Chapter 36: Kabanata 36

PAGSAPIT ng gabi, nagising ako nang may napadaang daga sa aking mukha. Napakurap ako dahil wala akong makita. Mas umingay at naging malagim ang mga huni sa piitan. Hindi mo batid kung anong oras na, kung umaga o gabi, dahil tila walang liwanag ng araw ang nakakapasok sa aming kinalalagyan.

Naubos na ang huli at nag-iisang lampara sa piitan at tila walang hanggang kadiliman nalang ang aking nakikita. Tanging ang mga nagkikislapang mga mata lamang ang iyong maaaninag.

"PATAWARIN MO AKO!"

"TULONG,"

"H-HUWAG!"

Ilan sa mga salitang aking naririnig sa kadiliman kasabay ang mga walang tigil na sigawan at iyakan. Kaliwa't kanan rin ang huni ng mga bakal na animo'y pilit na binabaklas ng mga bilanggo. Nagsimula nang sumikip ang aking dibdib, 'di ako makahinga ng maayos, at maraming bagay ang naglalaro sa aking isipan. Napatakip ako sa aking mga tainga ngunit patuloy parin ang naririnig kong ingay sa paligid.

"Ang mga naririnig mo ay hindi sigaw ng mga nabubuhay, ang ilan ay nagmula sa mga sumakabilang buhay na." Isang boses ang aking narinig, sigurado akong si Mng. Ester iyon.

"A-ano pong ibig niyong sabihin?" Bakas sa akin ang takot at pangamba.

"Maraming tao na ang namatay rito sa piitan. Nagsimula sa isa , daan , libo, at hindi na mabilang-bilang. Ang mga iba ay mga inosente at walang awang pinatay nang walang paglilitis," saad niya. Ramdam ko ang panginginig ng kanyang boses na animo'y may halong lungkot, takot, at galit.

Nanlaki ang aking mga mata nang mula sa dilim ay nakakita ako ng hindi maipaliwanag na nilalang. Napatigil ito at tumingin sa akin gamit ang maamong mga mata. Mabilis na kumalabog ang aking dibdib nang maging pula ang mga ito at tunay na nakakakikabot. Nanginginig na ang aking tuhod dahil sa aking nakikita, ramdam ko ang mga tumutulong pawis sa aking mukha.

Nagpakawala ito ng nakakapanindig balahibong dagundong na pumapasok sa aking sistema. Hindi ko na kinakaya ang mga nangyayari.

"M-Mng Ester?" nauutal kong pag-aalala at rinig na rin ang huni ng mga posas dahil sa aking panginginig. Napaatras ako at isinuksok ang aking sarili sa sulok na puno ng mga dayami dahilan upang magtakbuhan ang mga daga rito.

Papalapit ito nang palapit sa akin habang abot-tainga ang ngiti na nagpalitaw sa mahahaba at matutulis nitong mga ngipin. Matatalim ang mga kuko nito at ang mahaba niyang dila ay umaabot sa kanyang baba. Tumatawa-tawa rin ito sa hindi malamang dahilan na mas lalong nagpapakilabot sa akin.

Malalakas ang kanyang mga binti, mabalahibong katawan, at nagdurugong mata. Pilit kong ipinipikit ang aking mga mata ngunit walang nagbabago, kadiliman parin ang aking nakikita at ang nilalang na dahan-dahang lumalapit sa akin.

"T-tulong! Wag kang lumapit!" sigaw ko. Nagsimula nang kumabog nang mabilis ang aking dibdib, hinahabol ko ang aking hininga, at nagsinula nang mag-init ang aking mga mata sa takot. Hindi ko na maiwasang maluha.

"Huwag kang matakot, Elersa," ani ni Mng. Ester.

"Mapaglaro ang ating mga mata, lahat iyan ay walang katotohanan." Napakapa ako sa aking paligid, kumuha ng mga kumpol kumpol na dayami at ihinahagis sa nilalang na ngayo'y papalapit sa akin.

"Sadyang gumagawa lamang ng ilusyon ang ating utak sa gitna ng kadiliman." Nakapikit parin ako at dahan dahan kong binuksan ang aking mga mata nang makarinig ako ng pagbukas ng lagusan. Sunod-sunod ang mga yapak na umaalingaw-ngaw sa buong piitan, mukhang may pumasok.

May liwanag ang dahan-dahang lumalakas na animo'y papalapit sa amin gawa ng lampara. Sa tulong nito ay nawala ang nilalang na papalapit sa akin na animo'y naglahong parang bula. Tumahimik rin ang buong piitan na animo'y nakiki-ayon sa aking nararamdaman.

"Ilan ang namatay ngayon?" boses ng isang pamilyar na boses ng kung saan nanggagaling ang liwanag.

"Lima po, isang babae at apat na lalake," sagot ng isang lalake. Rinig rin ang mga metal na uniporme nila na animo'y may matataas na posisyon sila sa Kaharian. Dinaanan nila ang aming kinalalagyang bilangguan dahilan upang maliwanagan ng apoy ang buong selda.

Namukhaan ko ang isang lalake na may hawak na isang lampara. May tatlong guwardiya sibil sa kanilang likuran na siyang nagiging gabay nila sa kapamakahan. At ang dalawang saserdote (pari) na nasa kanilang likuran. Lahat sila ay may takip sa kanilang nga ilong at bunganga na animo'y hindi nila nais maamoy ang mabahong hangin sa loob.

Napatakip ako sa aking bibig nang makilala ko ang isang lalake.

"Malapit na po tayo," saad ng Heneral.

