Chapter 33: Kabanata 33
"HAYSST! Nakakairita naman ang lalakeng 'yon!" naiinis na sigaw ni Abela habang pinupunasan ang bawat haligi ng silid. Hindi matigil ang kanyang pagsimangot at nagsisimula na rin siyang mamawis dahil sa init. Agad niyang tinakpan ang kanyang leeg nang titigan ko ito.
"Mabuti na ang iyong leeg? Kay bilis namang gumaling," ngiti ko sa kanya at tumango naman siya nang may isang pilit na ngiti.
Kay bilis namang maghilom. Ano iyon? Isang salamangka? Milagro?
Maalikabok ang hangin dahilan upang mapabahing siya at mapakamot sa namumula niyang ilong. Malapit na niyang matapos ang kanyang ginagawa at maayos na rin ang pagkakaayos ng ilang kagamitan sa loob ng silid.
"Tutulungan na kita," paanyaya ko sa kanya. Kinuha ko ang pamunas sa gilid at nagsimula na ring punasan ang ibabaw ng mga mesa.
"Minsan, dapat kailangan mo ring humingi ng tulong ng iba." Naglupasay ako at nagsimulang punasan ang ilalim ng mesa, maging ang mga paa nito, at ang mga haligi nito. Pagkatapos ay tumayo ako't inayos ang mga gamit na nakakalat sa kabilang mesa.
Nakuha ng aking atensyon ang isang itim na aklat na nakahalo sa iba pang mga aklat.
May nakaguhit na singsing sa takip nito at masasabi kong napakaluma na nito. May ilan ring nagkalat na papel na nakaguhit ang iisang larawan ng singsing gamit ang tintang nasa tabi nito. Ang mainit na gatas ay nagbibigay parin ng usok at animo'y hindi pa ito nagagalaw.
Napatingin ako kay Abela na nakatihaya na sa isang mahabang upuan, mukhang nakatulog na. Hindi ko alam pero may bagay na pumasok sa aking isipan upang sunod-sunod kong ibukas ang mga drawer at nanlaki ang aking mga mata nang tumambad sa akin ang singsing na minsan ko na ring napasakamay.
Bukod tangi ang kinang ng pulang bato nito na maayos na naikabit sa bilog na metal.
"P-paano ito napunta rito?" Mahina kong tanong sa aking sarili. Nakarinig ako ng sunod-sunod na yapak ng isang taong papalapit sa pintuan dahilan upang bigla akong makaramdam ng pangamba. Pagbukas nito ay tumambad si Prinsipe Aelino at mabuti nalang dahil agad kong naisara ang mga drawer at dali-daling nagkunwaring nagpupunas sa mga bagay bagay.
Paano niya ito napasakamay? Paulit ulit na tanong na naglalaro sa aking isipan habang nanginginig at wala sa sariling nagpupunas. Ngunit bakit patuloy parin niyang ipinapahanap ang singsing bagama't nasa kanya na ito? Kailan pa? Pilit kong binubura sa aking isipan ang mga sunod-sunod na tanong na lalong nagpapakaba sa akin.
"Sa tingin ko'y pwede na to," wika ni Prinsipe Aelino na agad na ikabangon sa gulat ni Abela. Dali dali niyang kinuha ang pamunas at nagkunwari ring nagpupunas kung saan-saan. Pareho na kaming nagkukunwari.
"Ilang araw na lang rin naman akong mamamalagi rito," dagdag niya na nagpakirot sa aking dibdib. Napatingin siya sa akin ngunit agad ko ring binawi ang aking tingin. Binitawan ko ang pamunas at akmang aalis na ako ng silid ngunit pinigilan niya ako.
"Mahimbing na siyang natutulog," aniya Aelino na tinutukoy ang kanyang Lolo. Naglakad siya papalapit sa aking harapan at ang tanging ang kanyang balikat lamang ang aking nakikita dahil sa kanyang tangkad.
Lumingon siya sa malawak na bintana ng kanyang silid at dahan dahang naglakad rito. Napatingin si Abela sa paynetang nasa aking ulo at animo'y nagtataka. Malakas na hangin ang pumasok sa silid kasabay ang tahimik at walang imikan naming tatlo. Nanlaki ang mata ko nang agad na lumapit si Abela kay Prinsipe Aelino sa harap ng bintana.
