Chapter 35: Kabanata 35
NAKATAYO ako sa isang pasilyong punong puno ng maraming tao. Ang ilan ay nagsisiksikan na animo'y lahat ay may isang importanteng bagay na hinahabol. Nagulat nalang ako nang may tumapik sa aking likod, isang lalake. Hindi ko siya makilala dahil tila malabo ang kanyang mukha. Nginitian niya ako at nagsimulang magsalita ng mga salitang hindi ko lubos maintindihan.
"Wala pa ba yung tren? Tagal naman..." aniya.
Lumubog na ang araw kasabay ang pagdilim ng paligid, unti unti namang may sumiklab na puting liwanag sa kisame na animo'y hile-hilerang bilog na buwan na nagbigay ng liwanag sa paligid.
Isang malakas na tunog mula sa kalayuan ang nagpa-alarma sa maraming tao at ang huni ng mga kabit-kabit na metal sa lupa na ngayo'y nanginginig na animo'y may paparating na isang malaking bagay. Mula sa kalayuan ay nakita ko ang isang mahabang bagay na mabilis na lumalapit sa aking kinatatayuan.
Agad na hinila ng lalake ang aking kamay at nakikipagsiksikan kami sa kumpol kumpol ng maraming tao. Isang malakas na boses ang aking narinig sa paligid na narinig rin ng mga tao, ngunit hindi ko maintindihan.
"Good evening passengers, it's already 8 pm in the evening and the LRT-1 will take it's last trip for today. For further announcement, the LRT-2 will not be operating tommorow, June 12, 2021, due to a malfunction. Have a safe trip, thank you!"
Malaking bagay ang mabilis na huminto sa aking harap at ang pagbukas ng mga lagusan nito. Iniluwal nito ang maraming tao na nagsisibilisang lumabas kasabay ang pagragasa rin ng maraming tao paloob.
Napatingin ako sa salamin na nasa aking harapan at nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang aking sariling walang emosyon na nakatingin rito. Suot ko ang isang kasuotan na ngayon ko lang rin nakita. Sinubukan kong gumalaw ngunit hindi ko makontrol ang aking sarili, pinipilit kong bumitaw ng mga salita ngunit walang lumalabas sa aking bibig.
Nagsimula nang bumuhos ang malakas na ulan, kasabay ang marahang pag-ihip ng malamig na hangin. Ang mga puno sa paligid, ang mga bulaklak, at ang mga damo ay tila nagsisiyahan sa dalang tubig ng ulan.
Napatingin akong muli sa aking sarili at hindi ko lubusang maunawaan. Biglang tumulo ang aking luha mula sa aking mga mata, hindi ko alintana ang buhos ng ulan na dumadampi sa aking katawan.
Nagsalita ang lalakeng kasama ko kanina sa aking likuran ngunit hindi na maawat ang aking pagtangis.
"Binibini..." tawag niya ngunit hindi ko ito pinansin.
"Binibini..." ulit niya.
"Binibini, gumising ka," naalimpungutan ako dahil sa boses ng isang lalake na ngayo'y nasa aking tabi. Iminulat ko ang aking mga mata at tiningnan ang paligid. Nasa isang madilim na lugar ako, at iisang lampara lamang sa labas ang aking naaaninag mula sa loob. Nakaupo ako sa sahig na puno ng mga dayami at rinig mula sa mga sulok ang huni ng mga daga.
"Nanaginip ka Binibini," wika ng lalake. Agad agad akong bumangon at tumayo sa pagkakaupo ngunit napagtanto kong nakaposas ang aking magkabilang-kamay.
"Nasaan ako? Nasaan tayo?" -nababahala kong tanong sa lalake- "at sino ka?" dagdag ko.
"Hindi mo alam?" tanong niya. Napakamot pa ako sa ulo dahil wala akong maalala, hindi ko batid kung ano ang mga nangyayari.
"Nandito ka ngayon sa piitan (dungeon), kung saan ang pag-asa ay hindi na masisilayan," saad ng lalake. Sa tingin ko'y siya'y nakaposas rin dahil sa metal na aking naririnig sa kanyang gawi. Sobrang dilim ng paligid, tanging ang sumasayaw na apoy ng lampara lamang sa labas ang nagbibigay liwanag sa loob.
Hindi ko maaninag ang kanyang mukha ngunit dahil sa kaunting liwanag ay nakita ko ang lalakeng litaw na ang mga buto, may mahabang bigote, at may kaliitan. Sinubukan kong kumawala mula sa aking pagkakaposas ngunit mainam ang matigas na metal nito.
"Huwag mo nang subukang tumakas, hintayin nalang natin ang ating kamatayan," wika ng lalake at tumawa-tawa pa na umaalingawngaw sa paligid. Rinig rin ang mga hiyaw ng mga tao mula sa labas na animo'y puno ng kalungkutan at pagsisisi. Ang buhos ng ulan, kidlat, at kulog ay naririnig rin mula sa loob.
