Chapter 37: Kabanata 37

NAPAYAKAP ako sa aking sarili, sobrang malamig ang paligid. Ramdam ko rin ang malamig kong hininga na dumadampi sa aking palad. May iisang lampara ang nagbibigay ng liwanag sa buong piitan, at ilang oras na lamang ay maaari na itong magwakas. Tumahimik na ang paligid ngunit rinig parin ang mga huni ng ibang mga tao sa loob , pati na rin ang walang humpay na huni ng mga daga na nagsisitakbuhan sa paligid.

"Gising ka pa." Nagulat ako nang may magsalita sa di ko malamang lugar. Inilibot ko ang aking paningin at laking gulat ko nang makita ko ang isang matandang babae na nakaratay sa gilid ng kabilang bilanggo.

Malalim na ang kanyang mga mata dahil sa katandaan, mahaba at puting buhok, at buto't balat na ang pangangatawan. May telang nakabalot sa kanyang kaliwang mata at ang gutay-gutay na damit lamang ang nagbibigay ng init sa kanyang katawan.

"Ah... opo" sagot ko sabay ngiti. Malapit lang ang pagitan namin sa isa't isa, magkaharap lamang ang aming mga bilangguan kaya't nasisilayan mamin ang isa't isa gawa ng lampara. Narinig ko ang sunod-sunod na kanyang pag-ubo at ang pagtagak ng dugo sa kanyang palad.

Nagsimula na siyang umawit ang matandang babae.

"A-aking sinta, h'wag ka nang lumuha pa~~" ramdam ko ang lungkot sa kanyang nanginginig na boses.

"Ako ma'y malayo, ang puso ko'y sa iyo lamang pipintig,~~

"Mga bituin sa langit, siyang saksi sa ating pag-ibig~~"

"Sinta ko, ikaw lamang ang aking iniibig~~" pagtatapos niya at nagsimula na siyang tumangis na siyang nagpapalambot sa aking puso. Ako'y naaawa, ngunit wala akong magawa.

Sadyang tumahimik ang paligid dahil sa kanyang pag-awit na animo'y may mahikang bumalot sa buong piitan.

Nagsimula siyang magkwento na siyang lalong nagpapatahimik sa loob.

"Noong unang panahon, sa kagubatan ng mansanas, isang binata ang naglalakad kasama ang kanyang puting tupa. Sa gitna ng kanilang paglalakbay ay naramdaman ng binata ang unti-unting paglapit ng leon na siyang nagtatago sa makakapal na damuhan , kaya't mabilis niyang inihanda ang kanyang pana,

"Lumabas ang leon sa kanyang pinagtataguan at akmang sasakmalin ang tupa ngunit mabilis itong nahila ng binata at hinarap ang nagugutom na leon

Inilabas niya ang kanyang maliit na patalim at naghintay sa mga magiging kilos ng leon. Malakas na dagundong ang pinakawalan ng leon na umaalingawngaw sa buong kagubatan at sinugod nito ang binata,

"Kasing bilis nang kidlat na kumilos ang binata at nagawa nitong masugatan ang paa ng leon. Akmang susugurin na ng binata ang malaking leon nang mabilis itong tumakbo at nagtago sa kagubatan. Lingid sa kaalaman ng binata, sa makakapal na dahon ng mansanas, ay napanood siya ng anak ng Diyosa ng Dagat, si Hesia. Nahumaling siya sa kakisigan nito, ang tapang, ang kagandahan, at ang busilak na puso ng isang mortal,

"Ito ang unang pagkakataong nahulog ang kanyang damdamin sa isang mortal. Isang buwan ang lumipas, ang mga masaganang ilog sa Lupain ng Heran ay natuyo dahilan upang mamatay ang mga pananim ng mga magsasaka. Sila'y nagdarasal na sa pamamagitan ng mga kamay ni Alhina, ay mapunong muli ng masaganang tubig ang nga ilog at sapa mula sa dagat,

"Maraming tao ang nagutom, maraming tao ang namahinga, ang mga tao sa lupa ay nagpatay*n at nagkaguluhan. Si Firon, ang binatang pastor, ay nagtungo sa Templo, nag-alay siya ng kanyang sariling dugo at nagdasal sa mga Diyos.

"Sa hindi inaasahan, ay nakita niya ang magandang dalagang bumababa mula sa liwanag, si Hesia, ang nag-iisang anak ni Alhina, ang Diyosa ng Tubig at Dagat. Nabighani siya sa kagandahan nito, ito ang unang pagkakataon na nahulog ang kanyang damdamin sa isang dalaga,

"Sa loob ng templo, kung saan sagrado ang lahat ng bagay, ay nagsimula ang tunay at walang kapantay na kanilang pag-ibig. Ang mga nagsasayawang apoy ng lampara, ang napakaraming libro, ang siyang naging saksi sa kanilang pagmamahalan." Hindi na natuloy ang kaniyang pagkukwento kasabay ang pagkamatay ng lampara sa piitan.

Hindi na ba maitutuloy? Nakakalungkot naman. Ngunit batid ko na ang pakiramdam ni Nilo nang hindi ko pinahaba ang kwento ni Lino. Maaaring gumaganti lamang ang tadhana, napabuntong hininga na lang ako at napayakap sa aking sarili dahil sa lamig.

"Alam mo ba ang mga sunod na nangyari , Elersa?" tanong ni Mng. Ester.

"H-hindi ho,"

"Ganito ang nangyari. Ilang araw ang lumipas, hindi parin dinidinig ng mga Diyos ang panalangin ng mga tao. Maraming tao na ang namatay kasama ang Ina at mga kapatid ni Firon. Kaya't napilitan ang binatang si Firon at Hesia na akyatin ang Bundok Zares upang roon magdasal,

"Sa araw na iyon, sa tuktok ng Bundok Zares, sa harap ng malawak na mundo, ay nakamit ng isa't isa ang kanilang mga unang halik. Sa unang pagkakataon, ay agad na napalibutan ng makakapal na ulap ang Bundok Zares at kasabay ang walang tigil na pagbuhos ng ulan sa buong lupain ng Pinileo,

"Lingid sa kaaalaman ng binata, ay isinuko ni Hesia ang kanyang buhay upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paghalik sa isang mortal, ay nabawi ang kanyang kapangyarihan at lakas na siyang bumalik sa kalikasan,

"Sa unang pagkakataon ay nasilayan ng mga tao ang unang pagbagsak ng tubig mula sa langit, lahat ay nagsiyahan. Ngunit ilang araw lamang ang lumipas ay nagwakas ang hininga ni Hesia, kasabay ang unang paglitaw ng unang bahaghari sa langit,

"Lubos na nalungkot ang binata na nais na rin niyang wakasin ang kaniyang sariling buhay. Ngunit sa oras na nakikita niya ang makulay na bahaghari sa langit ay nagbabalik ang kanyang tibay ng loob na animo'y pinapaalala nito ang kanyang dalagang inibig. Hindi na muling nagmahal si Firon at masayang pinalaki ang kanyang negosyo habang tumutulong sa ibang tao,

"Hanggang sa kanyang pagtanda ay nagbibigay ng saya sa kanya ang bawat bugso at patak ng ulan, at ang makukulay na bahaghari sa langit," pagtatapos ni Mng. Ester sa kwento.

"Ilang beses na niyang kinukwento iyan dito sa piitan, at ang kwentong iyon ay ang kwento ni Hesia, ang Diyosa ng Pag-aani, na siyang sinasamba ng Pinileo tuwing pag-aani," dagdag ni Mng Ester.

"Totoo ho ba ang mga pangyayaring iyon?"