Chapter 34: Kabanata 34
MABILIS na dumaan ang hapon. Nananatili paring sariwa sa akin ang naging tensyon sa silid ni Prinsipe Aelino, mukhang wala na akong maihaharap na mukha sa kanya. Bumababa na ang araw sa mga bulubundukin at nagiging kahel na ang kalangitan.
Nakadungaw ako sa dalawang dangkal na bintana sa silid ni Haring Esmael, habang siya nama'y matagal nang tulog sa kanyang higaan. Nagkalat ang mga kagamitan sa sahig, pati na rin ang mga nabasag na plato na hanggang ngayon ay hindi pa nalilinis.
Walang anumang malalaking bintana sa kanyang silid, dahil anumang oras ay maaari niya itong ikapahamak. Hindi rin pinapahintulutan ang mga matatalim na bagay sa loob ng silid. Nakaramdam ako ng awa sa Hari, pag-ibig ba talaga ang dahilan nito?
Hawak ko ang paynetang isinuot sa akin ni Prinsipe Aelino at agad ko itong nabitawan sa sahig nang may pumasok na salita sa aking isipan mula kay Prinsipe Aelino.
'Walang anumang bakas ng pagnanakaw sa umagang iyon'
Iyan ang paulit-ulit na aking naririnig sa aking isipan. Tila tumigil ang tibok ng aking puso nang mapagtanto ko ang kahulugan ng mga salitang binitawan ni Prinsipe Aelino.
Batid na niya.
Alam na niyang ako ang salarin sa pagkawala ng kanyang singsing. Nanghina ang aking mga tuhod at dahan dahan akong napaupo sa sa sahig. Ramdam ko ang pag-init ng aking mga mata at diko na namalayan ang mga luhang pilit kong pinipigilan sa aming huling pagkikita.
Napayuko nalang ako at yinakap ang aking mga tuhod, tila lumalamig na ang paligid kasabay ang mga salitang binitawan ni Prinsipe Aelino na pilit gumugulo sa aking isipan.
"Walang bakas,
" ng pagnanakaw,
"sa umagang iyon."
Walang bakas ng pagnanakaw sa loob ng Kastilyo dahil nangyari ito sa labas, sa gitna ng kay-gandang umaga. Paano niya nalaman na sa umagang iyon nawala ang kanyang singsing? Pinagtatakpan niya ba ako? Dumagdag pa sa aking isipan si Abela na animo'y mayroon ring nalalaman, sa bawat tingin niya kanina ay nagpapahiwatig na siya'y may nalalaman.
Sa pagkakaalam kong walang sinuman ang nakakita, ay diko inaasahang maraming magiging saksi sa paligid. Madilim na ang silid, gumagabi na kaya't kailangan kong sindihan ang mga lampara. Pilit akong tumayo ngunit nasagi ko ang ilang nabasag na pinggan sa sahig dahilan upang magdurugo ang aking palad.
Napapikit nalang ako sa sakit, at pinilit akong tumayo upang sindihan ang mga matataas na lampara. Mataas ang kinalalagyan nito upang hindi ikapahamak ng Hari. Kinailangan kong tumungtong sa isang upuan at sinindihan ang mga lampara.
Laking gulat ko nang may magsalita sa aking likuran dahilan upang hindi ko mabalanse ang aking pagkakatayo at gumewang gewang ang upuan. Napapikit nalang ako at napahiyaw sa kaba, ramdam ko ang mainit na katawan na sumalo sa akin.
Mula sa liwanag ng nagliliyab na lampara ay naaninag ko ang kanyang mukha.
Prinsipe Jobel.
Nagkatitigan kami ng ilang segundo at tila may karayom na tumutusok sa aking puso sa hindi malamang dahilan kasabay ang upuang nagpapatuloy parin sa paggewang hanggang sa ito'y matumba sa sahig. Napatingin siya sa paynetang nasa sahig at dahan dahan itong pinulot. Mainam niya itong ibinabalik sa aking buhok, napakunot nalang ako ng noo nang masaktan ako sa pagkakabit niya ng payneta.
"Paumanhin, paano ba ito?" tanong niya na may halong ngiti sa labi. Agad siyang napatingin sa aking kamay na nagdurugo dahilan upang nanlaki ang kanyang mata sa gulat.
"Anong nangyari sa kamay mo?" tanong niyang muli ngunit tinaasan ko lang siya ng kilay. Hindi ko ba alam, palaging mainit ang dugo ko sa kanya.
"Nakikita mo naman hindi ba?" pagtataray ko na ikinangisi lang niya.