"Nasaan sila?" tanong muli ng kanilang pangulo na ngayo'y nauuna nang naglalakad. Hindi ko siya mamukhaan dahil sa lakas ng liwanag na tumatama sa kanyang mukha. Napaisip ako kung isa siyang makapangyarihang persona, ngunit wala akong makitang korona sa kanyang ulo.

"Dito na ho tayo," sagot ng Heneral at tumigil sila sa isang kulungan. Ibinaba ng lalake ang kanyang lampara sa sahig at inayos ang kanyang kasuotan. Sumenyas ang Heneral sa mga guwardiya sibil na buksan ang kulungan na agad rin nilang sinunod.

"Ilabas niyo sila," makalmang sagot ng lalake. Dali-daling pumasok sa loob ang tatlong guwardiya sibil at pilitang hinila ang dalawang bilanggo. Nagpupumiglas ito sa galit ngunit hindi sapat ang kanyang lakas upang sila'y malabanan.

"Mga demonyo! Bitiwan ninyo ako!" sigaw ng isa sa bilanggo na umaalingawngaw pa sa piitan, dahilan upang pagsusuntukin siya ng isa sa mga guwardiya sibil. Natahimik ang bilanggo at napaubo ng dugo sa dahil sa suntok na natamo niya rito. Payat ang dalawang bilanggo may kaputihan, mahahabang balbas, at madudungis na damit. Pinaluhod sila sa harap ng lalake habang sila'y nakatingin lamang sa sahig.

"Sino ang nag-utos sa inyo na gawin niyo iyon!?" sigaw ng kanilang pangulo at isang malakas na sampal ang kanilang natamo. Hindi umimik ang dalawang lalakeng bilanggo. Akmang ilalabas ng isa sa mga guwardiya sibil ang kanyang matalim na espada ngunit pinigilan siya ng kanilang pangulo.

"Sino!?" muling tanong ng sa tingin ko'y kanilang pangulo sa naiinip na boses.

"Demonyo kayo!" sigaw ng isang bilanggong kanilang hawak at lihim na inilabas sa kanyang damit ang isang patalim at akmang sasaktan nito ang lalake ngunit napigilan ng mga guwardiya sibil. Nagwawala ang bilanggo at kitang-kita sa kanyang mga mata ang matinding galit na tila nagpapakulo sa kanyang dugo.

"Ano pong gagawin natin?" tanong ng Heneral at tumingin sa kanilang pangulo. Napangitin ang kanilang pangulo at tiningnan ang bilanggong pinagsamantalahan ang kanyang buhay.

"Paslangin niyo siya," makalmang saad ng kanilang pangulo na aking ikinagulat. Napatakip ako sa aking bibig dahil sa aking narinig. Sumenyas naman ang Heneral sa mga guwardiya sibil na agad nilang sinunod.

"Mas ninanais kong mamat*y alang-alang sa aking pamilya, sa aking mga minamahal, sa aking mga kaibigan, at sa bawat mamamayan ng Pinileo!" sigaw ng bilanggo sa pangulo. Isang guwardiya sibil ang humawak sa kanyang magkabilang kamay at pinaluhod sa ngalan ng kanilang pangulo. Naglabas ng isang mahabang espada ang isang guwardiya sibil.

"Malapit na ang iyong wakas , at hindi na ito magbabalik magpakailan pa---" hindi na naituloy ng bilanggo ang kanyang sasabihin nang mabilis na nahiwalay ang kanyang ulo sa kanyang katawan. Tumindig ang aking balahibo, at nanlaki ang aking mga mata dahil sa aking nakita.

Nagulat rin ang lalakeng kanyang katabi na inilaki ng kanyang mga mata. Iniwas ko ang aking mga mata at nakita ko ang anino ng kanyang ulo na hawak ng isang guwardiya sibil. Walang tigil ang pagtagak ng dugo na sa kanyang leeg na aking nakikita mula sa liwanag ng apoy. Kita rin ang pagkahulog ng kanyang kwentas sa sahig na kanyang suot-suot. Nananatili paring nakaluhod ang katawan ng bilanggo katabi ang nanginginig na lalake.

Binuksan nila ang isang kahon at doon inilagay ang dumurogong ulo ng bilanggo. Mula sa liwanag ng lampara ay akin paring nakikita ang mga kaganapan. Lumapit ang pangulo sa katawan ng bilanggo at sinipa ito. Napatakip ako sa aking bibig dahil sa mga nangyayari. Nanginginig ang aking katawan, walang tigil na pawis, at kumakalabog na dibdib ang aking dama.

"Ilabas niyo siya at sunugin sa kagubatan," saad ng kanilang pangulo. Binalot ng tela ang katawan ng bilanggo na agad na pinalibutan ng dalawang saserdote (pari) at binigyan ng mabilisang dasal.

"Ibalik siya sa kulungan," utos ng Hari at itinuro ang isa pang bilanggo. Sumunod naman ang mga guwardiya sibil at kinalakadkad siya papasok ng kulungan.

"At hanapin niyo ang kanyang pamilya," dagdag ng kanilang pangulo dahilan upang magwala ang lalake sa loob, na animo'y anumang oras ay maaari niyang mapasl*ng ito. "Anong masasabi mo?"

"Huwag na huwag niyong sasaktan ang aking pamilya! Ni huwag ninyo silang hahawakan! Isinusumpa ko kayo!" sigaw ng bilanggo at pilit inaabot ang lalake sa labas ng kulungan. Matalim ang kanyang tingin habang nagpupumiglas sa loob ng kulungan.

"Aking gagawin kung aking ninanais."