon ay ang kwento ni Hesia, ang Diyosa ng Pag-aani, na siyang sinasamba ng Pinileo tuwing pag-aani," dagdag ni Mng Ester.

"Totoo ho ba ang mga pangyayaring iyon?" tanong ko kay Mng Ester. Maganda ang kwento ngunit isa itong trahedya, umaasa akong hindi magiging katulad nito ang aking pag-ibig.

"Walang nakakaalam, ngunit ang mga kwentong iyon ay buhay na buhay parin sa loob ng humigit-kumulang limang daang taon." Bakit ba mula pagkabata ko'y hindi ko naririnig ang mga kwentong bayan na iyon? Dapat ko rin itong ikwento sa aking kapatid, tiyak na magugustuhan niya rin ito. Mula sa kadiliman, ay naramdaman kong may isang taong tumapat sa aming bilangguan.

"Binibini..." mahinang tugon nito na nagpa-alerto sa akin. Sinindihan nito ang maliit na lampara at napagtanto kong isa siya sa mga guwardiya sibil ng piitan.

"Binibining Elersa," ulit nito. Inilabas nito ang maraming susi at dahan dahang binuksan ang aming bilangguan. Tinanggal rin niya ang aking pagkakaposas at itinapat sa akin ang lampara.

"Ikaw ho ba si Binibining Elersa?" muling tanong nito na animo'y may panghihinala parin sa akin.

"Oo nga ho. B-bakit po? Ano pong nangyayari? Makakawala na po ba ako dito? S-si Ina? Kamusta po s---" hindi ko na natuloy ang aking sasabihin nang agad niya itong pinutol.

"Lumabas na tayo Binibini, bilang na lamang ang oras natin," sagot ng guwardiya sibil.

"H-hindi po ba natin maaaring isama si Mng. Ester?" tanong ko sa guwardiya sibil at napatingin naman siya sa kanya ng segundo at muling tumingin sa akin.

"Sige sige, dalian natin!" sagot niya at tinanggal rin ang pagkakaposas ni Mng. Ester na ngayo'y lubos-lubos ang ligaya. Dali-dali kaming lumabas ng bilangguan at tinahak ang madilim na piitan. Kaliwa't kanan ang mga taong nabilanggo at ni hindi ko sila kayang tingnan dahil sa kanilang kalagayan.

"E-Elersa, isa kang himala!" sigaw ni Mng. Ester na umaalingaw-ngaw sa piitan.

"Shhhh! Ano ka ho ba Mng. Ester? Tumatakas tayo ngayon , dapat tahimik lang po tayo," pagsuway ko sa kanya ngunit nananatili parin ang ngiti sa kanyang mga labi. Maraming pasiko-siko ang dinaanan namin at ilang minuto ang lumipas ay dumating kami sa isang maliit na lagusan na idadala kami sa hindi ko malamang lugar. Mainam itong nabalutan ng mga halaman na sa tingin ko'u upang walang ibang makapansin at makakita.

Itinapat niya ang lampara sa lagusan at binuksan ito.

"Pumasok kayo, dali!" aniya. Linakad namin ang mahaba at mabatong lagusan at tanging ang mga yapak lamang namin ang siyang naririnig. Rinig parin ang huni ng mga tao sa piitan mula rito na siyang nagpapakilabot sa akin.

"Malapit na ba tayo?" naiirita at natatakot na tanong ni Mng. Ester. "Matagal pa ba?"

"Maghintay pa po tayo Mng. Ester," sagot ko.

"Wala na tayong hihintayin pa, nandito na tayo," sagot ng guwardiya sibil na nasa aming unahan hawak ang nagliliyab na lampara. Nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita, isang malaking lagusan ang bumulaga sa aming harapan. Maging si Mng. Ester ay namangha rin.

Kumatok ang guwardiya sibil sa nasabing lagusan ng ilang beses at pagkalipas lamang ng ilang segundo ay bumukas na ito. Hindi na ako maninibago dahil maraming pasikot sikot pataas nanaman ang aking nakikita. Isang matandang babaeng may hawak na lampara at tungkod ang nagbukas at nagpapasok sa amin. Tinitigan niya ang aming mga mukha na animo'y naninigurado. Sinuri niya muna ang paligid at dahan dahang isinara ang pinto.

"Ano ang iyong mga pangalan?" tanong ng matandang babae habang sabay-sabay kaming naglalakad pataas.

"Elersa po," Sinenyasan ko naman si Mng. Ester na sumagot rin.

"Ester po," magalang na sagot ni Mng. Ester. Mula pa lamang rito sa baba ay nakakaamoy na kami ng mga mababangong tinapay na nagpapakalam sa aming mga lalamunan. Napalunok ako, sa tagal ko sa piitan ay talagang magugutom rin ako. Napaisip ako saglit, kung ano pa kaya ang kalagayan ng iba na ilang araw, linggo, buwan, taon, at dekada nang nakabilanggo sa piitan.

Marahan akong napangiti, dahil kahit gayunpaman, ay maswerte parin ako. Ngunit hindi ko maiwasang maawa sa kanila. Makakalaya o makakatakas pa kaya sila?

Isa nanamang pinto ang aming dinaanan sa aming paglalakad, masakit na rin ang aking paa.

"Nandito na ho ba ta-"

"Nandito na tayo," pagpuputol ng guwardiya sibil sa aking sasabihin at binuksan ang sa tingin ko'y ang huling pintuan. Ngayon ko lang napagtanto na wala kami sa isang pagawaan ng tinapay, ngunit sa isang bukid. Wala pa ang araw, at nananatili parin ang maraming bituin sa langit, madilim pa ang paligid at ang bilog na buwan lamang ang nagbibigay ng liwanag.

Malamig na hangin ang sumalubong sa amin at ang malawak na pananim.

"Wala na tayong oras, Binibini, Hinihintay ka na niya," ani ng guwardiya sibil sa akin. Napatingin ako kay Mng. Ester at laking gulat ko nang maluha luha siyang nakatingin sa langit.

"A-ano na pong plano niyo, Mng. Ester?" tanong ko sa kanya at ibinaling niya ang kanyang tingin sa akin. Nginitian niya ako.

"Maraming Salama, Binibining Elersa." Iyon na lamang ang kanyang nasabi. Nagpaaalam na rin ako at nagtungo kami ng guwardiya sibil sa ilalim ng isang puno kung saan naroroon ang isang puting kabayo.

"Sumakay ka na," aniya at agad ko namang sinunod. Hindi na bago sa akin ang sumakay rito dahil naranasan ko na rin ito noong ako'y bata pa lamang, ang hindi ko lamang alam ay ang tamang pagpapatakbo ng kabayo. Laking gulat ko nang biglang tumakbo ang kabayo, agad akong napahawak sa siyahan ( saddle) nito. Hindi ko alam kung saan ako idadala ng kabayo ngunit patuloy parin ito sa pagtakbo kasabay ang malamig na hangin na dumadampi sa aking katawan.

Nahulog ang gintong payneta na nasa aking ulo dahil sa bilis na pagtakbo nito at ang paglangoy sa hangin ng suot kong talukbong. Mula sa kalayuan, ay nakita ko ang isang lalakeng nakatayo sa ilalim ng olibo. Nakatalikod siya sa akin habang pinapanood ang mga bituin sa langit habang walang tigil na umaagos ang batis sa kanyang harapan.

Huminto ang kabayo at dahan dahan akong bumaba.

Humarap sa akin ang lalake at napagtanto ko kung sino ito.

Prinsipe Aelino.