"Nais mo na 'atang mag-alaga ng tupa sa inyong bukirin ha?" pagbabanta niya sa akin. Napatingin ako sa kanya nang may pagtataka ngunit nginitian niya lang ako.
"Oh? Bakit ganyan ka makatingin?" tanong niya habang patuloy na sinusuri ang aking kamay. Wala naman 'atang nagbabago sa sugat ko, pinapanood niya lang naman. Baka wala talaga siyang alam sa panggagamot, di tulad ng kanyang kapatid.
"Naikwento sa akin ng Inay Bersa mo, mas gusto mo nalang raw sanang mag-alaga ng tupa kaysa dito sa Kastilyo," lalo akong nagulat sa sinabi niya at binawi ko ang kamay ko sa kanyang pagkakahawak na kanyang ikinagulat. Kinuha ko ang telang nakatali sa aking pulsuha at pinunit ito gamit ang aking bibig, at itinali sa maliit na sugat sa aking daliri.
"Nag-uusap kayo ni Inay?" tanong ko. Tumayo siya at isinabit sa pader ang lamparang isinasabit ko kanina, matangkad rin siya gaya ng kanyang kapatid kaya't hindi niya na kailangang tumungtong sa anumang bagay.
"Oo naman, naikwento nga ng Inay mo sa akin na takot ka daw sa ulan at kidlat?" Napabuntong hininga ako sa kanyang sinabi, hanggang saan kaya maikwu-kwento ni Inay ang aking talambuhay?
"Patawad," maalumanay niyang saad at nakaramdam ako ng lungkot at tila kumirot at nanikip ang aking dibdib.
"Walang pong problema, Prinsipe Jobel.." iyon nalang ang aking nasabi. Laking gulat ko nang sumigaw siya sa loob ng silid.
"Totoo ba ang narinig ko?! Tinawag mo akong Prinsipe?!" malakas niyang tanong na halos ikagising ng kanyang Lolo.
"Ano bang ibig mong sabihin, ha? At manahimik ka nga! May natutulog," pagsuway ko sa kanya.
"Wala, naninibago lang. At ang sarap lang makarinig ng salitang 'prinsipe' galing sayo," sagot niya.
"Baliw!" sambit ko at akmang sisikuin na siya nang maurongan niya ito. Napatingin siya sa paynetang nakasabit sa aking ulo nang may pagtataka.
"Kay gandang payneta mula sa Hirsea," wika niya at tinitigan uli ang paynetang nasa aking ulo. Ilang segundo ang lumipas ay nakarinig kami ng mga sunod-sunod na mga yapak mula sa labas na papalapit sa silid, kasabay ang mga huni ng espada. Nagkatinginan kami ni Prinsipe Jobel nang huminto sila sa labas ng silid at kita mula sa baba ng pintuan ang kanilang mga panyapak.
Bumukas ang pinto at tumambad sa amin ang dose-dosenang mga guwardiya sibil at ang Komandanteng nasa gitna.
"Arestuhin niyo ang mamamatay taong iyan!" malakas na sigaw ng komandante at itinuro ako. Hindi ko na marinig ang paligid na animo'y nawala na ako sa aking uliran , at hindi na ako makagalaw dahil sa mga pangyayaring hindi ko lubos maintindihan.
Agad na tumayo si Prinsipe Jobel at hinarangan ang mga guwardiya sibil na papalapit sa akin, ngunit itinulak siya ng mga guwardiya sibil dahilan upang mapadapa siya sa sahig.
Hinawakan nila ang magkabila kong mga kamay at linagyan nila ng taklob ang aking ulo dahilan upang kadiliman lang ang aking makita. Pilit nila akong itinayo kahit pa man nanlalamig na ang aking katawan kasabay ang patuloy na pagsisigaw ni Prinsipe Jobel na hindi ko maintindihan.
Kinaladkad nila ako papalabas kahit wala akong nakikita. Pagkalabas namin ng silid ay naaninag ko ang mukha ni Abelang nakangiti mula sa maliliit na butas ng tela. Maraming mga taga-Kastilyo ang nagsilapitan at rinig ko parin ang sigaw ni Prinsipe Jobel mula sa loob ng silid.
Naaninag ko rin ang mukha ni Prinsipe Aelino na nakatayo sa kalayuan na animo'y naestatwang nakatingin sa akin.
Sa huling pagkakataon ay narinig ko ang boses ni Inay na sinisigaw ang aking pangalan na tila nagpagising sa akin.
Wala akong maintindihan, diko lubos maunawan. Ngunit natagpuan ko ang sarili kong nagwawala, nagmamakaawa, at lumalaban mula sa pagkakahawak ng mga guwardiya sibil.