May ilan ring tumatawa, umiiyak, sumisigaw, at mga walang sawang nagsasalita na animo'y puno ng iba't ibang emosyon. Sa sulok ay may isang bangkay ng isang taong pinagpi-piyestahan ng mga daga na nagbibigay ng maalinsangang amoy sa paligid.
"Hindi! Kailangan kong makalabas rito!" sigaw ko at napailing iling lamang siya.
"Salamat Lario," wika ng lalake nang may lumapit na isang puting pusa sa kanya. Kinuha niya ang tinapay na nasa bibig nito at ginulo-gulo ang balahibo nito sa ulo. Pagkatapos ay lumapit ang puting pusa sa lalake at humiga sa mga binti bito. Dali-daling kinain ng lalake ang tinapay na animo'y wala nang bukas.
Napatingin ako sa pusang mahimbing na natutulog sa kanyang mga binti. Nagtaka ako sa di malamang dahilan.
"H-hindi ba't iyan ang kaibigan ni Prinsipe Aelino?" tanong ko na nagpakunot ng kanyang noo at nagpalaki ng kanyang mga mata. Napahinto pa siya sa pagkain at tiningnan ako.
"Dumating na ang mga Prinsipe?!" gulat niyang tanong at mabilis na tumayo at lumapit sa akin. Nataranta naman ang pusang kanyang pasan dahil sa hindi inaasahang pagtayo ng kanyang amo.
"Papalapit na..." mga salitang nagpatindig ng aking mga balahibo, idagdag mo pa ang malalim niyang boses na tila pumapasok sa aking isipan.
"A-ano po ang iyong ibig sabihin?" tanong ko sa kanya. Nginitian niya lang ako na aking ipinagtaka.
"Papalapit na ang panahon ng pagtatanim. Maraming tinik ang bubunutin sa lupa, at mamayagpag ang mga mabubuting trigo sa buong kalupaan," aniya at natatawa-tawa pa dahil sa tuwa.
"A-ano po ang iyong ibig sabihin?" tanong kong muli. Tapos na ang pag-tatanim ng trigo (wheat) ngayong tag-ulan, at hindi ko maunawaan ang kanyang mga sinasabi.
"At n-nasaan po tayo?!" nauutal kong tanong, bakas sa aking pagsasalita ang kaba at takot. Hindi ko na alam ang aking gagawin, nababahala na ako sa mga nangyayari.
"Tayo'y nasa piitan. Ang pinaka-katago-tagong lugar sa Kastilyo," sagot niya, napatango tango naman ako at inilibot ang aking paningin sa kadiliman. Kaya naman pala madilim ang buong paligid, siguradong nasa ilalim ng lupa ang piitan.
"Kailangan kong makalabas."
"Ilang metro ang lalim ng piitan, wala pang sinuman ang nakakalabas ng buhay. At kung makakalabas ka man, ay tiyak na wala kang kawala sa mga guwardiya sibil," dagdag niya. Tila nanlamig ang aking katawan dahil sa aking mga narinig.
"Biro lamang, ang iba ay nagiging alipin sa mga barkong pandigma at pangkalakal, magsisilbi sila roon habambuhay nang walang karampatang bayad," aniya at tumawa tawa pa.
Anong nakakatawa?
Hindi ko alam kung magagaanan ba ang aking isip dahil sa kanyang sunod na sinabi, gulong gulo na ako. Nakukuha niya pang magbiro kahit hindi mabuti ang aming kalagayan.
"May ilan ring nagbabayad ng abogado upang humarap sa hukuman, iyon ang tanging paraan upang makalaya sa pagkakabilanggo," dagdag niya. Napatango-tango naman ako, imposibleng makapagbayad ng mataas na presyo ang aking pamilya upang ako'y makalaya.
"Akin ang pusang ito, Lario ang kanyang ngalan," aniya at hinipo hipo ang puting balahibo nito na nagpapahuni rito.
"At Ester naman ang aking ngalan, ikaw ba... Anak?" dagdag niya. Tila may isang malamig na hangin ang dumampi sa aking katawan nang marinig ko ang huling salitang kanyang binanggit. Naaalala ko si Ama.
"E-elersa po," sagot ko at tumingin ako ng deretso sa kanyang mga mata.
"Oh? Bat ganyan ka makatingin?" tanong niya at napatawa-tawa pa habang ngumunguya.
"Naaalala ko lang po si Itay, si Inay, at ang aming buong pamilya," wika ko. Napabuntong hininga siya at napahalukipkip.
"Makikita mo rin ang pamilya mo, sa kabilang buhay nga lang." Tinaasan ko siya ng kilay dahil sa kanyang sinabi, siya nama'y tuloy parin ang tawa na napapahawak pa sa kanyang bilugang tiyan. Buto't balat man ang kanyang pangangatawan ay agaw-atensyon ang kaniyang malaking tiyan.
Tumigil ang kanyang pagtawa dahil sa sunod sunod na kanyang pag-ubo. Napatingin ako sa kanyang palad na puno ng dugo, sigurado akong may dinadamdam siyang karamdaman.
"A-ayos lang ho kayo?"
"Walang problema."