"Limang taon na ang nakalilipas, may isang prinsipeng napaibig sa babaeng iniligtas niya sa talampas," panimula ni Abela sabay ngiti at umusog nang kaunti papalapit sa Prinsipe.
"Ilang buwan ang lumipas ay nasungkit niya ang puso ng babae, at nagmahalan sila ng lubos na animo'y di mapapantayan ng sinuman,"pagpapatuloy ni Abela at lumipat sa kanang tabi ni Prinsipe Aelino.
Napahinga nang malalim ang Prinsipe kasabay ang pagtirik muli ng araw na kanina lang ay nagtatago sa kaulap-ulapan.
"Ngunit nagbago ang lahat nang dumating ang kanyang kapatid..." wika ni Abela at hinawakan ang kamay ni Prinsipe Aelino na sabay naming ikinagulat.
"Ang lahat ay nauwi sa kamatayan," pagtatapos ni Abela at nginitian si Prinsipe Aelino sa hindi ko malamang dahilan. Agad na kumawala ang Prinsipe sa pagkakahawak ni Abela at tiningnan ang kanyang kamay kasabay ang walang sawang pagngiti ni Abela na animo'y natutuwa sa kanyang ginawa.
"Ni Elena..." dagdag ni Abela.
Linayuan nang tuluyan ni Prinsipe Aelino si Abela at agad na nagtungo sa kanyang mga kagamitan. Nagtataka ako sa kanyang kinikilos, agad siyang nataranta at tila may isang bagay na hinahanap sa lamesa. Sa kanyang pagmamadali ay nasagi niya ang tasa ng gatas na agarang umapaw sa lamesa at tumulo sa sahig. Binuklat niya ang kanyang mga libro at sunod-sunod na binuksan ang mga cabinet.
Napahinto siya kung saan naroroon ang kinalalagyan ng singsing. Tiningnan niya ako at dahan dahan rin itong isinara.
"A-ayos ka lang ba Kamahalan? May masama ba sa iyo?" nauutal at nangangamba kong tanong. Kita ko sa kanya ang pamumutla sa hindi ko malamang dahilan.
"A-ayos lang ako" sagot ni Prinsipe Aelino sabay ngiti sa akin. Kinuha niya ang puting tela at pinunasan ang malagkit na gatas sa kanyang lamesa. Akmang tutulungan ko na siya nang pigilan niya ako.
"Nakapagtataka lang, sino kaya ang nagnakaw sa iyong singsing, Prinsipe Aelino?" nagtatakang tanong ni Abela sabay lingon sa akin na tila may ipinapahiwatig. Mayroon siyang nalalaman? Napabuntong hininga naman si Prinsipe Aelino at napatigil sa kanyang ginagawa.
"Walang bakas ng pagnanakaw sa umagang iyon," sagot ni Prinsipe Aelino na tila pinapagaan ang tensyon. Tumingin sa akin si Abela.
"Tila mahalaga ang singsing na iyon para sa iyo, Kamahalan," -napatigil siya saglit at ngumisi- "hindi lamang sa makinang na bato ang aking tinutukoy, ngunit mayroon pa." Agad na naging walang emosyon ang mukha ng Prinsipe.
"W-wag na nating pag-usapan ang bagay na iyan," nauutal na sabi ni Prinsipe Aelino sabay tingin sa akin.
"Bakit? May ipinagtatanggol ka ba
, Kamahalan?" magalang na tanong ni Abela ngunit bakas parin ang tila nakakainsultong pahayag nito. Nakita kong tila nag-iinit na ang ulo ni Prinsipe Aelino at napahawak siya ng madiin sa telang kanyang hawak.
"Sabing wag na nating pag-usapan iyan. Iyan ang utos ko, hindi ka ba nakakaintindi?" Makalma pa rin ang kanyang tono kahit ramdam ko ang kanyang inis. Ngumiti lamang si Abela at lumapit sa Prinsipe, kinuha niya ang tasa sa lamesa at nagbigay galang.
"Paumahin po Kamahalan sa aking inasal, ako'y lalabas na muna," magalang na wika ni Abela at dali-daling lumabas ng silid. Akmang lalabas na rin ako nang tawagin niya ang aking pangalan. Tila sa iisang segundo lamang ay libo-libong beses na akong nag-isip kung lilingon ba ako o hindi. Napatigil ako ngunit umalis na rin sa silid at iniwan si Prinsipe Aelinong mag-isa.